16 minute read

Huling Gabing Paglunod

Shekynah Angelene Samadan

Nangangati na ang aking mga paa sa dumi ng tubig bahang lumamon sa aming lapag. Pabalik-balik na ako sa tindahan ni Aling Lolit upang bumili ng panibagong posporo dahil ‘yong una kong nabili ay nadulas sa aking kamay at tuluyang nabasa na sa maruming tubig ulan. Hindi ko naman kasi mautusan itong si Anne, baka magka-leptos daw sabi ng mama. Bata pa raw kasi at mahina pa ang resistensya niya, baka kung ano ang mangyari. ‘Asan nga ba kasi sila? Wala pang ulan noong umalis sina Mama at Papa. Huling tawag nila sa akin, nasa gawing talampakan pa lang ang baha.

Advertisement

Naka-loud speaker sa may taas ng lamesa ng sala ang cellphone upang pakinggan ang kanilang mga bilin.

“O, Jesse. Ikaw ang nakakatanda d’yan sa inyong dalawa ni Anne. Bantayan mo s’ya, huwag mong hayaang sumulong sa baha. ‘Pag yan nagkasakit, mayayari ka talaga sa ‘kin,” binalaan ako ni Mama. “Baka mamayang gabi pa kami maka-uwi diyan. Mag-ingat kayo. Huwag mo sayangin ‘yong baterya ng selpon mo ah!”

Bukas pa noon ang TV sa aking likuran upang mapakinggan ang bawat ulat tungkol sa bagyong lalakas pa ngayong hapon. Kaya eto, naghahanda na ako at nagre-reserve ng baterya para matawagan nila ako mamaya.

Daanan naman talaga ng bagyo ang Pilipinas kaya para sa akin, hindi na ako ganoon ka-takot. Kaso, ang inaalala ko lang ay si Anne at yung mga gamit: yung TV, washing machine, at pucha… yung ref pa pala! Ano ba ‘yan! Sobrang bigat no’n buhatin, ni si Papa nga eh hindi iyon mabuhat. Dali-dali naman akong pumunta sa nakasalpak na cellphone sa pader. Binuksan ko ang messaging app para balitaan sila.

Ako: “ma, pa, pano yung ref?” di namin mabuhat ni anne.”

Papa: “sandali… patulong tayo kay pareng ed… txt q lng.”

Huh. Si Manong Ed. Sa totoo, wala akong masyadong alam sa kanya. Siya kasi yung tipikal na tahimik na matanda, ngunit, mukha naman siyang hindi ganoong kulubutin o anuman. Siguro nasa bandang sixty o seventy ang kanyang edad? Nakikita ko pa ngang mag-jogging ‘yon minsan tuwing bukang-liwayway. Laging paikot-ikot sa street namin, may dalang tubig at

dahan-dahan ang mga yapak. Lagi siyang may ngiti sa kanyang mukha kung siya’y maaabutan mo. Wari ko’y siya ‘yong tipo ng taong hindi nangingialam sa buhay ng iba. Oo, yung kabaliktaran nila Aling Baby at ang kanyang alagad tuwing umaga na may session ng tsismis sa harap ng tindahan ni Aling Lolit. Masusulyapan mo si Manong Ed na pangiti-ngiti lang sa kanila at sila rin ay ngingiti, at pag medyo nakalayo-layo na siya, ayan na ang ratrat ng kanilang mga bibig.

Papa: “paparating na si ed… hintayin mo nlng”

Sa wakas, buti na lang may kaya pang tumulong sa oras na ‘to. Ibinaba ko ang aking telepono nang marinig ko si Anne mula sa may gawing kusina. Tumatawa nanaman ito nang mag-isa at kumakanta habang kumukuha ng pagkain sa aming mababang paminggalan. Sumilip ako at pinagmamasdan ang kanyang kilos mula sa likod ng pintuan. Tahimik ko siyang pinagmasdan.

Sige lang ang kanyang tawa habang may hawak na bukang plastic bag. Kinuha niya ang lahat ng aming meryenda upang dalhin yata sa itaas para kung tumaas man ang baha mamaya, mayroon kaming makakain. Nakakatuwa na ni siya ay hindi takot sa baha, kasi hanggang ngayon ay nasa talampakan pa ito, at hindi niya alam na brownout kapag may baha. Hindi pa niya kasi nararanasan ang mga bagyong kasing tindi nito. Biniro ko pa siya kaninang umaga na magiging ala swimming pool ang aming bahay kaya ayan, na-excite tuloy si bubwit.

Nang binunot na niya ang huling biskwit at tila niransak na ang maliit na aparador, napatingin ako sa kanyang mga paa...walang tsinelas!

“Hoy! Baby Damulag!” ako’y lumabas sa aking pinagtataguan at siya’y ginulat. “Nakapaa ka pa ah! May papasok na uod diya sa mga kuko mo, sige ka.”

Sa sobrang gulat ni Anne, nalaglag ang hawak niyang supot, natapon tuloy ang mga nilalaman nito sa tubig baha.

“Ate! Isusumbong kita kay Mama!” iritang paiyak na sinabi ni Anne. “Ayan tuloy, nalaglag na.” Sabay turo sa mga nalaglag na meryenda.

“Luh! Mas yari ka. Sino kaya sa atin yung sinabihan na ‘wag sumulong sa baha, at nakapaa pa.” Pinaalala ko kay Anne ang kanyang itsura. Bigla na lang natauhan si Anne at dali-daling kinuha ang mga lumulutang na pagkain sa tubig at humarurot na sa pag-akyat ng hagdan.

“Hala! Sige! Madapa ka pa! Hintayin mo ‘ko doon.”

Pagkatapos kong bitawan ang huli kong mga banat sa bunsong kapatid, umihip nang malakas ang hangin sa labas ng aming bahay. Sinabayan din nito ng malakas na hampas ng ulan na binuhusan pa ulit ng panibagong agos ng tubig ang aming maliit na kalye.

“Pucha, yung ref!”

Dali-dali akong pumunta sa kusina para makita kung nakatanggal na ba ito sa saksakan. At sakto noong ako’y malapit na, bigla namang nag-brownout.

Sa pagpatay ng mga ilaw at kuryente, rinig ang hiyaw ng mga batang nagsisilanguyan sa pataas nang pataas na baha. Maririnig mo rin ang mga sigawan ng mga nanay na gusto nang papasukin ang kanilang mga anak. Syempre, outstanding pa rin ang boses ni Aling Baby.

Nang ako’y nakarating na sa aming refrigerator, buti na lang at ito’y natanggal na mula sa saksakan. Itinaas ko na lang sa lamesa ang mahabang kable upang ito’y hindi mabasa.

Nang ako’y nagsimula ulit maglakad papunta sa aking cellphone, medyo malapit-lapit na sa aking mga binti ang bahang kani-kanina lang ay nasa bandang talampakan pa.

“Shet, wala pa rin si Manong Ed, papalalim na yung baha.” Ako’y nagaalala para sa aming higanteng appliance. Sumugod na ako sa aking telepono upang tanggalin ito sa pagka-charge.

Umabot lang ng 20%, nakanang. Pinatay ko lahat ng alam kong makakakain sa aking baterya: bluetooth, mobile data, mga apps, at kung anuano pa. Inisip ko nga ring i-airplane mode muna pero baka biglang tumawag sina Mama at Papa tapos hindi ko masagot. Mayayari na naman ako.

Binitbit ko ito papunta muli sa kusina, baka kasi hindi nadala ni Anne yung mga sobrang kandila na pinapasabi ko. Sana maging ligtas kami ni Anne habang wala pa sila. Unang karanasan niya ito sa baha, mabuti na lang may baterya pa ang iPad niya, at may pagkain pa para siya’y hindi masyadong mangamba. Bilang nakakatanda, medyo natatakot ako sa kung anong pwedeng mangyari, pero ako mismo naman ay nakaranas ng mahigit sa tatlong baha at naka-survive naman kami, pero kasi kasama ko sina Mama noon.

Huminga na lang ako nang malalim. Kakayanin namin ito.

Nang ako’y nakarating na sa may lamesa kung nasaan ang mga kandilang hindi nabitbit ni Anne, biglang tumunog ang aking cellphone. Isang text ito sa isang number na ‘di kilala.

Unknown: “Helo jess si ed eto.”

Ah, si Manong Ed.

Ako: “hi po manong ed! pano nyo po nakuha # ko?”

Ed: “ibinigay sa kin n papa mo. papunta na ko jan.”

Hindi na siya nag-text pagkatapos ng usapan naming iyon. Hinawakan kong mabuti ang aking telepono upang hindi mahulog sa baha at hinablot ang mga kandila. Malapit-lapit na ang gabi, padilim na rin ang paligid ngunit bakit ganito, iba ang pahid sa akin ng hangin. Parang may pangamba na ewan. Hindi ko masyadong maintindihan pero ipinagpalagay ko na lang ito sa walang humpas na bagyo.

Nagmadali akong umakyat pa-itaas ng kwarto.

“Ateeee, wala pa ba sila Mama?” paiyak na tanong ni Anne.

“Kita mo ba sila ngayon?”

“Ate naman eh! Seryoso kasi.” Halos maglabasan na ang mga luha niya. Inaamin ko, medyo nahahawa na ‘ko sa takot ni Anne. Ang huling dinig ko sa balita eh pati ang EDSA raw ay bihabaha na. Sana hindi sila ma-stranded kung saan man. O kaya, kung natirikan man, nakasilong sila sa isang ligtas na lugar. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa nakabubunsong kapatid.

“Ang bobo kasi ng tanong mo. Galingan mo naman next time,” aking ibinato nang pabiro kay Anne. Nagawa ko na lamang siyang biruin dahil sa hindi ko mawaring nararamdaman habang malakas ang hampas ng ulan sa labas. Humalo na rin kasi ang mga nagdadagundong na kulob kaya mas lalo akong nangamba. Pero… parang may mali.

Tumayo ang aking mga balahibo.

15% na lang ang aking baterya sa cellphone at wala pang bagong mensahe sa ‘kin si Mama o Papa. Yung iPad naman ni Anne, mababa na ang ilaw, mukhang mamamatay na rin. Hindi mapakali ang aking isipan kaya

“Anne! Bababa lang ako, ah. D’yan ka lang.” Tinapik ko ang nagliliitang binti ng aking kapatid. Hindi na siya umimik at iginalaw lang niya ang kanyang mga balikat para ipakitang nakuha niya ang aking bilin.

Asa may pangatlong apak na ako ng hagdan noong sinabi ng aking isipan na, oo nga, mayroong mali. Wala na ang ilaw na nanggagaling sa araw at ‘yong phone ko na lang ang nagsisilbing liwanag habang lubog sa dilim at ilaw ang aming bahay. Naka-awang ang pinto. Nung nailawan ito nang saglit, tila may mga nakita akong nanlilisik na mga bilugang mata. Walang katawan, walang mukha. Mata lang siya ng isang aninong nagmamasid. Para ba silang nakalutang sa ere. Hindi na rin ako nagpatuloy sa pagbaba at umakyat na lang ako muli. Baka guni-guni ko lang iyon.

“Ate, ba’t ganyan mukha mo?”

“Ano?”

“Parang mumu.”

Dinig sa boses ni Anne ang pag-aalala niya. Kahit bata pa lang siya, mayroon na siyang pakialam sa mga tao sa kanyang paligid. At buti, pati rin sa akin. Ayaw kong sabihin sa kanya ang aking nakita kaya naman nagsinungaling na lang ako.

“Yung baha kasi medyo mataas na,” totoo naman, “nag-aalala lang ako doon sa ref baka masira.”

“Ref lang naman eh.” Biglang tumalikod na sa akin si Anne at bumalik sa kanyang ginagawa. Nagpatuloy ako sa pakikipag-usap sa kanya upang gumaan naman ang aking pakiramdam.

“Maka ‘ref lang naman’ ‘kala mo hindi niya kailangan. Saan natin ilalagay mga pagkain mo pag walang ref? Hm? ‘Di na tayo kakain!”

“Hala, Ate! Sige, i-save natin yung ref!” Biglang nagbago ang ekspresyon ni Anne. Nakakatawa talagang nag-iiba ang kanyang pananaw sa bagay-bagay pag inihambing mo siya sa pagkain. Baby Damulag talaga.

“Ikaw talaga ‘pag pagka—”

Biglang may nag text ulit sa akin. Si Manong Ed.

Ed: “asa baba na ko jess”

Nagbalik ulit ang masamang ihip ng hangin pagkatapos ko mabasa ang mensahe. Tumayo muli ang aking balahibo.

“Ayan nanaman, mukha ka ulit mumu.”

Nang narinig ko ang boses ni Anne, para akong naalimpungatan. Nagising ako bigla galing sa malalim na pag-iisip. Saan ko ba nakukuha ang mga ito?

“Anne, seryoso ako. Kahit anong mangyari, ‘wag kang bababa, ha.” Ewan ko kung bakit pero nanginig ang aking boses nang sinabihan ko ang aking kapatid. Muntik ko na rin siyang hablutin sa balikat pero ayaw ko siyang takutin. Sana nasa isip ko lang ang pag-aalalang ‘to.

“‘Ge.” Ang tanging sagot sa akin ni Anne bago ako bumaba.

Nakita ko siya. Itim na pantaas, tokong na basang-basa dahil sa baha. Nakatayo lang si Manong Ed sa aming lubog sa tubig na sala. Nakatayo sa gitna at nakatindig sa akin. Pababa ang aking mga paa sa hagdan, ang ilaw lang muli sa aking telepono ang nagsisilbing liwanag sa aming kinatatayuan. Kung hindi ako nagkakamali, nang nasulyapan ko nang saglit ang kanyang mga mata, pababa rin ito ng pababa. Malagkit.

Tumigil ako sa pinaka baba ng hagdan. Nasa bandang bewang ko na pala ang baha, ngunit pansin ko’y nasa gawing binti niya lamang ito.

Gusto ko na sanang bumalik sa itaas kasama si Anne, pero…ako’y nanigas sa aking kinalulubugan. Hindi ko maigalaw ang aking katawan. Para bang may nakagapos sa aking binti habang ako’y nakalubog sa maruming tubig baha.

“Ano, ineng, tara?” Kakaiba ang tunog ni Manong Ed nang itinanong niya iyon. May mapaglarong tunog pero hindi siya nakangiti.

Hindi ko alam pero kinaiinisan ko ang tonong iyon. Parang hindi si Manong Ed ang nagsasalita. Iba ang itsura. Hindi niya katulad ang matandang lagi kong nakikitang mag-jogging tuwing umaga. Yung may ngiti lagi sa mukha pag iyong nakakasalubong, o pag nakita niya ang mga kaibigan ni Aling Baby at wala siyang imik na maglalakad lang papalayo.

Bakit etong bersyon ni Manong Ed ay parang may binabalak?

“Sige po.” Nagising ako ulit sa aking malalim na pag-iisip. Naiinis na ako sa sarili ko, hindi ko tanggap na kung anu-ano na ang pumapasok sa aking utak. Pinaulit-ulit ko sa aking sarili na kailangan lang maayos ang ref at aalis na rin siya. At pagkatapos noon, matutulog na kami ni Anne, at pagkagising namin ay narito na sina Mama at Papa.

Diyos ko… nagpapawis ang aking mga palad kahit sa kalagitnaan ng lamig ng gabi.

Nang ako’y naglalakad patungo sa kusina, narinig ko ang mga munting alon galing sa mga yapak Manong Ed. Malalakas ito at parang… nagmamadali. Ayaw ng aking ulo lumingon pero, nararamdaman ko, halos tumatama na ang kanyang mga paa sa likod ng aking binti.

Palapit siya nang palapit.

“Ineng, doon ka sa kabilang dulo,” pabulong niyang sinabi sa akin. Hindi ako umimik at sumunod na lang.

Nang ako’y pumwesto na sa kabilang dulo upang makatulong sa pagangat ng ref, wala na si Manong Ed sa kung saan siya kaninang nakasunod sa akin. Ako’y nagtaka dahil hindi ko na siya nakita sa likod ko ulit. Sinundan niya na pala ako sa aking kinatatayuan. Mas matangkad na siya kaysa sa kanina niyang itsura. Nakatango siya, at unit-unting papunta ang kanyang mukha sa aking leeg...

