Para sa midya 1. ang industriya ng midya sa Pilipinas ay pinapatakbo ng tatlong sektor sa lipunang Pilipino. Mayroong mga outlet na kontrol ng pribadong korporasyon at malaking pamilya. Gayundin, mayroong istasyong hawak naman ng gubyerno o pampubliko. At mayroon din naman mas maliliit na kompanyang ekstensyon ng kanilang adbokasiya at interes. Sang-ayon sa klasikong libro ng teorya ng midya, maaaring pribado, publiko at estado ang nagpapatakbo sa industriya ng midya. Hindi naman taliwas ang konteksto sa Pilipinas liban sa tatlo ay mayroon pang alternatibo. Mayroon na ding alternatibang midya, bagamat hindi kasama sa tradisyonal at mainstream, ang alternatibong midya ay karagdagan at mahalagang bahagi ng industriyang humuhubog din sa pagkilos ng mga mamamayan tungo sa pagbabago at pag-unlad. Bagamat ang pangunahing tunguhin ng industriya ng midya ay upang kumita at mapanatili ang pang-araw-araw na operasyon nito, mayroon pa rin itong obligasyon upang maglahad ng impormasyon upang magamit sa publikong opinyon at pagdedesisyon. Marahil sa ganitong aspeto nagkakaiba ang mainstream at alternatibo. Sa librong IMC, the new model, ang Independent Media Center ay nagsilbing ibang balangkas sa mainstream na midya kung saan mas matimbang ang pangangalakal ng impormasyon higit pa sa pamamahagi nito. Hindi rin naman puro ang alternatibong midya at hindi palaging alternatibo ito sa mainstream. Gayunpaman, kasama sila sa industriya ng midya sa bansa. Naghahatid ng impormasyon, kumikita sa patalastas, nakaka-impluwensya ng opinyon at desisyon ng mamamayan.
2. Nakaugat sa mga aklat ng content analysis, ang pananaw na maaaring hatiin sa mga audience, teksto at industriya ang pag-aaral ng midya. Marahil sa kontemporaryong panahon, napalitan ng pag-aaral sa midya at komunikasyon ang simpleng pag-aaral ng nilalaman bilang bahagi ng mas masaklaw na pag-aaral ng kultura at kalinangan. Sa bansa tulad ng Pilipinas, mahalaga ang demographics o mga katangian ng audience na nagkakaiba-iba upang mailarawan anong klase ng industriya ng midya mayroon. Dahil kapuluan ang Pilipinas, inabot naman na ng frequency ng radyo ang himpapawid kung hindi man ng mga linya ng kuryente ang bawat sulok ng Pilipinas. Libre at publikong serbisyo ang programa sa radyo partikular sa probinsya, sapagkat mga ordinaryong tao hindi makakabili ng mga produktong binibenta sa patalastas. Sa mga sentrong urban, mabilis ang kuneksyon sa internet ay paparami nang paparami at pakumplika nang pakumplika ang mga ads sa telebisyon, cable at kompyuter. Lubhang malalim at malawak ang agwat ng mga nasa rural na pook at urban na syudad, higit pa ang mga nangingibang bayan. Mas malayo ang mararating, maabot pa rin ng industriya ng midya, marahil mas komersyalisado higit pa ang layo ng agwat sa kanilang naiiwan sa bansa, ngunit patuloy ang kanilang padala sa probinsya at pamimili sa mga malalaking syudad na unti-unting pinapasok na ng mga dambuhalang mall. 3. Mayroong panahon, pagkatapos ng mga digmaang pandaigdig na “nawala,� naligaw at beat na henerasyon. Ngunit sa ika-21 siglo, kung anong dahop sa nilalaman ay nabaliktad ang sitwasyon, sa yugto ng mga viral na bidyo, pusible ang lahat sa internet. Kahit walang-wala, maaaring magkaroon at pwede pang sumobra pa. habang tumatagal ang panahon,
lumiliit ang daigdig at umiiksi ang oras. Dahil sa modernong teknolohiya at transportaston, partikular ang komunikasyon, ang mga paggitan ay nabubura, mas nagiging ordinaryo ang mga bagay na nakakagulantang dati-rati. Gayundin ang mensahe, kagaya ng mantra ng teknolohista ng midya, si Mcluhan, kung ano ang midyum yun na rin mismo ang nilalaman. Sa madaling sabi, ang nilalaman ay itinatakda anumang midyum o porma ng pamamahagi nito. Sa gitna ng mga benepisyo at magandang dulot ng internet, sa post Snowden at Wikileaks na mundo, sibrang bilis ng oras at liit ng distansya nawawala ang nilalaman at nabubura ang kahulugan at kalakip nitong pormat, kaya lamang wala nang orihinalidad at dating, samakatuwid hindi na ito tumatalab sa imahinasyon at makakatulong sa pagiging malikhain. Ang nilalaman ng mensahe sa kontemporaryong panahoan ay hangin at enerhiya, hindi nakikita ngunit mahihiwatig pero wala sa hinagap o hinuha. Mukhang naubusan nang mensahe ang hinaharap. 4. Sa demokratikong porma ng gubyerno, ilusyon ang pamimili ng akmang kandidato. Kagaya ng mga pusibleng kumbinasyon ng mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon. Sa tuwing sasaput ang bisperas ng eleksyon, nagsisimula nang ipalabas ang naratibo at melodrama ng mga karapatdapat at hindi. Ang pinakamatutunong na pangalan o pinakamalaking hadlang ang kadalasang nauunang magiba ang reputasyon at masira ang tyansa sa panghahangad ng pusisyon. Midya ang kadalasang sandata sa pagpapatumba o pagtataguyod ng mga kandidato sa pulitika. Bagamat may omnibus election code at proseso ng pagkandidato at pagbito, malaking perya ang eleksyon, bago at matapos
ito sa Pilipinas. Kaliwa’t kanan ang pambabatikos sa isang banda, kanyakanya naman ng pagpapalapad ng papel at pagpapapogi ang ginagawa ng mga tradisyunal na pulitiko. Sanay na ang mag ito sa pambabato at paglabas ng eskandlo at samut saring baho tila bahagi ng elaborate na akto o performans sa sirkus. Samantala, nagiging spektakulo ito hanggang hindi umabot sa kritikal na pagkilos ang nagmimistulang “manonood ng perya. Imbis na makilahok ay nanatili ang ilan sa upuan at pumupunta sa presinto upang pumili ng iboboto. Hanggang hindi binabago ang pagdedesisyon gamit ang teknolohiya at midya mananatiling sirkus ang eleksyon sa bansa. 5. Kadalasan nga, sa kaso ng mainstream na midya, pinapatakbo nang parang negosyo ang eskwelahan at pagkatuto. Bagamat kasabay nito ang pagdami ng mag libreng MOOCs at online resources para sa pagkatuto. Sinusumplementa ito ng telebisyon, mga tutorial na programa at palabas sa mga bata, mas marami pang oras sa bahay kaysa eskwelahan o iba pang ahente ng sosyalisasyon. Ang midya ay isa sa mahahalagang salik ng pagkatuto ngunit kung titimbangin ang dami ng natututuhan at basurang nilalaman, madali lamang patunayan sa buong siklo ng prorgama, ilan ang para sa pedagohikal na gawain. Ilan ang channel para sa pagkatuto kumpara sa mga sports, tsismis at balita, maging palabas at musika? Pero meron kritikal na nilalaman ang telebisyon at internet na maaaring pedagohikal na kagamitan kailangan lang matuto, pag-aralan at magamit nang tama ang teknolohiya. Ang alternatibo sa basura at dahip na nilalaman ay pataasin ang kalidad sa pamamagitan ng kritikal na pagsalin at bukas na komunikasyon sa mga komukonsumo at gumagawa ng
nilalaman. Marami ang nilalaman ngunit ilan lamang ang maaaring magamit sa totoong buhay. Kailangan, gumawa ng tseklist ano ang kulang at kelangan paigtingin sa klasrum na pwede gawin sa telebisyon at internet. Sa punto ng global at viral na mdiya, pusible ang paglalatag ng alternatibong pedagohiya, hindi na lamang ng mga api kundi ng mga may akses sa internet at teknolohiya.