3 minute read
BUKSU NEWS FEATURES
BUKSU MULING TUMANGGAP NG SELYO NG KAHUSAYAN By Darius Leo Castada II
Sa ikatlong pagkakataon, tinanggap ng Bukidnon State University and KWF Gawad Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2019 na iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Cultural Center of the Philippines, Lungsod Pasay noon 27 Agosto 2019. Ang Gawad as tinanggap ni Dr. Oscar B. Cabañelez – Pangulo ng Pamantasang Pampamahalaan ng Bukidnon at ng Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura – Rehiyon X, Dr. Rodello D. Pepito.
Advertisement
Ang unang KWF Gawas Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura ay tinanggap ng BukSU noong 19 Agosto 2016 sa Balay Alumni, Unibersidad ng Pilipinas, Lungsod Quezon. Samantala, ang ikalawang selyo ay tinanggap noonh 28 Agosto 2018 sa CCP, Pasay City. Maliban sa BukSU, sa taong ito ay may apat pang mga Pamantasan na tumanggap din ng Selyo ng Kahusayan, ang Pangasinan State University, Aurora State College of Science and Technology, Sorsogon State College at Westerm Mindanao State University.
Ang gawad na ito ay inihahandog ng Komisyon sa Wikang Filipino sa mga 41 na Sentro ng Wika at Kultura sa buong Pilipinas na may mahusay at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto at programa ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa hindi mapasusubaliang pangunguna at pagtataguyod sa mga gawaing pangwika at pangkultura tungo sa ibayong pag-unlad at pagsulong ng wikang Filipino.
Sa kasabay ring okasyon ay hinirang naman sina G. Jhon James D. Pandong II bilang kauna-unahang KWF Ikaw Kabataan Ambassador ng Wika at Precioso M. Dahe Jr. bilang KWF Gawad Mananaysay ng Taon. SIla ay kapwa produkto ng Pamantasang Pampamahalaan ng Bukidnon na nagtapos noong taong 2017 sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino. Sa kasalukuyan, si G. Pandong ay isang ganap na guro sa Filipino sa Bukidnon National High School – Annex Dalwangan, Lungsod Malaybalay, Bukidnon habang si G. Dahe naman ay naitalaga sa Kinawe National High School, Libona, Bukidnon bilang guro rin sa Filipino.
Ang mga karangalang ito ay nagpapatunay lamang sa layunin at dedikasyon ng Pamantasang Pampamahalaan ng Bukidnon na isulong, itaguyod at pagtibayin ang Wikang Filipino bilang instrument sa pagpapaunlad ng ating mga isipan upang mapayabong ang ating bayan.
DR. PEPITO TINANGHAL NA ULIRANG GURO SA FILIPINO 2019 By Darius Leo Castada II
Magaling sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, matalino, nakatatawa, masayahin at mapagkumbaba – ilan lamang ito sa mga katagang naglalarawan kay Dr. Rodello D. Pepito o mas tanyag sa katawagang “Mayaman.” Higit pa riyan, isa rin siya sa tinitingala ng mga kabataan na isang nangungunang ehemplo na malakas na tumatayo bilang tagapagtaguyod at tagapagsulong ng Wikang Filipino.
Para sa taong 2019, isa si Dr. Rodello D. Pepito ng Pamantasang Pampamahalaan ng Bukidnon sa pitong pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang Ullirang Guro sa Filipino. Ang karangalang ito ay kumikilala sa mga natatanging guro sa buong bansa na nagpapamalas ng natatanging kahusayan sa paggamit ng Wikang Filipino bilang midyum sa pagtuturo at pagkatuto.
Masinsinan at mahaba ang nagging pagpili sa taong ito dahil mula sa 139 na nominasyon ay pitong guro lamang ang nakatanggap ng pristihiyosong gantimpala sa buong bansa; dalawang guro sa sekondarya at limang guro mula sa kolehiyo. Isa na rito si Dr. Rodello D. Pepito na kilala rin bilang kasalukuyang Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Rehiyon X.
Tumanggap ng natatanging medalyon si Dr. Pepito noong araw ng parangal, 1 Oktubre 2019 sa National Museum of Fine Arts sa Maynila. Ito ay isinasabay ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro mula 5 Setyembre hanggang 5 Oktubre.
Ang Gawad ay nasa ikaanim na taon na at inaasahan ng KWF na patuloy na pasisiglahin ng mga Ulirang Guro at pagtuturo ng Wikang Filipino pati na ang pagpapalaganap ng katutubon wika at kultura sa kani-kanilang bayan