Mga kuha ni: Gep Tula ni: Ayang
Ang lupain ay dumudugo ng luntian Napakalawak, halos hindi abutin ng tanaw Natuyo na ang putik sa mga paa Habang tinatahak ang gitna ng pinagtamnan.
Naghahabol bago ang araw ay pumanaw Sa dilim ng langit na paghihimlayan Mag-aantay ng muling pagsibol Magdadasal na magbago ang kahihinatnan.
Sa araw-araw na pagmasid sa bawat bitak Sa lupang may permiso upang dito’y makaapak Kailanma’y hindi naging karapat-dapat Ang magdasal sa mga panginoong walang pakpak.
Kailanma’y hindi matatawaran Ang dugo’t pawis sa pagluwal ng bawat kaban Kailanma’y hindi magiging katumbas Ang sentimong hindi makabili ultimo isang kilong bigas.
Sa bawat gabi habang tinatahak ang pauwing daan, Hindi takot sa aswang ang nagpapanginig sa kalamnan. Kundi ang pagkabalisa sa paulit-ulit na palaisipan Sapat ba ang naiuwi, panglaman ng tiyan?
Lubos na nakakasuka pa ring isipin Na ang mga kamay na siyang nagtatanim Ay siya ring hindi makahawak ng sapat na pagkain Kasabay pa ng bibig na nakabusal ang mga hinaing.
Pilit na isinisigaw ang panawagan sa hustisya Para sa mga pesanteng patuloy na nilalapastangan Subalit walang dugo ang hahayaang masayang Dahil hindi rason ang dilim upang itigil ang paglaban.
Magpapatuloy sa bawat pagsikat ng liwanag Sa parehong danas handa pa ring humaharap Kahit mabagal ang pagbabago sa luntiang lupain Ang mga paa, sa putik ay aapak pa rin.
Ang mga kamay ay mananatiling magaspang Sa mahigpit na paghawak ng karit at bolong pang-habi. Sa mga damong pilit na sumisiksik, At tumatangging patubuin ang mga ibinaon na binhi.
Subalit tulad ng damong hindi nauubos Ang mga bagong punla ay patuloy na uusbong. Ano mang klaseng peste ang dumapo, Hindi matitinag ang patuloy nitong paglago.
#LupaAyudaHustisya #StandWithFarmers #LandToTheTillers