6 minute read

TANIKALA NG KAHAPON

JESSA MARIZ G. CORPUZ

Sa sobrang bilis nga ng mga pangyayari ay tila nawawala na ang isipan sa tunay na estado ng mundong ginagalawan, hindi pa rin lubusang maproseso na sadyang lumiliit ang mundo, ang lubid ng buhay ay paiksi nang paiksi, hanggang sa hindi na nga malaman kung saan kakapit upang sa ganoon ay ipagpatuloy ang laban na hindi inaasahan, at upang maipanalo ang sitwasyon na kailanman ay hindi magugustuhan. Bukod sa hindi na alam kung sino, natatandaan pa rin naman kung paano napunta sa sitwasyong tanging ang maykapal na lamang ang pinanghahawakan, at ang milagro na lamang ang daan upang maputol ang pangamba na nabubuhay sa kalooban. Ngunit dahil sa mga karamdaman na isa-isang lumitaw ay tila unti-unti rin na napuputol ang pag-asang makaliligtas sa hatol ng mga eksperto, hanggang sa gumuho na parang buhangin ang pagasa dahil sa positibong resulta na hindi nakatutuwa. Ngunit yumuko at pinalis ang luhang nagbabadya, inihanda ang sarili sa paglipat sa lugar kung saan ay mag-isa, at dito nga sumibol ang panibagong kaba dahil alam ko na pagkatapos nito hindi na normal ang tingin sa akin ng mga tao. Hindi lamang ang katawan ang bugbog sarado sa sitwasyong ito, dahil pati utak at puso ay iginapos sa tanikalang sobrang higpit, na kung susubukan kong kumalma ay dudugo ito at hindi na makararamdam pa. Pinakiramdaman ko pa rin ang paligid, kahit alam kong imposible, sinubukan paring humingi ng tulong, kahit simpleng pag-uusap lang sana basta maramdaman kong hindi ako nag-iisa sa laban na sinusubukang lagpasan. Ngunit tila bombang sumabog sa aking kalooban ng imbes na magagandang salita ay puro panghuhusga ang nakuha sa mga taong hindi ko na itinuring na iba. Sinamahan pa ng paghigpit sa tanikala, at ng mga boses na bumubulong sa aking isipan, na tama lang ang aking pinagdadaanan dahil hindi naman ako mabuting mamamayan. Sa pagkakataong ito, hindi na makita ang kaibahan ng gabi at umaga, dahil sa labing apat na araw na nasa loob ako ng lugar na parang selda ay hindi ako pinatulog ng malikot na pag-iisip, dahil sa takot na baka hindi na sikatan ng araw, at hindi na muling makita ang mga mahal sa buhay. Naging libangan ang paggawa ng mga senaryong malayo sa katotohanan, parang baliw kung ako ay titignan ngunit hindi ko ipagkakailang nagbago ang pamamaraan ng pag-iisip at naging matatakutin at sunod-sunuran sa mga boses na namamahay sa aking isipan. Akala ko pagkalabas sa seldang ‘yon ay matatapos na ang pagdurusa, ngunit tila ito ay mas lumalala dahil hindi na kayang humarap sa mga taong nadamay dahil sa dinulot na pangamba. Lalo na at nalaman kong may mga hindi nakapagtrabaho at nawalan ng suplay ng pagkain dahil sa pagbabawal ng mga nasa kinauukulan na lumabas. Naging mas maingay ang mga boses sa aking isipan, hanggang sa ang mga ito na nga ang tuluyang naghari sa aking kalooban.

Advertisement

HANDA NA, BALIK NA!

EDSEL HARRY TURDA

Malimit sumasagi sa aking isipan na kay layo na pala ng aking narating sa buhay. Sa lawak ng aking napagtagumpayan ay halos hindi ko na matanaw ang lugar na aking pinanggalingan. Ang lugar kung saan sumisikat ang araw kasabay ng pagtilaok ng mga manok. Ang lugar kung saan malamig ang haplos ng hangin. Ang lugar kung saan nabuo ang aking mga pangarap.

“Bilisan mo!”, ani ng kaibigan ko.

“Paalis na ang bus, mahuhuli na tayo!”

Mula sa maingay at mausok na kamaynilaan, binagtas namin ang daan patungo sa namimituing lalawigan sa hilaga. Sa daan palang, maaninag mo na ang kombinasyon ng berdeng lupain, bughaw na karagatan at matatayog na bundok. Sa ganda ng bawat tanawin ay nanaisin mong maging ibon, lumipad nang Malaya sa bawat tampok nitong mga lugar.

WELCOME TO ILOCOS NORTE!

Iyan ang aking nasilayan sa pambungad nitong arko. Makasaysayang tignan ang pambungad ng lalawigang ito. Sa unang bayan pa lamang kakikitaan na ito ng masidhing pananampalataya sa Diyos, lalung-lalo na sa kanilang patron, La Virgen Milagrosa de Badoc. Nakawiwili naming pinagmasdan ang malawak na karagatan sa bayan ng Currimao. Tahimik at sadyang misteryoso ang lugar na ito. Sa bawat haplos ng alon ay parang naririnig mo ang sigaw ng bawat kuwentong nakalimlim sa mga batong naporma mula sa tubig at hangin na yumayakap sa bayang ito. Ang nakapapangilabot ay ang linis at sadyang natural na ganda ng dagat. Halos mapapaluha ka sa saya. Tinahak ng aming sasakyan ang pahilagang daan hanggang sa aming marating ang patunay sa impluwensiyang Espanyol sa bayan ng Paoay. Ang Paoay Church, na hinirang na UNESCO Heritage Site ng Pilipinas ay kabighabighani. Grabe, sa unang sulyap pa lamang ay mamamangha ka na sa ganda ng arkitektural nitong estruktura. Parang ito’y isang ala-ala sa nakalipas na panahon. Panahon kung saan sakop pa ng Espanya ang Pilipinas. Luma ngunit kakikitaan ito ng pagiging matatag. Matatag hindi lamang sa panahong tila nakalimot na, ngunit pati narin sa bawat unos na pinagdaanan ng mga taong nakapaligid dito. Biglang liko pasilangan ang sasakyan, nadaanan naming ang maningning na siyudad ng Batac. Kita mo sa daan ang sikat na Empanada na halos naging tatak na ng lugar. Sinong mag-aakala na ang batang siyudad na ito ay isa na sa pinakamalaki at progresibong lugar sa buong lalawigan. Ngunit, lungsod man kung ito ay ituring, maayos at malayo parin ito sa polusyon at ingay. Dahil ito sa disiplinadong mga mamamayan ng “HOME OF THE GREAT LEADERS”. Diretso

naming binaybay ng aming sasakyan ang San Nicolas, ang umuusbong na sentro ng kalakalan ng lalawigan, halos parang parte ng siyudad ng Laoag ang bayan na ito dahil sa tunay na dinudumog ito ng mga tao dahil sa mga malls, lugar pasyalan, establisyimento at marami pang iba. Gayunpaman, makikita parin ang liwanag na tunay ngang umuusbong sa siyudad ng Laoag. Dito ang sentro ng lalawigan. Sa Gilbert bridge palang ay makikita mo na ang naglalakihang mga gusali, ang kapitolyo ng lalawigan at mga sasakyang nag uunahan sa patutunguhang destinasyon. Tumigil ang bus at bumaba kami. Doon ay nasubok kong muli ang pagsakay sa kalesa. Napakaganda ng aking pakiramdam. Sa bawat paggalaw ng kabayo ay parang hinahatak ako sa nakaraan. Parang hinahatak akong mabighani muli sa bayang pinagmulan. Bumaba kami sa kalesa at sumakay sa isang pribadong sasakyan na ipinadala ng aking ama upang kami ay dalhin sa Pagudpud. Dumaan ito sa napakabagong bypass road. Nakakatuwa naman, walang trapiko at napakaganda ng malagintong palayan. Papuntang pagudpud ay napatigil kami sa tore ng Bacarra. Isang makasaysayang lugar dahil sa pagkasira ng tuktok nito dulot ng isang malakas na lindol noong 1991. Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ito, ilang bagyo at lindol man ang lumipas. Pahilaga, nadaanana naming ang bahagi ng Ilocos Norte na hinahaplos ng tubig dagat. Mahuhumaling karin sa napakagandang mga windmills na siya naming nagdaragdag sa turismo ng lalawigan. Taun-taon napakaraming turista ang dumadayo dito upang makita ng malapitan ang bawat windmill. Malayo man ngunit naratingdin namin ang aming destinasyon. Napakagandang pagmasadan ang paglubog ng araw sa mapuputing buhangin ng lugar. Mala pulbos ito kung iyong hawakan at tila ba nangingibabaw ang kamandag na ganda nitong taglay. Doon tumigil ang napakahabang byahe. Kung saan nagsimula ang lahat ng magagandang araw ng aking pagkabata. Sa lugar kung saan hindi ingay ng busina at usok ng sasakyan ang aking naging libangan. Kundi ang mga halakhak at larong naging tunay na kaagapay.

source: turistaboy.com

This article is from: