Kinaadman
Bukang-Liwayway
ng Bagong Kinaadman
Ipinasa ni:
Lelaina Sofiya A. Fernando
Ipinasa kay:
Bb. Kyla Antonette Padillo
Petsa: Hunyo 2, 2023
Ang "Bukang-Liwayway ng Bagong Kinaadman" ay ang piniling pamagat ng awtor para sa portfolio na ito, sa asignaturang Filipino sa Piling Larang (Akademiks). Naniniwala siya na tulad ng bukang-liwayway sa langit na sumisimbolo ng bagong simula, ang mga natutunan at sinulat ng awtor sa asignaturang ito ay ang umpisa ng panibagong kaalaman na maaaring makatulong at mapakinabangan sa hinaharap, para sa kanya at sa mga mambabasa. Ginamit ng awtor ang salitang "kinaadman" dahil "kaalaman" at "karunungan" ang ibig sabihin nito, at naniniwala siya na sa nagdaang termino ay hindi lamang dagdag kaalaman ang kanyang nakuha, kundi pati karunungan dahil sa kanyang mga naging karanasan.
Sa portfolio na ito, makikita ang mga sinulat at ginawa ng awtor na sulatin na maaaring maging inspirasyon sa mambabasa kung kinakailangan. Ang nilalaman nito ay ang bionote ni Vico Sotto, ang panukalang proyekto, adyenda, at katitikan ng pulong tungkol sa pag-suplay ng Water Filtration System sa Sitangkai, Tawi-Tawi, at Talumpati para mahikayat ang kababaihan na tumahak sa larangan ng STEM. Sa dulo naman nito ay ang epilogo kung saan ilalahad ng awtor ang repleksyon at naging karanasan niya sa asignatura. Makikita ang bionote ng awtor sa pinakahuling pahina.
Lubos na nagpapasalamat ang awtor sa suporta at tulong ng kanyang mga kagrupo sa mga pangkatang gawain.
Nagpapasalamat din siya sa kanilang guro na si Bb. Kyla Antonette Padillo dahil sa walang sawang pag-gabay, pagtuturo, at pagtulong sa awtor.
Ang asignaturang Filipino sa Piling Larang ay ang nagbukas sa mata at isip ng awtor na importante pa rin ang paggawa at pagsulat ng mga sulatin sa wikang Filipino. Napagtanto niya na mahalaga ang asignatura na ito hindi lamang para matuto kung paano lumikha ng iba't-ibang akademikong sulatin at malaman ang mga importanteng elemento nito, kundi pati na rin
pagyamanin at pagbutihin ang kahusayan sa wikang Filipino. Dito mas naunawaan ng may-akda ang kahalagahan ng wika. Naniniwala siya na sa kursong ito, kinakailangan ng matinding pang-unawa, pagkamalikhain, at lohika para matugunan at mapagdaanan ang asignatura. Habang binubuo ang portfolio ay hindi maitago ang kanyang kasiyahan, dahil ito ang bunga ng kanyang pag-aaral at pagsisikap sa asignaturang ito.
Masaya at naging aktibo ang may-akda sa diskusyon ng kurso, at ibinigay niya ang makakaya niya para sa mga sulatin. Bagaman nahirapan siya dahil hindi siya
gaano kahusay sa pagsulat sa wikang Filipino, ang
naging karanasan naman niya sa pagsulat at ang mga
bagong kaalaman na nakuha niya ay ang pumawi sa hirap at pagod na dinanas niya.