Hulyo 2016
Praymer Administrasyong Duterte:
Pakikibaka at pagbabago
P
uno ng pag-asa ang pagsalubong ng sambayanan sa ipinapangakong pagbabago ng administrasyong Duterte. Hindi nakapagtataka ang mainit na pagtanggap na ito. Sa nakalipas na anim na taon, inatake ang mamamayan ng lubhang pahirap na rehimeng USAquino. At ngayon, pumalit ang bagong Pangulo na tila handang makinig at tumugon sa daing ng taumbayan.
114 Timog Avenue, Quezon City, 1103 Philippines Tels. +63 2 927 7060 to 61 Fax +63 2 929 2496 www.ibon.org
Ito mismo ang binigyang diin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa talumpati nito noong kanyang inagurasyon. Aniya, sa mamamayan humuhugot ng lakas ang isang demokratikong gobyerno. Kaya naman hindi raw maaaring hindi ito makinig sa hinaing ng mamamayan at damhin ang kanilang pulso. Hindi maaaring hindi nito tugunan ang pangangailangan ng taumbayan at palakasin ang kanilang tiwala sa mga iniluklok nila sa kapangyarihan. Simboliko ang pag-imbita ni Duterte sa mga lider-masa ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa loob ng Malacañang matapos magtalumpati sa kanyang inagurasyon. Kung barikada at pandarahas ng pulis ang isinasalubong sa ilalim ni Pangulong Benigno S. Aquino III, mainit na pagtanggap naman sa inihaing “Adyenda ng Mamamayan” ang ipinakita ni Duterte.
IBON Praymer
Hulyo 2016
3
Pero hindi ibig sabihin na simple at madali na ang inaasam na pagbabago. Ang totoo, batbat ito ng mga hamon at kontradiksyon dahil sa pananatili ng kaayusang malakolonyal at malapyudal at paghahari ng imperyalismong US at mga kasabwat nitong burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Si Duterte – sa kabila ng mga progresibo nitong pahayag – ay kinatawan pa rin ng mga reaksyunaryong nagtataguyod sa bulok, mapang-api at mapagsamantalang sistema sa ekonomiya at politika ng bansa. Gayunman, ang pagiging bukas nito sa pakikipagtulungan at pakikipagkaisa sa mga rebolusyonaryo, makabayan at demokratikong pwersa sa lipunang Pilipino ay nagbubukas ng mga pambihirang pagkakataon para sa makabuluhang pagsulong ng interes ng mamamayan.
ang kabuluhan ng pagkapanalo ni Duterte 1Ano bilang Pangulo? Nagbago na ba ang katangian ng halalan sa Pilipinas?
Masasabing ang pagkapanalo ni Duterte bilang Pangulo ay pagtakwil ng mamamayan sa mapanlinlang na “Daang Matuwid” at direktang resulta ng pagkasuklam nila sa anim na taon ng pagpapahirap, pagpapabaya, pagbebenta sa soberanya, pagbibigay-pabor sa malalaking negosyo, kapartido, kaalyado at kabigan, at panunupil at pandarahas ng rehimeng USAquino. Indikasyon ito ng paglalim at paglala ng krisis ng lipunang malapyudal at malakolonyal kung saan naghahangad ang sambayanang Pilipino ng makabuluhang pagbabago na magsisilbi sa kanilang interes at hindi sa iilan lamang. Makikita ito sa paglampaso ni Duterte sa manok ng administrasyong Aquino na si dating Kalihim Mar Roxas sa kabila ng makinarya, rekurso at poder ng Liberal Party (LP). Umabot sa 16.6 milyon ang nakuhang boto ni Duterte – lampas anim na milyong mas malaki sa nakuhang boto ng pambato ng LP. Nakalaban ni Duterte – na sa simula’y bantulot tumakbo – ang mga markadong trapo sa pambansang politika at malaon nang nag-aambisyong maging Pangulo ng bansa. Bukod kay Roxas, tumakbo rin si Bise Presidente Jejomar Binay na nauna nang nadurog ng LP sa operasyong kontra-Binay nito dalawang taon bago ang halalang 2016. Samantala, hindi naman namaksimisa ni Senador Grace Poe ang alyansa nito sa mga progresibo
4
IBON Praymer
Hulyo 2016
sa ilalim ng Makabayan upang iprisinta ang sarili na alternatibo sa nakaupong rehimen at pampalit sa nalantad nang “Daang Matuwid”. May pagtingin na, sa pangkalahatan, ay naging ‘malambot’ si Poe pagdating sa kritisismo nito sa bulok na Daang Matuwid at mismong kay Aquino at mas piniling banatan ang ilang opisyal ng LP. Hindi rin maitatanggi ang naging epekto sa kampanya ni Poe ng operasyong black prop ng LP at kampo ni Binay kaugnay ng kanyang citizenship. Sa kabilang banda, nasapul ni Duterte ang pulso ng mamamayan sa imahen at kampanya nito bilang politiko na kaiba sa karaniwan hindi lamang sa paraan ng kanyang pananalita at epektibong pamamahala bilang alkalde ng Davao sa mahabang panahon. Ipinagmalaki rin ni Duterte ang kanyang magandang relasyon sa Kaliwa (hanggang sa puntong sinabi niyang siya mismo ay mula sa Kaliwa), na numero unong kritiko at oposisyon sa rehimeng US-Aquino, at pagkilala sa kinakatawan nitong mga prinsipyo na nagsisilbi sa interes ng karaniwang mamamayan. Ilang araw bago ang eleksyon, naging balita ang paguusap sa online video chat nina Duterte at Prof. Jose Ma. Sison, tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at punong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Tinangkang gamitin ito ng mga kalaban sa politika ni Duterte upang takutin ang mamamayan sa diumanong ‘sabwatan’ ni Duterte at mga komunista pero nabigo ang nasabing paninira. Sa halip, lalong tumingkad ang pagiging iba ni Duterte sa mga kalaban nitong trapo. Ito, at ang matapang na kampanya ni Duterte laban sa kriminalidad at korapsyon, ay tumatak nang husto sa isipan ng mga botante. Subalit mahalagang tandaan na sa kabila ng pagkapanalo ni Duterte, hindi nababago ang katangian ng halalan sa bansa. Nananatili pa rin itong mekanismo ng pagpapalitan at pagpapasahan ng paghawak sa kapangyarihan ng mga nagtutunggaling paksyon ng naghaharing uri. Nananatili itong di-demokratiko, marumi at marahas. Si Duterte mismo ay mula sa angkan ng mga politiko at ang kanyang kandidatura ay tinustusan ng malalaking negosyo at maimpluwensyang mga grupo na tumataya tuwing halalan.1 1
Sa kanyang isinumiteng SOCE sa Comelec, kabilang sa mga nangungunang tumustos sa kampanya ni Duterte ang mga sumusunod: dating Kongresista Antonio R. Floirendo, Jr. ng Davao del Norte mula sa angkang kumukontrol sa malalawak na plantasyon ng saging sa bansa (Php75 milyon); Dennis Uy ng Phoenix Petroleum na nakabase sa Davao (Php30 milyon); Samuel Uy ng Davao Farms at Davao Import Distributors Inc. (Php30 milyon); Lorenzo Te ng Honda Cars Davao (Php30 milyon); Tomas Alcantara, chairman at presidente ng Alsons Group (Php12 milyon) at kapatid nitong si Nicasio Alcantara (Php16 milyon) at Felix Ang, presidente ng CATS Motors Inc. (Php10 milyon). Mula sa “Duterte spent over P371M for successful campaign; Binay poured P463M” ni Jocelyn R. Uy, Philippine Daily Inquirer, 8 Hunyo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
5
Ginagamit ng naghaharing uri ang estado poder para isulong ang pampolitika at pang-ekonomiyang interes ng kanilang pamilya at/o negosyo. Ito ang nasa likod ng matinding tunggalian ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri sa eleksyon. Kaya naman umaabot sa bilyon-bilyon ang gastos ng mga politiko at kanilang taga-suporta para manalo. Sa kakatapos na halalan, ang deklaradong gastos ni Duterte sa kanyang statement of contributions and expenditures (SOCE) ay nasa Php371.4 milyon. Pinakamalaki ang iniulat na gastos ni Poe na umabot sa Php510.8 milyon habang gumastos si Binay ng Php463.3 milyon at si Defensor-Santiago nang Php74.6 milyon.2 Sa kanyang huli na pagsumite ng SOCE, iniulat ni Roxas na umabot sa Php487.3 milyon ang ginastos niya para sa bigong kandidatura.3 Ito ang deklaradong gastos ng mga kandidato subalit hindi nito kinakatawan ang totoong gastos nila sa halalang nakatuntong sa patronahe sa politika at pagbili ng suporta ng mga lokal na politiko at ng mismong mga botante. Halimbawa nito ang lantarang paggamit ng mga kandidato ng LP, sa pangunguna ni Roxas at nanalong Bise Presidente Leni Robredo, ng rekurso ng pamahalaan sa kanilang pangangampanya. Kabilang dito ang paggamit ng LP sa Php64-bilyong pondo ng programang conditional cash transfer (CCT) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ang mga asembliya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay ginamit para ipagkampanya ng LP ang kanilang manok. Ginamit din ng kampo ni Roxas ang mga sasakyan ng lokal na pamahalaan habang ang mismong presidential chopper ay ginamit ng kapatid ng Pangulo na si Kris Aquino para ipagkampanya sina Roxas at Robredo.4 Napaulat din ang pamamahagi ni Korina Sanchez, asawa ni Roxas, kasama si Kalihim Proceso Alcala ng Department of Agriculture (DA), ng pondo at kagamitang pansaka sa mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong kasagsagan ng kampanya.5 Ginamit din maging ang kapulisan. Isang buwan bago ang eleksyon, napaulat ang diumanong pakikipagpulong ng apat 2 “Duterte reports spending P371-M for campaign” ni Rose-An Jessica Dioquino, GMA News online, 8 Hunyo 2016 3 “Mar Roxas submits report on campaign funds; 2nd top spender with P487M” ni AC Nicholls, CNN Philippines, 22 Hunyo 2016 4 “Kris scored for allegedly using presidential choppers at LP sortie” ni Alexis Romero, The Philippine Star, 20 Abril 2016 5 “Korina takes flak over distribution of checks, farm equipment at DA events” ni Virgil Lopez, GMA News, 5 Marso 2016
6
IBON Praymer
Hulyo 2016
na aktibong Heneral ng Philippine National Police (PNP) sa kampo ng LP sa loob mismo ng compound na pagmamay-ari ng pamilyang Roxas.6 Gaya ng dalawang nagdaang halalang automated na kontrolado ng dayuhan at pribadong korporasyon na Smartmatic na may koneksyon sa pamilyang Aquino at imperyalismong US, talamak ang mga alegasyon ng dayaan nitong 2016.7 Umabot sa lampas Php8.7 bilyon ang halaga ng mga kontratang pinasok ng Smartmatic sa Comelec, kabilang ang vote counting machines (VCM).8 Sinikap ng LP na palobohin ang boto ni Roxas ngunit lubhang malaki ang lamang ni Duterte para maging kapani-paniwala sa publiko na maaaring manalo ang pambato ng administrasyon. Pero nakinabang dito si Robredo at mga kandidato ng LP sa pagka-senador. Sa gitna ng bilangan, halimbawa, binago diumano ng technician ng Smartmatic ang hashcode ng transparency server ng Comelec na maaaring nakaapekto sa bilangan ng mga boto, partikular sa labanan para sa pagka-bise presidente sa pagitan nina Robredo at Bongbong Marcos. Liban pa ito sa pagpalpak ng may 2,363 VCM sa mismong araw ng halalan na maaaring nakapag-disenfranchise ng hanggang dalawang milyong botante.9 Nagpatuloy din ang malaganap na karahasan. Katunayan, ang nakaraang eleksyon diumano ay higit na marahas kumpara sa nakaraan matapos umabot sa 230 ang naitalang insidente ng paglabag sa karapatang pantao na may kinalaman sa halalan.10
6 “4 active police generals seen with Mar supporter” ni Cecille Suerte Felipe, The Philippine Star, 3 Abril 2016 7 Ang tagapangulo ng Smartmatic, si Lord Mark Malloch-Brown, ay ang itinalagang campaign strategist ng Central Intelligence Agency (CIA) para kay dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986 snap elections at nanatiling malapit sa mga Aquino. May mga lumabas na ulat na nakipagpulong si Malloch-Brown kay Noynoy at iba pang pinuno ng LP nang bumisita ito sa Pilipinas noong isang taon. 8 Smartmatic din ang nagpatakbo ng halalang automated noong 2010 at 2013. Sa kabuuan, umaabot na sa lampas Php18.47 bilyon ang halaga ng mga kontrata nito sa Comelec, kabilang ang Php8.71 bilyon nitong 2016; Php2.56 bilyon noong 2013; at Php7.2 bilyon noong 2010. 9 “‘Smartmatic can tamper with election results’ –IT experts”, Altermidya, 12 Mayo 2016 10 “2016 polls ‘more violent’, says monitor” ni Janvic Mateo, The Philippine Star, 9 Mayo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
7
susumahin ang anim na taon ng 2 Paano administrasyong Aquino? Ano ang mga pananagutan nito sa mamamayan?
Walang tigil na pagpapahirap at pambubusabos sa mamamayan. Pagsisilbi sa interes ng malalaking negosyo at oligarkiya. Walang katulad na pagpapatupad ng neoliberalismo sa ekonomiya gaya ng public-private partnership (PPP). Kriminal na pagpapabaya. Pagpapakatuta sa imperyalismong US. Panggigipit sa mga kaaway sa politika habang lantarang pinagtatakpan ang mga kaibigan at kaalyado na sangkot sa korapsyon. Paggamit sa kabang bayan para sa makitid na pampolitikang interes ng LP. Matinding panunupil at paglabag sa karapatang pantao. Ito ang sumada ng anim na taon ng administrasyong Aquino at ng mga dapat panagutan nito sa taumbayan. Hanggang sa huli, pinaninindigan ng administrasyong Aquino ang panlilinlang nito. Ipinagmamalaki nito ang masiglang ekonomiya at panunumbalik daw ng “respeto” ng ibang bansa sa Pilipinas. Sa termino ni Aquino, lumago nang 6.2% kada taon ang gross domestic product (GDP)11 ng bansa – pinakamabilis diumano sa nakalipas na 40 taon. Nananatili raw na istable ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo (abereyds na 1.4% tantos ng implasyon noong 2015). Dumami raw ang may trabaho (mula 92.7% tantos ng may trabaho noong 2010 paakyat sa 93.9% nitong Abril 2016). Naibsan daw ang kahirapan at umabot sa 7.7 milyon ang naiahon mula sa kahirapan dahil sa 4Ps. Ibinida rin nito ang pagtustos sa mga proyektong pang-imprastruktura na lumobo raw mula katumbas na 1.8% ng GDP noong 2010 tungo sa 5% ngayong taon. Nasa 93.5 milyong Pilipino na raw ang nakapailalim sa Universal Health Care Program ng PhilHealth. Nasa 89,720 silid-aralan rin daw ang naipatayo mula 2010 hanggang Marso 2016.12
11 Ngunit kasama rito ang mabilis na paglago ng GDP noong unang hati ng 2010 nang si Arroyo pa ang nakaupo. Kung hindi ito isasama, lalabas na nasa 5.9% lamang ang abereyds na paglago ng GDP sa 2010-2015 na panahon ni Aquino. 12 “Economic performance, return of global respect cited as Noy accomplishments” ni Delon Porcalla, The Philippine Star, 28 Hunyo 2016
8
IBON Praymer
Hulyo 2016
Ekonomiyang para sa oligarkiya at dayuhan Hindi lamang basta ipinagpatuloy ng administrasyong Aquino ang neoliberalismo sa ekonomiya bagkus ay ibayo pa itong pinatindi. Pinalawak nito ang lampas tatlong-dekadang neoliberal na mga patakaran ng pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon gaya ng PPP at pagrebisa sa mga alituntunin ng Build-Operate-Transfer (BOT) Law, pagbukas sa 100% partisipasyon ng mga dayuhang bangko, at iba pa. Bago bumaba sa pwesto, naglabas din ito ng kautusan na nagbibigay-daan sa mga korporasyon na ipalista sa Philippine Stock Exchange (PSE) ang mga proyektong pang-imprastruktura upang mas mabilis na magpasulpot ng kapital.13 Nagpamigay ito ng 12 kontrata sa PPP na nagkakahalaga ng Php200.5 bilyon.14 Apat na grupo lamang ang nakakuha ng mga kontratang ito – ang pamilyang Ayala; Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) ng mga Salim sa Indonesia at kinakatawan ni Manny V. Pangilinan (MVP); ang San Miguel Corp. (SMC) ng tiyuhin ni Aquino na si Danding Cojuangco at kanang kamay nitong si Ramon S. Ang; at ang grupo ni Henry Sy. Pana-panahong nagkukumpitensya at nagsasanib-pwersa ang mga grupo at pamilyang ito para sa mga proyektong PPP pero pare-pareho silang tinutustusan din ng mga imperyalistang bangko at dayuhang imbestor. Bagama’t tinuligsa ng mga katunggali sa politika ang mabagal diumano nitong pagpapatupad ng PPP, hindi maipagkakaila na inilagay ng administrasyong Aquino ang pribatisasyon ng imprastruktura sa mas mataas na antas ng pagbibigay-pabor sa mga negosyo at pananalasa sa mamamayan. Kahit naunsyami sa Kongreso ang isinulong nitong PPP Act na layong magbigay ng 13 “Government allows listing of PPP projects on PSE” ni Claire Jiao, CNN Philippines, 20 Hunyo 2016 14 Kasama rito ang naunsyaming Php5.6 bilyong modernisasyon ng Philippine Orthopedic Center (POC). Ang iba pang nai-award nang kontrata ay ang Daang Hari-SLEX Link Road Project (Php2.2 bilyon) sa mga Ayala; PPP for School Infrastructure Project Phase 1 (Php9.9 bilyon) kina Henry Sy atbp.; NAIA Expressway Phase 2 Project (Php17.9 bilyon) sa SMC; PPP for School Infrastructure Project Phase 2 (Php13.1 bilyon) kina Henry Sy atbp.; Automatic Fare Collection System (Php1.7 bilyon) sa mga Ayala; Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal Building (Php17.5 bilyon) kina Henry Sy; LRT Line 1 Cavite Extension and O&M (Php64.9 bilyon) kina Ayala-MVP at Macquarie Infrastructure Holdings ng Australia; Southwest Integrated Transport System Project (Php2.5 bilyon) kina Henry Sy; Cavite-Laguna Expressway (Php35.4 bilyon) kina MVP; South Integrated Transport System Project (Php5.2 bilyon) sa mga Ayala; at Bulacan Bulk Water Supply Project (Php24.4 bilyon) sa SMC at K-Water ng South Korea.
IBON Praymer
Hulyo 2016
9
walang kapantay na proteksyon at garantiya sa tubo ng mga kapitalista sa imprastruktura, epektibo nang nailatag ni Aquino ang direksyon ng pinatinding pribatisasyon.15 Nirebisa nito ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng BOT Law noong Oktubre 2012.16 Sa pamamagitan nito, isinakatuparan ang regulatory risk guarantee na naunang ipinangako ni Aquino noon pang 2010 PPP Summit. Ilan sa mga probisyon nito ang paggarantiya sa mga imbestor sa PPP na makokolekta nila ang anumang bayarin o singilin na nakasaad sa kanilang kontrata na maaaring ipataw sa publiko kahit pa ipahinto o bawasan ito ng mga ahensya sa regulasyon, kabilang na ang mga korte. Laman na ito ng mga kontratang pinasok ng administrasyong Aquino gaya ng Concession Agreement sa consortium na Light Rail Manila Corp. (LRMC) ng Ayala Corp., MPIC at Macquarie Infrastructure Holdings ng Australia para sa Php64.9 bilyon na proyektong Light Rail Transit (LRT) 1 Cavite Extension and Operation and Maintenance. Sa nasabing kontrata, nakasaad ang tinatawag na Deficit Payment Scheme kung saan sasaluhin ng gobyerno ang diperensya sa Notional Fare, o pasaheng nakatakda sa kontrata, at sa pasaheng inaprubahan, halimbawa ng Light Rail Transit Authority (LRTA). Ipapasa rin naman ang pagbabayad nito sa mga pasahero. Liban pa ito sa pagpasan ng pamahalaan sa ilan pang bayarin na maaaring ipataw ng grupo ng LRMC. Halimbawa nito ang napabalitang Php2 bilyon na sinisingil diumano ng LRMC sa gobyerno bilang multa sa kabiguan nitong tuparin ang mga obligasyon sa kontrata.17 Lubha itong pabigat sa gobyerno lalo pa’t lampas kalahati na nga ng proyekto (Php34.9 bilyon) ang direktang pinasan nito para sa right of way, dagdag na mga bagon, at iba pa.
15 Ayon kay dating Representative Neri Colmenares ng Bayan Muna (BM), nilabag ng House of Representatives ang Konstitusyon sa paraan ng pagpasa nito sa panukalang PPP Act (House Bill 6631). Sa ilalim ng Konstitusyon, hindi maaaring magpasa ng batas ang Kongreso ukol sa eksempsyon sa buwis nang walang pagpayag ng mayorya ng lahat ng kasapi nito 16 Ipinasa noong 1991 ang Republic Act (RA) 6957 o BOT Law (at inamyendahan noong 1994 ng RA 7718). Sa ilalim ng BOT Law, maaaring pumasok ang pribadong negosyo sa kontrata sa gobyerno para sa pagpinansya, konstruksyon, operasyon at pagmintina ng mga pampublikong imprastruktura. Itinuturing ang BOT Law na kaunaunahang batas at programa sa pribatisasyon ng imprastruktura sa buong Asya. 17 “Cites defective system, LRT’s private operator asking for P2B from gov’t?” ni Jon Viktor Cabuenas, GMA News online, 4 Disyembre 2015
10
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
Para naman sa mga pasahero, pahirap ang kontrata dahil sa pagtaas ng pasahe. Bilang bahagi ng planong pribatisasyon, iniutos ng administrasyong Aquino ang pagtataas ng pasahe sa LRT 1, kasama ang MRT 3 at LRT 2, simula Enero 2015. Sa LRT 1, aabot hanggang lampas doble ng dating pasahe ang itinaas depende sa pagmumulan at pupuntahang istasyon. Pero walang tigil ang magiging kalbaryo ng mga pasahero sa 32 taong kontrata sa LRMC dahil gaya ng nabanggit, ito ay ginarantiyahan na ng administrasyong Aquino. Bago ang nakalipas na halalan, humirit na ang LRMC ng panibagong taas-pasahe na aabot sa 10% at planong simulang ipataw sa darating na Agosto. Batay sa kontrata, maaaring magtaas ng pasahe ang LRMC kada dalawang taon.18 Para tustusan ang mga pabigat na obligasyon ng gobyerno sa mga imbestor sa PPP, naglaan ang administrasyong Aquino ng may Php119 bilyon mula sa pambansang badyet noong 2015 at 2016. Dagdag sa pagrebisa sa IRR ng BOT Law, ipinag-utos din ni Aquino sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 78 noong Hulyo 2012 ang pagpasok ng mekanismong Alternative Dispute Resolution (ADR) sa lahat ng mga kontrata sa PPP. Sa ilalim ng ADR, ang mga hindi pagkakasundo ng gobyerno at pribadong imbestor ay hindi idadaan sa pagsasampa ng kaso sa mga regular na korte kundi reresolbahin sa pamamagitan ng negosasyon, mediation o arbitration. Paborable ang ganitong sistema sa mga negosyante dahil ang ADR ay karaniwang binubuo ng lupon na may tig-isang kinatawan ng gobyerno at imbestor habang may isa namang tagapangulo na karaniwang mula sa mga dayuhang institusyon o organisasyon din ng mga negosyante. Hindi tulad sa mga pampublikong pagdinig, sarado ang ADR sa anumang partisipasyon ng publiko. Dagdag pa na anumang gastos sa ADR gaya ng bayad sa mga abogado ay paghahatian ng gobyerno at ng imbestor. Ang ganitong lubhang maka-negosyong mga repormang neoliberal ang nasa likod ng ipinagmamalaking panunumbalik diumano ng respeto ng daigdig sa Pilipinas. Sa mga panukatan ng mga imperyalistang institusyon, tunay ngang namayagpag ang bansa sa panahon ni Aquino. Sa Economic Freedom Index, tumalon ang Pilipinas mula sa ika-115 noong 2010 papunta sa ika-70 noong 2015. Sa Global Competitiveness Index naman ng World Economic Forum (WEF), tumalon ang bansa mula ika-85 noong 2010 papunta sa ika-47 noong 18 “LRT 1 to seek 10-percent fare hike under new president� ni Miguel R. Camus, Philippine Daily Inquirer, 6 Mayo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
11
2015. Sa Global Enabling Trade Index ng WEF pa rin, lumundag ang Pilipinas mula ika-92 papuntang ika-64 sa parehong panahon.19 Sinusukat ng mga pamantayang ito kung gaano kainam magnegosyo sa Pilipinas, lalo para sa mga imperyalista at dayuhang korporasyon. Kaya hindi nakapagtatakang ang ipinagmamalaking mabilis na paglago ng ekonomiya ay kinatangian din ng walang kapantay na paglobo ng yaman ng malalaking komprador at negosyo sa bansa. Tumindi ang monopolyo nila sa yaman ng lipunang Pilipino dahil sa mga programang gaya ng PPP. Mula sa 14% ng GDP noong 2010, tumalon sa 24% ang pinagsama-samang yaman ng 40 pinakamayayamang Pilipino, batay sa listahan ng magasing Forbes. Ang kabuuang kita naman ng 100 pinakamalalaking korporasyon sa bansa ay umaabot na sa katumbas na 69% ng GDP noong 2014 kumpara sa 59% noong 2010, batay sa talaan ng BusinessWorld. Mula sa taunang abereyds na 10.2% na profitability ng top 1000 corporations noong 20052009, umakyat ito sa 11.7% noong 2010-2014. Sa pinakahuling ulat ng Forbes, nasa 11 Pilipinong komprador na ang nasa listahan nito ng mga bilyonaryo sa daigdig.20 Malaking bahagi ng yamang ito ang pagpasok ng mga komprador sa PPP kabilang ang imprastruktura, yutilidad, mga paliparan at pier, telecommunications, at iba pa. Sa ulat ng magasing The Economist, pangatlo na sa buong daigdig ang Pilipinas pagdating sa bahagi sa GDP ng yaman ng mga negosyanteng nasa nasabing sektor – o tinatawag na crony sectors kung saan may mga espesyal na pabor mula sa gobyerno ang ilang piling malalaking negosyo. Nasa 11.3% diumano ng GDP ang yaman ng mga negosyanteng nasa crony sectors sa Pilipinas, ayon sa ulat ng The Economist ngayong taon.21
19 “Economic performance, return of global respect cited as Noy accomplishments” ni Delon Porcalla, The Philippine Star, 28 Hunyo 2016 20 Ang sumusunod ang mga bilyonaryo sa listahan ng Forbes: Henry Sy (US$12.9 bilyon); John Gokongwei (US$5 bilyon); Lucio Tan (US$4 bilyon); George Ty (US$3.7 bilyon); David Consunji (US$3 bilyon); Andrew Tan (US$3 bilyon); Tony Tan Caktiong (US$3 bilyon); Enrique Razon Jr. (US$2.4 bilyon); Lucio at Susan Co (US$1.6 bilyon); Robert Coyiuto Jr. (US$1.6 bilyon); at Manuel Villar (US$1.3 bilyon). Mula sa “11 Filipinos among world’s billionaires”, CNN Philippines, 2 Marso 2016 21 “PH rises to third place in crony-capitalism index” ni Ben O. de Vera, Philippine Daily Inquirer, 10 Mayo 2016
12
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
Kahirapan at pambubusabos sa anakpawis Kung mga komprador lang ang nakinabang sa paglago ng ekonomiya, hindi na rin nakapagtataka kung bakit dumami pa ang bilang ng mahihirap sa bansa. Sa opisyal na tala ng gobyerno, mula sa 23.3 milyong mahihirap na Pilipino noong 2009, tinatayang umaabot na ito sa lampas 26 milyon noong 2015.22 Lubha itong artipisyal na mababa kung tutuusin dahil sa pamantayan ng gobyerno, ang isang Pilipinong may Php61 kada araw noong 2015 ay hindi mahirap. Kung gagamitin ang Php125 kada araw bilang sukatan, nasa 2 sa bawat 3 Pilipino ang nakakaranas ng kahirapan. Sa kabila ito ng halos Php300 bilyong inilaan ng gobyerno para sa 4Ps. Sa likod ng sinasabing paghusay ng sitwasyon sa empleyo, ang totoo’y bumagsak pa nga ang bilang ng nalilikhang trabaho sa ilalim ni Aquino. Mula sa dating 1.1 milyon noong 2011, nasa 638,000 na lamang ito noong 2015. Sa parehong panahon, lumaki ang dami ng mga kulang ang trabaho (underemployed) nang 543,000 habang nasa 63% ng mga may trabaho ang maituturing na walang seguridad, mababa ang kalidad at hindi produktibo. Sila ang mga di-regular, mula sa ahensya, nasa impormal na ekonomiya o kaya ay walang-bayad na pagtatrabaho bilang kasapi ng pamilya. Patuloy na itinataboy ng kahirapan at kawalang-oportunidad sa lokal na ekonomiya ang milyon-milyong manggagawang Pilipino. Mula sa dating 4,030 mga migranteng manggagawa na umaalis ng bansa noong 2010, umakyat na ito sa 5,021 noong 2014. Ang mga sahurang manggagawa sa industriya naman ay nagtitiis sa napakababang sahod na walang substansyal na pagtaas sa panahon ni Aquino. Sa National Capital Region (NCR), halimbawa, nakapako sa Php481 kada araw ang minimum na sahod kumpara sa Php1,093 kada araw na batayang gastos at pangangailangan ng isang pamilya. Hindi lamang tinutulan ng administrasyong Aquino ang makabuluhang pagtataas ng sahod, nagpatupad din ito ng sistemang two-tiered sa pasahod na naglalayong ibayong paliitin ang naiuuwing sahod ng mga manggagawa at ibayong maakit ang mga imbestor, kabilang ang mga dayuhan, na mamuhunan sa bansa. Masahol pa, sinabotahe ni Aquino 22 Batay sa opisyal na poverty incidence na 26.3% noong 2015 at taya ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 101.6 milyon na laki ng populasyon ng bansa sa parehong taon.
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
13
sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangulo na i-veto ang mga ipinasang batas ng Kongreso na umento sa pensyon ng mga kasapi ng Social Security System (SSS) at sa sahod ng mga nars sa bansa. Nagpatuloy at lumala ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka at ang kahirapang dinaranas sa kanayunan. Hanggang ngayon, sa kabila ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), nanatiling buo ang malalawak na asyenda tulad ng Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Looc sa Batangas, Hacienda Dolores sa Pampanga, Araneta Estate sa Bulacan, Hacienda Yulo sa Laguna, at iba pa. Patuloy na inaatake at pinalalayas sa kanilang lupang sakahan ang mga magsasaka ng dambuhalang proyekto para sa negosyo gaya ng PPP na MRT 7 ng SMC sa San Jose del Monte, Bulacan at mga plantasyon, lalo na ang palm oil sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa na pinapasok na rin ng mga komprador gaya ng SMC at ng grupo ni MVP. Sa tala ng Network Resisting Expansion of Agricultural Plantations in Mindanao (REAP Mindanao Network), mula sa lampas 46,000 ektarya noong 2009, nasa lampas 73,400 ektarya na ang tinataniman ng palm oil sa bansa na konsentrado sa Mindanao. Samantala, ang ipinagmamalaking istableng presyo at bayarin ng mga pangunahing produkto at serbisyo ay hindi sanhi ng makabuluhang interbensyon ng pamahalan. Sa ilalim ng neoliberal na pamamalakad sa ekonomiya, inaalis ang anumang epektibong regulasyon ng gobyerno sa pagtatakda ng presyo at bayarin. Ang relatibong mababang presyo ng langis (at pangkalahatang pagbaba nito mula 2011) na halos dalawang dekada nang deregulado ay dikta pa rin ng pandaigdigang merkado kung saan artipisyal na mahal ang presyo dahil sa paghahari ng iilang dambuhalang monopolyo. Ito ang pangunahing nasa likod ng mabagal na implasyon. Sa kuryente, nadiskaril ang malakihan sanang pagtaas ng Manila Electric Co. (Meralco) noong 2013-2014 dahil sa paglantad sa manipulasyon sa presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM) na pakana ng 15 taon nang pribatisasyon at deregulasyon ng industriya. Ipinatupad rin ng administrasyong Aquino sa kauna-unahang pagkakataon sa bansa ang sistema ng kuryenteng pre-paid (sa erya ng prangkisa ng Meralco sa panimula) kung saan higit na nagiging kalakal ang serbisyo sa kuryente.
14
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
Napigilan din ng paglaban ng mamamayan ang malakihan sanang pagtaas ng bayarin sa isinapribadong tubig sa Metro Manila noong 2013 sa rate rebasing ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water. Gayunman, nagpatuloy ang pagtaas ng bayarin sa tubig dahil sa awtomatikong mga pagtaas sa ilalim ng Concession Agreement ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng mga nasabing pribadong konsesyonaryo. Mula sa all-in na taripa sa tubig ng Manila Water na Php29.98 kada metro kubiko noong Hulyo 2010, nasa Php33.80 na ito ngayong Hulyo 2016. Sa parehong panahon, tumaas din ang taripa ng Maynilad mula Php33.08 paakyat sa Php45.67 kada metro kubiko. Sa pangkabuuan ay patuloy na tumataas ang presyo ng langis at bayarin sa kuryente at tubig dahil sa deregulasyon at pribatisasyon ng mga ito. Bilang mga pangunahing pangangailangan at batayang serbisyo, mabigat na dagdagpasanin ang mga ito para sa ordinaryong mamamayan. Mahigpit ding tinutulan ni Aquino ang mga panawagan para alisin ang pahirap na value-added tax (VAT) sa kuryente, langis at tubig gayundin ang pagreporma sa buong sistema ng income tax sa bansa dahil sa mga pag-aaral na lubha itong pahirap sa mga ordinaryong empleyado habang paborable naman sa mga bilyonaryo. Sa kasalukuyang sistema, magkapantay lamang ang tantos ng income tax ng empleyadong sumasahod halimbawa ng Php50,000 kada buwan at ang mga CEO at may-ari ng malalaking korporasyon na sumasahod ng milyon-milyon kada buwan. Alinsunod sa neoliberalismo, ipinatupad ng administrasyong Aquino ang pribatisasyon at korporatisasyon ng mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Sa sektor ng edukasyon, ipinatupad nito ang programang K to 12 para patuloy at pahusayin ang paglikha ng lakas-paggawa na pipigain para sa tubo ng mga kapitalista, kabilang ang imperyalistang negosyo. Itinutulak ng K to 12 ang hanggang isang milyong mga mag-aaral sa bansa na pumasok sa mga pribadong eskwelahang nakatuon sa tubo (profit-oriented) sa halip na nakatuon sa pagbibigay serbisyo at edukasyong makabayan at maka-mamamayan. Dahil sa matinding kahirapan sa bansa, inaasahang lalong dadami ang hindi makapag-aaral o makapagtatapos sa ilalim ng K to 12. Samantala, sa halip na pagbibigay ng direktang serbisyong pangkalusugan mula sa gobyerno, ipinatupad ng administrasyong Aquino ang pagpapalawak sa sistemang health insurance sa ilalim ng PhilHealth habang itinutulak naman ang pribatisasyon ng mga pasilidad pangkalusugan.
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
15
Korapsyon at pagpabor sa mga kapartido, kaalyado at kaibigan Lantarang ginamit ng administrasyong Aquino ang estado poder para isulong ang pansarili nitong pampolitikang interes. Sa kabilang banda, ginamit din nito ang kapangyarihan para lubusang gipitin ang mga kaaway sa politika habang todo-proteksyon sa mga kapartido, kaalyado at kaibigang sangkot sa mga kontrobersya at katiwalian. Ito ang katangian ng Daang Matuwid at kampanya laban sa katiwalian ng rehimeng Aquino. Layon nitong konsolidahin at palakasin ang paghawak ng LP sa kapangyarihan. Ito ang makitid na adyenda ng administrasyong Aquino mula sa pagsasampa ng kasong pandarambong kina dating Pangulong Gloria Arroyo (2010), dating Bise Presidente Jejomar Binay (2014-2015), at dating matutunog na kandidato sa 2016 na sina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla, kasama ang lider-oposisyon sa Senado na si Juan Ponce Enrile (2014) kaugnay ng Php10-bilyon na kasong pork barrel ni Janet Lim Napoles, at mga naunang operasyon ng LP sa impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez (2011) at namayapang Punong Mahistrado Renato Corona (2012). Pinakamalaking kaso ng korapsyon na yumanig nang husto sa administrasyong Aquino ang pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema noong Disyembre 2014. Maliban sa mga kilalang taga-oposisyon at may ambisyong pampolitika sa nakalipas na halalang 2016, sangkot din sa iskandalo ng pork barrel ang mga kasapi ng LP at kanilang mga alyado tulad nina Edgardo Angara, Ruffy Biazon, Neptali Gonzales II, Niel Tupas Jr., dating Kalihim Proceso Alcala ng DA, dating Kalihim Butch Abad ng Department of Budget and Management (DBM), at dating Direktor Joel Villanueva ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa testimonya ni Napoles, idinawit nito si Abad bilang siyang nagturo sa kanya sa pasikot-sikot ng pork barrel. Sa mga ito, tanging sina Biazon at Villanueva lamang ang sinampahan ng kaso habang lusot ang matataas na opisyal ng LP. Ang pahabol na kaso kay Villanueva na isinampa lamang noong Agosto 2015 ay malinaw na damage control para sa halalan sa batikos ng selective justice at pagtatakip matapos naunang ihayag ni dating Kalihim Leila de Lima ng Department of Justice (DOJ) na wala nang isasampang kaso ang ahensya
16
IBON Praymer
Hulyo 2016
sa mga mambabatas na sangkot sa pork barrel.23 Pero hindi katulad ng mga kalaban sa politika na nakaditine, tumakbo at nanalo pa, sa suporta na rin ng administrasyon, sa halalang 2016 si Villanueva bilang Senador at si Biazon bilang Kongresista ng Muntinlupa. Klasikong halimbawa ng paggamit sa poder upang gipitin ang kaaway sa politika ang naging operasyon ng LP sa noo’y nagungunang kandidato sa pagkapangulo na si Binay. Dinikdik nang husto si Binay sa 21 pagdinig kaugnay sa diumanong overpricing ng Makati city hall at science high school na inilunsad ng kaalyado nitong si Sen. Antonio Trillanes IV sa Senado. Ginamit nito ang mga rekurso at makinarya ng pamahalaan gaya ng Commission on Audit (COA), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para ibuyangyang ang diumanong kwesyonableng mga kontrata at yaman ni Binay at ng kanyang pamilya. Bukod pa rito ang mga nauna nang isinampa sa Ombudsman laban kay Binay noon pang 2014 dahil sa pareho ring mga alegasyon. Hayagang ipinahayag ni Trillanes na ang ultimong layunin ng kanyang krusada laban kay Binay ay upang idiskaril ang ambisyon nitong maging Pangulo. Ganito rin ang plano sana ng LP at ni Trillanes laban kay Duterte sa huling bahagi ng nakaraang kampanya nang maging malinaw na ito ang napupulsuhan ng mamamayan na umupo sa Malacañang. Gaya ng naging atake kay Binay, nagsilitawan ang mga diumano’y kwestyonableng account ni Duterte sa bangko na nagkakahalaga ng Php2.4 bilyon na hindi nito deklarado sa kanyang statement of assets and liabilities (SALN) gaya ng itinatakda ng batas. Nagsampa rin si Trillanes ng kasong pandarambong sa Ombudsman dahil sa diumano’y mga ghost employees ni Duterte bilang punong alkalde ng Davao. Ngunit maliban sa lubha nang huli para sirain ang kandidatura ni Duterte, bukod pa sa kawalan o kakulangan ng matibay na ebidensyang magdidiin dito, hindi nagtagumpay ang maitim na propaganda ng LP at ni Trillanes laban kay Duterte. Dobleng pamantayan ang lantarang ginamit ng adminsitrasyong Aquino dahil habang agresibo nitong ginigipit ang mga katunggali sa politika, kabaligtaran naman ang pagturing nito sa mga kaalyado. Hindi tinanggal ni Aquino sa pwesto 23 “De Lima on PDAF cases: End of the line for DOJ” ni RG Cruz, ABS-CBN News, 13 Agosto 2015
IBON Praymer
Hulyo 2016
17
si dating Hepe ng PNP Alan Purisima kaugnay ng kaso ng Mamasapano at ilan pang katiwalian sa kapulisan. Katunayan, suspendido na noon ng Ombudsman si Purisima pero ito pa rin ang nagkoordina – sa basbas ni Aquino – sa nauwi sa trahedyang operasyon sa Mamasapano. Hindi ito pinatalsik ni Aquino sa pwesto at napilitan na lamang magbitiw dahil sa matinding pagkundena ng publiko at para mabawasan ang ngitngit ng taumbayan sa rehimen.24 Hindi kailanman inamin ni Aquino ang sariling pananagutan – kahit pa ito ang sinasabi ng mga inilunsad na imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry (BOI) ng PNP at ng Senado – habang pilit ding pinagtatakpan ang pananagutan ni Purisima. Isa pang matingkad na halimbawa ang maanomalyang US$11.5 milyong kontrata sa pagmimintina ng MRT 3. Dinidinig ngayon sa Sandiganbayan ang kasong graft laban sa dating General Manager ng MRT 3 na si Al Vitangcol. Bunga ito ng rekomendasyon ng kaalyado ni Aquino na si Ombudsman Conchita Carpio Morales. Ngunit maliban kay Vitangcol, wala nang iba pang mataas na opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang sinampahan ng kaso ng Ombudsman. Ito’y sa kabila ng pagbibigay-basbas at direktang partisipasyon ng mga noo’y opisyal ng DOTC at mga kapartido sa LP ni Aquino na sina Mar Roxas – na dating Kalihim ng naturang ahensya – at Joseph Emilio Abaya na pumalit kay Roxas.25 Palusot ng Ombudsman na bago pa lamang daw noon si Abaya bilang Kalihim ng DOTC kaya’t hindi nito alam na maanomalya ang pinirmahang kontrata ng MRT 3. Ibinasura rin ng Ombudsman ang kaso ng reklamong overpricing sa Iloilo Convention Center laban sa mga matataas na opisyal ng LP sa pangunguna ni Senate President Franklin Drilon at iba pang kasapi ng Gabinete ni Aquino.26 Soberanya at pagpapakatuta sa dayuhan Ibayong pinalalim ng administrasyong Aquino ang malakolonyal na relasyon sa pagitan ng imperyalismong US at Pilipinas. Pinasok nito ang 24 “PNoy accepts suspended PNP chief Purisima’s resignation,” ni Andreo Calonzo, GMA News Online, 6 Pebrero 2015 25 “Vitangcol links Roxas, Abaya, et al to MRT deal” ni Ina Reformina, ABS-CBN News, 18 Pebrero 2016 26 “Case on ‘overpriced’ Iloilo Convention Center dismissed,” ABSCBNnews.com, 20 Mayo 2015
18
IBON Praymer
Hulyo 2016
kontrobersyal na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abril 2014. Isang kasunduang pang-militar at seguridad ang EDCA kung saan pinapayagan ng Pilipinas ang tropang Amerikano na magtayo ng kanilang mga pasilidad – o ang mga tinatawag na “Agreed Locations” – sa mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mag-imbak dito ng kanilang mga kagamitang pandigma. Kahit pa sinasabi ng rehimeng Aquino na hindi ito mga permanenteng base militar, lumalabas sa mga probisyon ng EDCA na maituturing na gayon nga ang sinasabing Agreed Locations. Ang mga maniobra ng US para palawakin ang presensyang militar nito sa Pilipinas at sa rehiyon ay bunsod ng istratehiya nitong pagpihit (pivot) sa Asya Pasipiko upang palibutan at pigilin ang paglakas ng China bilang katunggali sa militar at ekonomiya. Mayroong inisyal na limang base militar ng AFP ang nakatalaga ngayong Agreed Locations. Ito ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan (malapit sa pinag-aagawang Spratly Islands sa West Philippine Sea); Basa Air Base sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu; at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro.27 Nauna rito, ibinasura ng Korte Suprema nitong Enero 2016 ang mga petisyon na kumukwestyon sa EDCA bilang isang executive agreement sa halip na tratado.28 Pagpapatuloy, pagpapalawak at pagpapalalim ang EDCA sa presensyang militar ng US sa bansa na nagsimula pa sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at 1998 Visiting Forces Agreement (VFA). Sa buong panahon ni Aquino sa kapangyarihan, umaabot sa 34 ang naitalang ehersisyong militar sa pagitan ng US at Pilipinas. May naitala ring 42 pagbisita o pagdaong ng mga barkong pandigma kabilang ang mga dambuhalang aircraft carrier at mga modernong submarino ng Kano sa Subic Bay at iba pang bahagi ng bansa. Bukod sa US, sinimulan rin ni Aquino ang pagpapalalim sa relasyong militar ng Pilipinas sa ibang bansa gaya ng Japan na naglalayong magkaroon ng sarili nitong VFA sa Pilipinas upang mag-deploy ng kanilang tropa, armas at maging base militar sa bansa.29
27 “US, Philippines announce five military bases for EDCA” ni Greg Cahiles, CNN Philippines, 21 Marso 2016 28 “Supreme Court upholds constitutionality of EDCA, CNN Philippines, 12 Enero 2016 29 “PH, Japan eye own VFA” ni Tarra Quismondo, Philippine Daily Inquirer, 6 Hunyo 2015
IBON Praymer
Hulyo 2016
19
Tulad sa kasaysayan ng Pilipinas at ng ibang bansa sa daigdig, kinatangian ng samu’t saring pang-aabuso ang presensyang militar at panghihimasok ng US.30 Pinakamalaki at pinaka-kontrobersyal na trahedya sa ilalim ni Aquino ang operasyong Mamasapano noong Enero 2015 na idinirehe ng mga Kano para dakpin ng PNP Special Action Force (SAF) ang teroristang si Marwan ng Malaysia (na nasa listahan ng most wanted ng US) at Abdul Basit Usman noong 25 Enero 2015 sa Tukanalipao, Mamasapano sa lalawigan ng Maguindanao. Dahil sa kawalan ng wasto at sapat na koordinasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na may umiiral na ceasefire ang gobyerno sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan nito at maging sa AFP, nagkaroon ng matinding sagupaan sa pagitan ng SAF-PNP, MILF at iba pang armadong grupo sa lugar. Nasawi sa bakbakan ang 44 tauhan at opisyal ng SAF, 18 mandirigma ng MILF, at pitong sibilyan (kabilang ang isang 5-taong gulang) bukod pa sa marami ring sugatan. Nariyan din ang kasong pagpatay ng US Marine na si Private First Class Joseph Scott Pemberton kay Jennifer Laude sa Lungsod ng Olongapo (kung saan madalas dumaong ang mga barkong pandigma ng Kano sa ilalim ng VFA) noong Oktubre 2014. Hinatulan lamang ng korte si Pemberton ng kasong homicide (sa halip na murder) at makukulong lamang ito nang 10 taon.31 Pero kahit tuluyang nahatulan na, hindi pa rin nakakulong si Pemberton sa regular na bilangguan para sa mga kriminal. Ibinasura ng Korte Suprema nitong Pebrero 2016 ang petisyon ng pamilya Laude na ilipat ito sa karaniwang bilangguan mula sa pagkupkop ng Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) sa loob ng Camp Aguinaldo, alinsunod sa probisyon ng VFA.32 Malinaw itong paglabag sa soberanya ng Pilipinas. 30 Halimbawa, sa Okinawa, Japan kung saan nakabase ang may 26,000 sundalong Amerikano, mayroon nang naitatalang 5,584 na kasong kriminal na kinasasangkutan ng mga tropa ng US. Ayon sa opisyal na datos ng pamahalaan ng South Korea kung saan nakahimpil naman ang may 28,500 sundalong Amerikano, tumataas ang tantos ng krimen sa bansa na kinasasangkutan ng mga tropa ng US. Sa pagitan ng 2000 at 2010, halimbawa, tumaas ang kaso ng panggagahasa mula wala tungong 11; pagnanakaw – siyam tungong 24; at pangkalahatang mararahas na krimen mula 118 tungong 154. (Mula sa “Documents: Judgement random in military sex-crimes,” The Associated Press, 10 Pebrero 2014 at “Alleged rapes by US soldiers ratchet up anger in South Korea,” Los Angeles Times, 20 Oktubre 2011) 31 “Court affirms Pemberton’s conviction but reduces sentence to up to 10 years” ni AC Nicholls, CNN Philippines, 4 Abril 2016 32 “SC junks with finality Laude family’s bid to transfer Pemberton to regular local jail” ni Perfecto T. Raymundo, Philippine News Agency, 2 Pebrero 2016
20
IBON Praymer
Hulyo 2016
Paglabag sa karapatang pantao Kakambal ng panlilinlang ng Daang Matuwid ang mabangis na panunupil ng rehimeng Aquino sa mamamayan. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, pinag-ibayo nito ang militarisasyon sa kanayunan at kaakibat nitong mga paglabag sa karapatang pantao. Ginamit din nito ang pandarahas upang bigyang-daan ang operasyon ng malalaking negosyo gaya ng mga dambuhalang minahan at plantasyon. Taliwas sa kanyang ipinangako nang maluklok sa pwesto noong 2010, nagpatuloy at hindi tinugunan ang mga extrajudicial killings (EJK) at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Sa tala ng grupong Karapatan, umabot sa 318 ang naging biktima ng EJK mula Hulyo 2010 hanggang Marso 2016. Nasa 583 naman ang biktima ng tangkang EJK. Nasa 30 ang naitalang dinukot (enforced disappearance) ng mga pinaghihinalaang ahente ng estado habang nasa 224 ang naiulat na tinortyur. Nasa 1,461 ang iligal na inaresto (may 512 ang tuluyang ikinulong) habang daang-libo ang biktima ng pagbabanta at pananakot (198,289); sapilitang pagpapalikas (106,068); at walang pakundangang pagpapaputok ng armas (91,227). Karamihan sa mga biktima ng EJK ay mula sa sektor ng magsasaka (289) at katutubo (89). Marami rin ang menor de-edad (29); manggagawa (16); maralitang lungsod (13); sektor ng transport (11); at kabataan-estudyante (10). Sa huling bahagi ng termino ni Aquino, tumampok ang panggigipit at pandarahas sa mga Lumad ng Mindanao. Binibigyang-katwiran ng AFP ang mga pagpaslang dahil kasapi raw ng rebeldeng NPA ang mga biktimang Lumad. Bukod sa pagpatay, dumaranas din ng iba pang panggigipit ang mga katutubong komunidad. Maging ang mga eskwelahan ng mga Lumad at mga guro’t opisyal nito ay hindi rin pinatawad ng AFP. Libo-libong Lumad ang napilitang lisanin pansamantala ang kanilang komunidad at kabuhayan dahil sa militarisasyon at mga pang-aabuso ng sundalo at mga paramilitar ng rehimeng Aquino sa nakalipas na dalawang taon. Nagpatuloy ang panggigipit hanggang bago at matapos ang halalang 2016. Nito lamang Hunyo 2016 sa pagbubukas ng klase, napilitan ang dalawang eskwelahan ng mga Lumad sa Compostela Valley at Sultan Kudarat na suspendihin ang kanilang klase dahil diumano sa panghaharas ng militar.33 Isang linggo bago ang eleksyon, 33 “Advocates report ‘harassment’ of lumad schools but military decries ‘black propaganda’” ni Jaime Sinapit, InterAksyon.com, 9 Hunyo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
21
pinaslang ng mga pinaghihinalaang militar ang isang lider ng mga Lumad sa Surigao del Norte.34 Kriminal na pagpapabaya Ang madugong insidente sa Lungsod ng Kidapawan sa North Cotabato nitong Abril 2016 kung saan dalawa ang namatay at 37 ang sugatan (mayroon ding 81 inaresto35) matapos paulanan ng bala ng mga pulis ang nagbabarikadang mga magsasaka ay halimbawa ng masahol na rekord ng administrasyong Aquino sa usapin ng karapatang pantao at kriminal nitong pagpapabaya sa pangangailangan ng mamamayan. Ibinunsod ang barikada ng mga magsasaka sa Kidapawan ng kapabayaan at kapalpakan ng pamahalaan na tugunan ang panawagan nila para sa pamamahagi ng relief goods, kasama ang bigas, at iba pang ayuda sa gitna na malalang tagtuyot o El Niño na nagwasak sa libo-libong ektarya ng mga pananim. Sa kabila ng maagang babala kaugnay sa tagtuyot (2014 pa nag-anunsyo ang PAGASA), walang maaasahan at makabuluhang tugon ang administrasyong Aquino na nauwi sa barikada ng mga magsasaka at pandarahas ng mga pulis. Hindi na rin bago ang usapin ng kriminal na pagpapabaya ng administrasyong Aquino. Bago ang insidente sa Kidapawan, kasuklam-suklam din ang naging kapabayaan nito sa mga superbagyong humambalos sa Pilipinas gaya ng Sendong (2011), Pablo (2012) at Yolanda (2013). Sa kaso ng Yolanda, ayon sa mga pinakahuling ulat (Enero 2016), nasa 6% pa lamang ng tinarget na mga ipapatayong bahay ang nagawa ng administrasyong Aquino sa kabila ng mababa na nitong target. Nasa 30% lamang ng mga naapektuhang pamilya ang nabibigyan ng ayuda at kabuhayan. Masahol pa, ginamit ng rehimen ang kalamidad para ibayong bigyan ng negosyo ang mga komprador sa PPP sa pamamagitan ng programa nitong Build Back Better.36 Biktima rin ng kriminal na kapabayaan ng administrasyong Aquino ang mga OFW gaya ni Mary Jane Veloso na kung hindi pa sa masiglang pagkilos ng mamamayan ay nagawaran ng parusang bitay sa Indonesia noong 2015. Sa tala ng grupong 34 “Tribal leader killed by military, lumad claim” ni John Paolo Bencito, The Standard, 3 Mayo 2016 35 “Cotabato farmers sue 94 police, gov’t officials over Kidapawan dispersal,” ni Janess Ann J. Ellao, Bulatlat, 25 April 2016 36 “End of the Road and a New Beginning?” IBON Birdtalk, 21 Enero 2016
22
IBON Praymer
Hulyo 2016
MIGRANTE, nasa 90 OFW pa ang nasa death row sa iba’t ibang bansa. Nasa walo na ang tuluyang nabitay habang pinaliit pa ng administrasyong Aquino ang pondong nakalaan sana para tulungan ang mga migranteng manggagawa.37
ang pag-asa ng substansyal na mga 3 Ano repormang maka-mamamayan sa ilalim ng
administrasyong Duterte? Bakit susi ang usapang pangkapayapaan para makamit ang mga pagbabagong ito?
Nagbubukas ng mga pambihirang pagkakataon ang pagkapanalo ni Duterte bilang Pangulo upang maisulong ang mga makabuluhang repormang magsisilbi sa mamamayan. Sentral dito ang sinserong mga pahayag at aksyon nito kaugnay sa pagsusulong ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) ng usapang pangkapayapaan, partikular sa CPP-NPA-NDFP at maging sa mga rebeldeng grupo ng mamamayang Moro, na inaasahang tutuon sa mga kinakailangang repormang panlipunan at pang-ekonomiya. Labinlimang taon nang nababalahaw ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP (na kumakatawan sa CPP-NPA sa negosasyon) at matindi ang paghahangad ng mamamayan na makamit na ang tunay na demokrasya, kalayaan, kaunlaran at hustisyang panlipunan na siyang batayan ng paghinto ng armadong labanan sa bansa. Ang pagkilala ni Duterte sa katotohanang ito at maging sa katatagan at lakas mismo ng mga rebolusyonaryo, at mahabang karanasan ng kooperasyon sa mga makabayan at demokratikong pwersa bilang lokal na opisyal sa Mindanao, ay nagbibigay-daan sa panibagong pagsikad ng posibilidad ng pangmatagalang kapayapaan. Matibay na katunayan nito ang agad na pag-alok ni Duterte ng posisyon sa kanyang Gabinete sa mga myembro ng CPP-NPA-NDFP wala pang isang linggo matapos ang eleksyon. Nasa konteksto ang pag-alok na ito sa adyenda ni Duterte na likhain ang paborableng kondisyon para sa mabilis na pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa mga rebelde. Ngunit dahil wala pa namang substansyal na kasunduan kaugnay sa pagtugon sa ugat 37 “1 year after, still saving Mary Jane: Let’s bring her home,” MIGRANTE Partylist, 29 Abril 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
23
ng armadong tunggalian at ang pagtanggap kung gayon sa alok ni Duterte sa ganitong kalagayan ay nangangahulugan ng pagsuko, minabuti ng mga rebolusyonaryong grupo na sa halip na mga mismong kasapi nila ang umupo sa Gabinete ni Duterte ay mag-nomina na lamang ng mga prominente at may kredibilidad na personahe mula sa progresibong kilusang masa. Sa ngayon, itinalaga na ni Duterte ang mga nominado ng Kaliwa kabilang ang lidermagsasaka na si Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang Kalihim ng Department of Agrarian Reform o DAR; propesor, peminista at lider-guro na si Judy Taguiwalo bilang Kalihim ng DSWD; at lider-manggagawa na si Joel “Jomag” Maglungsod bilang Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE). Itinalaga rin ni Duterte ang lider-kababaihan na si Liza Maza bilang Punong Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Maliban pa sa mga personalidad na ito na nominado ng Kaliwa, itinalaga rin ni Duterte ang mga dating myembro ng Kaliwa – sina Silvestro “Bebot” Bello bilang Kalihim ng DOLE at Leonor “Liling” Briones bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd). Dagdag pa rito ang pagtalaga sa kilalang kampanyador laban sa pagmimina na si Gina Lopez bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Samantala, ipinahayag din ni Duterte ang kahandaan nitong palayain ang mga bilanggong politikal bilang pagpapakita ng sinseridad sa usapang pangkapayapaan, bagama’t sa pinakahuling pahayag nito ay mapapalaya lamang daw ang lahat sa sandaling makumpleto na ang kasunduang pangkapayapaan sa NDFP. Kabilang dito ang mga nakakulong na konsultant ng NDFP. Sa kasalukuyan, nasa 561 ang bilanggong politikal at di-bababa sa 304 sa mga ito ang hinuli at ikinulong sa panahon ng administrasyong Aquino. Hindi umusad ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP matapos igiit ng mga nakaraang rehimen, kabilang ang administrasyong Aquino, na gamitin ang Konstitusyon ng GPH at mga batas at prosesong ligal nito, bilang balangkas ng pag-uusap. Taliwas ito sa pinirmahan nang kasunduan noon ng NDFP at GPH sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos – ang 1992 Joint Hague Declaration – na naglatag ng balangkas ng usapang pangkapayapaan. Ang deklarasyong ito ang nagbigay-daan sa 1998 Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) upang ibsan ang epekto ng digmaan sa mamamayan habang pinag-uusapan ang mga repormang pang-ekonomiya
24
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
at pampolitika na ugat ng armadong tunggalian at ang 1995 Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), na gumagarantiya sa seguridad ng mga konsultant ng NDFP na lumalahok sa usapang pangkapayapaan. Ipinipilit din ng mga nagdaang rehimen ang agaran at walang taning na tigilputukan at pagbubuo ng pinal na kasunduang pangkapayapaan kahit pa walang naipapatupad na mga repormang pang-ekonomiya at pampolitika. Ang masalimuot na mga usaping ito ang agad isinalang sa impormal na paguusap sa pagitan ng mga kinatawan ng GPH at ng mga kinatawan ng NDFP sa Oslo, Norway nitong 14-15 Hunyo 2016. Pinagkasunduan na kikilalanin ang CARHRIHL bilang balangkas ng pormal na negosasyon at iba pang mga kasunduang pinirmahan ng magkabilang panig sa mga nakaraang negosasyon. Pinagkasunduan din ang paglalabas ng isang pangkalahatang amnestiya, na may pagpayag ng Kongreso, para palayain ang lahat ng bilanggong politikal; at moda ng pansamantalang (interim) tigil-putukan na ihahapag sa nakatakdang pormal na pag-uusap ngayong Hulyo. Nagkasundo rin ang dalawang panig na muling buuin ang listahan ng mga konsultant ng NDFP na humahawak ng JASIG. Itinakda rin ang simula ng pormal na negosasyon sa pagitan ng GPHNDFP sa Oslo, Norway ngayong Hulyo.38 Inaasahang tatalakayin sa mga darating na negosasyon ang pagbubuo ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER). Ang substansyal na usapin sa mga repormang pang-ekonomiya at pampolitika na ibig isulong sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan ay nagkakaroon din ng panibagong pag-asa bunga na rin ng mga positibong pahayag at aksyon ni Duterte kaugnay ng mga patakaran at programang may kinalaman sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagtugon sa mga kagyat na karaingan ng mamamayan. Sa usapin ng reporma sa lupa at pagpapabuti sa kalagayan ng agrikultura, halimbawa, kinwestyon ni Duterte ang lubhang pagsandig ng Pilipinas sa importasyon ng pagkain sa ilalim ng World Trade Organization (WTO). Binanggit din nito na inilalagay sa alanganin ng pagpapalit-gamit sa lupa at monopolyo sa lupa ng malalaking korporasyong multinasyunal at plantasyon ang seguridad sa pagkain ng bansa. Positibo rin ang naging pahayag ni Duterte laban sa dambuhalang pagmimina na nangwawasak sa lupa at kalikasan gaya ng nangyayari sa Mindanao. Ang pagtatalaga sa Gabinete 38 “Peacetalks 101� ni Carol Pagaduan-Araullo, Streetwise, BusinessWorld, 20 Hunyo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
25
kina Mariano at Lopez ay nagpapakita na lampas sa salita lamang ang mga pahayag ni Duterte kaugnay ng reporma sa lupa/agrikultura at mapangwasak na pagmimina. Kahit pa sinasabi nitong hindi siya eksperto pagdating sa mga usaping pang-ekonomiya, malinaw na may ideya si Duterte sa mga kailangang sangkap ng industriyalisasyon ng bansa. Halimbawa nito ang pahayag ni Duterte sa pangangailangang muling buhayin ang industriya ng bakal ng Pilipinas at pagtatayo ng mga lokal na industriya at pabrika para lumikha ng pangmatagalang hanapbuhay para sa mga Pilipino. Sinabi rin ng Pangulo ang pangangailangan para sa direktang pamumuhunan sa halip na hot money o pamumuhunang portfolio.39 Sa usapin ng pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mamamayan, marami ring naging positibong pahayag at plano si Duterte. Pangunahin dito ang pagwakas sa kontraktwalisasyon sa paggawa o kilala rin bilang “endo” na isa sa mga ipinangako niya noong panahon ng kampanya. Nagpahayag na rin ng mga hakbangin sina Bello at Maglungsod upang tuluyang wakasan ang endo, kabilang ang pahayag ng huli na pagbabasura sa DOLE Department Order 18-A kaugnay sa subcontracting na inaabuso ng mga empresa. Para sa mga magsasaka, inutusan na ni Duterte ang mga abogado ng Palasyo at si Kalihim Emmanuel Piñol ng DA na simulan na ang proseso ng pagtitiyak na maipamahagi sa mga magsasaka ang tinatayang may Php100-bilyong coco levy fund.40 Para naman sa mga maralitang lungsod, idineklara ni Duterte ang patakaran niyang “no relocation, no demolition” upang maiwasan ang mararahas na komprontasyon sa pagitan ng mga maralita at mga nagpapatupad ng demolisyon. Kailangan muna raw magtayo ng mga satellite cities na may sapat na kabuhayan bago palipatin ang mga maaapektuhan ng demolisyon. Samantala, nagpahayag na rin ng suporta si Duterte sa Php2,000 umento sa pensyon ng mga myembro ng SSS habang nangako rin ng mas mataas na badyet para sa edukasyon at kalusugan gamit ang kinikita ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR). Ipinangako nito ang pagtatakda ng tiyak na bilang ng libreng serbisyo para sa mahihirap sa lahat
39 “15 pronouncements Duterte got right”, Altermidya, 16 Hunyo 2016 40 “Duterte: Release coco levy to farmers,” Philippine Daily Inquirer, 17 Hunyo 2016
26
IBON Praymer
Hulyo 2016
ng ospital sa bansa.41 Inatasan din ni Duterte si Kalihim Paulyn Jean Ubial ng Department of Health (DOH) para pag-aralan ang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa Cuba, na isa sa mga pinakaepektibo at kinikilala sa buong mundo.42 Nagbibigay-pagkakataon naman ang pagtalaga kay Taguiwalo sa DSWD para mailugar at magamit nang tama ang CCT/4Ps bilang programa laban sa kahirapan. Sa halip na gamitin bilang mismong programang kontrakahirapan at sa maraming pagkakataon bilang patronahe sa politika, ipinahayag ni Taguiwalo na rerebyuhin ang CCT, kahit pa ipagpapatuloy ito sa ilalim ni Duterte, upang tambalan ng mas pangmatagalan at produktibong tugon sa kahirapan kabilang ang paglikha ng trabaho, reporma sa ari-arian at iba pang inisyatiba sa ekonomiya.43 Sa kanyang kauna-unahang Executive Order (EO), ipinag-utos ni Duterte ang mas simple at higit na mabilis na serbisyo ng pamahalaan para tugunan ang kahirapan. Sa EO No. 1, inatasan nito si Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na pamahalaan ang 12 ahensya ng gobyerno na direktang humaharap sa pangangailangan ng mahihirap at irebyu ang mga umiiral na programa upang higit itong maging epektibo at nakakatutugon.44 Maging ang isa sa pinakamalalaking usapin na hadlang sa pagkakamit ng makabuluhang pagbabago sa mga patakaran at programa na magsisilbi sa mamamayan – ang mismong 10-puntong plano sa ekonomiya ni Duterte – ay maaaring tunggaliin sa konteksto ng usapang pangkapayapaan. Optimistiko, halimbawa, si Prof. Sison na maaaring ikonsidera ni Duterte ang nilalaman ng kanyang plano sa ekonomiya, partikular ang mga patakarang neoliberal na nakapaloob dito, kung maliliwanagan ito sa proseso ng negosasyon. Gayunman, tunggalian pa rin ito ng mga makauring interes – ang interes ng mga imperyalista, burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista na nakikinabang sa mga patakarang neoliberal sa isang banda, at ang interes ng masang anakpawis na binubusabos ng mga nasabing patakaran sa kabilang banda. Kaya mahalagang habang gumugulong ang usapang pangkapayapaan ay ibayong sumisigla, lumalawak at lumalakas ang 41 Altermidya, 16 Hunyo 2016, Op cit. 42 “Duterte to send DOH sec to Cuba to learn better health system” ni Zea Io Ming C. Capistrano, Davao Today, 30 Hunyo 2016 43 “Gov’t to continue financial aid to poor amid cash doles review – Taguiwalo” ni Virgil Lopez, GMA News, 1 Hulyo 2016 44 “Duterte’s 1st EO: Simpler, faster anti-poverty services” ni Pia Ranada, Rappler, 4 Hulyo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
27
mga pakikibaka ng mamamayan laban sa mga patakarang neoliberal na ipagpapatuloy ng administrasyong Duterte. Samantala, mainam na pagkakataon din para sa pagbabagong panlipunan ang kampanya laban sa krimen at droga, at korapsyon sa burukrasya na pangunahing adyenda ni Duterte. Dapat itong suportahan ng mamamayan lalo at kung seryosong pupuntiryahin ang mga heneral at iba pang opisyal ng mga pulis at sundalo at maging mga politikong sangkot sa mga sindikato at korapsyon. Sa mismong taya ni Duterte, nasa 35 lokal na opisyal ng gobyerno at tatlong heneral ang sangkot sa droga. Kamakailan lamang, pinangalanan na ni Duterte ang limang heneral ng PNP na mga protektor diumano ng sindikato sa ipinagbabawal na droga. Kabilang sa mga nasabing heneral sina dating PNP deputy director Gen. Marcelo Garbo Jr., Gen. Vicente Loot, Gen. Bernardo Diaz ng Police Regional Office 6, dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Joel Pagdilao, at dating Quezon City Police District (QCPD) chief Edgardo Tinio.45 Positibo rin ang pahayag at aksyon ni Duterte sa usapin ng mga Lumad na matagal nang sumusuporta sa mapayapang pagbabalik ng mga ito sa kanilang lupaing ninuno. Bago pa man maging Pangulo, pumasok sa kasunduan si Duterte bilang tagapangulo ng Mindanao Peace Council, sa militar na nagbabawal sa mga ito na magkampo sa mga komunidad ng Lumad Davao del Norte. Sa isyu naman ng DAP at pork barrel, may marching order diumano si Duterte kay Kalihim Vitaliano Aguirre ng DOJ na habulin ang lahat ng sangkot at sampahan ang mga ito ng karampatang kaso. Tinatayang nasa Php157 bilyon ang pondo mula sa DAP at Php220 bilyon sa pork barrel ang ginamit ng rehimeng Aquino para sa mga pampolitikang adyenda nito. Ipinangako rin ni Duterte ang paglalabas ng EO para sa Freedom of Information (FOI) para bigyan ng maluwag na akses ang publiko sa mga dokumento ng gobyerno na ipinangako rin noon ni Aquino sa pamamagitan ng isang batas ngunit hindi kailanman nito tinupad. Mahalaga ang mga pahayag na ito ni Duterte sa kampanya ng mamamayan46 na singilin si Aquino at mga opisyal nito sa marami nilang pananagutan sa bayan. 45 “Duterte names top cops allegedly involved in illegal drugs trade” ni Nestor Corrales, Philippine Daily Inquirer, 5 Hulyo 2016 46 “Duterte to issue FOI executive order soon” ni Marlon Ramos, Philippine Daily Inquirer, 4 Hulyo 2016
28
IBON Praymer
Hulyo 2016
tinitingnan ng imperyalismong US ang 4 Paano administrasyong Duterte? Ano ang maaaring
asahan sa patakarang panlabas nito, kabilang ang relasyon sa Tsina?
Bilang politiko at Pangulo, isa sa mga hindi pangkaraniwang katangian ni Duterte ang pagiging hindi nito sunud-sunuran sa imperyalismong US. Pinatutunayan ito ng kanyang rekord ng pakikitungo sa mga sundalong Kano sa Lungsod ng Davao gaya ng pagkastigo sa mga ito sa kaso ng hinihinalang ahente ng CIA na si Michael Meiring. Noong 16 Mayo 2002, aksidenteng sumabog ang bomba sa isang hotel sa Lungsod ng Davao kung saan nanunuluyan si Meiring. Mabilis na dumating ang mga Kano (na sinasabing mga ahente diumano ng Federal Bureau of Investigation (FBI) o US National Security Council) sa ospital kung saan isinugod si Meiring para itakas papuntang Maynila at pagkatapos ay sa US. Naghinala noon si Duterte na may operasyon ang CIA para lumikha ng kondisyon ng kaguluhan at bigyang katwiran ang presensyang militar ng Kano sa Mindanao. Ibayong tumindi ang hinalang ito ni Duterte nang magkakasunod na pagsabog sa Davao airport (21 patay, 148 sugatan) at Sasa Wharf (17 patay, 56 sugatan) na ibinintang sa mga rebeldeng MILF.47 Labas-masok din sa Davao ang mga ahente ng FBI at CIA sa nakalipas na mga taon na ayon kay Duterte ay hindi nakikipagkoordina sa kanya bilang alkalde.48 Tahasan ding tinanggihan ni Duterte ang plano ng US na gawing base ng kanilang drones ang lumang paliparan sa Davao.49 Ipinagbawal din nito ang pagsasagawa ng mga ehersisyong militar ng US sa ilalim ng Balikatan sa Lungsod ng Davao. Sa isang pagkakataon noong kampanya, sinabi ni Duterte na handa siyang putulin ang relasyong US-Pilipinas. Kaya hindi nakapagtatakang hindi palaasa sa imperyalismong US ang namumuong patakarang panlabas ni Duterte, kabilang sa usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng bansa laban sa China. Ayon sa kanyang kampo, uunahin ni Duterte ang interes ng mamamayan sa patakarang panlabas nito, gaya ng mga mangingisdang apektado sa agawan 47 “Meiring, murder, subversion, and treason: Duterte’s beef with US” ni Peter Lee, Asia Times, 20 Mayo 2016 48 “CIA, FBI, Aussie agents operating in South Philippines,” The Philippine Star, 21 Enero 2007 49 “Duterte says no to US drones” ni Karlos Manlupig, Rappler, 13 Agosto 2013
IBON Praymer
Hulyo 2016
29
ng teritoryo. Taliwas sa naging patakaran ng rehimeng Aquino na labis na antagonistiko sa China habang iwinawasiwas ang suportang militar ng Kano na ibayong nagpapatindi sa tensyon, mas palakaibigan ang tono ni Duterte habang matibay ang paninindigang hindi isusuko ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Sa pinakahuling pahayag nito, sinabi ni Duterte na agad niyang kakausapin ang China sa sandaling lumabas ang desisyon ng pandaigdigang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na dumidinig sa kasong isinampa ng Pilipinas kaugnay ng paglabag ng China sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).50 Ganito rin ang pahayag ni Kalihim Perfecto Yasay ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsasabing hindi na dapat gatungan pa ang tensyon sa pamamagitan ng mga palabang pahayag sa sandaling paborable sa bansa ang pasya sa The Hague na inaasahang ilalabas na sa 12 Hulyo. May mga ulat na mas maluwag daw ngayon ang Coast Guard ng China sa mga mangingisdang Pilipino. Maaaring senyales ito ng mas malusog na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Ginagamit din ng China ang kooperasyong pang-ekonomiya upang muling pasiglahin ang relasyon nito sa Pilipinas, kabilang ang alok na pondohan ang malaking pangangailangan sa imprastruktura ng bansa. Gagamitin ng China ang bagong tatag na Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na sinalihan ng Pilipinas noong Disyembre 2015 para rito. May pambihirang pagkakataon sa ilalim ni Duterte na lubhang pahinain, kundi man ganap na wakasan ang deka-dekadang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Hindi ito magandang balita para sa imperyalismong US at sa plano nitong pivot sa Asya Pasipiko laban sa China. Bagama’t may mga pahayag si Duterte at mga opisyal nito na paborable sa US, gaya ng liberalisasyon ng ekonomiya at pagsanib ng bansa sa kasunduang Trans-Pacific Partnership (TPP) at maging sa pagpapatuloy ng EDCA, sa pangkalahatan – hindi tulad ni Aquino – hindi maaasahang papet para sa US si Duterte. Kaya ngayon pa lamang ay iniintriga na ito ng makinarya sa propaganda ng imperyalismo. Sa mga lumabas na komentaryo sa Wall Street Journal at The Economist, halimbawa, nagbababala na ang mga ito sa posibilidad na hindi matatapos ni Duterte ang kanyang termino dahil sa pamamaraan at paninindigan nito na 50 “Duterte on PH-China row: ‘war is a dirty word’” ni Paterno Esmaquel II, Rappler, 5 Hulyo 2016
30
IBON Praymer
Hulyo 2016
kakaiba sa kinasanayan sa mga trapo sa Pilipinas. Laganap ngayon sa midya sa US at iba pang kanluraning bansa ang bansag kay Duterte bilang “Donald Trump ng Asya”.51 Asahan ding babanatan ng US ang kontrobersyal na rekord sa karapatang pantao ni Duterte gaya ng extrajudicial na pagpatay sa mga kriminal at sangkot sa droga. Sa pag-uusap nila ni Pangulong Barack Obama ng US nang batiin nito si Duterte sa kanyang pagkapanalo, binigyang-diin nito ang pagpapahalaga raw sa karapatang pantao. Noong nakalipas na taon, naglabas ng ulat ang Human Rights Watch (HRW) na nakabase sa New York at sinasabing may malapit na relasyon sa US State Department kaugnay sa lampas 1,000 katao na pinatay ng death squads sa Lungsod ng Davao sa panahon ng panunungkulan ni Duterte mula 1990s at nanawagang imbestigahan ng gobyerno ang dating alkalde ng lungsod.52 Makatwiran lamang na sagutin at harapin ni Duterte ang mga akusasyon, habang kailangang bantayan ng mamamayan ang sariling adyenda ng US sa likod ng kritisismo nito sa rekord ni Duterte sa karapatang pantao.
ang tindig ng malalaking negosyo at 5 Ano panginoong maylupa sa administrasyong Duterte?
Ano ang implikasyon nito sa girian ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri para sa estado poder?
Ang malapit na relasyon ni Duterte sa Kaliwa at pagtatalaga nito ng mga kasapi ng Gabinete na mga progresibo at aktibista na inaasahang sasagka sa walang habas na pagkamal ng yaman ng malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa ay lumilikha ng pag-aalala sa hanay ng mga negosyante. Halimbawa nito ang pagbagsak ng shares ng mga kompanya sa pagmimina sa Philippine Stock Exchange (PSE) kasunod ng pagtalaga kay Lopez sa DENR.53 Kabilang sa mga naapektuhan ang Philex Mining ng grupo ni MVP, nagsabing hindi dapat pakialaman ng gobyerno ang operasyon ng mga 51 Kandidato sa pagkapangulo sa US si Trump na kinamumuhian dahil sa pagiging panatiko nitong anti-Muslim at migrante. 52 “Obama calls Duterte, highlights shared human rights values” ni Juliet Perry, CNN, 18 Mayo 2016 53 “Mining and oil stocks plunge 7.31% as Lopez accepts DENR post” ni Jon Viktor Cabuenas, GMA News, 22 Hunyo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
31
negosyo. Maaalalang nagkaroon ng matinding debate sina MVP at Lopez sa isang televised na komperensya sa pagmimina. Samantala, nananawagan din sa gobyernong Duterte ang Makati Business Club (MBC), sa pamamagitan ng tagapangulo nitong si Ramon del Rosario, na maglinaw ito kaugnay sa posisyon ng gobyerno sa repormang agraryo matapos ang matatapang na pahayag ni Mariano sa kanyang mga plano bilang Kalihim ng DAR. Mabilis na pinakalma ng mga opisyal sa ekonomiya ni Duterte ang mga negosyante. Sa pahayag ni Ernesto Pernia, ang nakaupo ngayong Director General ng National Economic and Development Authority (NEDA), sinabi nitong hindi raw si Lopez ang buong Gabinete. Sinabi rin nitong hindi naman buong-buong suporatado ng Gabinete ang mga plano ni Mariano sa DAR at katunayan, siya mismo ay hindi ganap na resolbado sa isyu ng repormang agraryo.54 Katunayan, maaga pa lamang ay naglunsad na ng kampanya ang mga opisyal sa ekonomiya ni Duterte para kunin ang tiwala at suporta ng mga negosyante. Tatlong araw matapos ang halalan at naging malinaw na ang pagkapanalo ni Duterte, agad na ipinrisinta ni Sonny Dominguez, na itinalagang Kalihim ng Department of Finance (DOF), ang walong-puntong (na paglaon ay naging sampu) plano sa ekonomiya ng papasok na administrasyon. Tugon ito sa puna ng mga negosyante na manipis ang plataporma ni Duterte sa ekonomiya at negosyo. Tiniyak ni Dominguez sa mga negosyante na magpapatuloy ang mga patakaran sa ekonomiya na ipinatutupad ni Aquino. Kasama rin dito ang malaon nang adyenda ng mga negosyante kabilang ang pagpapabilis at pagpapahusay sa PPP, ibayong pagbubukas ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng Charter change (Cha-cha), pagtustos sa imprastruktura na katumbas ng 5% ng GDP, atbp.55 Pinulong din ni Dominguez kamakailan ang may 450 malalaking negosyante sa bansa para tanggapin ang adyenda ng mga ito sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kabilang sa kanilang wish list ang pagrespeto sa mga kontratang PPP, promosyon ng “responsableng pagmimina”, pagbawas sa mga buwis na ipinapataw sa mga korporasyon, at iba pa.56
54 “Duterte man pacifies business: Gina Lopez is not the Cabinet” ni Amy R. Remo, Philippine Daily Inquirer, 24 Hunyo 2016 55 “Transition team bares Duterte’s 8-point economic agenda” ni Mara Cepeda, Rappler, 12 Mayo 2016 56 “Duterte on business sector’s 10-point wish list: ‘It’s doable’” ni Pia Ranada, Rappler, 22 Hunyo 2016
32
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
Sa kabila ng mga pahayag nitong progresibo, maka-mamamayan at makabayan, si Duterte ay pangunahing kinatawan pa rin ng reaksyonaryong sistema at mga naghaharing uri sa lipunang Pilipino. May presensya at impluwensya pa rin ang malalaking burgesya komprador sa kampo ni Duterte. Pinondohan ng mga may-ari ng malalaking negosyo ang kanyang kampanya. Kabilang dito ang pamilyang Floirendo na may-ari ng malalaking plantasyon sa Mindanao at nasa negosyo rin ng container port terminal operation, packaging production, real estate, trucking, resort development, food production and services, merchandising, financing, at iba pa. Kabilang rin dito ang pamilyang Alcantara nasa negosyo ng energy and power generation, property development, agribusiness, marketing/product distribution, at iba pa. Sa kanyang Gabinete, itinalaga ni Duterte si Mark Villar bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na anak ni dating Senador Manny Villar, isa sa pinakamayayamang negosyante sa bansa at nasa talaan ng mga bilyonaryo sa daigdig. Ang pamilyang Villar ay nasa negosyo ng real estate at maging sa pagmimina. Samantala, si Dominguez naman ay nasa industriya rin ng pagmimina kabilang ang Glencore Xstrata at Lafayette Mining. Nangangamba kung gayon ang mga oligarkiyang hindi malapit sa kampo ni Duterte na hindi sila masyadong makikinabang sa kasalukuyang pamahalaan. Ito rin ang takbo ng isip ng ibang paksyon ng pampolitikang elite at ng mga malapit sa kanilang mga negosyante gaya ng LP at kampo ni Aquino, na laging maghahangad makabalik sa kapangyarihan. Sa ngayon, si Robredo ang pinakamalaking pag-asa ng LP na mahawakan ang poder. Kaya naman, maaga pa lamang ay may mga intriga na ng impeachment, kudeta at maging asasinasyon kay Duterte. Masigasig ang propaganda ng mga dilawan at mga alyado nito kabilang ang Akbayan – gamit maging ang malalaking kompanya sa midya – para batikusin at siraan si Duterte gaya ng diumanong banta ng diktadura sa pamumuno nito, paglabag sa karapatang pantao, at iba – habang panay ang direkta at di-direktang pag-build up sa imahe ni Robredo bilang alternatibong lider. Pero dahil wala sa kapangyarihan, dehado ngayon ang LP. Alinsunod sa bulok at walang prinsipyong tradisyunal na politika sa bansa, isa-isang nagsilipatan ang mga kasapi ng LP sa PDP-Laban na partido ng administrasyong Duterte. Sa House of Representatives, halimbawa, nasa 37 na lamang ang kasapi ng LP mula sa 115 na mga kasapi nitong nanalo noong halalan. Target ng PDP-Laban na ibayo pa itong ibaba sa hanggang 20 na lamang sa pagbubukas ng ika-17 Kongreso bilang bahagi ng itinatatag
IBON Praymer
Hulyo 2016
33
nitong “supermajority” sa Kamara.57 Si Robredo mismo ay sistematikong iniitsapwera ng kampo ni Duterte. Hindi ito binibigyan ng posisyon sa Gabinete (sa kabila ng pagparinig ng kampo nito sa pwesto sa DSWD o NAPC, na kapwa ibinigay ni Duterte sa Kaliwa) at kahit sa inagurasyon ng Pangulo ay hindi isinabay. Alam ng PDP-Laban ang plano ng LP at ngayon pa lamang ay dinidiskaril na nila ito. Subalit maaaring magkaroon ng kakampi ang LP at/o iba pang paksyon ng pampolitikang elite at oligarkiya na nag-aambisyong agawin ang poder mula kay Duterte at mga kapaksyon nito. Ang agresibong kampanya laban sa droga na tinatarget ang mga heneral gayundin ang pagsusulong ng negosasyon sa mga komunista at pagpapalaya sa mga bilanggong politikal ay maaaring lumikha ng sentimyentong anti-Duterte sa hanay ng mga militar at pulis, at pag-isipan ang kudeta. Bago at pagkatapos ng halalan ay pinalutang na ni Trillanes, isang dating opisyal ng AFP at isa sa mga namuno ng mga bigong kudeta laban kay Gloria Arroyo, ang ganitong posibilidad. Idagdag pa rito na maaaring suportahan ng imperyalismong US ang pagkilos laban kay Duterte at pagpapatalsik dito dahil nalalagay na sa kompromiso ang kanilang adyenda sa rehiyon. Tandaang mahaba na ang kasaysayan ng imperyalismong US sa pagpapatalsik sa mga anti-imperyalistang rehimen sa Latin Amerika, Hilagang Aprika, Gitnang Silangan, at Silangang Asya.
ang mga kinakaharap na hamon ng 6 Ano mamamayan sa pagpasok ng bagong
administrasyon? Paano epektibong mahaharap ang mga ito?
