1 minute read
CDRRMO-SURIGAO, PINATUNAYAN ANG PAGKAKAISA NG IBA’T-IBANG AHENSIYA SA PAGTUGON NG MGA PANGANGAILANGAN NG MGA BIKTIMA NG TYPHOON ODETTE
By Jennifer P. Gaitano
Advertisement
Patuloy na nagkakaisa ang mga ahensiya ng gobyerno sa isinasagawang response operation sa mga apektadong lugar sa probinsya ng Surigao del Norte at Dinagat Islands.
Ito ang binigyang-diin ni Surigao City Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Threlcie Villaces na saksi mismo sa bawat tulong na natatanggap ng kanilang tanggapan.
Sa patuloy na koordinasyon ng CDRRMO sa iba’tibang ahensya ng pamahalaan, tiniyak ni Villaces na maayos na ang mga nasirang poste at mga nagkalat na debris dahil sa hagupit ng bagyong Odette. Sa sunud-sunod na clearing operations, madadaanan na muli ang mga daan sa Surigao City.
Siniguro din na agarang maibabalik ang kuryente, maging ang malinis na inuming-tubig sa kanilang lugar.
“Ang lahat ng bumubuo sa response cluster at committees lalo na ang rehabilitation ay aktibo. Ang ating mayor ay regular na nakikipagugnayan sa mga kawani ng Surigao del Norte Electric Cooperative at maging sa electric cooperatives mula sa iba’t-ibang probinsya kabilang na ang Davao City na nagpaabot din ng tulong. Tinutugunan din ang problema natin sa inuming-tubig,” ani ni Villaces.
Pinuri rin ni villaces ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Army (PA) at iba pang ahensiya sa walang tigil na pagbibigay serbisyo kahit karamihan sa mga ito ay naapektuhan din ng bagyong Odette. (JPG/PIA-Caraga)