1 minute read
MGA CARAGANON MAY HILING SA MGA KANDIDATO PARA SA MAY 2022 ELECTIONS
Ni Jennifer P. Gaitano
Matapos makapag-hain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ang mga kandidato para sa May 2022 Elections, nagpaabot rin ng kanilang suporta at pakiusap sa mga kandidato ang mga Caraganons na tugunan ang iba’t-ibang concerns sa rehiyon. Nakiusap ang magsasakang si Edwin Alwag ng Butuan City sa grupong ‘Bisaya Gyud’ Partylist na tulungan ang kanilang sektor na mabigyan sila ng mas malawak na oportunidad na ibahagi at ipakilala ang kanilang lokal na produkto sa ibang rehiyon maging sa ibang bansa upang patuloy na tumaas ang kanilang kita at ani. “Hiling namin na sana ay mabigyang pansin ng mga kandidato ang patuloy na pagbigay programa para sa mga magsasaka lalo na sa makinarya upang lumago ang sektor sa agrikultura. Patuloy sana naming maranasan ang pag-unlad kahit pa man matapos ang termino ni President Rodrigo Roa Duterte,” ani ni Alwag. Ayuda at maayos na polisiya na magbibigay ng mas malawak na oportunidad para sa mga tricycle drivers na mapaunlad din ang kanilang kabuhayan ang siyang tanging hiling ng driver na si Venerando Fiel sa Butuan City sa mga kandidato. Nahihirapan din ang mga katulad niyang tricycle driver na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic hanggang sa ngayon. “Sana ay mabigyan kami ng ayuda at maibalik sa dating rota ang aming biyahe sa pang-araw araw upang may sapat kaming kita at para hindi na mahirapan ang mga pasahero sa byahe,” banggit ni Fiel. Dahil dito, umaasa ang mga ‘Bisaya’ sa Caraga region na masigurong matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa larangan ng agrikultura, negosyo, sining at kultura nang hindi na sila makipagsapalaran sa kamaynilaan o mangibang-bansa para umunlad. (JPG/PIACaraga)
Advertisement