5 minute read
COLUMNS (FILIPINO
Weirdo Cidric Edulsa
BULAG-BULAGAN
Advertisement
Iilan sa atin ang may kapansanan sa sarili. Kapansanang hindi likas sa atin bagkus ay bunga ng pag-iisip natin. Ang pagbubulagbulagan sa mga problemang lantaran na sa ating harapan at ang pagiging walang pakialam. Tayo ay may kapansanang hindi makakaramdam kung ano ba talaga ang mga suliraning kinakaharap ng ating lipunan, sapagkat pansariling kapakanan lamang ang nasa ating isipan. Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga problemang kinakaharap ng ating lipunan partikular na dito ang isyung pangkalikasan. Subalit tila wala tayong pakialam dahil sa pagbubulagbulagan. Ilang “Symposium” at “Environmental Awareness” na mga programa na ba ang iyong nalahokan? Oo, ikaw? Hindi ba pauliulit na lang ang mga konseptong itinuturo sa atin? Ngunit ano ang nangyayari? Tayo ay nagbubulag-bulagan pa rin sa masakit na katotohanan. Ang katotohanang tayong mga tao ang siyang dahilan ng mas lumalalang suliraning pangkalikasan na dapat sana’y nakaatang at responsibilidad natin. Ano ba ang ating ginawa matapos ang mga programang ating nilahukan? Hinayaan na lang ba nating pumasok at lumabas sa ating mga taynga ang mga kaalaman tungkol dito? At naaalala lamang tuwing may pasulit tayo. Iilan sa atin ay mga hipokrito sa paggawa ng mga sanaysay o pag-uulat tungkol sa isyung pangkalikasan subalit hindi naman nakikita sa gawa at aksyon ukol rito . Ang ating mga isipan ay mayroon nang tamang kaalaman subalit bakit patuloy pa rin nating iniiwan ang mga basura kahit saan. Tayo nga ba ay bulag sa katotohanang isa ang basura na nagdudulot ng baha sa ating lipunan o sadyang wala tayong pakialam sapagkat hindi natin ito mararanasan. Hindi tiyak ang ating kinabukasan at maaari nating maranasan ang bunga ng ating pagwawalang-bahala. Sana ay atin ng wakasan ang mga suliraning panlipunang ito at ating bigyan ng agarang aksyon at solusyon. Nararapat na makialam na tayo sapagkat ang nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating mundo. Magbubulag-bulagan ka pa ba? O ang pakikialam ay sisimualan mo na? Huwag ng magbulag-bulagan sapagkat tayong mga tao ang siyang tagapag-aalaga ng ating mundo at nakaatang sa atin ang responsibilidad na alagaan ang kalikasan para sa susunod na salinlahi .
Misty Alexa Eulogio MATERYALISTIKONG PAMUMUHAY
Ang pagkakataon ay hindi bastabastang nauulit at nakukuha, sapagkat ang pagbabakasakali ay may katuwang na kahihintnan. Kung bibigyan tayo ng pagkakataon na iwaksi muna sa ating isipan kung ano ang iisipin ng ibang tao at hindi tayo matatakot mahusgahan, magiging totoo ba tayo sa ating sarili? At masasabing “Gusto kong magkaroon ng mga magagandang bagay na nabibili ng pera”. Kapag ang pinag-uusapan ay tungkol sa pagiging materyalistiko ng isang tao, hindi ko mawari kung bakit masama na kaagad ang opinyon ukol dito. Kapag nais naman nating matukoy ang ugat na sanhi ng katiwalian, tinuturong ang pagkalakip ng tao sa mga materyal na bagay ay ang pangkalahatanng pinagmulan. Ang industriyang 4.0 ay pinapaikot ng teknolohiya, ito ay naging dahilan ng paglipana ng kagamitan na may mga kakaibang kapasidad at kakayahang tumugon sa ating mga pangangailangan at kagustuhan. Sa ating kaloob-looban tayo ay humihiling na magkaroon ng mga materyal na bagay kagaya ng mga bagong damit, sasakyan, bahay at iba pang ating kinakailangan araw-araw upang mabigyan ng kapanatagan ang sarili sa ating makamundong kagustuhan. Ang pagiging materyalistiko ay hindi masama kung pinag-iisipan ang patutunguhan nito. Hindi masamang humangad na maging mayaman kung ang paraan na iyong gagamitin ay hindi nakakatapak ng pagkatao. Sa isang mabuting materyalismo, ang tao ay naghahangad ng mga bagay upang umangat ang antas ng ating pamumuhay, karanasan, edukasyon at pamilya upang gumaan ang ating pamumuhay. Halimbawa, ang tatrabaho upang magkaroon ng pera. Ang pag-iipon ay isang makabuluhang gawain na kagalakan, tuwing bumibili tayo ng ating mga ninanais at tuwing nakakatulong sa mga nangangailangan. Sa pangkalahatan, huwag nating hayaan na ang pagiging materyalistiko ay mamugad sa ating mga puso, isip at kaluluwa. Huwag din lamang balewalain ang iyong mga pangarap sa pisikal na mundo dahil sa mga kritiko at mga mapanghusga. Mamuhay tayo ng balanse. Matutong magpahalaga sa lahat ng mga bagay-bagay at lasapin ang bunga ng iyong pagod at pagpupunyagi habang gumawaga ng kabutihan.
Writing Prince Noel Sayson ANG MUNDO NG SANA ALL
“Sana all may jowa...” “Sana all Cum Laude…”
Bagong bokabularyong salita na tanging mga milenyal lamang ang nakaka-relate na may pinagtambal na wikang Ingles at Filipino. Kahit saang pook-sapot ka man magbasa at tumingin, araw-araw na itong nasasalin sa dila ng mga milenyal at palasak na ito sa social media at iba pang aplikasyon bunsod ng makabagong teknolohiya at modernong panahon. Sa araw-araw na pakikipagtalastasan, lumilitaw pa rin ang salitang ‘sana all’ maging sa mga pormal na usapan. Bawat pag-inog ng oras ay siya ring pagsilang ng mga patok at nahahabing salita ng mga kabataan. Ito’y nauuso sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga memes, larawan at salita. Dito na lumabas ang mga ekpresyon na ginagamit sa pagsasalin sa dila ng mga users sa social media at ginagawang komento at mensahe sa pakikipagpalagayang sosyal. Sa social media at maging sa aktwal na sitwasyon ng pakikipagtalastasan at pakikipag-usap ng mga milenyal sa bawat isa’y usong-uso ang salitang “sana all”. Kung ating tutumbasan sa Filipino, ang mas simpleng pagpapakahulugan nito ay maaring “lahat sana o sana ay lahat’’. Ngunit, kung iuugnay natin batay sa expresyon ng kapwa nating melenyal ay marami ang ibig ipinapahiwatig nito. Halimbawa, nagpapahiwatig ito na ang bawat isa ay hindi pantay-pantay ayon sa pinagmulang angkan, estado ng pamumuhay, pamilya, pag-aaral at pinagaaralan. Kung pagsusumahin ang mga larawang ibinabahagi natin sa social media ay nakadepende sa anong uri ng tao tayo, katayuan sa buhay at paano natin binigyang kalayaan ang ating sarili sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga larawan. Sa punto ng pagbabahagi ng mga larawan, dito na lumalabas ang salitang “sana all” mula sa mga komento ng mga kaibigan na nakabasa rito. Lilitaw sa mga sitwasyon na ang bawat isa ay gusto ring magkaroon ng inaasam na buhay ng isa pa. Huwag malungkot sa mga bagay na wala sa iyo. Ang diyos na lamang ang magpupuna sa mga bagay na ito. Sa halip na sabihing sana lahat mas mainam na sabihing, “sa mundo ng sana all may God na nagmamahal sa ating all”.