Pulang Ulan: Mga Tula Tungkol sa Pamamaslang

Page 1

PULANG ULAN Mga Tula Tungkol sa Pamamaslang Philip M. Jamilla



PULANG ULAN Mga Tula Tungkol sa Pamamaslang Philip M. Jamilla


Disenyo, mga salita, at mga larawan ni Philip Jamilla 2019 Ang chapbook na ito ay libre lamang bagamat humihingi ako ng munting patak upang makapag‐imprenta pa ng mga kopya at upang makalikom ng mga pondo para sa kampanya ng karapatang pantao. Malaya ang sinumang basahin at pagpasa‐pasahan ang chapbook na ito!


mga nilalaman red rainfall warning

3

spot report 9/3/17

4

ang matamaan ay taya

5

niños inocentes

7

apartment

8

state of the nation

9

para kay ka randy

10

sa panahon ng tiempo muerto

12

sawsawan

13

ang huling buwan ni bakunawa (redux)

15

pagbibinyag

16

17

pagtatangka sa pagsasataludtod ng himagsikan



Mula nang maupo si Rodrigo Duterte tatlong taon na ang nakararaan, lalong lumala ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa iba’t ibang porma—paniniktik, panunupil, pananakot, karahasan, at higit sa lahat, malawakang pamamaslang. Tila ba polisiya ng rehimeng Duterte ang pagpatay, at maraming mukha ang karahasang ito: kung hindi man literal, makikita ito sa unti‐unting pagpatay sa atin sa kahirapan buhat ng tumitinding krisis sa ekonomiya. Hindi natin maaring takasan ang realidad na ito sa ating mga akda, at sa harap ng kamalayang ito, may tungkulin tayong ilahad ang nabubulok na realidad na ito sa lahat ng prente at pormang mayroon tayo. Pagtatangka ang mga piyesa sa chapbook na ito na bigyang mukha ang mga realidad na ito na pilit tinatago ng rehimen sa napakalawak nitong ugnayan ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa mamamayan. Ngunit sa panahong tumitindi ang karahasan, panunupil, at paglabag sa ating mga karapatan, hindi na sapat ang ating mga salita at akda sa pakikibaka. Kailangan na nating magtungo sa mga lansangan, sa mga pabrika, sa piketlayn, sa kanayunan—at tanganin ang landas ng militanteng pakikibaka laban sa lumalalang pasismo, at gibain ang nabubulok na lipunang ito tungo sa tunay na pagpapalaya ng sambayanan. Patuloy tayong lalaban para sa ating mga karapatan, para sa tunay na kapayapaang nakabatay sa katarungan.


red rainfall warning Nasa 6 na beses binaril ng hindi nakilalang salarin ang biktimang si Edward Valiente, ayon sa may‐ari ng tindahan na nakarinig sa mga putok ng baril sa Phase 3, Barangay Bagong Silang. — ABS‐CBN News, ika‐20 ng Agosto 2018 malamig ang gabi, nagbabaga ang balita: bagong silang, may mama pinatay sa eskinita walang tila ang ulan ng bala at tuloy ang daloy ng dugo sa semento kumakalat at tuloy ang bagsak at buhos ng ulan.

3


spot report 9/3/17 may hagulhol sa halimuyak ng duguang simento — graffiti sa isang pader sa Lucena 1. alas otso ng gabi, nakarinig ako ng tatlong putok sa kanto. akala ko galing sa kwitis hanggang may mama na tumawag ng pulis at mabilis akong tumakbo patungong tayuman, sa tapat ng gasulinahan kung saan nadatnan ko ang isang bangkay na nakahandusay sa sakayan ng dyip. tatlong basyo ng bala at piso‐pisong barya ang nakakalat sa kalsada na nalulunod sa mga ludlod ng hilaw na dugo. 2. nagtanung‐tanong ako sa mga tao sa palibot, ngunit walang nakasagot ng pangalan ng biktima. sabi lang nila, nagtatawag lang ang mama ng pasahero nang biglang may umalingawngaw na putok. 3. hindi malinaw ang motibo. iniimbestigahan pa ang kaso. 4


