7 minute read

Bumbilya

Jacinth Banite

“May na-rape na naman daw na dalaga diyan sa kabilang barangay.”

Advertisement

Ito ang bungad ni Mama habang inihahain ang mga ulam sa lamesa. Bahagyang napahinto ako sa paghahanay ng mga plato at kutsara sa lamesa, isang pares para sa bawat upuang nakapalibot dito.

“Tsk tsk! Grabe na talaga ang panahon ngayon!” dagdag ni Papa mula sa dulo ng hapag-kainan. Inilapag niya ang baso ng kape, hindi mabaling ang atensyon mula sa dyaryong kanyang binabasa. Humalo sa ingay ng mga kubyertos ang yabag ng mga paang bumababa sa hagdan.

“Anong ulam?!” tanong ng bagong gising na si Brian, ang nakababata kong kapatid, habang hinihila ang upuang katabi ni Papa. Dahil nakatingin na ito sa mga pagkaing nakahain, walang sumagot sa kanyang tanong.

Matapos ilapag ni Mama ang baso ng tubig sa tabi ng plato ni Papa, sabay kaming naupo sa aming sari-sariling pwesto.

“Naku, ang mga batang babae rin kasi ngayon mga pasaway! Tapos kung manamit eh kulang na lang maghubad na!” sumbat ni Mama.

Biglang nag-patay sindi ang bumbilya ng kusina, kasunod ng

pagtiklop ni Papa sa dyaryong hawak upang siya’y maka-kain na.

Napatingin kami ni Brian sa itaas, hindi dahil kami’y nagulat, ngunit dahil kami’y nagtaka.

“Hindi pa rin pala naayos ‘yan?” tanong ko. “Ang tagal na pong sira niyan ah!”

“Hindi ko pa maasikaso eh!” sagot ni Papa habang nginunguya ang pagkaing nasa bibig.

Muling nag-patay sindi ang ilaw.

“Huwag niyo na lang pansinin, kumain na tayo,” payo ni Mama.

Napailing na lang ako habang inilalagay ko ang kanin at kalahating piraso ng itlog sa kutsara. Ngunit muling buksan muli ang usapan, at sa puntong iyon, ako na ang laman nito.

“Kaya ikaw, Clara! Naku, huwag kang nagsususuot ng malalaswang damit kapag lumalabas ka. Tsk! Mababastos ka lang anak!”

Muli akong napatingin sa ilaw, bago lumingon sa katabi kong si Brian. Nakakunot ang noo nito habang ngumunguya, sabay pindot sa teleponong tinatago niya sa ilalim ng lamesa.

“Ma, bakit po ako mag a-adjust?!” tugon ko.

“Aba syempre! Mabuti nang ikaw ang mag-adjust kaysa naman ikaw pa ang mabastos.”

Tumingin ako kay Papa. Sa gitna ng kanyang pag-nguya, niluwagan nito ang suot na kwelyo na tila ba nahihirapan huminga.

“Eh kelan ‘yong sila naman ang mag a-adjust?” pabulong kong sagot bago ang isang malaking pagsubo.

“Ano ‘yon?!” biglang tanong ni Mama.

Sayang, hindi niya narinig.

“Wala po, Ma.” Ngunit kung alam ko lang ang susunod na mga salitang manggagaling sa kanya, sana pala inulit ko na lang.

“Kasi anak, kung gusto mong respetuhin ka, dapat ipakita mong karespe-respeto ka!”

Muling nagpapansin ang napupunding bumbilya, walang muwang sa umiinit na usapan.“Kapag naka-sleeveless po ba ang babae o di kaya nakasuot ng maiksing short, hindi na siya karespe-respeto?!” aking itinanong kay Mama bilang tugon sa huli niyang sinabi.

“Hindi naman sa gano’n, anak! Ang sa akin lang eh bilang babae kasi, dapat may disiplina ka sa sarili mo. Naku, kung alam mo lang noong panahon namin, balot na balot ang mga babae, ingat na ingat kami sa mga sinusuot naming damit,” pagdidiin ni Mama.

“Noong panahon niyo po ba, wala pong babaeng nare-rape?” Matapang kong itinanong.

“Ah, syempre meron din.”

Hinihintay ko ang karugtong na sagot ni Mama, pero wala nang lumabas sa kanyang bibig. Sumubo na lamang ito ng isang kutsarang kanin.

Muling nagpatay-sindi ang ilaw, at sa puntong iyon, siya naman ang napatingin dito, ngunit agad ding umiwas at bumalik ang mga mata niya sa akin.

“Basta, anak, makinig ka na lang sa akin! Huwag mo nang bigyan ng motibo ang mga manyak diyan sa labas,” malumanay niyang sinabi. Matapos kong marinig iyon, napatitig ako sa umuusok na kanin sa aking harapan at nilanghap ang mabangong amoy nito. Mga butil ng kanin na singdami ng gusto kong sabihin, at ang usok nito na sing-init ng aking nararamdamang lungkot dahil sa madayang kaisipan ng aking nanay. Ilang tanong tuloy ang namutawi sa aking isipan. Ilang tahanan kaya ang may ganitong klase ng almusal? Ilang anak na babae kaya ang dinadaan sa pangunguya ang mga salitang nais sabihin dahil hindi nila ito basta-basta mabitawan? Na gaya ng kaning aking pinagmamasdan, hinahayaan itong mapanis dahil hindi kayang kainin ng mga dilang busog na sa nakasanayan.

