5 minute read
Hinabing Bituin
Cera Angely Rizardo
Prenteng nakapwesto ang buwan sa kalangitan ngunit hindi binabalot ng liwanag nito ang kapaligiran sapagkat niyayakap ng makakapal na ulap ang kabuuan ng himpapawid. Sa kabilang banda ay wala ring pagbabadya ng ulan. Tahimik ang paligid maliban sa mga kuliglig at mahinang musika na nagmumula sa isang tindahan sa hindi kalayuan. Hindi alintana ang dilim kay Lia na mag-isang nakaupo sa kinakalawang na mahabang upuan sa parke. Nakatulala lang sa hangin ang dalaga. Hindi malaman kung sadyang malalim ang iniisip niya o tinatanaw ang nagsasayawang ilaw mula sa mga gusali na nasasalamin sa tubig ng lawa na siyang pumapamagitan sa masiglang kabisera at kinaroroonan niya. Mapapansin sa kanyang tabi ang kuwadradong bagay na nasasabugan ng iba’t- ibang mga kulay na kung tititigan mo nang mabuti ay isang larawan. Kusa naman niyang niyakap ang sarili sa biglang pagdaan ng malamig na simoy ng hangin. Walang ano- ano’y bigla siyang napahagulgol dahil sa isipa’y sa wakas, nakalaya na siya. ---
Advertisement
“Dapat ikaw pa rin ang mangunguna sa buong klase mo," matigas na bilin ng ina habang nilalagay ang patong- patong na mga libro sa kanyang harapan. Pinagmasdan niya ang ina. Mahigpit ang kalamnan ng mukha nito na para bang malimit lang ngumiti. Sa unang kita mo sa ginang ay masasabing strikta ito ngunit hindi rin maitatanggi na maganda ang tindig at sopistikada. Talagang matagumpay sa buhay ang ina lalo na sa larangan ng negosyo nitong mga hinabing produkto na siya mismo ang nagdidisenyo. Natatandaan niya pa noong sampung- taong gulang siya; hangang- hanga siya sa ina nang may inuwi itong isang nakakamanghang bag. Maganda ang kombinasyon ng kulay nito at kahit walang gaanong dekorasyon ay nakaaakit pa rin sa paningin. “Ito ang isa sa mga pinakamagandang ginawa ko”. Maalala pa niyang puno ng saya ang tinig na ina, tanda kung gaano niya kamahal ang ginagawa. “Pero ikaw at ang Kuya mo ang titingkayad sa lahat ng mga obra ko. Kayo ang pinakadakila sa lahat.” Sa kabilang banda, ito ang linyang hinding- hindi niya makakalimutan. Nabago ang paningin niya sa pagkukumparang ito. Ganoon ba talaga? Isang produkto lang nga ba ang mga anak para sa kanilang magulang, kung saan ay ipinagkakandalakan sila sa mundo na parang sa isang kompetisyon ng mga pinakamagaling na manghahabi na supling? Hindi niya maintindihan.
“Siya nga pala, naasikaso ko na ang dokumento mo para sa kolehiyo. Ilang taon pa bago maging doktor ka kaya pag- igihan mo ang pag- aaral ” pahayag na naman ng ina. Nagulat ang dalaga at hindi agad nakagsagot. Labag man sa kalooban ay marahan na lamang siyang tumango. Mukhang mananatili na lamang sa kanyang panaginip ang pagmamahal niya sa sining at literatura sa kadahilanang hindi niya maaayawan ang batas ng ina. Para bang tuluyang kinuha ang kanyang boses at naging sunud- sunuran na lamang sa plawtang tinutugtog nito. Parang kinulong siya sa isang bote at itinapon sa dagat kung saan siya nanatiling nakalutang at naghihintay na matagpuan. Ilang beses niya ring sinubukang makawala ngunit nagpaghihinaan siya ng loob sa tuwing maririnig na hindi sapat ang kaalaman niya para mabuhay sa mundo. Mula noon, natuto na lamang siyang paniwalaan ang sasabihin ng iba lalo na ang opinyon ng ina. Natuto siyang isiksik ang sarili sa mundong ginawa ng iba. Simula nang nabuhay siya, pakiramdam niya’y hindi niya naging pagmamay- ari ang sarili.