ang matamaan ay taya

bata, bata, patanong anong oras na ba? ‘di mo ba narinig ang mga balita? anong bilin ni inay? umuwi ka nang maaga, ‘wag ka nang pasaway at tumambay diyan sa kanto. magsuot ka nga ng sando kung ayaw mong matangay, ‘wag ka nang pasaway, ‘wag ka nang maghintay sa labas, kung ayaw mo na bukas ay ikaw naman ang kanilang itapon sa likod ng rehas. anong sabi ng pulis? tumakbong mabilis. anong sabi ng pulis? iputok ang baril— at nanlaban, bulsa biglang shabu ang laman, kung ‘san galing ang pakete ‘di nila alam kaya tagu‐taguan, maliwanag ang buwan, ‘di na biro ang laro ng habul‐habulan kung kaya’t kung ako’y ikaw, hanap na ng tataguan mula sa pula, mula sa bughaw, mula sa balang ligaw na nanunuklaw parang mga pangil ng ahas sa lansangan wala kang takas at walang ligtas kaya bata, dali, ang takbo’y bilisan ‘pag ikaw ang natamaan, ikaw na ang taya.

5


6


niños inocentes galit na galit si herodes at kanyang ipinag‐utos: “ubusin silang lahat at sa bawat bahay ay kunin ang mga sanggol at habulin ang mga batang may gulang na siyam na taon pataas at itapon sa likod ng rehas ang lahat ng nakakalat sa labas. ito ang aking batas, at ang sinumang susuway ay ipapako ng bala ang bangkay sa lansangan.” at sa paglusob ng kanyang mga kawal sa lungsod ay kanilang sinugod ang bawat bahay at tinangay mula sa mga nanay ang kanilang mga sanggol at anak at dumanak ang dugo sa buong kalunsuran ayon sa kasabihan ng propeta: “rinig sa maynila ang malakas na panaghoy at pagdaloy ng mga luha ni raquel sa pagtangis sa kanyang mga anak at hindi siya magalak dahil sila ay patay na.”

7


apartment hanggang sa kamatayan ay may upa pa rin ang mga libingan ng mga isinumpang hindi sa lupa ibabaon kung hindi sa mga butas na nakapatong sa taas ng libu‐libong bangkay na muling huhukayin at palalayasin matapos ang limang taon at itatapon sa mga sako sa kanto‐kanto.

8


state of the nation nang inagaw sa kanya ang lupang sakahan, lalawigan ay nilisan at nagtungong maynila ngunit tila ang buwaʹy mabilis nakahabol dahil bukas naʹng wakas ng kanyang kontrata sa pabrika na sahod wala pang tatlong daan, araw‐araw ang tiyan kumakalam, walang laman parang dati niyang tirahan nang siyaʹy pinalayas. ang presyo ng bigas isang kilo ay singkwenta. ‘di makwenta ang utang, bayari’y di mabilang. kung sahod ay kulang, sa patalim kumakapit ‘pag dilim ay sumapit. kung sa gutom ‘di kamit, sa bala ng pulis ang kamataya’y sasapit.

9


para kay ka randy High profile National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Randy Felix P. Malayao was gunned to death inside a bus in Aritao, Nueva Vizcaya at 2:30 this morning. — Bulatlat, ika‐30 ng Enero 2019 sumakay ka ng victory liner ngunit hindi ka na nakarating sa patutunguhan: sa kapayapaan ng tulog, ika’y dinahas at pinaslang nang walang awa ng gatilyo subalit kahit malayo ang biyahe ay dadalhin namin ang bagahe ng labang iyong naiwan hanggang tayo’y makarating sa hantungan ng tagumpay

10


11


sa panahon ng tiempo muerto narito na ang tigkiriwi, panahon na ng pag‐aani: nananawagan muli ang mga kampana, humahagulol kasabay ng pagtahol ng mga aso sa gitna ng gabi—naghuhudyat ng panibago na namang bangkay na itatanim sa hukay. sa lupang uhaw sa luha ng langit, panginoon, bakit ang palit sa dalit ay buhos ng ulan ng punglo sa laman, sa kumakalam na tiyan, sa sanggol na walang alam at tulog sa yakap ng duyan? kailan, panginoon? kailan mo pakikinggan ang panaghoy ng bayang nalulunod sa baha ng dugo sa mga bungkalan kung saan patay ang tinatanim at siyang patay rin ang inaani?

12


sawsawan ʺmasarap, masayaʺ basta raw gawa nila baʹt iba ang sigaw ng mga manggagawa sa labas ng pabrikang kanilang pinapasukan? baʹt iba ang sigaw ng kanilang panawagan? madugo at marahas ang bawat sawsaw ng ligaw na bato sa brasong puno ng pasa na itim—mas itim pa sa toyo, mga ulong dumudugo sa lakas ng hampas ng batuta sa mukha kung ʹsan ketsap at dugo naghahalo parang toyo at sukang sinusuka ng pabrika, balat na puno ng mga sugat at lapnos parang tulo at talsik ng mantika. ito ang kinikita, ang sahod ng kan’lang pagod: ang dugo at dahas, ang bato at batuta.

13


14


ang huling buwan ni bakunawa (redux) hindi pa nabusog ang halimaw nang matanaw nito ang nalalabing buwan. kumalam ang tiyan at umahon sa dagat, umakyat sa langit at kumuha ng kagat at nilamon ang lahat. ang dilim ay sumapit at ang buwan ay nabalot ng dugo, ngunit kumawala ang mga munting kawali at pilit na sinugod ang halimaw sa langit hanggang ito’y lumayas at bumagsak sa lupa.

15


pagbibinyag bubulwak ang aklasan tulad ng pagputok ng panubigan ng sierra madre mula sa mga bukal at masukal na batis na bubulalas sa mga ilog na rumaragasa sa mga palayan sa pagdating ng unang ulan matapos ang mahabang el niño hanggang sa mga estero ng pasig na umaapaw sa bugso ng bagyo at amihan at ang buong kahabaan ng españa ay magiging dagat ng mga paa at duguang watawat at mga kamaong suntok sa langit at tayo ay lulusong sa daluyong ng libu‐libong karatula, mga munting patak na sumusunod sa yapak at agos ng daan‐daang martsang nagdaan patungong mendiola na ati’y pagliliguan ng dugo, sa mga lumilipad na bato, at sa hampas ng alon ng mga batuta at kanyon ng tubig. nakalimot yata sila na tayo ay tubig: matuyo man ang semento, tayo ay babalik sa ulan at ang ating mga tinig ay aawas sa bawat lansangan at tatangging humupa ang baha hangga’t ‘di nalulunod ang lungsod at mga pasista sa apoy at patuloy na dadaloy ang alon na aanurin ang mga labi ng lumang kaayusan patungo sa yakap ng malawak at malayang karagatan

16


pagtatangka sa pagsasataludtod ng himagsikan daragsa kaming lahat sa kanayunan at lansangan, inang bayan, at sa laban ʹdi kami titigil gayong ʹdi pa nasusupil ang ating kaaway, mas lalawak pa ang hanay, ang hukbo ay susulong at tutungong tagumpay. ating buhay ay alay ngalan man o bangkay ay maglaho’t walang hukay. gaʹno man ito kalayo, ang lakbay ay tatahakin, bundok ay papatagin, tanikalaʹy babaliin at ating gagapiin ang lahat ng naghahari, yanigin ma’y ʹdi mayari ang mapagpalayang uri. ating bagong katipunan—manggagawa’t magsasaka, ngayon ay babangon sa tugon ng himagsikan: “ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban! ngayon ay lumalaban, ang tao, ang bayan!” gutom nati’y papawiin, yaman nati’y babawiin sa pakikibaka natin ang pagpapalaya natin. at gabi ay lilisanin tungo sa mapulang umaga, gigisingin ang bayan sa tugon ng himagsikan: oras nang magbalikwas ‘pagkat atin ang bukas tungo sa tagumpay at paglayang wagas!

17


18



Ang orihinal na koleksyon ng Pulang Ulan: Mga Tula Tungkol sa Pamamaslang na naglalaman ng mga piyesang “red rainfall warning,” “spot report 9/3/17,” “niños inocentes,” “apartment,” at “ang huling buwan ni bakunawa” ay ginawaran ng ikalawang karangalang banggit sa kategoryang Tula ng ika‐34 na Gawad Ustetika. Ang piyesang “pagbibinyag” ay nailimbag sa Dapitan 2019: Insureksyon, ang pampanitikang folio ng The Flame, kung saan ito ginawaran ng parangal bilang nagwaging lahok sa kategoryang Tula. Ang “sa panahon ng tiempo muerto” ay makikita rin sa Panday ZINEing ng Panday Sining—College of Saint Benilde. “ang matamaan ay taya” ay unang lumabas bilang “Taya” sa TomasinoWeb at nailathala na sa Bulatlat; kasama rin ito sa The Kill List Chronicles, isang antolohiya ng mga akdang protesta. *** Nagsusulat at lumalaban si Philip para sa Karapatan, isang alyansa ng mga grupo, organisasyon, at indibidwal na nagsusulong ng karapatan ng mamamayan sa Pilipinas. Nagtapos siya ng Batsilyer ng Sining sa Panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Master ng Sining sa Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.





Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.