“Grabe!” biglang sigaw ni Brian sa aking tabi. Lahat kami ay napatingin sa kanya.

“Si Marry pala yung nakitang bangkay kagabi?! Pinag-uusapan ngayon sa GC. Tsk! Na-rape daw!”

“Kilala mo yun, anak?” tanong ni Mama.

“Opo, sa school namin pumapasok yun, Grade 7.”

“Ano raw balita?” aking sinunod sa usapan.

“Hindi pa raw alam kung sinong gumawa, pero nakahubad daw na nakita yung bangkay tapos yung Jogging pants at T-shirt niya...” Kita ang bahid ng lungkot sa kanyang mga mukha.

“Naka T-shirt at jogging pants siya?!” agad kong inulit.

“…Malapit sa imburnal nakita ‘yong bangkay,” itinuloy ni Brian ang kanyang binabasa.

Muling nag patay sindi ang ilaw.

Nag-ingay ang pagkaskas ng paa ng upuan nang biglang tumayo si Mama. “Patayin na nga lang natin ‘yang ilaw na yan!” naiirita niyang sinabi habang naglalakad papunta sa switch. “Bakit mo papatayin? Ayos nga eh! Nakakagana kumain,” sambit ng kaninang tahimik na si Papa, kasunod ng matipid na halakhak.

Hindi ito pinansin ni Mama at tuluyang pinatay ang ilaw bago ito bumalik sa upuan at nagpatuloy sa pagkain.

“Tapos ano pa?!” pinilit ko si Brian na ituloy ang pagkukwento, ngunit ng magsasalita pa lamang ito…

“Tama na nga ‘yan! Nasa harapan tayo ng pagkain, bangkay bangkay ‘yang pinag-uusapan niyo!” pagpigil ni Papa sa usapan namin.

“Itago mo muna ‘yang cellphone mo na ‘yan, Brian!”

Matapos ang pagsaway ni Papa, akala ko makakakain na kami nang tahimik. Ngunit muling nabuksan ang usapan, at sa puntong iyon, si Brian naman ang laman nito.

“Ikaw ba Brian, may nililigawan ka na ba?” tanong ni Papa.

“Wala pa po, Pa,” nahihiyang tugon ni Brian.

“Tsk! Mahina ata ang binata ko ah! Dapat meron na. Ang tunay na lalaki, sa edad mo, dapat marunong nang manligaw, aba!”

Kalahating ngiti kasunod ang pagyuko ang isinagot ni Brian.

Hinintay ko ang pagpatay sindi ng ilaw ngunit, oo nga pala, mas piniling patayin na lang ito upang hindi mapansin, kaysa ayusin at muling maliwanagan. Bakit nga ba ganoon ano? Mas madali bang isantabi ang isang bagay na sira kaysa ayusin ito? O marahil, nasanay at naging komportable na lang, kaya hahayaan na lamang? Kung ganoon na lang lagi, nangangamba akong mapuno ng pagpigil ang mundo, dahil ang tahimik ay mananatiling tikom, ang bulok na sistema ay mananatiling mabaho, at ang mga karapatan ay mananatiling hindi pantay.

Kailangan natin ng paalala na may kailangang ayusin.

Nang aking marinig ang nagsisimulang usapan ni Brian at ni Papa, ipinilit kong baliin ang metal na kutsarang aking hawak at ipinakita ang baluktot na itsura nito kay Mama at Papa na nasa parehas na dulo ng lamesa.

“Tignan niyo!” itinaas ko ang baluktod na kutsara, pagkatapos, tumingin ako sa itaas kung saan nakasabit ang pinatay na bumbilya. “Mukhang ang daming sira sa loob ng bahay na ito.”

Literary Writers

Editor

The Official Student Publication of De La Salle University-Dasmariñas Founded: June 1985 Member, College Editors Guild of the Philippines

EDITORIAL BOARD AY 2020 - 2021

Lean Jane A. Pantorilla, Editor in Chief Christine Marie L. Romero, In Charge, Copy Sheka S. Ignaco, Creative Director Ahmad B. Mahusay, Managing Director Aprilean V. Octavo, Office and Circulations Manager Patricia Ann T. Recaña, News Coordinator Maria Victoria C. Busine, In Charge, Features Shekynah Angelene F. Samadan, Literary Coordinator Emmanuel A. Esmilla, Art Coordinator Rachelle Ann D. Calaustro, Graphics and Layout Coordinator William Clarenz P. Constante, Web Manager

Dr. May L. Mojica Adviser

The Heraldo Filipino has its editorial office at GMH 120, Gregoria Montoya Hall De La Salle University-Dasmariñas, Cavite, Philippines 4115. Telephone: +63 46 481 1900 local 3063 Email: officialheraldofilipino@gmail.com Website: heraldofilipino.com Contributions, comments, suggestions, and signed letters should be addressed to the Editor in Chief.

palad is the literary digest of The Heraldo Filipino, official student publication of De La Salle University - Dasmariñas. The Literary works published remain as properties of their authors.

This article is from: