Sagasa ng TRAIN, Ratsada ng Cha-cha..
LABANAN!
DAGDAG-PASAKIT ang dulot ng mga patakaran ng gobyernong Duterte ngayong 2018. Ordinaryong mamamayan ang sinagasaan ng bagong batas na TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion, na nagpataw ng dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo at inuming may asukal. Nagpapalubag lang ng loob ang gobyerno sa pagsasabi na di naman maaapektuhan ang iba pang bilihin. Ang totoo, wala nang tigil ang pagsirit ng presyo ng pagkain, serbisyo, at pamasahe. Araw-araw nang iniinda ng masa ang sagasa ng TRAIN!
Pinakamabigat ang pasanin ngayon ng mamamayan na dati nang bumabalikat ng matinding kahirapan. Wala silang kahit katiting na benepisyo sa TRAIN. Ang maralitang magsasaka’t mangingisda, manggagawang-bukid at iba pa na walang permanenteng trabaho ay wala namang “take-home pay” o sweldo na madadagdagan diumano dahil sa eksemsyon sa buwis. Maliit na porsyento lang ng populasyon ang makakadama ng kaunting luwag mula sa paketeng ito ng TRAIN – ang masaklap ay una pa lang ito sa magkakasunod na “reporma sa buwis” ni Duterte na garapalang kontra-mahirap at pabor sa mayaman! Para sa nakararami, ang TRAIN ay dagdag-gastos lang at dagdag-pabigat! Sa karaniwang magsasaka, halimbawa, ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay nangangahulugan ng dagdag-gastos sa produksyon. Nagtaas na ang presyo ng abono at pestisidyo. Ang karaniwang palayan ay matakaw din sa langis lalo na’t walang mahusay na suportang serbisyo ang gobyerno para sa lokal na agrikultura. Sa preparasyon pa lamang ng lupa ay nakadepende na ang magsasaka sa paggamit o pagrenta ng makinang kuliglig at makinang patubig, habang sa anihan naman ay kailangang gumastos para sa makinang treser at transportasyon ng produkto. Ayon sa pagsisiyasat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), libu-libong piso ang magiging patong sa gastos ng magsasaka na dati na ngang baon sa utang! At dahil mas magastos na ang produksyon at transportasyon ng mga produktong magsasaka papunta sa mga kumprada at pamilihan, nagiging mas mahal na rin ang bilihing pagkain! Damang-dama ito ngayon sa biglaang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga palengke na pumapalo hanggang P5.00. Sa halip na sumaklolo sa umaaray na mamimili, nagpapaugong pa ang National Food Authority (NFA) ng fake news na “rice shortage” o kakulangan
sa suplay ng bigas. Nabubunyag ngayon ang kabulukan ng neoliberal na dikta ng mga imperyalista: sa halip na suportahan ang mga magsasaka at bilhin sa magandang presyo ang ating lokal na palay, prayoridad ng gobyerno at ng NFA ang gumastos ng bilyun-bilyong piso para sa pag-aangkat ng daan-daang libong metriko tonelada ng imported na bigas! Di nakapagtataka kung pikit-matang ipinagpapatuloy ng gobyerno ang mga neoliberal na patakaran na pabor sa interes ng dayuhan. Si Duterte na nagtatapang-tapangan sa internasyunal na larangan ay hanggang asta lang dahil nangangayupapa pa rin sa mga imposisyon ng US sa pulitika, militar at eknomiya ng bansa. Yukong-yuko rin ngayon si Duterte sa China, at ni hindi makaporma sa panghihimasok nito sa ating mga pulo at karagatan. Walang kaabog-abog na idinideklara ni Duterte ang hangarin niyang mamuno bilang diktador, habang inilulusot ang pinakamasahol na pagsubasta sa teritoryo, kasarinlan at ekonomiya ng Pilipinas. Tulad ng pangako ng TRAIN, lulutasin daw ng panukalang pederalismo ang mga suliranin ng mamamayan. Ngunit tulad din ng minadaling pagkapasa ng TRAIN, niraratsada ngayon ng mga alipores ni Duterte sa Kongreso ang pakanang Charter Change o pagbabago ng Konstitusyon ng Pilipinas – atat na atat ang mga kroni, dinastiya at angkan ng mga trapo at tiwaling pulitiko sa mas talamak na konsentrasyon ng kapangyarihan, pandarambong at pagsasalegal ng 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga lupain at lokal na negosyo. Ang rehimeng US-Duterte mismo, ay kating-kati nang ipatupad ang tahasang diktadura at pasistang paghahari sa pakana nitong bagong konstitusyon at gobyernong pederal. Sagasa ng TRAIN, ratsada ng Cha-Cha – kasabay ng talamak na pamamaslang sa mga maralitang lunsod at masang magsasaka, patuloy na pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao, pambobomba at militarisasyon sa mga komunidad sa kanayunan, pagbasura sa usapang pangkapayapaan, panunupil sa karapatan ng mamamayan, at panggigipit sa mga kritiko at malayang pamamahayag. Walang ibang landas para sa mamamayan kundi ipagpatuloy ang laban para sa pambansang demokrasya. Ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsaska ay patuloy na nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, habang iginigiit ang pambansang kasarinlan at demokrasya laban sa banta ng diktadura at pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte.
Biguin ang diktadura! TRAIN at Cha-Cha, ibasura! SUMAMA SA PAGKILOS SA PEBRERO 24!