Namutla ako nang tuluyan.

Naramdaman ko ulit ang mga maliliit na alon ng maruming tubig baha. Ito’y nagsasabi na gumagalaw siya ulit, habang ako, wala. Parang tubig na masyadong nagtagal sa freezer. Mas nanigas pa ako sa yelo. Naramdaman ko ang kamay niyang humahaplos sa aking braso, basang-basa at kulubot. Malumanay lang ang kanyang mga hawak pero ako’y nasasakal.

Umakyat nang umakyat ang kanyang mga kamay at napahipo sa aking dibdib. Noong una’y matipid pa ang kanyang mga hawak, ngunit ngayon, para siyang isdang nakawala sa tubig. Uhaw.

Masakit. Masakit.

Napaso ang aking leeg sa bawat nakaw niya ng halik. Gusto kong

sumigaw pero nilamon ng baha ang aking ninanais sabihin. Halos ako’y kalmutin na niya sa gigil habang nanatili akong walang imik. Ayaw kong umiyak, baka mas lalo lang akong malunod sa baha.

Habang ito’y nangyayari, inaamin kong ako’y umalis muna saglit. Bumisita muna ako saglit kay Lola sa probinsya at nakipaglaro sa aking mga pinsan. Nagliwaliw kami sa maalat pero preskong dagat at nanghuli ng mga patay na dikyang napadpad malapit sa baybayin. Binato ito at nagcontest pa kung sino ‘yong pinaka malayo. Syempre, ako ang nakakatanda kaya naman ako ang pinakamalakas sa kanila, at ako rin ang nanalo. Galit pa si Anne sa akin dahil ako raw lagi ang nananalo pagdating sa mga ganito, pero ano ba ang magagawa ko kung ganito talaga ako kagaling? Pagkatapos noon, napadpad din ako sa bapor. Lulubog na ang araw at naglalakad ako kasama si Layla. Nag-cutting muna kami sa klase naming magsisimula ng 5 PM para masulyapan namin ang ginintuang oras sa Manila Bay. Minsan lang kami lumabas at lagi pang patago. Ayaw kasi ng mga madre na lagi kaming magkasama dahil gumagapang daw ang aming mga kamay upang mahawakan ang isa’t isa. Bakit ba? Tama lang ang gaspang ng kamay ni Layla. Hindi niya pinapabayaan ang tekstura ng kanyang mga palad kaya naman ako’y laging napapadpad sa ilalim nito. Masarap dito pag kasama si Layla. Sakto lang.

Madilim na sa Manila Bay. Wala na si Layla, at nagsisigawan na ang mga bapor.

Maingay. Maingay.

Narinig ko ang kalabog sa may itaas at ako’y nakabalik ulit sa baha. Nang pagbukas ko ng aking mga mata, wala na ang aking itaas ngunit may mga brasong patuloy pa rin ng paglayag sa aking katawan. Hindi narinig ng halimaw ang tunog dahil walang humpas ang kanyang paghigop sa aking mukha. Nakita ko sa itaas ng hagdan ang maliliit na mata. Basa sila sa luha at tagong-tago sa takot.

Tangina, ba’t nakatanga lang ako!?

“Alam mo Jess, napakaganda mo.” Nakakadiri. “Lagi kitang tinitignan pag napapadaan ako dito sa bahay niyo.” Nakakasuka.

Namatay na sa pagka-lowbat ang aking telepono. Nanginig lang ito nang saglit at tuluyang namatay. Madilim pa sa madilim ang paligid at ang halimaw ay tuwang-tuwa sa katahimikan. Wala raw kasing nakakakita.

Pero, ang mga mata ni Anne…

Nagbilang ako hanggang tatlo sa ilalim ng aking hininga…

“Isa, dalawa… tatlo!”

Ako’y nakawala sa kanyang mga galamay. Nakita ko ang mapupula niyang mga mata sa kadiliman ng gabi at ang nagtutulisan niyang mga sungay. Isang inkarnasyon ni Satanas. Pinilit niya akong hablutin pero nagtago ako sa kailaliman ng tubig. Pinilit kong lumangoy papalayo pero hinablot niya ang aking buhok. Wala na sa aking kamay ang aking telepono, wala na rin ang aking pantaas. Malamig ang maruming bahang nagtatangkang lasunin ang aking mga baga.

“Putang ina mo! ‘Wag kang tumakas!” Hinila niya ang aking buhok pero patuloy akong lumaban.

Nang ako’y nakarating sa may gawing sala, rinig ko ang kanyang nagbabantang mga sigaw.

Malapit-lapit na ‘ko sa gate. Halos ayaw na ng mga braso kong gumalaw sa lamig.

“T...tulo...long po! T..u..l..long!” Walang humpas ang patak ng ulan sa aking mukha. Ni kaluluwa, walang nais magparamdam. Halos kinain na ng baha ang aming munting kalye.

Nang nahanap ko na ang bukasan, bigla naman akong napa-agos pabalik sa pintuan ng aming bahay. Paparating na siya at napakahaba ng kanyang mga kamay. Ipinilit ko nang mariin ang aking katawan upang makalabas na sa aming bahay.

Lumangoy akong parang hindi na ako makakalangoy ulit.

Nang umahon ang aking ulo, nasa harap na ako ng bahay ni Aling Lolit. Hindi na ako lumingon pa at hinampas nang hinampas ko ang kinakalawang nilang gate.

“Al...i...ling Lo...lo...lit! Aling Lotit! T...tulong p…po! s...si..si Ma…ma…n…ong E…ed!”

Nang pinagbuksan ako ni Aling Lolit, nakabusangot ang kanyang

mukha. Nasa gawing beywang niya ang tubig. Hindi na ako nag-isip pa at niyakap ko siya nang mahigpit. Inisip ko na siya ang aking lola na nasa probinsya. Umungol ako sa iyak at tuluyang nanlamig. Niyakap din naman ako pabalik ni Aling Lolit.

“’Jusko, Jess!” Iba na ang ekspresyon ng may-ari ng tindahan. Ang boses niya’y puno na ng pangamba. “Bakit ka walang T-shirt! Magkakasakit ka niyan!”

Sinubukan kong magsalita pero nanigas na nang tuluyan sa lamig ang aking katawan.

“Si...s...si… Ma… no..manong… E… ed.” Nagsilabasan na ang aking mga luha. Walang humpay ang kanilang pag-agos pero hindi na ako takot kung ako’y malulunod man.

Wala na akong nasabi pa pagkatapos noon. Napapikit na lang ako nang bigla akong hinila papasok sa bahay ni Aling Lolit. Ang mga huling narinig ko na lamang ay isang galit na tawag niya sa kanyang asawa, isang sigaw ng “Sige sapakin mo pa!” na nanggaling kay Aling Baby, at ang pangalan ni Anne.

Dinala ako ni Aling Lolit sa itaas nilang kwarto at binihisan ng napaglumaang daster. Nang ako’y napahiga sa kanilang kama, halos ayaw ko nang dumilat pa.

Mataas na ang silaw ng araw sa aming kalye. Lubog pa rin sa tubig ito pero nasa gawing talampakan na ulit. Nakita ko sa may bintana ang pulis mobil sa ibaba, sina Aling Lolit at ang kanyang asawa, si Aling Baby kasama ang mga anak, at sina Mama at Papa! May mga naka-unipormeng blue rin na seryoso ang mga tindig habang galit na galit naman ang mga nakausap nito. Halos magsigawan na sila.

Sa ingay nila, halos magising na ang batang naka-akbay sa akin nang mahigpit. Kaya tinaklob ko na lang ang kumot sa aming dalawa upang makalayo muna ang ingay sa labas.

Masarap pala sa kama ni Aling Lolit…presko, mabango, at napakalambot. Iniisip ko tuloy na lumulutang kami ni Anne kasama ang mga ibon at ulap. Magaan ang aming lipad habang tanaw namin ang buong kalupaan. Doon sa malayo sa baha.

This article is from: