4 minute read

ISANG ARAW SA ATING BUHAY by Jeff Plantilla

ni Jeff Plantilla

Nagkaroon ng isang webinar ang Ryukoku University Global Affairs Research Center (GARC) tungkol sa kalagayan ng mga Filipino sa Kansai sa gitna ng COVID-19 pandemic noong ika-12 ng Hunyo 2020. Ang nakasulat sa baba ay bahagi ng report ng pinag-usapan sa webinar na ito.

Advertisement

Survey ng mga kababayan sa Kansai

Dahil sa state of emergency para sa COVID-19 pandemic, naisip na alamin ang kalagayan ng mga kababayang Filipino sa Kansai. Pinangunahan ito ni Dr Ruth Carlos ng Ryukoku University. Ang survey ay nagtanong tungkol sa mga bagay na ito:

• Pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa COVID-19 crisis;

• Mga problema/pag-aalala kaugnay sa COVID-19 crisis;

• Mga epekto ng COVID-19 crisis sa kalagayan/kondisyon ng trabaho;

• Suporta sa pagharap sa mga problema at pag-aalala kaugnay sa COVID-19 crisis;

• Plano sa paggamit ng 100,000 Yen na perang ibibigay ng pamahalaang Hapones bilang ayuda.

May 241 na mga kababayan ang nakapagbigay ng tamang sagot sa survey. Sa mga nakasagot: 1. Tirahan: 35% ay taga-Osaka; 23% - Kyoto; 21% - Shiga; 11% - Nara; 6% - Hyogo; 4% - iba pa at walang sagot tungkol sa lugar na tinitirhan; 2. Visa status: 51% ay permanent residents; 14% - long-term residents; 14% - working visa (hindi kasama ang mga technical intern trainees at yung nasa designated activities); 8% - technical intern trainees; at 9% - dependents ng Japanese o permanent residents na Filipino; 3. Trabaho: 14% – hospitality; 3% - care workers; 10% - English teachers; 9% - education/research development/information technology; 8% - manufacturing; 18% - iba pang sectors (full-time); 21% - iba pang sectors (part-time); 6% - walang trabaho/walang sagot.

Resulta ng survey

Lumalabas sa survey na ang mga problema na dulot ng COVID-19 ay hindi lang pang-ekonomiya o pangkabuhayan kundi psychological din. Sa epektong pang-ekonomiya o pangkabuhayan, 64.73% ng mga sumagot ay nagsabi ng pagbabago sa kalagayan/kondisyon ng kanilang trabaho at 24.07% ang nagsabi na hindi na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.

Samantala, ang problemang psychological ay nakikita sa mga sagot sa mga pag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan, pamilya at kinabukasan (74.27%), sa stress (33.61%) at hirap sa pagko-concentrate sa trabaho (25.73%). Ang iba pang mga inaalala ay ang nami-miss ang pamilya (34.44%), problema sa pag-uwi sa Filipinas (33.20%), at kakulangan ng impormasyon tungkol sa pandemic (15.77%).

Figure 1: Mga problema/pag-aalala tungkol sa COVID-19 Crisis (n=241, multiple answers Ang mga long-term residents at dependents ng mga Hapones o mga Filipino permanent residents ay naapektuhan nang husto sa kanilang kabuhayan dahil sa pagbabago sa kalagayan/kondisyon ng kanilang trabaho (74.55%) at nahihirapang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan (34.55%), kumpara sa mga permanent residents at naturalized citizens at yung may working visas.

Samantalang ang mga may-asawa (81.2%) o mga hindi nag-asawa (69.3%) ang may pinakamaraming nagsabi ng pag-aalala dahil sa takot sa COVID-19 infection.

Ang mga divorced o widowed/balo o separated na mga Filipino ay may pinakamataas na dami ng nag-aalala dahil sa pagbabago sa trabaho o employment status (76%).

Idinidiin ng mga resultang ito ang pangangailangan na mabigyan ng agarang tulong ang mga ito.

Ang masamang epekto sa kabuhayan ay malinaw na nakikita sa mga ganitong sagot: 62.65% ang bumaba ang income, 30.12% ang nabawasan ang oras ng trabaho, at 22.89% ang natanggal sa trabaho.

Ang mga hindi masyado na-apektuhan sa trabaho ay mas kokonti: 14.46% ang nagtatrabaho sa bahay (telework); 12.65% ang mas naging busy sa trabaho; 6.63% ang nadagdagan ang oras ng trabaho; at 3.01% ang tumaas pa ang kita.

Figure 2: Epektong pangkabuhayan ng COVID-19 crisis (n=166, multiple answers)

Ang kasama dito sa Figure 2 ay yun lamang mga sumagot ng “nabago ang kalagayan/kondisyon ng trabaho ko” o “hindi na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan” sa Figure 1.

Lumabas sa survey na ang TV, internet at social media ang pinaka-pinagkukunan ng impormasyon ng mga sumagot sa survey (73.44% to 78.01%).

Pero ang TV ay yung dito lamang sa Japan, na nihonggo ang salita at kaya hindi makakatulong sa mga hindi gaanong nakakaintindi ng Nihonggo.

Ang karamihan ng mga impormasyon na Ingles o Filipino ay mula sa internet at social media. Marami din sa mga sumagot ay nakakakuha ng impormasyon mula sa kanilang pamilya sa Filipinas (24.48%). Ang ibig sabihin nito ay ang kanilang impormasyon tungkol sa COVID-19 ay mula sa ibang bansa at hindi sa Japan.

Panghuling pananalita sa survey report

Ang resulta ng survey na ito ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng suportang pangkabuhayan at psychological (kasama na ang makakatulong at napapanahong impormasyon) sa mga Filipino sa panahon ng COVID-19 crisis, lalo na sa mga nasa mahinang kalagayan (vulnerable) na natukoy sa survey na ito.

Ang pagtulong sa kanilang pangangailangan ay mabuting gawin sa lokal na komunidad kung saan kumikilos ang mga pampamahalaang at pribadong institusyon at organisasyon.

Bagama’t may limitasyon ang ayuda, ang paggamit ng mga serbisyong lokal ay makakatulong na maibsan kahit paano ang paghihirap ng mga Filipino sa Kansai, lalo na yung nasa mahinang kalagayan (vulnerable). Ang suporta mula sa pamahalaan ng Filipinas ay mahalaga rin at makakadagdag sa mga programa ng pamahalaan ng Japan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasa mahinang kalagayan (vulnerable).

Ang agarang gawain ay ang pagkalap at pamamahagi ng tama at napapanahong impormasyon, lalo na tungkol sa mga suportang serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan (nasyonal at lokal) at iba pang institusyon tungkol sa COVID-19 pandemic, sa mga Filipino. Ang paggawa nito ay ang unang hakbang upang maibsan ang hindi lamang pangkabuhayan kundi ang epektong psychological ng kasalukuyang krisis.

Mababasa ang buong survey report sa GARC website: https://www.ryukoku.ac.jp/nc/news/entry-59 00.html.

This article is from: