FIELD TRIP AT IBA PANG KUWENTONG NINETIES AT TWO THOUSANDS
FIELD TRIP AT IBA PANG KUWENTONG NINETIES AT TWO THOUSANDS
MARIUS D. CARLOS, JR. AWTOR
F IEL D T RIP AT IBA PANG KUWENTONG NINETIES AT TWO THOUSANDS Karapatang-ari 2020 ng Rebo Press at ni Marius D. Carlos, Jr. Unang Edisyon, Pebrero 2020 Unang Limbag, Marso 2020 Reserbado ang lahat ng karapatan. Lahat ng bahagi ng kalipunang ito ay pawang orihinal at hindi maaaring kopyahin o ilathala sa anomang paraan nang walang pahintulot ng Rebo Press at ng awtor. Nananatili ang karapatang-sipì nito sa pamunuan ng Rebo Press at sa awtor. Ang anomang puna, opinyon, suhestiyon, at pahatíd ay maaaring ipadala sa e-mail ng awtor na nasa ilalim nito: mdcarlosjr.rebopress@gmail.com Para sa mga order at iba pang katanungan, maaaring magpadala ng mensahe sa opisyal na Messenger ng Rebo Press na nasa ilalim nito: m.me/ReboPressPH Disenyo ng pabalat at libro mula kay Kristelle D. Castillo Mga dibuho sa aklat mula kay Gwynette Ivory Marbella Larawan mula kay Marius D. Carlos, Jr. Kabilang sa Rebo, koleksiyon ng mga sulatin Inilimbag at ékslusíbong inilalabás ng REBO PRESS #722 McArthur Highway, Barangay San Francisco Mabalacat City 2010, Pampanga, Philippines Contact Number: (+63)939-828-9134 Sales and Marketing: rebopress@gmail.com Website: https://rebopress.com
Sa lahat ng kabataang Pilipino na patuloy na naghahanap ng daan palabas, kasama ninyo ako.
Kay Kristelle, para sa pagmamahal at walang katapusang balon ng pasensiya.
Sa lahat ng nananatili at nagmamahal. Mabuhay kayo!
SALAMAT SA PAGSAMA MALAKI ANG PANANALIG KO SA KAPANGYARIHAN NG pagkukuwento. Bata pa lang ako, ang pagsusulat na ng mga sanaysay at kuwento ang pinanghawakan kong paraan upang magkaroon ng sisidlin ang aking mga alaala at karanasan. Noon pa man, nagsusulat na ako upang umalala, at may pangangailangan akong magtalâ. Siguro dahil naniniwala akong sa huli, ang kabuuan ng pagiging tao ay mahihinuha sa ating mga talâ sa mundong ibabaw. Ang “Field Trip at iba pang Kuwentong Nineties at Two Thousands” ay umiinog sa pormang kuwentuhan. Kuwentuhang bunsod ng mga talâ at alaala ng saya, lungkot, galit, panghihilakbot, pagtatanong, pagsubok, pagkabigo, at minsan din ay may kaunti (o matinding) kapusukan. Ang lahat ng ito’y nagmula sa aking kabataan. Ngayong taon, magte-trenta’y dos na ako. Matagal na akong hindi tinedyer, pero pakiramdam ko’y napako na sa disi-siyete. Hindi man perpekto ang mga ito’y hindi ko sila nais kalimutan, dahil ito lang ang mayroon ako. Minsan masaya, minsan malungkot. Madalas parang ubod nang bilis, tsaka naman biglang babagal at magpapalalawak. Maraming mga side trip at
pamemreno kung saan-saan. At ikaw ang kakuwentuhan ko sa buong panahong hawak mo ito. Kung tutuusin, ang araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan ay parang field trip na rin pala. Isa nga lang ang palaging pisikal na destinasyon, hanggang sa matapos na ang mga huling pilas ng mga lektura at eksaminasyon, at maubos na ang mga inaasahang taon ng pamamalagi. Darating din ang huling araw ng pasok sa eskuwelang nakalakhan na, at ang huling araw na ika’y opisyal na estudyante ng sintang paaralan. Sasapit din ang panahong maluluma ang lahat—ang bag, mga notebook, mga textbook, at maging ang Form 138. Iba na ang pakiramdam tuwing tatayo ka sa quadrangle, o sa assembly area malapit sa stage tuwing flag ceremony at may mga program. May katangkaran na kayong lahat ng mga kaklase mo, at ilang hanay na ng mga estudyanteng nasa mababang grade ang nakapila. Parang kailan lang, ikaw ang tumitingala sa mga ‘kuya’ at ‘ate’ sa paaralan. Kayo ang mga beybi ng eskuwelahan, na pinapauna palagi at baka madapurak ng mas malalaking bata. Ngayon, kasama ka na sa mga nagpaparaya, at baka ikaw naman makadapurak ng preschool o grade one. Nakapila ang mga chikiting sa mga espasyong dati mo ring tinungtungan at pinilihan. Masyado ka pang bata noon para mapansin na taon-taon, umaasog kayong lahat pakanan, palapit nang palapit sa labasan. Nagsimula na ring kumupas ang mga kulay sa paligid. Sa sobrang pagkasanay mo na sa kanila, ang mga kulay ay bahagi na ng iyong mga panaginip. Dati nama’y hindi mo sila pinapansin. Ngayon, para silang kaibigang nagpapaalam na; at kailangan nang lumipat ng bayan. Tulad ng pagsikip ng unipormeng dating sapat lang ang haba at lapad, mararanasan mo ang pagpanglaw ng karanasan, na para
bang nagkamali ka ng lugar na pinuntahan, o kung hindi nama’y naroon ka lang at may hinihintay kang dumating. Nagiging estranghero ka na sa lugar na kumupkop sa iyo sa mahaba-haba ring panahon. Hapon na pala, at malapit nang matapos ang iyong pagtatanghal sa ikalawang tahanan. Lilisanin mo na ang mga nakasanayang klasrum, kubeta, aklatan, kantina, opisina ng prinsipal, at siyempre, ang mga taong araw-araw mong nakikita. Madalas, sa pagtatapos ng mga bagay-bagay, mayroong mapaklang pakiramdam na parang ayaw mo pang umalis, dahil ito lang ang alam mo’t minahal sa matagal na matagal na panahon. Inukit na ng panahon na parang mga tato sa iyong balat at puso ang bawat yapak sa mga pamilyar na espasyong ipinipinta sa tuwina ng araw, ulan, init, lamig, at mga mukha at boses ng mga taong nag-ambag ng tigiisang butil ng katotohanan o kabutihan na nagbigay naman ng sigla sa kabuuan ng iyong pagkatao. Ngunit hindi naman maaaring grade six ka na lamang habambuhay. Kaya pipilitin mong lunukin ang mapaklang bayabas ng pag-ayaw na bumabara sa iyong lalamunan, at kukumbinsihin mo ang iyong sarili na magiging maayos rin ang lahat. Na hindi nakatatakot ang pagbabago, at may naghihintay na tuwa at pag-asa sa paglisan sa mga bagay na pamilyar at ligtas sa iyong paningin. At ngayong matatanda na kaming lahat, at umeedad na rin ang mga tinaguriang dating beybi ng henerasyon ng mga milenyal, saan ba patungo ang bansang Pilipinas na ito, na unti-unti nang napapapunta sa henerasyon ng mga milenyal at GenZ ang giya? Sa lima hanggang sampung taon, mababago pang lalo ang mga tanawin; at maging ang hanging pumapalibot sa bawat isa sa atin. Binebendisyunan ng
posibilidad ng pagbabagong-mukha at pagbabagong-buhay ang bansa; ngunit, posibilidad lamang ito. Tulad lamang ng napakaraming mga posibilidad na nadaanan na’t dadaanan pa ng sintang bayan. May pagkakaiba kaya ang field trip ng mga henerasyon ngayon patungong kasalukuyan at hinaharap?
We’ll have to wait and see.
Marius D. Carlos, Jr. Mabalacat, Pampanga January 28, 2020 5:20 n.u.
FIELD TRIP, AT IBA PANG RITWAL NG PAGIGING KATANGGAP-TANGGAP AMININ MAN NAMING MGA MILENYAL O HINDI, BIG DEAL ANG payagan noon ng mga magulang na sumama sa field trip. Kung laking dekada nobenta ka, ang pagsama sa mga field trip, school events, at party ang marka ng pagiging ultimate minisocialite. Kung nakakasama ka, you are the bomb, at may upward social mobility ka na. “In” ka at bahagi ka ng mga matitinding kaganapan sa eskuwela.
MIDDLE CLASS BLUES Dahil naka-enroll ako sa Catholic school sa loob ng halos isang dekada, hindi ko naiwasang maging kaklase at school mates ang mga maykayang mag-aaral mula Cabanatuan at mga karatig na bayan ng Nueva Ecija. Karaniwan na ang mga batang maykayang ito, sila rin ang mga unang pinapayagan ng mga magulang na sumali sa mga field trip at iba pang lakad ng buong klase. Hindi lang karaniwang maykaya, ha. May kaklase akong may-ari ng mga hardware store ang pamilya. Ang isa nama’y board member ng pamantasan ang tito, at may-ari rin ng isang resort. ‘Yong MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
isa namang nanay na may buhok na tila hindi nasasayaran ng suklay, may-ari ng isang hotel. Mahirap makipagsabayan sa mga ganitong kaklase na may balon ng cash ang mga magulang; habang kami, pinagsasakto lang sa mga pangangailangan. Hindi masamang sakto lang sa pangangailangan ang mayroon ka; hindi naman ‘yon kabawasan sa iyong dignidad. Mararamdaman mo nga lang talaga ang pagkakaiba ng pamumuhay kapag nakita mo kung paano mamuhay ang iba. Ang eskuwelahan kong College of the Immaculate Conception (CIC) ang isa sa apat na malalaking pamantasan noon na kilala sa ‘quality elementary education’ sa Nueva Ecija. Ewan ko lang din kung totoo, pinag-iisipan ko pa hanggang sa ngayon kung ano nga ba dapat ang mga basehan ng kaledad ng pagtuturo sa elementarya. Mula kindergarten hanggang ikaanim na baitang, dito ako nagaral; at nakita ko ang unti-unting pagbabago nito kasabay ng pagbabago ng komposisyon at dami ng mga estudyante. Nang magkaroon ng ‘population boom’ ang pamantasan, ang mga high school ay inilipat ng gusali upang wala nang kahati ang mga nasa elementarya sa mga klasrum. Nagpatayo rin ng isang bagong gusali para sa mga kolehiyo sa kabilang dako ng CIC. Ang dating madilim at siksikang canteen na hindi mo susubuking pasukin kapag oras ng tanghalian ay lumuwag, at nadagdagan ng mga upuan at mesa. Nakita ko na lamang ang bagong kantina nang sumilip ilang taon nang matapos ko ang pagkokolehiyo. Nagkaroon ng parking lot ang mga adminstrador, at isang-kapat ng dating open grounds ay naging covered walkway na. Lumiit nang kaunti pa lalo ang ikutan ng mga bata, hanggang sa nagpatayo na ng maraming bagong gusali sa bagong site na mahigit pitong kilometro layo sa orihinal na CIC. Sa bagong tayong CIC inilipat unti-unti ang mga estudyante; hanggang sa ang dating unti-unti ay naging lahat na. Nitong nakaraang dekada, MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
wala nang natira sa dating kaayusan na inabutan ko pa noong dekada nobenta at sa unang mga taon ng 2000s. Sa alaala na lamang sila nananatili, for better or worse. Kung madaling maging bata sa tahanan ng aking mga kaklaseng maykaya, iba kasi sa aming pamilya. Ang karaniwan sa amin, hindi pinapayagan, at madalas, wala nang apela, wala nang ekstrang espasyo para magpaliwanag kung bakit okey pumunta. Sabi sa akin ng mga kapatid ko, ibayong luwag na raw nang dumating ang panahon ko; at noong panahon nila, talagang mahigpit sa lahat ng bagay. Siguro nga. Pinayagan din naman kasi ako paminsan-minsan. Sa buong elementary ko, ang natatandaan ko ay pinayagan ako ng tatlong beses para sumama sa mga field trip; at tatlong beses para sumama sa mga presscon; at isa ako sa ilang pirasong campus journalists noon. Sa loob ng walong taon, nakalabas naman pala ako ng anim na beses. Sa kabuuan, hindi naging madali sa akin ang madalas na pagtanggi ng aking mga magulang sa mga field trip. Gastos lang daw, ganito, ganiyan. Pakiramdam ko, iwan na iwan ako dahil may mga pagkakataong ako lang sa buong klase ang hindi nakasasama. Binubuno ko na lamang ang kalungkutan sa pagsusulat ng aking manaka-nakang mga sanaysay at pagbabasa ng mga lumang libro at magasin sa bahay. Ngayong matanda na ako, nakikita ko naman ang punto ng kanilang praktikalidad; siguro nga’y wala lang talagang pera noon para sa mga karagdagang gastos na hindi naman kasama sa igagrado ng mga maestra sa eskuwela. At dahil sa reyalidad na sadyang hindi sila sumasang-ayon sa konsepto ng field trip at iba pang mga “paglabas-labas,” sa iskala ng mga bagay na “big deal” sa aking buhay bilang bata noon, ang lumilitaw na “big deal” sa lahat ay ang pagpapaalam para payagan kang sumama sa MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
mga kabatak mong pinayagan na sa naka-iskedyul na field trip ng klase.
PAGTATASA Aaminin ko, inggit na inggit ako noon sa mga batang may mga magulang na nakaluluwag sa buhay. Siguro nga dahil maykaya sila, mas naipamamalas ng mga magulang nila ang mga sentimiyento sa paraang pinakamadaling magagap ng bata: ‘yong regular na pagbibigay ng mga usong laruan tulad ng Tamagotchi o kahit bubble gum tape (hindi naman ako mapili); pamamasyal sa iba’t ibang destinasyon sa Pinas (o maging sa abroad); at siyempre, hindi mawawala ang inggitan ng mga magkakaklase sa kung sino ba ang may mga bagong gamit at wala. Naaalala ko noon, siguro’y nasa ikatlong baitang ako; sa kagustuhan kong maging ‘in,’ naisip kong ipunin at tasahan lahat ng lumang lapis na mahahanap ko sa bahay. Wala namang paligsahan sa kung sino ang may pinakamaraming lapis sa klase, wala na lang talagang maisip para maging mas interesanteng bata ako sa mata ng madlang klasrum. Ganoon naman kasi ang kalakaran sa klase. Paminsan-minsan, kailangan may maipakita kang kakaiba, interesante; o kung ano pa man, para maging mas katanggap-tanggap ka sa ibang bata. Hirap ako sa aspetong maging kanais-nais sa kapwa bata, sa totoo lang. Sa tingin ko talaga, hindi ako marunong makisama sa paraang ‘normal’ base sa edad ko noon. Madali akong mainip, mawalan ng gana, mapagod, at mapikon sa aking mga kalaro. Hindi rin ako ‘game’ sa asaran; dahil ang gusto ko, ako lang ‘yong nang-aasar. Hindi man ako iyakin, nambubuntal ako ng kapwa-bata; at madalas, pinagtatawanan ko sila—dahil hindi ko sila lubusang nauunawaan. Unti-unti, nilayuan ako ng ibang bata dahil sa kasamaang-palad, ako na ‘yong batang inaayawan na ng halos lahat. Ngunit ang totoo, gustong-gusto kong tanggapin MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
nila ako; pero tuwing lumalapit ako, hindi rin nila maunawaan kung bakit ako bugnutin at kung bakit hindi ako natutuwa sa mga karaniwang pinaglilibangan nila tuwing recess or sa pagitan ng klase. Ang labas tuloy, ‘killjoy’ ako na lalong dapat hindi pansinin. Nagpatuloy ang ganitong gawi hanggang matapos ang elementarya, hanggang high school. Nakahanap na lamang ako ng mga kabatak na tunay pagsapit ng kolehiyo. Akala ko talaga, hindi ako kanais-nais na tao. ‘Yon pala, hindi ko palang nahahanap ang tamang umpukan na maaari kong salihan. •••••
Sa wakas! Nakaipon ako ng isang malaking bungkos ng lapis. Sa dami ng kulay ng mga lapis, parang may maliit na karnabal sa aking maliit na mesa. Halos hindi ko mahawakan sa isang kamao ang lahat ng lapis na nahanap ko. Dahil hindi ko ugaling magtapon ng mga lumang gamit na pangeskuwela, at natutuwa akong may tambak ako sa bahay; marami-rami ang napagsama-sama ko. Siguro mga bente piraso o higit pa. May ilang lapis na Mongol #2 na bago pa, at ang mga ito inilagay ko sa taas ng tumpok. Mayroon din namang mga kalahati na lamang ang natitira, at kalahati na lamang din ang mga pambura sa kabilang dulo. Ipinuwesto ko ang mga ito sa ilalim ng mga pinakabago. At ang lahat ng mga natitirang maiigsi na, kasama ‘yong mga lapis na parehong dulo ang may tasa; napunta ang mga ito sa ilalim ng tumpok dahil mahirap silang gamitin. May pantasa kami sa bahay na pang-opisina, ‘yong kina-clamp sa mesa; at dito ako nagtasa nang nagtasa. Salpak, tasa, hila, ihip sa talim ng bagong litaw na lead. Kapag pakiramdam ko’y hindi maganda ang tasa, o hindi makintab ang lead; minsa’y binabali ko ulit nang matasahan ko muli. Sa mura kong isipan, tinutupok ako ng mga bagay na MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
wala ako, at hindi ko kayang mabili, at hindi rin kayang bilhin para sa akin. Tahimik ko lang pinoproseso ang lahat. Walang magagawa, e sa talagang wala. Kung magpumilit, o magsabi, baka matarayan pa ako, o ‘di kaya nama’y mapagalitan pa sa pagiging mapaghanap o maluho. Natuto ako sa murang edad na magtimpi, ibote ang mga emosyon at mga gusto; at makuntento sa kung anong meron sa bahay. Matapos siguro ang dalawampung minuto, naubos ko na sa wakas ang mga lapis; at isinilid ko na sila isa-isa sa pencil case kong tela at de-zipper. Kinabukasan, naghanap ako ng kaklase, kahit sino lang, na puwede kong pagpakitaan ng napakaraming lapis na bagong tasa. Sobrang proud ako sa sarili ko at buntis na buntis ang aking sisidlan ng lapis, at halos hindi na nga maisara ang zipper. Akala ko noon, sa wakas, magiging interesante na ako sa ibang bata. Inisip kong mabuti ang gagawin ko kapag may lumapit. Una’y ilalabas kong dahandahan ang mga lapis. Una kong ilalabas ang mga bago, kasunod ng mga medya-medya, at baka hindi ko na ilabas ang mga mukhang putol-putol. Irereserba ko na lamang sila; tutal, wala namang may gusto sa maliliit na lapis. Kaya lang, abala sila noong araw na ‘yon, at wala akong natiyempuhan na manonood na magbibigay ng saysay sa aking munting show and tell. Gumulong ang oras, at mas inintindi ng mga katabi ko ang kani-kanilang mga kuwentuhan; at ang mga monstra ng mga maestra sa harap; at ang mga gawaing bahay na nagmamadali naming isinusulat sa mga notebook. Dahan-dahan nang bumaba ang araw. Dumilim na nang kaunti ang paligid, hudyat na papatapos na ang araw at malapit nang mag-uwian. “Okay classmates, let us pray.” May batang babaeng namuno sa pagdarasal, huling basbas para sa ligtas na paguwi ng mga bata sa kani-kanilang mga bahay. Kinapa ko sa MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
huling pagkakataon ang aking pencil case, at sinubukan kong ngumiti. Sa akin naman itong pencil case, ani ko sa sarili, marami akong lapis na bagong tasa. Marami na akong pangdrawing pag-uwi ko sa bahay, o kaya nama’y bukas, sa eskuwela. Inilagay ko na ang pencil case ko sa bag, tulad ng dati. “Goodbye classmates, goodbye teacher, see you tomorrow.” Sabay-sabay kami ng mga kaklase ko, at gusto ng mga maestra namin na parang koro ng mga kuliglig kaming mga bata tuwing babati at magpapaalam.
FIRST COMMUNION Pitong taong gulang ako nang ikasa ang first communion ng mga grade one. Isa na namang “big deal” sa Catholic school: ang mga hindi pa kasi nakakapag-first communion, kapag misa, naiiwan sa mga upuan kapag oras na ng sakramento. Maraming misa ang pinupuntahan namin dahil Catholic school nga kasi, at hindi nakatulong na katabi lang ng Grade School Department ang St. Nicholas of Tolentine Cathedral, o “ang katedral,” ayon sa bansag ng mga matatanda. Naging ‘running joke’ noon na baka raw bumait na ako, at bukod sa first communion ay may unang kumpisalan na mangyayari. Kailangan linisin ang budhi at konsensiya ng pitong taong gulang na bata, para nga naman hindi kahiya-hiya sa harap ni Hesukristo. Para na rin hindi mahirapan ang mga bata, at para na rin sa ikagiginhawa ng pari na tutulong sa mga maestrang linisin ang budhi ng mga estudyante na “tiyanak” ng pamantasan, ginanap ang unang kumpisal sa library ng Grade School Department. Sa pagkakatanda ko, sa ikalawang palapag ‘yon, malapit sa hagdanan papunta sa gilid ng faculty room. Madilim ang bahagi na ‘yon ng gusali, at isang klasrum na lang din ang nakaposisyon doon; kaya wala gaanong MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
dumadaan—unless gusto mong mag-adventure nang kaunti pagkagaling ng kantina, at ayaw mong umakyat gamit ang mga sentral na hagdanan. May ilang beses din akong nagpaikot-ikot dito noon matapos na magpaalam na iihi sa maestra, dahil inip na inip na ako sa gawain sa klasrum at gusto ko na lang umuwi o mag-laro mag-isa sa labas. Hindi naman ako nahuli ni minsan sa aking mumunting “cutting classes.” Siguro’y dahil sawa na rin sa kakulitan ko ang mga maestra kaya hinahayaan na lang akong maglibot sa building kaysa maging magulo sa klase. Hapon ang kumpisalan naming mga chikiting, at aaminin kong kabado ako nang ilang gabi dahil sa nagbabadyang pagkukumpisal. Kasi naman, palaging bungad sa akin na ang mga makasalanan daw ay mapupunta sa impiyerno. Pero hindi ito talaga ang pinoproblema ko. Sasabihin ko ba talaga sa pari ang lahat ng kapilyuhan ko? Na hindi pa ako nag-aaral; nadiskubre kong may tago palang Playboy Springbreak Colors si erpat para sa VHS, at napanood ko na ito nang buo? Na nagkaka-crush ako sa mga mas matatanda sa akin (as in mas matanda sa akin nang isang dekada)? Na gusto ko minsan manakit kapag napapagalitan ako ng ermat ko? Parang mahirap yatang ipagkatiwala sa pari ang mga bagay na ito. Sinukat kong mabuti ang sitwasyon, at nagdesisyon ako: hindi ko na lang sasabihin ang lahat. Tutal, sa pagsusuma ko, hindi rin naman niya alam, at malamang alam naman na ng “nasa itaas,” kaya bakit kailangan ko pang ikumpisal ang lahat sa paring ito? Siyempre, sa akin lang lahat ng mga saloobin kong ito. Bukod kasi sa katesismo sa MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
Christian Living, wala namang diskusyon talaga sa mga bata kung bakit kailangan nilang mangumpisal. Kung ito ay para sa kaligtasan ba? O sa pagiging mas malinis at kaakit-akit sa mata ng simbahan? Para saan ba talaga ang mga bagay na itong hindi pa naman nauunawaan ng mga bata? •••••
“St. Rita, line up outside.” Kabado ang klase nang papilahin kami sa labas ng klasrum. Maglalakad daw kami nang tahimik, at bumaba patungo sa library. Isa-isang pumasok ang mga kapwa kong bata; at dahil sa gawing likod ako’t isa sa mga malalaking bata, medyo matagal bago ako pinapasok. Nang oras ko na, pinapasok ako ng aming teacher at itinuro ang paring naghihintay. Malinis na malinis ang library, at hinawi ang mahahabang mga mesa para maluwag ang kumpisalan. Nasa gitna ng library ang isang pari na may mabait na mukha, at kasinglaki ng trak. Sa isip ko talaga noon, kamukhang-kamukha niya si Bab sa Pugad Baboy, kaya natatawa ako; at pilit kong itinatago ang pagtawa ko gamit ang aking panyo. Palingalinga na lang din ako sa mga pader at sa mga hanay ng libro para hindi ko siya matitigan nang matagal, at baka humagalpak pa ako ng tawa. Baka dalhin ako sa impiyerno ng titser ko pag nagkataon. Ilang saglit lang, nagmonstra na ang pari sa akin na lumapit, at maupo sa tabi niya.
“At ano ang ikukumpisal mo?” “…” MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
“Maaari ka nang magsimula.” “A-Ahh…ano po. Minsan po makulit ako sa bahay. Hindi po ako nagsasabi ng totoo. Nagagalit po ako sa mga kapatid ko. Matigas po ulo ko. Hindi po ako sumusunod sa magulang ko.” “Okay. Para sa iyong penance, magdasal ka ng tatlong Our Father, at sampung Hail Mary.” (Nagdasal naman ako.) “Patawarin ka nawa ni Hesukristong ating Diyos, at sa kapangyarihang binigay niya sa akin ay pinapatawad na kita sa iyong mga kasalanan. Sa ngalan ng Ama, Anak, at Espirito Santo. Amen.” (Hindi alam ang gagawin.) “S-Sige iho, puwede ka nang lumabas.” “Thank you po.” 7-year-old me was shaken. Nakalusot ako! Hindi ko alam kung anong gagawin sa akin ng pari kung sinabi kong alam ko kung ano ang Playboy. Baka hambalusin ako ng krus o ng imahe ni Mama Mary sa loob ng library. ••••• Ilang araw matapos ang kumpisal, bigla kong naisip: bakit kaya may isang kahon ng Dunkin Donuts ‘yong pari sa loob ng library? E kami, bawal kaming kumain doon. Bawal nga kaming huminga nang maingay sa loob ng library dahil sobrang ayaw ng librarian sa mga bata (no thanks to you, MARIUS
D.
CARLOS,
JR.
PREVIEW ONLY Upang makita ang buong bersyon, maaaring bilhin ang librong “Salamín: Mga Personal na Prosa” sa aming opisyal na Facebook Page ng Rebo Press. Mag-iwan lamang ng mensahe gamit ang link na nasa ilalim nito: m.me/ReboPressPH
Maraming salamat sa pagsuporta sa indie!
TUNGKOL SA AWTOR
Si Marius Carlos, Jr. ay tubong Nueva Ecija, na ngayo’y namamalagi na sa Pampanga. Half-half siya. Half Tagalog, half Kapampangan. Siya ay isang awtor, kuwentista, mananaysay at freelance writer, at kung minsa’y tumutula rin kapag naiinip. Nagtapos siya ng BA Comparative Literature (Cum laude) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Nagsulat na para sa iba’t ibang publikasyong digital at print sa Pilipinas at sa ibang bansa, tulad ng Philippines Graphic, Manila Times, Reader’s Digest Southeast Asia, Playboy Philippines, Rappler, Breaking Asia, atbp. Nakapaglimbag na rin sa digital ng dalawang koleksiyon ng tula, dagli, at maikling kuwento sa Google Play Books. Kasalukuyang
nagsisilbing partner at editor ng independent writing group at publishing house na Rebo Press, nag naglalayong palawigin ang kapangyarihan ng independent publishing sa buong bansa. Co-founder din siya ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik, kung saan nag-mentor siya ng mga batang manunulat mula hayskul hanggang kolehiyo sa paraan ng online seminar at mga sesyong Kadlit Klasrum. Ginawaran siya ng grand prize sa sanaysay sa Saranggola Blog Awards 2017, at English Fictionist of the Year ng Gawad Digmaang Rosas XIV ng The Angelite at Holy Angel University sa Angeles City, Pampanga. Pinapakinggan pa rin niya ang mga paborito niyang kantang nineties sa kaniyang PC gamit ang Winamp. Mukhang hindi na niya pakakawalan pa ang kaniyang koleksiyon ng mahigit apat na libong kanta kahit may Spotify rin naman siya. Ano ba ‘yan.
MGA SULATIN NG AWTOR PISIKAL NA KOPYA PULSO (MGA MAIKLING KUWENTO)
Kadlit Press, Marso 2018 OTOPSIYA (MGA DAGLI AT MAIKLING KUWENTO)
Kadlit Press, 2017 INTERNETITO: FACEBOOK ESSAYS & RANDOM KUWENTO (MGA ONLINE PROSA)
Rebo Press, Enero 2020 FIELD TRIP: AT IBA PANG KUWENTONG NINETIES AT TWO THOUSAND (MGA PERSONAL NA SANAYSAY)
Rebo Press, Marso 2020 DIGITAL NA KOPYA PULSO (MGA MAIKLING KUWENTO)
Kadlit Press, Marso 2018
I-SCAN AT I-FOLLOW Upang maging updated sa mga balita’t iba pang event ng aming publikasyon, i-follow lamang ang social media sites ng Rebo Press! Mangyaring i-scan ang mga sumusunod na QR code gamit ang anomang QR scanner application sa inyong mga cellphone at/o tablet.
WEBSITE
FACEBOOK PAGE