6 minute read

Kultura | Sa mga Kamay ni Ante

Kuwentong Ipinalaglag at Ipinanganak

ISINULAT NI MDPN. JOHN ROVIC LOPEZ | MGA LARAWANG KUHA NI MDPN. MARK JOSEPH ALOVERA

Advertisement

Pamilyar na sa kaniya ang mga mata ng pasyente niyang iyon. Ngunit may bago sa mga tingin nito. Takot. Pangamba. Paghihinayang. Sa mga panahong iyon, alam na niya ang pinunta ng babae. Hinawakan niya ito sa kamay, pinaupo, at kinausap ng maigi. Matagal na niyang itinigil ang kakaibang pagtulong niya. Matagal na niyang inihinto ang pagpapalaglag.

Bihira na sa ngayon ang umabot sa edad na 93-anyos tulad na lamang ni Manuela Lanaria o mas kilala sa palayaw niyang Ante Awel. Kung tatanungin siya kung ano nga ba ang sekreto sa mahabang buhay, kadalasan niyang sagot ay ang wastong pagkain, tamang ehersisyo, at sapat na pahinga. Ngunit kung bakit siya nagtagal sa ganitong edad na walang malubhang karamdaman ay marahil na rin sa biyaya ng Diyos sa kanya sa pagtulong sa pagpapaluwal ng hindi mabilang-bilang na buhay.

Tumandang dalaga si Ante. Ang tanging karamay niya lamang ay ang kaniyang tungkod at ang pamangking si Joe na nagtatrabaho sa bukid. Hindi man siya biniyayaan ng asawa at anak, maituturing niya pa rin ang sarili bilang ina dahil na rin sa kaniyang trabaho bilang komadrona.

Nagsimula siyang maging paltera o lokal na komadrona sa napakamurang edad pa lamang. Naging katulong siya ng kaniyang lola sa pagpapaanak noon kahit na siya’y sampung taong gulang pa lamang. Nang lumaon ay natutunan niya na rin ang tamang pagpapa-anak at mga peligrong maaaring mangyari sa panganganak ng babae. Naging mas pamilyar pa siya sa katawan ng babae. Siyang naging dahilan na kahit nakapagtapos siya bilang guro, ay mas malapit pa rin sa kaniyang puso ang pagiging komadrona.

“Marami na akong natulungan sa pagpapa-anak. Kaya siguro biniyayaan ako ng Panginoon ng mahabang Buhay,” dagdag pa niya.

Nang ‘di nagtagal ay nagawaran si Ante ng sertipiko bilang kasapi ng programa noong Trained Hilots. Dito nya natutunan ang paghilot sa mga buntis. At dahil na rin lingid pa sa kaalaman ng tao noon ang mga bagay tulad ng ultrasound, ipinagkakatiwala nila ang kondisyon ng bata sa loob ng sinapupunan sa hilot. Sa katunayan, kadalasa’y tama ang pagsusuri ng mga paltera—sa posisyon man ng bata sa sinapupunan o kahit na ang kasarian.

Walang partikyular na halagang sinisingil si Ante Awel sa kaniyang mga pasyente. Kahit pa man sentimo o ilang piso lang ang ibinabayad sa kaniya noon ay tinatanggap niya pa rin bilang pasasalamat. Para sa kaniya, mahirap tumanggi sa mga nangangailangan ng tulong lalong lalo na sa kapwa niya babae.

Sa kagustuhan niyang makatulong sa iba’t-ibang pasanin ng kababaihan, sinubukan niya na ring pasukin ang trabaho ng isang aborsyonista. Kahit pa man alam niya noong mali ito sa batas ng lipunan natin at sa batas ng Diyos, nangibabaw sa kaniya ang awa sa mga kababaihang naging biktima ng maling desisyon at kahit na ng mga pananamantala sa kanila.

Masaya ako sa trabaho ko. Kahit na wala akong anak, marami naman akon ipina-anak. Karamihan nga sa kanila ngayon ay mga propesyunal na.

“Sila ang kusang lumalapit sa akin. Nagmamakaawa na hindi nila kayang buhayin ang bata at ang pasakit ng pagbubuntis kasi hindi pa nila kayang harapin ang bunga ng kasalanang nagawa nila o nagawa sa kanila.” Sa kabila nito, hindi raw pumapatol si Ante na magpalaglag kapag may pulso na ang dinadalang sanggol. Tanging dugo pa lang ang ipinapalaglag niya sa paraan ng paghilot o pagpapainom ng napakapait na tabletas at mga halamang tinaggihan niyang pangalanan. Ilang taon ang lumipas at iniwan niya ang ganitong gawain dahil labag ito sa kaniyang prinsipyo at paniniwala. Ngunit, umaasa rin siyang mabigyan ng karapatang magdesisyon at pumili ang mga kababaihan sa mga susunod na panahon. Sa kabila nito, walang nakikitang dahilan si Ante para hindi magpatuloy sa trabaho bilang hilot o komadrona. Malaking tulong ito lalong lalo na sa mga buntis na malayo sa ospital o sentro, o ‘di kaya’y hindi kaya ang bayarin sa ospital. Subalit, kahit pa man sila ay trained hilots o mga dalubhasa na sa pagpapaanak, binawian pa rin sila ng pahintulot sa pagpatuloy ng kanilang trabaho.

Taong 2008 nang ipasa ang Maternal, Newborn and Child Health and Nutrition Strategy policy o ang tinatawag nilang “no home birth” policy. Nais nitong bawasan ang high maternal mortality rate sa bansa. Sa kabila ng magandang layunin ng patakarang ito, hindi ito nakabuti sa kalagayan ng ibang buntis. Lalo na sa mga malalayong lugar na walang ospital o sentro, at lalo na ngayon sa panahon ng pandemya kung kailan puno ang mga ospital; lumolobo ang mga bayarin.

Sa mga paltera tulad ni Ante Awel, malaki rin sana ang maitutulong nila sa mga kababaihang ito pero sa mata ng batas, ito ay hindi nararapat. Ngunit noong nakaraang taon lang, sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa mga ospital, walang nagawa si Ante Awel kundi ang gampanan ulit ang naging trabaho niya noon.

Sa gitna ng gabi ng Agosto 2020, may lalaking nagmakaawa kay Ante para tulungan ang kaniyang asawa sa panganganak. Dahil na rin puno ang mga ospital dahil sa mga kaso ng Covid-19, wala nang iba pang naisipang gawin ang lalaki kung hindi ang humingi ng tulong kay Ante. Kahit sa kritikal na kondisyon ang mag-ina, ginawa ni Ante ang lahat.

“Paglabas ng sanggol, wala na itong buhay kasama ng kaniyang ina. Pero sabi ko sa lalaki na gagawin ko ang lahat para buhayin ang kaniyang mag-ina. Sa awa ng DIyos, nabuhay nga sila pareho),” pagsasalaysay pa niya pagkatapos niyang hilutin sa braso ang nanay at pag-revive sa bata. Kung naantala pa sana ng kaunti yung pagdala ng mag-ina sa kaniya, ay hindi na sana sila naagapan.

KAMAY AT LANGIS. Mga kaagapay ng isang hilot sa kaniyang trabaho bilang komadrona.

Ilan lang ito sa mga naging sakripisyo ni Ante Awel para sa mga buntis na alanganin ang pagpapanganak. Sa katunayan, ang naging dahilan ng halos pagkabulag ng kaniyang mata, ay ang tatlong gabing magdamag niyang pagpapaanak sa isa niya ring pasyente.

WALANG KUPAS. Mula tindig hanggang ngiti,aninag pa rin ang lakas at taglay ni Ante Awel.

Sa buong buhay ng tao, may nagagawa siyang mabuti pero mali sa mata ng iba at may nagagawa rin siyang kamalian na mabuti para sa ibang tao. Para kay Ante Awel, naniniwala siyang ang mga kamalian niyang nagawa ay hindi purong kamalian lamang. At hindi ibig sabihin na ang mga mabuti niyang nagawa ay tama lahat. Para sa kaniya, ang biyaya ng Diyos na mahabang buhay ay dahil sa kaniyang mga ginawang tulong. Tulong sa pamamaraang mabuti para sa iba, at hindi naman pangkaraniwan sa iba.

Kung kaya lang naman nilang manganak sa ospital, mas mabuti na ‘yon. Pinapagalitan kami ng ospital at mga doktor kung kami yung gagawa niyan kasi bawal.

Sa mga panahong pinahihintulutan pa ang mga palterang tulad niya sa pagtulong sa mga midwife sa ospital, nandoon siya upang umalalay sa babaeng nagtangkang magpalaglag sa kaniya. Nakakapanibago ang mga tingin ng kaniyang pasyente. Wala nang takot at pangamba. Sa mga oras na iyon, napagtanto ni Ante Awel kung ano kayang posibleng nangyari kung tinanggap niya ang alok ng babaeng magpalaglag. Tiyak na wala siyang nasaksihang iyak ng batang lalaki noon. Tiyak na hindi niya nakitang lumaki ang kaniyang lalaking apo. At tiyak na walang magsusulat ngayon ng kuwento niyang ito.

This article is from: