“Por La Educacion Recibe Lustre La Patria� Ang Tanglaw ng Bayan
Ang hiningang mapagpala ng matinong edukasyon Ay may bisang mapang-akit, bisang laging dumadaloy, Inang-Baya'y binubusog sa biyayang mayamungmong, Inaangat hanggang ito'y sa pedestal maituntong; At kung paanong ang bulaklak na wari ba'y naluluoy Ay pamuling sumisigla pag ang hangi'y sumisimoy, Iyang tao ay ganyan din: umuunlad, sumusulong, Edukasyon ang sa kanya'y nagbubunsod sa pagsibol.
Tao'y handang tumalikod sa ginhawang pamumuhay, Kung sa gayon yaong nasang edukasyo'y makakamtan, Edukasyon sa siyensiya at sa sining ay nagluwal Upang putong na tanghalin ng sa taong karunungan: Kung paano ngang sa taluktok ng mataas na tagaytay Nagmumula yaong batis na malinis at malinaw, Edukasyon ay ganyan din: lupang kanyang panahanan Ay lalasap ng biyaya ng payapang kabuhayan.
Edukasyon, pag naghari, kabataan ay lulusog, Ang katawan at ang isip ay uunlad nang maayos, Kamalia'y masusupil, diwa niya'y mabubusog Sa marangal na damdaming sa kaluluwa'y humuhubog; Tanang bisyo'y mapapawi't sapilitang mauubos; Sa harap ng edukasyon, kasamaa’y malulugmok; Umaamo kahit na nga mga bansang asal-hayop; Ang mabangis, nagbabago at bayaning nababantog.
At kung paanong iyang batis, sa pag-agos na marahan Naglalagos sa makahoy na bukiri't kaparangan, Ay may dulot na aruga at saganang pagmamahal Sa halama't mga damong nilalaro't hinahagkan, Binubusog sa kalinga ang magandang kalikasan; Ang matinong edukasyon, kapag ito ay nakamtan, Ang sa tao'y maluluklok sa mataas na pedestal Na mahigpit pa sa gintong kapuriha't karangalan.
At ang kanyang mga labi'y dadaluyang walang likat Ng tubig ng kabaitang kristal wari ang katulad, At ang kanyang pananalig ay titibay at tatatag, Ang lakas ng kasama'y masusupil niyang ganap, Katulad ng mga along di gaanong nagluluwat,
Pagsapit na sa baybayi'y nawawala't nababasag, At ang kanyang halimbawa ay salaming maliwanag Ng balana sa paghakbang sa pasulong at pataas.
Sa puso ng katauhang sa kasam-a’y nagugumon, Edukasyon ay may tanglaw sa tunguhing gintong layon, May panggapos sa salaring mga kamay na may lason; Mga pusong naghahanap ng dalisay na yamungmong Ay sagana sa biyayang edukasyon ang nag-ukol, Mga pusong nag-aalab sa mainit at maapoy Na pag-ibig sa katwirang handa silang ipagtanggol; Ang aliw ng buhay nati’y ang mabuting edukasyon.
At kung pa’nong sa gitna man niyong along mararahas, Sa gitna man niyong sigwa’t nagngangalit na habagat, Ang naroong batong buhay na matayog at matatag Ay palalong nakatayo at di man lang natitinag, Hanggang yaong mga alo’y maubusan na ng lakas At sa laking pagkahapo ay maidlip yaong dagat, Sa matinong edukasyon, pag ang tao ay nanghawak, Bayan niya’y maaakay sa matatag na pag-unlad.
Sa sapiro’y mauukit ang dakilang paglilingkod, Libu-libong karangalan ang sa kanya’y ihahandog; Hasik niyang kabaita’y mabulaklak na lulusog Sa dibdib ng mga anak na sa kaniya ay susunod; Mamamalas nglahat ng mga punong nagkukupkop Na ang baying nananalig at sa buti’y nagtatampok, Ay may isang hangarin lang edukasyong maka-Diyos. At kung pa’nong nagsasabog ng gininyong mga sinag Iyang araw, kung umagang ngumingiti ang liwanag Kung pa’no nganag sa silanga’y unti-unting kumakalat Mga kulay na agawan sa kariktang sakdal dilag; Pagtuturo ay ganyan din, unti-unting naghahayag Sa paslit pang kaisipan ng marikit na banaag Ng hiyas sa kabaitang mag-aakay, magtataas Sa bayan tang sinisinta sa luwalhating walang-kupas.
Mula sa: Alejandro, R., Medina, B. Buhay at Diwa ni Jose Rizal. National Book Store. 1972.