4 minute read
Balita
DLC, kampeon sa Higalaay Parade
ni Princess Leah Joy D. Sagaad
Advertisement
Gumawa ng kasaysayan ang Gusa Regional Science High School-X Drum and Lyre Corps ng SY 2017-18 sa pagsungkit sa pinakamataas na parangal sa isinagawang 2017 Higalaay Civic-Military Parade nitong ika-27 ng Agosto 2017 na parte ng selebrasyon ng kapistahan ng syudad ng Cagayan de Oro.
Nakakuha ng 94 porsyentong kabuuan mula sa apat na mga hurado at hinirang na Best Marching Band, Most Disciplined, at Best in Uniform ang GRSHS-X DLC laban sa 91 mga sumaling pampubliko at pampribadong paaralan sa lunsod.
Pumangalawa rito ang Liceo de Cagayan University na nakakuha ng 92. 88 porsyento at pumangatlo sa 91.88 porsyento ang Iponan National High School.
“Isang malaking karangalan ito hindi lamang para sa aming sarili kundi para sa ating paaralan. Nakalulugod isipin na ang lahat ng pagod dulot ng aming pagpupursigi sa pag-eensayo ay nagbunga,” ani DLC Moderator Samuel O. Linog, sa wikang Ingles.
Pinangunahan ni band mother Queenie Lyn Mandang at band major Niel Brian Opeña ang parada kasama sina Angela Karylle Go bilang seal bearer; Colene Santa Cruz bilang assistant band mother, at iba pang humigit kumulang 100 mga estudyanteng ipinakita ang kanilang galing. Kasama rin sa parada ang mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ng paaralan sa pangunguna ni troop leader Francis Gem Patigayon.
"Happy kay mi kay first time nadaug ang RS sa parade. Worth it kay siya na experience," nagagalak na pahayag ni Go sa kanilang pagkapanalo.
Leadership Training inilunsad ng GRSHS SSG
ni Princess Leah Joy D. Sagaad
Naging inspirasyon para sa humigit kumulang 50 mga mag-aaral na kalahok sa ginanap na IGNITE: Leadership Training Seminar ang binahaging diskusyon ng resource speaker na si Ricky John Goyeneche, isang USA Certified Neuro- Linguistic Programming Master Practitioner at Backpack Inspirational Leadership and Development (BILD) Cotrainer mula sa University of Science and Technology in Southern Philippines (USTP).
Binuo ng workshop na naghahasa ng leadership skills at team building ng mga mag-aaral ang isang araw na seminar na ginanap nitong ika-9 ng Disyembre 2017.
Pinamagatan niyang ‘Reprogram: How to Think Positively and De-Stress Your Life’ ang kanyang lektyur. Inilunsad ng Supreme Students Gocernment ng paaralan ang nasabing leadership training upang magbigay ng inspirasyon at pagganyak sa mga kabataang naghahangad na maging epektibong lider.
“Nakatulong ng husto ang seminar na ito sa amin lalo na’t nagkaroon kami ng panibagong idea tungkol sa mental health na siyang ibihagi namin sa Dilaab Ph, isang online campaign na aming sinimulan,” wika ni SSG Vice President Melvin Villacote.
Journalism Training sa GRSHS, ibinunsod
ni Razaele F. Manales
Bilang paghahanda sa kaunaunahang District Schools Press Conference, nagdaos ang Gusa Regional Science High School-X (GRSHS-X) ng Journalism Enhancement Traning nitong Setyembre 6-8.
"We are training you to become smart, fair, and independent journalists," tugon ng Punongguro, Evelyn Q. Sumanda, sa 122 mamamahayag pangkampus na dumalo sa pagsasanay. Aniya, ito ay hindi lamang upang ihanda sila sa kompetisyon, kung hindi'y pati na rin sa hinaharap.
Sinanay rito ang mga mamamahayag sa walong isahang kategorya: Pagsulat ng Balita, Pangulong Tudling, Lathalain, Balitang Pampalakasan, Artikulong Pang- Agham at Teknolohiya, Pagkuha ng Larawang Pampahayagan, Pagguhit ng Kartung Editoryal, at Pagwawasto at Pag-uulo ng Balita.
Nilinang rin ang kakayahan at talento ng mga mag-aaral sa tatlong pangkatang kategorya: Script Writing and Radio Broadcasting, Collaborative Desktop Publishing, at ang pinakabagong kateogrya, TV Newscasting.
Ilang mga tagapagsalita ang inimbitahan ng paaralan upang magbahagi ng karunungan sa mga mag-aaral. Sila rin ang humusga at pumili ng 58 mamamahayag na kakatawan sa paaralan sa District Schools Press Conference.
Labing-anim na mamamahayag ang nasala para sa mga kategoryang indibidwal– walo sa English, walo sa Filipino. 42 naman para sa tatlong kategoryang pangkatan– 21 sa Filipino at 21 sa English.
Kahandaan sa Sakuna
SDRRMC hinigpitan ang kahandaan sa lindol
Ni Kyle R. Baclayo
Upang mapatibay ang kamalayan at kahandaan ng mga mag-aaral, guro at iba pang empleyado ng paaralan sa pagdating ng hindi maiiwasang sakuna tulad lindol, nagsagawa ng 3rd Quarter Simultaneous Earthquake Drill ang Gusa Regional Science High School-X nitong Setyembre 28.
Pasado alas 10 ng umaga nang pinatunog ng paaralan ang busina na tanda ng pagsisimula ng simulation ng lindol. Tumigil sa kani-kanilang gawain ang mga estudyante at guro sabay yumuko at naghanap ng malulukuban. Maya-maya pagkatapos ng busina, nagsilabasan sila sa kani-kanilang silid, bumuo ng linya at dahan-dahang lumakad patungo sa field.
Pinangungunahan ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng kaakibat nito sa Kagawaran ng Edukasyon— ang Schools Disaster Risk Reduction and Management Council (SDRRMC) ng paaralan na pinamumunuan ni G. Christian Gem Pimentel.
Maayos ang takbo ng simulation at mayroon pang mga kagamitan tulad ng hardhat at megaphone ang mga gurong komite ng SDRRMC ngunit napansin nilang mayroon paring iilang mga estudyante na hindi seryoso sa ginagawang drill.
Ayon kay G. Pimentel, sa kabuuang 30 mga seksyon mas konti pa sa kalahati nito ang naalalang mag-report ng headcount sa kanilang mga kaklase na gawain sana ng class president. Nakaaalarma umano ito sapagkat maituturing na missing ang mga hindi kabilang sa na-headcount ngunit ito naman daw ang isa sa layunin ng drill—ang mapabatid sa mga mag-aaral ang kanilang nararapat gawin habang nangyayari ang isang sakuna.
Aktibo rin ang mga medikong binubuo ng mga mag-aaral at guro sa kanilang pagsagip sa mga kunwaring nasaktan at nasugatan.
Bukod sa pagpapalaganap ng kaalaman, layunin umano ng drill na masukat at masuri ang pagka-epektibo ng mga ginagawang paghahanda ng paaralan sa aspeto ng polisiya, sistema at plano sakaling may mangyaring mang emergency at sakuna.