Paulit- ulit na naging takbo ng buhay ni Lia ang pagpasok sa eskwela at pagurin ang sarili sa pag- aaral upang hindi madismaya ang mga tao sa paligid niya. Uuwi at makinig sa mahabang paalala ng ina kung ano ang dapat niyang gawin at kung ano dapat ang kalalabasan niya. Para bang hinabi na nang mabuti ang serye ng kanyang buhay. Iyon nga lang ay hindi siya ang may hawak ng sinulid, hindi siya ang mismong naglalala nito. Sa likod ng puso’t isipan niya ay nabubuhay ang pag- asa na balang araw ay magtatagpuan niya ang gunting na puputol sa maling simula na ito.
Alas sais na ng gabi nang makauwi si Lia. Sa trangkahan pa lamang siya ng kanilang bahay nang mapabalikwas siya sa gulat nang makarinig ng pagbasag na nagmumula sa loob ng bahay. Sinundan ito ng nakakabinging sigaw ng ina. Maingat naman siyang pumasok at sumilip sa nakaawang na pinto. Kaharap ng ina ang nakakatandang kapatid na base na mukhang galit din.
“Pinag-aral kita at planado na ang kinabukasan mo. Tapos ito ang isusukli mong bata ka?,” galit na sigaw ng ina habang hinihilot ang sentido.
“Kahit sa ngayon lang Mama, sana hayaan mo naman akong gawin kung ano talaga ang gusto ko”, puno ng hinanakit na tugon ng binata.
“Dapat kang magpasalamat dahil tinahi ko na lahat para sa inyo. Magiging abogado ka, tapos ang usapan” matigas na katwiran ng ina.
Napahalimos ang kapatid sa pagkabigong iparating sa ina ang kagustuhan. Napaatras naman siya nang maramdamang parang sasabog ang dibdib dahil sa mga napagtanto niya nang marinig ang sagutan. Dali- dali syang lumabas at lakad- takbo ang ginawa palayo sa kanilang tahanan. Napamahalaan niyang makarating sa parke ng kanilang lugar kahit nanghihina ang kanyang mga tuhod. Sari- sari ang pumapasok sa kanyang isipan na para bang tinutusok ang mga natutulog na panaghoy upang magising at maging malaya.
“Ayoko na,” hagulgol ni Lia. Sinubukan niyang tumingala sa kagustuhang itigil ang batis ng kanyang pagluha. Doon, nasaksihan niya ang paglitaw ng mga bituin na tumitingkad sa gitna ng dilim. Ilang taon na nang tumigil siyang tingalain ang mga tala at itinuon ang pansin sa hinabing bituin na nakalatag sa harapan niya. Hindi na niya mawari kung ano ang totoong pangarap para sa kanya at matagal na siyang nasasabik sa sariling ningning na nilamon ng dilim. Napagtanto niyang maging isa man siyang ganap ng obra ng ina ay
hindi pa rin maiitago ang proseso na sa tingin niya ang pinakamahalaga, na puno ng poot at kalungkutan. Sa pagtingala niya sa mga bituin ay naging determinado siyang kumawala sa mahigpit na pagkahabi ng mga paayon at pahalang na mga utos na sumasakal sa kanya. Napagtanto niyang siya mismo ang dapat humawak ng sinulid at maging gabay na lamang ang ina o kung sino pa man. Dali- dali siyang umuwi. Pagdating ni Lia, nadatnan niya ang ina na pabalik- balik na naglalakad. Nang mapansin siya nito, dali- dali itong sinunggaban ang kanang braso ng dalaga. “Saan ka nanggaling?” Galit na tanong ng ina.
Sunod- sunod ang pagtulo ng mga luha ni Lia. Kahit humihikbi ay pinilit niyang magsalita. “Ma, patawad.” Taos-pusong pahayag ni Lia na naghatid naman ng pagtataka sa kanyang ina.
“Hindi ko na gustong maging pangarap ang mga pangarap mo”. -- Kasama nating maghabi ng ating buhay at mga pangarap ang ating mga magulang ngunit minsan ay ipinapaubaya na lamang sa kanila ang magiging takbo ng buong proseso dahil nakakalimutan natin ang sariling kakayahan at nagpapalamon sa mapaghusgang lipunan. Katulad ni Lia, sana ay hindi pa huli para sa iyo para mapagtanto na ikaw mismo ang hinabing sasakal sa sarili mo o ang gunting na puputol sa kung ano sa tingin mo’y tumatali sa pagkatao mo.