HIV Booklet for Peer Educators (Tagalog)

Page 1

sa mga Tagapagturo ng HIV/AIDS Booklet para S anib na Magka-HIV/AID ng Pa y Ma ng taa ba Ka Kapwa


PAG-IINGAT PARA SA SARILI, PAG-IINGAT PARA SA ISA’T ISA: HIV/AIDS Booklet para sa mga Tagapagturo ng Kapwa Kabataang May Panganib na Magka-HIV/AIDS

Paunawa: Ginawa ang booklet na ito bilang gabay ng mga nakapagsanay na mga peer counselor sa kanilang pakikipagugnayan sa kapwa kabataang mataas ang panganib na magka-HIV, tulad ng mga nagtuturok ng droga at mga nakikipag-sex sa iba’t ibang kapareha nang walang proteksyon.


Mahal naming mga peer counselor, Layunin nitong maliit na libro na tulungan kayo sa inyong gawain sa hanay ng kapwa ninyong kabataan na pigilan ang paglaganap ng human immunodeficiency virus (HIV) at sexually transmitted infection (STI). Hindi malawak ang impormasyong taglay ng booklet dahil ito ay nakatuon lamang sa pinakamahahalagang punto na natutunan ninyo sa inyong pagsasanay. Huwag basta-basta ibigay ang booklet na ito sa inyong kapwa kabataan. Ipaliwanag sa kanila ang mga paksa upang higit nilang maintindihan ang mga usaping ito. Tandaan na ang maliit na librong ito ay nagtataglay ng mga kaalaman na hindi madaling unawain sa isang pasada lamang. Kung kaya’t bigyan sila ng sapat na oras upang magkapag-isip at makapagtanong sa inyong mga talakayan. Ang pag-unawa sa impormasyong nasa booklet ay bahagi lamang ng proteksyon laban sa HIV ng inyong kapwa kabataan. Kailangan din nila ng kakayahan, tiwala sa sarili, access sa mga serbisyo, pag-udyok, at regular na pagpapaalala kung bakit mahalagang manatiling ligtas.


Hikayatin silang pumunta sa organisasyon kung saan kayo ay volunteer, tumungo sa

Social Hygiene Clinic para sa kaalaman at pagpapa-test. Maari rin silang sumali sa programang pangkabataan kung saan pwede silang makipagkaibigan, sumaya, at matuto. Mahalaga ang inyong gawain dahil natutulungan ninyo ang inyong kapwa kabataan na manatiling malusog at ligtas sa panganib na dulot ng HIV. Maaaring ituring nila kayong huwarang marunong mag-alaga sa sarili at may alam na sa buhay kung kaya’t alalahanin ninyo ang kaakibat nitong tungkulin. Maging tapat ukol sa kung gaano kahirap manatiling ligtas at amining wala namang taong alam ang sagot sa lahat. Salamat sa inyong pagsisikap! Sa pamamagitan ng mga katulad ninyo, may pag-asa ang kabataang Pilipino para sa mas malusog at ligtas na kinabukasan.


HIV Human Galing sa tao. Immunodeficiency Paghina ng immune system o depensa ng katawan. Virus Isang uri ng virus na umaatake sa immune system.

AIDS Acquired Nagmula sa ibang tao. Immune Deficiency Kakulangan ng depensa ng immune system. Syndrome May iba’t ibang sintomas dulot ng paghina ng natural na depensa sa katawan. Kung ang isang tao ay may AIDS, malapit nang masira nang tuluyan ng virus ang kanyang depensa sa katawan. Dahil nito, madali na siyang mahawa ng ibat-ibang sakit. Nilalabanan ng immune system ang sakit sa pamamagitan ng paglikha ng antibodies. Pambihira ang antibodies dahil kaya nitong kilalanin ang baktirya, virus, at iba pang germs na umaatake sa katawan natin. Pinahihina ng HIV ang immune system or depensa ng katawan laban sa sakit.


HIV negative Wala sa katawan ng tao ang virus.

HIV positive May virus sa katawan ng isang tao. Maaaring akala niya malusog siya dahil maayos ang pakiramdam niya pero hindi niya malalaman kung may HIV siya hangga’t hindi siya nagpapasuri ng dugo (blood test).

Paano ko kaya sasabihin sa kanya na may HIV ako? Mukha siyang malusog. Wala naman siguro siyang sakit.


Pagkahawa: Ang HIV ay naipapasa sa tatlong paraan.

1. PAKIKIPAGTALIK NA WALANG PROTEKSYON Pakikipagtalik gamit ang bibig o puwit na walang suot na condom.

Baka magka-HIV ako at ikalat ‘yon kung hindi ako gagamit ng kondom.

Kahit sa boyfriend ko, mapanganib pa rin ang makipag-sex kung walang condom, katulad ng pakikipag-sex sa ibang lalake.

Nakipag-sex ako sa iba’t-ibang tao na hindi gumamit ng kondom. Maaaring maikalat ko ang HIV nang hindi ko nalalaman.


Pagkahawa: Ang HIV ay naipapasa sa tatlong paraan.

2. DUGO Pagsasalin ng dugong may HIV sa ibang tao o kaya paggamit ng karayom at heringgilya na ginamit ng taong may HIV.

Hindi malinis itong karayom. Pwede akong mahawa ng HIV o Hepatitis C.


Pagkahawa: Ang HIV ay naipapasa sa tatlong paraan.

3. INA SA ANAK Sa pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso—kung ang ina ay may HIV. Maaaring magka-HIV o sipilis ang sanggol namin kung meron na ako niyon.


PARA MAIPASA ANG HIV... Dapat magmula ito sa isang taong may HIV... Ang taong iyon ay dapat ng may HIV at ang mga likido ng katawan na nagtataglay ng virus na ito ay dapat ding may paraan para makalabas. Ang mga likidong maaaring magdala ng virus ay ang semilya, likido sa ari ng babae, dugo, at gatas ng ina. ... patungo sa daluyan ng dugo ng isang taong hindi pa nahahawa Dapat ang HIV sa likido ng katawan mula sa taong meron nito ay makapasok sa daluyan ng dugo ng taong wala pang HIV. Karaniwang nakakapasok ito sa manipis na balat sa loob ng ari ng babae, sa puwit, o sa ulo ng ari ng lalaki, sa pamamagitan ng maliit na hiwa o gasgas sa balat, o kaya naman ay tuluy-tuloy sa ugat kapag naghihiraman ng karayom at heringgilya sa pagturok ng droga.


VAGINAL SEX

(ari ng lalaki sa ari ng babae)

Ito ay nagtataglay ng mataas na panganib na magka-HIV (high risk) kung hindi gagamit ng kondom. Ang HIV ay maaaring madala ng semilya, likido sa ari ng babae, at iba pang mga likidong inilalabas ng ari ng lalaki kapag ito ay nasasabik. Napakanipis ng balat sa loob ng ari ng babae at sa ulo ng ari ng lalaki kaya madaling makapasok ang virus dito. Lalong tumataas ang panganib kung, habang nagse-sex, ang isang kapareha ay may maliit na hiwa o gasgas sa balat. Hindi kailangang may dugo upang maipasa ang virus. Kahit hugutin ng lalaki ang kanyang ari bago siya labasan (ejaculation), hindi pa rin ito nangangahulugang ligtas ang ka-sex niya sa HIV. Maaaring nailipat na ang virus bago pa man siya ganap na nilabasan.


ANAL SEX

(ari ng lalaki sa puwit)

Ang ganitong pakikipagtalik ay nagtataglay ng napakataas ng panganib (high risk) kung hindi gagamit ng kondom. Napakanipis ng balat sa loob ng puwit kaya madaling makapasok ang virus. Madali ring mapunit ang balat habang nagse-sex, kaya nadaragdagan ang panganib. Pareho lang ang panganib kung ang sex ay sa pagitan ng dalawang lalaki o lalaki at babae. Tulad ng vaginal sex, hindi pa rin ligtas kahit hugutin ng lalaki ang kanyang ari bago siya labasan. Ang puwit ay walang likas na pampadulas o lubricant, hindi tulad ng ari ng babae. Mas hindi masisira ang kondom kung ang gagamitin ay water-based na pampadulas na sadyang pang-kondom. Huwag gumamit ng langis, shampoo, moisturizer, o anumang likidong hindi water-based bilang pampadulas. Kaya ng mga ito na makasira ng kondom.


ORAL SEX

(bibig sa ari) Ang paggamit ng kondom sa oral sex ay nagiging proteksyon ng magkapareha laban sa mga STI na napapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik gamit ang bibig. Mababa ang panganib sa oral sex na walang gamit na kondom (low risk), basta walang sugat o maga sa bibig, at walang dugong nagmula sa bibig, sa ari ng lalaki, o sa ari ng babae. Dahil dito, may mga taong mas gusto ang oral kaysa sa vaginal o anal sex kung walang nakahandang kondom.

PAGSALSAL/ MASTURBATION Pagsalsal - walang panganib na magka-HIV.


PAANO MALALAMANG MAY HIV ANG ISANG TAO?

Imposibleng malaman sa pamamagitan lamang ng pagtingin kung may HIV ang isang tao o wala. Matagal bago magkasakit ng AIDS ang mga taong may HIV. Sa panahong iyon, malusog silang tingnan, at malusog din ang pakiramdam nila. Kung hindi pa sila magpapa-test, hindi nila malalamang may HIV na sila. Ang HIV blood test ang tanging paraan para malaman kung ang isang tao ay may HIV. Maaaring mahawa ang kahit sino — pogi, maganda, magaling manamit, o mukhang malinis at malusog. Kaya ng virus na dumapo sa bata o matanda, mayaman o mahirap. Lahat ng may HIV ay kayang maipasa ito sa pamamagitan ng sex na walang proteksyon, hiraman ng karayom, o pagbubuntis.


MANATILING LIGTAS Mga paraan para makaiwas sa HIV at AIDS:

AWAT MUNA

Huwag makipagtalik. Hangga’t maaari, ipagpaliban ang unang pagkikipagtalik. Piliin ang aktibidad na hindi kailangang ipasok ang ari, halimbawa, halikan.

B UONG KATAPATAN Maging tapat sa iisang kapareha.

GUMAMIT NG

C ONDOM

Gumamit ng condom sa tuwing makikipagtalik.

MANGHIRAM D I PWEDENG NG KARAYOM Hangga’t maaari, HUWAG GUMAMIT NG DROGA. HUWAG MAGTUROK NG DROGA. Kung nagtuturok, laging gumamit ng bagong karayom at heringgilya sa tuwing magtuturok.


HINDI LIGTAS Mga mapanganib na gawain at maling akala: Pagpili ng kapareha dahil lamang mukhang malinis at malusog sa pagaakalang ang mga may katangian na ganito ito ay ligtas sa HIV. Pagsuri sa ari ng lalaki kung malusog tingnan sa pag-aakalang kayang suriin sa pamamagitan ng mata kung may HIV ang isang tao. Paghugot ng lalaki sa kanyang ari mula sa ari ng babae o sa puwit bago labasan, sa pag-aakalang paraan ito para hindi maipasa ang HIV. Haka-hakang sa dayuhan o OFW lang nakukuha ang HIV. Paniniwalang ang pakikipagtalik sa puwitan ay mas ligtas kaysa pagkikipagtalik sa ari ng babae. Paglinis ng karayom at heringgilya na tubig lang ang gamit.


HINDI MO MAKUKUHA ANG HIV MULA SA... LAMOK

Kaya kong maipasa ang malarya at dengue, pero hindi ang HIV. PAGYAKAP

Siguradong ligtas ang pagyakap.

PAGHALIK

Buti naman at pwede pa rin tayong maghalikan.


HINDI MO MAKUKUHA ANG HIV MULA SA...

PAGHAWAK NG KAMAY

PAGSALU-SALO NG PAGKAIN AT KUBYERTOS Hindi ako makakukuha ng HIV mula sa laway.


LAGING GUMAMIT NG KONDOM HINDI BASTA-BASTA NANGYAYARI ANG PAGGAMIT NG KONDOM; KAILANGAN NG PAGPAPLANO, PAGPAPASYA, AT MALINAW NA PAG-IISIP. Magpasya para sa sarili mo na hindi ka makikipag-sex kung walang proteksyon, lalo na kung anal o vaginal sex. Tumangging makipag-sex kung hindi gagamit ng kondom. Sabihin nang matatag at malinaw na mas mahalaga ang buhay at kalusugan mo kaysa sa relasyong sekswal. Tiyaking may magagamit na kondom at pumayag ang kapareha mo na gumamit nito bago makipag-sex.

Halaw sa FHI Peer-to-Peer Trainers Guide


Hikayatin ang kapareha na gagawin mong kapana-panabik ang pagsuot at paggamit ng kondom. Ipaliwanag sa kapareha na pinaninindigan mo ang paggamit ng kondom para lang sa kaligtasan ninyong dalawa. Magmungkahi ng iba pang paraan para maging masarap ang pakikipag-sex na hindi kailangan ng pagpasok ng ari. Umiwas sa mga sitwasyong hindi mo kayang panghawakan.


PAGGAMIT NG CONDOM

1. Alamin ang hangganan ng bisa (expiration date) nito.

2. Buksan nang maingat ang pakete at ilabas ang kondom.

3. Tiyaking hindi baliktad ang kondom. (tama ang pagkakausli ng dulo).


4. Pisilin ang dulo ng kondom.

5. Ilagay ang kondom sa ulo ng matigas na ari at irolyo pababa. 6. Pagkatapos ng pakikipag-sex, hawakan ang bukana ng kondom habang hinuhugot mula sa ari ng babae o sa puwit ang matigas pang ari. 7. Tanggalin nang maingat ang kondom sa ari para hindi matapon ang semilya. Ibuhol ang dulo, at itapon nang maayos.


PAGBAWAS NG PANGANIB NA MAHAWAHAN NG MAGULANG NG HIV O SIPILIS ANG ANAK Magpasuri tayo para malaman kung may HIV o sipilis tayo. Inumin natin ang anumang gamot na irereseta ng doktor.

Kung ikaw ay buntis o nagbabalak magbuntis: • Pumunta sa health center o Social Hygiene Clinic, at magpasuri para sa HIV o sipilis. • Kunin ang resulta ng pagsusuri. Kung malaman mong may HIV o sipilis ka, kumilos agad. Karaniwang madaling magamot ang sipilis sa health center o Social Hygiene Clinic. Kung meron kang HIV, • Pumunta sa ospital na rekomendado ng iyong doktor o sa sentro kung saan mayroong nagbibigay ng serbisyo ukol sa Prevention of Mother-to-Child Transmission of HIV (PMTCT) para magpa-test, magpakonsulta, magpagamot, manganak o tumangap ng iba pang serbisyo. • Pagkatapos ng anim hanggang walong linggo pagkapanganak, bumalik sa ospital kasama ang iyong sanggol upang mapasuri din ito at makakuha ng gamot kung kailangan. • Kontakin ang isang lokal na support group o mga taong may alam at makatutulong sa mga ganitong usapin, halimbawa, Babae Plus.


Pagbawas ng Panganib na Maipasa ang HIV sa pamamagitan ng Pagdodroga Kung makikipaghiraman ka ng karayom, kahit isang beses lang, pwede kang magkaHIV at lalo na, Hepatitis C. Hangga’t maaari, HUWAG GUMAMIT NG DROGA. Kapag apektado ka ng droga, mas mahirap ingatan ang sarili, halimbawa, nakakaligtaang gumamit ng kondom. Ngunit kung hindi maiwasan ang paggamit ng droga sa ngayon, ang pinakatiyak na paraan para maging ligtas ay ang HINDI PAGTUROK NG DROGA. Hindi ang droga ang nagdadala ng HIV kundi ang kaunting dugo na naiiwan sa karayom at heringgilya. Sa paghihiraman ng karayom at heringgilya, kahit napakaliit na tulo ng dugo ay maaaring magdala ng HIV. Kung hindi mo maiwasang magturok ng droga sa ngayon, gumamit ng BAGONG KARAYOM at HERINGGILYA na para lang sa pansariling gamit. Kung hindi to magawa, gumamit ng karayom na NALINIS NANG MAAYOS.


Paglinis ng Karayom Kakailanganin mo ng tatlong lalagyan, tulad ng tinapyas na bote ng tubig, para sa bawat hakbang na gagawin. Para sa una at ikatlong hakbang, punuin ang dalawang lalagyan ng bago at malinis na tubig-gripo. Para sa pangalawang hakbang, lagyan ang huling plastik ng purong bleach (5.25% hypochlorite).

Para sa Unang Hakbang Malinis na tubig - gripo

Para sa Ika-2 Hakbang Purong bleach (5.25% hypochlorite)

Para sa Ika-3 Hakbang Malinis na tubig - gripo


Paglinis ng Karayom Unang Hakbang: Hugasan ng tubig ng 3 beses Punuin ng tubig ang karayom at heringgilya.

Alugin ang karayom at heringgilya para matanggal ang mga nakadikit na dugo. Ilabas at itapon ang tubig. Ulitin ng 2 beses. Paalala: Huwag ibalik sa lalagyan ang tubig mula sa heringgilya upang maiwasan ang kontaminasyon. Sundin ito sa mga susunod pang mga hakbang.

Ika-2 Hakbang: Hugasan ng bleach ng 2 beses Punuin ng bleach ang heringgilya at hayaan ito ng 30 segundo o higit pa.


Paglinis ng Karayom Ilabas ang bleach mula sa heringgilya. Ulitin.

Paunawa: Kayang patayin ng purong b l e a c h (5.25% hypochlorite) ang HIV sa loob ng 30 segundo at Hepatitis B virus sa loob ng 2 minuto. Hindi tiyak kung kayang patayin ng bleach ang Hepatitis C virus kahit humigit na sa 2 minuto.

Ika-3 Hakbang: Hugasan ng tubig ng 6 na beses Punuin ng tubig ang heringgilya at ilabas. Ulitin ng 5 beses pa upang matanggal ang lahat ng bleach.

Huwag gamitin ang tubig at lalagyan na ginamit sa unang hakbang dahil baka kontaminado na ang mga ito.


HEPATITIS C Ang Hepatitis C ay isa ring uri ng virus. Ang pangunahing paraan ng pagpasa nito ay sa pamamagitan ng dugo, sa pagtuturok ng droga. Laganap na ang Hepatitis C sa mga nagtuturok ng droga sa Pilipinas kaya malaki ang tsansang makuha ang virus na ito kahit sa isang beses lang na paggamit ng hiniram na karayom at heringgilya. Mas madaling makuha ang Hepatitis C sa pagtuturok. Kahit kakaunti ang dugong natira sa heringgilya, kaya pa rin nitong maipasa ang Hepatitis C. Kaya naman pinakamainam pa rin ang laging paggamit ng bagong heringgilya o paggamit ng heringgilya na pansarili lang. Kahit sinong may Hepatitis C ay kayang makahawa ng ibang tao. Hindi lahat ng nagdadala ng virus ay nagkakasakit; karamihan pa nga sa kanila ay mukhang malusog. Ngunit sa paglipas ng ilang taon, ang ilan sa kanila ay magkakaroon ng seryosong problema sa atay. Ang ilan sa kanila ay namamatay. Wala pang lunas sa Hepatitis C, ngunit may gamot para mabawasan ang panganib na lumubha ang sakit.


Ano ang STI? Ang sexually transmitted infection o STI ay mga sakit na dulot ng mga mikrobyo na naipapasa sa pamamagitan ng pagtatalik. Kung minsan ay tinatawag din itong sexually transmitted disease. May mga STI na ang sanhi ay virus at ang ilan ay hindi na malulunasan pa. Ang iba ay dulot ng baktirya, fungi, at mga maliliit na hayop, at kaya namang mapagaling ng tamang paggamot. Ang ilan sa mga karaniwang STI ay sipilis, tulo o gonorrhea, herpes, kulugo sa ari, at kuto sa buhok ng ari. Mga karaniwang sintomas o palatandaan ang STI May mga iba’t ibang sintomas o palatandaan ang STI. Ngunit maraming mga STI ang walang sintomas, lalo na sa mga babae, at nakasisira pa rin ng kalusugan at katawan. Kung pababayaan, ang mga sintomas ng ilang mga STI ay mawawala. Pero hindi ibig sabihin nito na wala na rin yung STI. Nasa katawan pa rin ito, pumipinsala, at pwedeng malipat sa kapwa. Sa ibang mga kaso, maaaring lumala ang STI hanggang sa magmukha nang ganito:

Genital Warts

Syphilis

Gonorrhea

Herpes


Masakit kapag umiihi

Dilaw/Abnormal na tulo

kirot

Malubhang pangangati

Kirot sa tiyan

Sugat-sugat


May STI ba ako? Ano ang dapat kong gawin?

Mabuti pang humingi ako ng payo sa doktor tungkol sa mga sintomas ko.

Magpasuri. Pumunta sa isang Social Hygiene Clinic para sa tamang pagtukoy ng sakit at pagpapagamot. Huwag mahiyang magpa-doktor. Karamihan sa mga STI ay nalulunasan at ang iba ay nagagamot upang mabawasan ang mga sintomas. Kung hindi mo tutugunan ang STI, mas malaki ang tsansa mong magka-HIV. • Huwag magpasok ng karneng sariwa, kemikal, inumin, sabon, o shampoo sa ari ng babae at puwit. Huwag ring ibabad ang ari sa kahit ano. Ang mga ito ay hindi makagagamot ng STI. • Hindi matatanggal ang STI kahit na maipasa pa ito sa iba sa pamamagitan ng sex. •

Huwag uminom ng antibiotics na nakareseta para sa ibang tao o ibang sakit. Hindi ito makatutulong. Sa kalaunan, lalakas lang ang kakayahan ng sakit na labanan ang gamot.


May panganib bang magka-HIV o STI ako?

Nakikipag-sex ba ako sa higit sa isang kapareha nang walang proteksyon? Ang kapareha ko ba ay nakikipagsex din sa iba? Meron ba ako o ang kapareha ko ng mga senyales o sintomas ng STI? Nagdodroga ba ako o ang kapareha ko at nakikipaghiraman ng kagamitan sa pagturok?

OO

Kung sumagot ka ng sa kahit isa sa mga tanong na ito, maaaring may panganib na magka-HIV o STI ka. Pumunta sa health center para sa tamang pagtukoy ng sakit, pagpapagamot, o pag-endorso.


MGA KARAPATAN AT TUNGKULING SEKSWAL Kahit sino pa tayo, ano man ang edad, lahat tayo ay may mga karapatan at tungkulin. Pagdating sa pakikipagtalik, may karapatan tayo na: Makipag-sex kung gusto lang natin Hindi maramdaman kahit kailan na pinilit tayong makipag-sex Piliin ang uri ng sekswal na aktibidad na gagawin at hindi natin gagawin Igalang para sa mga desisyong ating ginawa Magkaroon ng impormasyong kailangan nating malaman ukol sa HIV, STI, at proteksyon sa sarili Magkaroon ng access sa mga serbisyo at bagay na kailangan natin para sa proteksyon, pagsusuri, at pagpapagamot Magpasya kung paano natin gagamitin ating katawan. Kaakibat ng mga karapatan natin ay ang mga tungkulin: Igalang ang mga karapatan ng iba Ingatan ang katawan at kalusugan natin at ng ating kapareha.


Kung ikaw ay kabataan at nakikipagsex, nguni’t kung minsan ayaw mo na gawin ito, karapatan mo ang tumanggi. Kahit pa tumanggap ka dati ng salapi o regalo sa mga tao kapalit ng sex, may karapatan kang makatanggap at humingi ng tulong para hindi na maulit ang nangyari. Lumapit

sa

nakatatandang

pinagkakatiwalaan mo —isang magulang, kamag-anak, social worker, o kapitbahay—at humingi ng tulong. Kung binabayaran ka ng isang nakatatanda para makipag-sex sa iyo, sila ang gumagawa ng mali at hindi ikaw, babae ka man o lalaki.

Tandaan: ikaw ang nagpapasya kung paano gamitin ang katawan mo.


WALANG LUNAS PARA SA HIV at AIDS At sa kasawiang palad, ayon sa mga siyentipiko, hindi pa nila alam kung kailan makakatuklas ng lunas.

WALANG BAKUNA LABAN SA HIV Sa ngayon, wala pang bakuna para makaiwas sa HIV.

NGUNIT MAY MGA PANGGAGAMOT NA ISINASAGAWA Ang taong may HIV ay pwedeng bigyan ng doktor ng mga gamot na makakapagpabagal ng pagdami ng HIV nang ilang taon at mapapanatili ang kanyang kalusugan sa mas mahabang panahon. Ngunit hindi ito lunas. May virus pa rin siya, at kaya niyang makahawa ng iba. Kailangang inumin niya ang gamot araw-araw habang buhay.


PAGKALINGA SA TAONG MAY HIV Ngayong alam na natin kung paano naipapasa at hindi naipapasa ang HIV, hindi tayo dapat matakot sa taong may HIV. Ang mga taong may HIV ay nangangailangan ng suportang medical at panggagamot para mapanatiling mabuti ang kalagayan nila. Ngunit katulad ng lahat, kailangan rin nila ang pagmamahal at kalinga ng pamilya at mga kaibigan. Hindi dapat kutyain o maltratuhin ang mga taong may HIV o AIDS. Dapat silang bigyan ng mga pagkakataon, tulad ng iba pang mga tao, para lumigaya at mabuhay ng ganap. Umiwas tayong lahat sa HIV, ngunit huwag nating iwasan ang mga taong may HIV.


SAAN AKO PWEDENG MAKAKUHA NG TULONG? HOTLINE AND CONTACT NUMBERS* Philippine National AIDS Council Secretariat

Department of Health 3rd Floor, Bldg 15 San Lazaro Compound, Sta. Cruz, Manila Tel Nos. (02) 743.0512 and (02) 743 8301 loc. 2551/2553

DOH National AIDS and STI Prevention and Control Program San Lazaro Compound, Sta. Cruz, Manila Tel. Nos. (02) 651-7800 loc. 2350 to 2354

San Lazaro Hospital

Quiricada St., Sta. Cruz, Manila Tel Nos. (02) 732-3776 to 78 / (02) 732-3125

Research Institute for Tropical Medicine (RITM)

Department of Health Compound, FILINVEST Corporate City, Alabang, 1781 Muntinlupa City, 1781 Philippines Tel No. (02) 807-2628 loc. 208

Philippine General Hospital

Taft Avenue, Manila Tel Nos. (02) 521-8450 / (02) 554-8400

Lunduyan para sa Pagpapalaganap, Pagtataguyod, Pagtatanggol ng Karapatang Pambata Foundation, Inc. 17-17A Casmer Apartment, Del Pilar corner Don Jose St. Bgy. San Roque, Cubao, 1109 Quezon City Tel Nos. (02) 421-4953 / (02) 913-3464

Positive Action Foundation Phils. Inc. ( PAFPI )

2613 Dian St. Malate, Manila Philippines 1004 Tel No. (02) 832-6239 / (02) 404-2911

* UNICEF and DOH accept no responsibility for the content of these websites and information from these hotlines.


Pinoy Plus Association, Inc.

c/o Remedios AIDS Foundation, Inc. 1066 Remedios cor. Singalong Sts, Malate, 1004 Manila Tel Nos. (02) 524-0924 / (02) 524-4507 Hotline No: 0921-5465758

Babae Plus Support group of women living with HIV 2615 Dian Street, Malate, Manila Tel Nos. (02) 404-2911 / (02) 528-4531 Email: babaeplus@gmail.com

“Dial a Friend� Hotline Foundation for Adolescent Development, Inc. (FAD) 1066 Remedios cor. San Bartolome Sts., Malate, Manila Tel Nos. (02) 525-1743 / (02) 525-1881 / (02) 525-0428 (Monday-Friday, 9 am-6 pm) Target population: 13-24 year olds Free phone call from within Metro Manila Websites for frequently asked questions: www.avert.org/faq1.htm www.thebody.com/index/whatis/faqs.html www.aids.org/info/FAQs.html www.teenfad.ph/ Website for HIV Statistics, Philippines Department of Health www.doh.gov.ph


sa mga Tagapagturo ng HIV/AIDS Booklet para /AIDS Panganib na Magka-HIV Kapwa Kabataang May

2012


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.