3 minute read

Pagkain | Balat ng Ibos

Istorya ng Lagkit at Ligaya

ISINULAT NI MDPN. JOHN FRANCIS BABIERA | MGA LARAWANG KUHA NINA MDPN. JOHN ROVIC LOPEZ AT MDPN. MARK JOSEPH ALOVERA

Advertisement

Order dito, order doon. Abalang-abala siya sa lahat ng mga mensahe sa Facebook. Patuloy ang pagpasok ng mga text at tawag patungkol sa kanyang sikat na Ibos – isang uri ng kakaning Ilonggo. Patuloy na hinahanap-hanap ng parokyano ang mga luto sa kusina ng Darapugan ni Girly Lopez 43 taong gulang na ina sa bayan ng Calinog.

DARAPUGAN. Inihahanda ni Girly ang kaniyang mga online orders na ibos sa kanilang online store na “Darapugan”.

Tagaktak man ang pawis mula sa paghahanda ng mga sangkap sa pagluluto, hanggang sa pagbalot ng mumunting suman, ay mas pipiliin niyang magtrabaho rito kaysa sa pinapasukan sa ibang bansa – magisa, malungkot at malayo sa pamilya.

“Kung hindi sumapit ang pandemya, malamang naroon pa rin ako sa Lebanon at nagluluto para sa ibang lahi,” ani ni Girly. Sa piling ng kaniyang mga anak, dito ay maaari siyang masimula muli, sa kusina na bumubusog sa kanila. At sa pamamagitan ng Social Media, mas marami ang naaabot ng kanilang kusina.

Habang nasa ibang bansa, ipinatikim niya ng ang Ibos ang kanyang mga Lebanese na mga amo. Sabi nila nakakaumay rin kapag palaging lutong adobo, sinigang at iba pang tipikal na pagkaing Pilipino ang kanilang natitikman. At dahil, bihasa siya sa paggawa nito, nais niya ring ipakilala sa kanilang panlasa ang linamnam ng ibos. Hanggang kalaunan, ito ay kanilang nagustuhan at patuloy na hinahanap hanap.

Matrabaho ang paggawa ng Ibos, lalong-lalo na sa pagbabalot nito. Kilala ang Ibos dahil sa kakaiba at detalyadong paraan ng pagbabalot – malalaman mong ibos kapag nakatitirintas ng bagong dahon ng niyog. Tinaguriang ito ang Ilonggo na bersyon ng suman dahil sa likas at partikular nitong lasa. Ito ay tinitinda sa isang bigkisan na may lima hanggang walong piraso, – na talaga namang mauubos sa isang upuan lamang.

SIPAG AT SAKRIPISYO. Patuloy na nagbibigay init sa kanilang buhay ang mga lutongbahay ni Girly.

Mabigat sa tiyan ang ibos. Noong araw, ito ang palaging baon ni Girly papun- tang eskwela. Sa paggawa ng kanyang lola ng ibos, silang siyam na magkakapatid ay nabubusog sa buong araw sa paaralan. Hindi man siya naturuan ng kanyang lola, inaral niya kung paano gumawa sa pamamasid sa kanilang kusina.

Sa kasalukuyan, ibinahagi niya na rin ang kaniyang timpla sa kaniyang dalawang anak – tumutulong rin sila sa paglalako online. Kayod. Piga. Sangag. Saing. Di hamak na maraming proseso ang pagdaraanan ng ibos bago mapunta sa bawat hapag-kainan. Inaabot ito ng tatlo hanggang apat na oras, hindi pa kasama ang pagbabalot nito.

Mayroong mga araw na kung marami ang mga order mula sa kanilang Facebook Page, isang araw bago ang pagdedeliber ay nagsisimula na sila. Matrabaho man, ito na ang nagsilbing libangan ng mag-iina sa gitna ng pandemya.

Unti-unti nang nakakalimutan ng karamihan ang paggawa ng ibos o suman.

Sa pagbukas ng ibos mula sa nakabalot na dahon ng niyog, hindi mawawala ang lagkit ng kakanin sa iyong kamay. Tila kaakibat ito ng karanasan sa bawat agahan at meryenda ng bawat Ilonggo. Kalimitang sinasawsaw ito sa asukal o di kaya sinasabayan ng hinog na mangga. Dagdag sa makabubusog na kakanin ay ang tamis ng asukal– simbolo ng pagiging malambing at karisma ng bawat Ilonggo.

Nakakapagod ang paggawa ng ibos, pero kapag alam mong marami ang natutuwa at nabubusog sa iyong inihahanda, napapawi lahat ng pagod at napapalitan ng lugod at saya. Ang ligayang ito ay nababatid niya sa bawat gintong dahon ng ibos na nakabukas at lalong lalo na sa ngiti ng kanyang mga anak na may asukal sa mga labi.

Kalimitang bukam-bibig ng mga matatanda ang mga katagang “magbasa ka sa balat ng ibos.” Isa itong idyomatikong ekspresyon na nangangahulugang: magbasa ka upang may matutuhan ka kahit maliliit na mga detalye at impormasyon kahit sa mumunting balat ng ibos.

Sa kanyang karanasan, bata pa lamang si Girlie natuto na siya mula sa kanyang lola sa paggwa ng ibos sa pamamagitan lamang ng pagmamasid at obserbasyon. Hanggang sa kanyang pagiging ina, nagagamit niya ito at patuloy na pinagyayabong.

Ang ibos ang naging simbolo ng kaniyang pagkatuto sa bawat araw na dumaraan. Siya ay naniniwala sa bawat balat ng ibos, mayroon kang makukuha– minsan leksyon, minsan pera. At ang Darapugan na sinimulan sa kanilang maliit na bahay ay patuloy na nagbibigay init. Ang akalaing kakanin na sapat lamang para sa pamilya, ay nakaabot sa sikmura ng taumbayan maging ibang bansa. Ang sinag ng pag-asa na sa gitna ng kulimlim ng buhay, ay abot-tanaw ng kanyang mga mata.

This article is from: