4 minute read
Kultura | Tindahang Deklik
ISINULAT NI MDPN. JOHN FRANCIS BABIERA | MGA LARAWAN MULA SA www.bogots.com at www.beamstart.com
Tirik na tirik na ang araw at at sumisilip na sa mga bintana ang imahe ng bakurang nadiligan kaninang umaga. Hindi ka pa nakaligo ngunit sa bawat oras na lumilipas ay inaantay ang pagdating ang parokyanong nakapulang motor. Kaniyang kabisado ang pasikot-sikot na eskinitang papunta sa inyong kinatitirahan.
Advertisement
Pagdating, ikaw ay kaniyang tinawagan upang kunin ang parcel na nakabalot sa pulang plastic. Iyong inabot ang Php 249 mong dala, ikaw ay kanyang kinunan ng litrato sa iyong damit-pantulog at siya ay lumisan – umaasang makikita kang muli sa susunod niyang pagdedeliber.
Sa pagsisimula ng pandemya, lahat ay nag-aalala kung paano mapagpapatuloy ang buhay. Ang mistulang mga pamilihang kay sigla, ay pinamahayan ng alikabok sa ilang linggong lockdown sa mga siyudad at probinsya sa Pilipinas. May mga produkto at serbisyo sana na madaling mapapasaabot-kamay kung wala sanang mga restriksiyon dulot nga pandemya.
Ngunit sa simula rin ng pandemya ay tila napaamo ng mga online shops ang mga Pilipino na parang tutang uhaw na uhaw sa amoy ng kaniyang mga luho. Minsan hindi mo namamalayang inabot ka nang umaga, kadadagdag sa koleksyon ng mga bagay na hindi naman gaanong kailangan ngunit naeenganyong bilhin. Ito ang sitwasyong labis na makikita saang sulok kaman ng bansa.
Ang pagiging birtwal ng mga tindahan ay labis na kapaki-pakinabang sa mga negosyante. Mas lumalawak ang kanilang naaabot. Lalo’t lalo na, sa Pilipinas mo makikita ang pinakamaraming internet users sa buong mundo. Ayon sa tala ng Hootstuite Social Media Management Firm, mayroong 73.91 milyong Pilipino ang gumagamit ng internet nito lamang Enero 2021.
Nasa dalawang katlong (2/3) bahagi ito ng kabubuang populasyon sa Pilipinas – masasabing sa bilang na ito malaking parte rito ay nakakikipagkomersyo online.Maraming pakinabang ang pamimili online tulad na lamang ng ginhawa mula sa pag-commute o pagpunta sa mga merkado, at ang laya sa pamimili ng samu’t saring tipo ng produkto. Mas mura rin ang presyo at madaling ikumpara sa mga katulad na produkto.
Beses na pagbisita sa loob ng isang buwan ayon sa datos:
Shopee 54.6 M
Lazada 38.3 M
Dalawa lamang ito sa maraming applikasyon at website napinagpipyestahan ng mga negosyante at mga mamimili sa gitna ng pagsasara ng pampublikong merkado.
Isang benepisyo ng online shopping ay ang kawalan umpukan ng tao –isang mahalagang salik kung bakit biglang lumakas ang komersyo sa internet sa gitnang kwaranten.
Sa kabilang dako ng online shopping, may mga kalugihan din ito. Isang malaking sagabal na hindi mahahawakan ng mga mamimili upang siyasatin ang kalidad ng mga produkto. Maaari silang makatanggap ng mga materyal na depektibo, at hindi angkop ang laki. Nasanay ang mga Pilipino na mahawakan ang bibilhin upang kilatisin ng mga matanglawin ang bawat sulok ng produktong nais bilhin.
May mga kapanahunan din kung kailan natatagalan ang pagdating ng mga order - minsan kasi ay galling pa sa labas ng bansa o di kaya dahil sa border restrictions dulot ng lockdown. Komplikado rin ang pagsasauli ng sirang or maling aytem. Ilan lamang ito sa mga dahilan bakit marami pa ring walang tiwala sa benepisyo ng teknolohiya.
Sa kabila ng mga disadbentahe, mayroong mga reviews na maaring makatulong sa kapwa mamimili. Ito ay nakakatulong sa mga negosyante upang malaman ang mga positibo at negatibong komento ng kanilang mga tagabili. Ito ay labis na nakatutulong sa mga bagong user upang kanilang mahanap ang angkop na produkto.
Kapag maganda ang reviews ng isang online tindahan, ito ay patuloy na binabalik-balikan ng mga suking tagabili. Dito nahuhubog ang tiwala na ang bawat produkto nila ay dekalidad sa abot-kayang halaga. Dahil din dito, mas dumarami ang mga online shoppers dahil sa pag-eendorso ng ibang mga suki sa kanilang mga kakilala.
Ngunit sa kabila ng aliw ng pamimili online, maaari itong maging simula ng adiksyon. Ayon kay Ruth Engs, Health Science Expert, maaaring magkaroon ng shopping addiction ang isang tao, kapag siya ay nahumaling sa kung ano ang nararamdaman ng utak tuwing bibili sa internet.
Kasabay ng pagkahumaling at adiksyon ng mga Pinoy ay ang paglago ng ecommerce market sa bansa. At mapagtatanto talagang mahilig sa social media at online shopping ang mga tao lalo na sa gitna ng pandemya kung saan ito ang nagiging nakababahala. Totoong adik ang mga Pilipino sa online shopping. Ngunit sa pagtanggap sa mga mabuting dulot ng teknolohiya, nagbubukas din ito puwang para sa mga napag-iwaman ng sistema.
Ang pagsikat ng online shopping sa bansa ay dahil sa mga kinaugaliang sinasalamin at binibigyang halaga ng bawat Pilipino. Sino ba naman ang hindi maeenganyo sa murang presyo at napakamaraming tawad? Isama mo pa ang libreng shipping fee vouchers para sa mga suki at mga bagong users.
Ayon sa pinakahuling Global Digital Report, ang mga pinoy ang pinaka aktibong gumagamit ng internet at laging laman ng ecommerce market apps sa buong mundo. Dulot ng pandemya, mas nagiging aktibo ang kalakalan sa loob ng iskrin.
Totoong kailangan ng interaksyon mula sa nagbebenta ng mga mamimili, ngunit sa panahon kung saan limitado ang paggalaw ng mga tawo, tayo ay napilitang makibagay sa ganitong sitwasyon.
Hindi na maiaalis ang online shopping sa kasalukuyan, at kung ito na ang magiging kinabukasan ng bawat negosyo sa merkado, pinapatunayan nitong sumasabay sa globalisasyon at teknolohiya. Ngunit huwag din kalimutan na maging responsable sa bawat pagbili.
Sa gitna ng pandemya, ang online shops ay ang nagiging aliw natin sa bawat pagscroll. Ang tindahang maaabot sa isang klik ng daliri, ay tuluyang magbibigay ng kaginhawaan sa kasalukuyang panahon. At ang mga merkadong naging balintiyak dulot ng pandemya, ay may pag-asa sa loob ng screen ng bawat Pilipino.
Ang tradisyonal na pamamalengke at pamimili ay hindi mawawala sapagkat bahagi ito ng ating kultura at pamumuhay. At ang tindahang deklik ay patuloy ding lalago kaakibat sa pag-asenso ng bawat Pilipino.