Bagama’t higit na paborable ang sitwasyon ngayon sa pamumuno ni Duterte upang maisulong ang mga repormang magsisilbi sa interes at pangangailangan ng ordinaryong Pilipino at upang itaguyod ang soberanya ng bansa, nahaharap pa rin sa malalaking hamon ang kilusan ng mamamayan para sa tunay na pagbabago. Gaya ng nabanggit, bilang pinunong naluklok ng halalang burgis, kinakatawan pa rin ni Duterte ang reaksyonaryong sistema at interes ng naghaharing uri. Kahit nagtalaga ito ng mga progresibo 57 “LP ranks down to 37” ni Gil Cabacungan, Philippine Daily Inquirer, 3 Hulyo 2016
34
IBON Praymer
Hulyo 2016
at aktibista sa Gabinete, higit na nakararami pa rin ang mga reaksyonaryo at tagapagtaguyod ng kasalukuyang mapang-api, mapagsamantala at makadayuhang sistemang panlipunan. Magiging limitado ang magagawa ng mga progresibong Kalihim dahil sa pangingibabaw ng burges at reaksyonaryong kaisipan at direksyon sa Gabinete gaya ng kontradiksyon sa pagitan nina Dominguez/Pernia at Lopez/Mariano sa usapin ng reporma sa lupa at pagmimina. Isa sa pinakamalalaking hamon sa mamamayan ang pagtunggali sa programa at patakarang neoliberal sa ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Duterte. Maliban sa mga nabanggit nang kinatawan ng burgesya komprador at malalaking negosyo, binubuo rin ng mga kilalalang neoliberal ang Gabinete ng Pangulo. Pangunahin dito si Pernia ng NEDA na malaon nang ekonomista ng imperyalistang institusyon sa pinansya, ang Asian Development Bank (ADB). Nagsilbi rito si Pernia noon pang kalagitnaan ng 1980s hanggang maging punong ekonomista ito ng ADB noong maagang bahagi ng 2000s. Ang ADB – kasama ang International Monetary Fund (IMF) at World Bank – ang pangunahing imperyalistang institusyon na nagsulong at nagpondo sa mga repormang neoliberal sa ekonomiya ng bansa sa nakalipas na halos apat na dekada. Isa pang kilalang neoliberal na ekonomista sa Gabinete ni Duterte si Kalihim Benjamin Diokno ng DBM. Tagapagtaguyod ito ng deregulasyon at mahigpit na ipinagtanggol ang pahirap na Oil Deregulation Law. Sa pangunguna ng mga neoliberal na ito, ibayong liberalisasyon ang planong tahakin ng ekonomiya sa binubuong programa ng administrasyon. Nauna nang ipinahayag ni Pernia, halimbawa, na ang Cha-cha na isa sa mga pangunahing prayoridad ni Duterte para isulong ang pederalismo, ay magbibigay-daan din sa pag-aalis ng mga natitirang restriksyon sa malayang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas, at magpapabilis sa planong pagsapi ng bansa sa TPP ng US.58 Mahalagang banggitin din na kahit ang pederalismo ay isinusulong ng malalaking negosyo para higit na paghati-hatian ang rekurso ng bansa. Pabibilisin din nito ang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan at pagsasamantala nito sa likas-yaman ng Pilipinas. Nakasalang na sa Senado ang panukalang Resolution of Both Houses (RBH) 1 ni Senador Franklin Drilon 58 “Duterte’s Cha-cha bodes well for TPP bid – Pernia” nina Catherine Pillas at Jovee Marie dela Cruz, Business Mirror, 23 Mayo 2016
IBON Praymer
Hulyo 2016
35
para buuin ang constitutional convention (con-con) na siyang magpapatupad sa Cha-cha.59 Samantala, muli namang isinumite ni dating Ispiker Sonny Belmonte ang sariling bersyon nito ng Cha-cha – ang RBH 2 na layong alisin ang restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa, likas-yaman, pampublikong yutilidad, edukasyon, midya at iba pa sa paraang regular na pagpapasa ng batas.60 Liban sa Cha-cha, itinutulak din ng ibang myembro ng Gabinete ang liberalisasyon sa iba pang pamamaraan. Planong rebyuhin, halimbawa, ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) ang taunang Foreign Investment Negative List (FINL) sa layuning dagdagan ang mga industriya sa bansa na pinapayagang makapagnegosyo ang mga dayuhang kapitalista.61 Gayunman, kahit punong kinatawan ng reaksyunaryong sistema at pinalilibutan ng mga burgesya kumprador at mga ahente’t tagapagtaguyod ng neoliberalismo, iniaabot ni Duterte ang kanyang kamay sa mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa ng lipunan na naghahangad ng kapayapaan at tunay na pagbabago. Hamon sa mamamayan kung paano ito mamamaksimisa. Ang mga bumubukas na pagkakataon gaya ng usapang pangkapayapaan ay dapat epektibong magamit para magsulong ng mga reporma. Kailangan ang masiglang kilusang masa at mga pampolitikang aksyon ng mamamayan upang suportahan ang usapang pangkapayapaan at ipanawagan ang mga makabuluhang reporma. Habang sinusuportahan ang mga makabayan, makamamamayan at demokratikong mga pahayag at programa ni Duterte, dapat tuloy-tuloy din itong hamunin para itaguyod ang interes ng sambayanan at tunggaliin ang mga anti-mamamayang programa gaya ng neoliberalismo sa ekonomiya. Positibong hakbang ang binuong “Adyenda ng Mamamayan” sa ginanap na People’s Summit noong 29 Hunyo 2016 (na malugod namang tinanggap ng mismong Pangulo noong kanyang inagurasyon) bilang kongkretong mga panukala sa administrasyong Duterte na magiging sukatan ng pagsulong ng mga makabuluhang reporma. Dapat itaguyod ang nilalaman ng “Adyenda ng Mamamayan” ng mga pakikibakang masa, katuwang ang mga progresibong nasa Gabinete, upang tiyakin ang pag-usad ng mga ito. 59 “Drilon pushes con-con to review 1987 Constitution”, Philippine News Agency, 3 Hulyo 2016 60 “Belmonte refiles bill for Charter change” ni DJ Yap, Philippine Daily Inquirer, 3 Hulyo 2016 61 “New DTI head wants more foreign involvement in local trade”, Philippine Daily Inquirer, 2 Hulyo 2016
36
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
15-puntong programa para sa makabayan at progresibong pagbabago 1. Itaguyod ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad. Kabilang dito ang pagbasura sa mga di-pantay na kasunduang pang-militar sa US (EDCA, VFA at MDT) 2. Igalang ang karapatang pantao at bigyang-laya ang demokrasya 3. Muling igiit ang soberanyang pang-ekonomiya at pangalagaan ang pambansang patrimonya 4. Ilunsad ang pambansang industriyalisasyon bilang nangungunang salik sa pag-unlad ng ekonomiya at bilang susi sa paglutas sa disempleyo, kahirapan at kawalang kaunlaran 5. Ipatupad ang reporma sa lupa bilang isang usapin ng demokratikong karapatan at hustisyang panlipunan, bilang pundasyon ng kaunlarang pang-ekonomiya, at bilang paraan ng pagpapalaya sa mga nagbubungkal na walang lupa, paglikha/pagpapakawala ng kapital, pagpapaunlad sa kanayunan at paglikha ng lokal na pamilihan 6. Itaas ang sahod at pamumuhay ng mga manggagawa, protektahan at itaguyod ang iba’t ibang hanapbuhay, at itaas ang istandard sa pamumuhay ng mamamayan 7. Palawakin ang serbisyong panlipunan, laluna sa edukasyon, kalusugan at pabahay, at paunlarin ang mga pampublikong utilidad 8. Itigil ang pandarambong at lahat ng anyo ng katiwalian at kurapsyon, at parusahan ang mga may sala; wakasan ang sistema ng pork barrel at ilaan ang mga pondo ng gubyerno sa pagpapaunlad ng ekonomiya, imprastruktura at pagpapalawak ng serbisyong panlipunan 9. Bawasan ang badyet militar at ilaan ang impok sa pagpapaunlad ng ekonomiya at serbisyong panlipunan
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
37
10. Itaguyod ang patriyotiko, demokratiko, siyentipiko at progresibong sistema ng edukasyon at kultura 11. Itaguyod ang pagkakapantay sa kasarian sa lahat ng larangan ng panlipunang aktibidad at bakahin ang diskriminasyong sekswal at pangkasarian 12. Tiyakin ang matalinong paggamit ng mga natural na yaman at pangalagaan ang kalikasan 13. Igalang ang karapatan ng mga pambansang minorya para sa sarilingpagpapasya at kaunlaran 14. Ipagpatuloy ang negosasyon sa kapayapaan sa NDFP at kumpletuhin ang sa MILF 15. Magpursige sa isang independyenteng patakaran at paunlarin ang pinakamalapit na kooperasyon sa lahat ng kalapit na bayan para sa layunin ng internasyunal na solidaridad, kapayapaan at kaunlaran. National People’s Summit: Crafting the people’s program for change and agenda for the first 100 days, 29 Hunyo 2016
7
Ano ang tinutuntungan ng mabuting pakikiharap ni Duterte sa Kaliwa? Bakit sa lakas at paglaban ng mamamayan pa rin nakasalalay ang tunay at ganap na pagbabago sa lipunang Pilipino?
Ang pagkilala ni Duterte sa mga rebolusyonaryong grupo at kilusang masa na nagtataguyod ng pambansang demokrasya at kalayaan at kahandaang makipagtulungan sa mga ito ay patunay sa nananatili at nag-iibayong lakas ng tinatawag na Kaliwa sa bansa. Ito pa rin ang pinakamalakas na pwersa na humahamon at tumutunggali sa mga mapang-api at mapagsamantalang uri sa lipunang Pilipino, at nagtataguyod ng makabuluhang pagbabago na nagsisilbi sa pinakamalawak na mayorya ng mamamayan.
38
IBON Praymer
Hulyo 2016
Masiglang inilulunsad at ipinagtatagumpay ng mga organisasyon ng mamamayan ang iba’t ibang pakikibakang masa. Sa hanay ng mga manggagawa, naipagtagumpay nito ang ilang laban para sa seguridad sa trabaho gaya ng welga sa planta ng Tanduay sa Cabuyao, Laguna para sa regularisasyon ng may 103 manggagawa at GMA-7 para sa regularisasyon ng 97 nitong talents. Sa plantasyon ng saging ng Sumifru sa Compostela Valley, matagumpay na naibalik sa trabaho ang may 147 manggagawa matapos maglunsad ang mga ito ng welga. Ipinanalo rin ng mga manggagawa ang Php2,000 umento sa pensyon ng SSS bagama’t sinabotahe ito ng presidential veto ni Aquino. Sa hanay ng mga magsasaka, matagumpay na nailunsad ang mga barikada at protesta ng libo-libong magsasaka sa Mindanao gaya ng South Cotabato, Bukidnon, Misamis Oriental at Zamboanga del Sur, para sa panawagang paglalabas ng ayuda ng pamahalaan, kabilang ang bigas, sa gitna ng pananalasa ng El Niño sa mga sakahan sa rehiyon. Ito’y sa kabila ng naunang marahas na panunupil sa barikada ng mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato. Tuloy-tuloy rin ang kampanyang bungkalan at okupasyon sa lupa ng mga magsasaka sa iba’t ibang malalaking asyenda sa bansa gaya ng Hacienda Luisita, na hindi ipinamamahagi ng rehimeng Aquino sa mga magsasaka apat na taon mula nang ipag-utos ng Korte Suprema. Sa pakikibaka para sa serbisyong panlipunan, matagumpay na napigilan ng mga manggagawang pangkalusugan, mga pasyente at komunidad ang pagpapasara at pribatisasyon ng Fabella Hospital na pangunahing nagsisilbi sa mahihirap na pasyente. Sa pagtatanggol sa karapatang pantao, matagumpay na inilunsad ng komunidad ng mga Lumad at kanilang mga taga-suporta ang “Manilakbayan” sa gitna ng matindi at walang humpay na panunupil ng militar. Ilan lamang ito sa mga kamakailang tagumpay ng pakikibaka ng kilusang masa. Sa larangang parliamento, nanatili ang Makabayan bilang nangungunang bloke ng mga progresibong grupong party-list sa kabila ng pang-iintriga ng ilan sa muli nitong kabiguang makakuha ng pwesto sa Senado. Tagumpay nitong napanatili ang pitong seats sa Mababang Kapulungan – dalawa sa Gabriela Women’s Party (GWP), dalawa sa ACT Teachers Party-list, at tig-iisa sa Anakpawis, Bayan Muna at Kabataan. May petisyon ang GWP, na nakakuha ng pangalawang pinakamalaking boto (1.4 milyon) sa lahat ng mga grupong partylist na lumahok sa nakalipas na halalan, na madagdagan pa ng isang seat. Ito’y sa kabila ng nagsusulputang mga grupong party-list na itinatayo ng mga trapo at malalaking negosyo na nakikipag-agawan sa boto ng mamamayan.
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
39
Bagama’t hindi pa ring pinalad manalo, patuloy na tumataas ang botong nakukuha ng kandidato ng Makabayan sa labanan sa Senado mula nang una itong lumahok noong 2010. Ang lahat ng ito sa gitna ng malawakang pandaraya at sistematikong paninira laban sa mga progresibong lumalahok sa eleksyon at kakapusan nito sa rekurso para makipagsabayan sa halalang pinatatakbo ng salapi at patronahe. Ibayo pang lalakas ang pakikipagtunggali nito sa larangang parliamento sa pagpasok ng ilang lider nito sa Gabinete ng administrasyong Duterte. Ayon naman sa NDFP, patuloy na lumalakas ang armadong pakikibaka ng NPA na kasalukuyan nang kumikilos sa 71 lalawigan sa buong bansa at malayang nakakagalaw sa 80% ng teritoryo ng Pilipinas. Matagumpay diumano nitong nabigo ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino sa kabila ng pagbuhos ng rekurso ng gobyerno sa kampanyang kontrainsurhensya kasama na ang ayudang militar ng imperyalismong US. Taliwas sa paulit-ulit na propaganda ng militar na malapit nang tuluyang magapi ang NPA, patuloy daw itong nakapaglulunsad ng matatagumpay na opensibang taktikal laban sa AFP at PNP. Bagama’t malaon nang alyado at kaibigan ng mga progresibo at rebolusyonaryo sa Davao si Duterte, hindi bumagsak mula sa langit o nagkataon lamang ang relatibong paborableng sitwasyon ngayon ng Kaliwa sa ilalim ng kanyang administrasyon. Bagkus, nilikha ang sitwasyong ito ng walang kapagurang pagkilos at pakikibaka ng Kaliwa sa iba’t ibang larangan ng labanan para isulong at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong aspirasyon ng mamamayang Pilipino. Gayundin, tanging sa patuloy na pagkilos at paglaban lamang makakamit ng sambayanan ang mga pagbabagong hinahangad nito at hindi hinihintay na kusang ibibigay ng mga humahawak sa estado poder. Mahalagang maging mapagbantay ang mamamayan dahil hindi papayag ang mga naghahari at nakikinabang sa bulok na sistema, sa pangunguna ng imperyalismong US, na makamit ang pangmatagalang kapayapaan na sinisimulang isulong ng administrasyong Duterte. Kung seryoso itong gagawin ng kasalukuyang rehimen, nangangahulugan ito ng tuluyang pagwaksi sa panghihimasok ng US at walang pakundangang pang-aapi at pagsasamantala sa anakpawis ng mga dayuhang negosyo, komprador, panginoong maylupa
40
IBON Praymer ď Ź
Hulyo 2016
at burukrata kapitalista. Hindi basta isusuko ng mga ito ang kanilang makitid na interes at gagawa ng iba’t ibang paraan upang isabotahe ang usapang pangkapayaan at piliting pigilan ang pagdating ng ganap na pagbabago. Upang paghandaan ito, kailangan ang tuluy-tuloy na ibayong pagpapalakas at pagpapalawak ng kilusan ng mamamayan. Napakainam ng kalagayan ngayon para palaganapin at ipaunawa sa pinakamaraming bilang ng mga Pilipino ang mga makabayan, demokratiko at maka-mamamayang mga repormang panlipunan at pang-ekonomiya na kailangan ng bansa at hamigin ang kanilang suporta at pagkilos.