2 minute read

Paborita

Paul Adrian K. Paraiso @paulygooon

Kadaumaga, pagkatapos suyurin ang eskinita palabas sa barangay namin ay may isang malaking konstraksyon na ginagawa. Mayaman daw ang may-ari kaya baka mansion ang kalalabsan.

Advertisement

“Aba ang mga binata namin, papasok na.”

Sa tuwing daraanan namin ang konstruksyon, babatiin kami ng mga construction workers dito. Mas maliwanag pa sa araw ang mga ngiti nila. Hindi iniinda ang pagod at init basta lang may mapangkain sa pamilya.

Matagal nang nagtatrabahong construction worker ang ilan sa mga nagtatayo ng malaking bahay. Karamihan sa mga ito ang tumulong din sa pagpapagawa ng mga iba pang malalakong bahay sa barangay namin.

Kung gaano katayog ang mga bahay na kanilang ginagawa, ganun din ang kanilang pangarap para sa kanilang mga pamilya. Lahat kasi sila, hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya hindi makahanap ng mas maayos na trabaho.

“Parang hindi pa ho yata kayo namamahinga ah, ari ho ang kape.”

Mabait ang may-ari ng mansion na ginagawa. Palaging inaabutan ng meryenda ang mga construction worker. Maagap din silang pinauuwi. Mayaman pero hindi arogante.

Sa tuwing sasapit ang dapithapon, dadaan muli kami ng mga kapatid ko sa ginagawang mansion pauwi galing paaralan. Tanging isa o dalawang lalaki na lang ang matitira roon sa lugar. Para bagang winawaso pang maigi ang kanyang gawa.

“Hindi pa ho ba kayo uuwi? Baka ho hinahanap na kayo ng inyong bunso?”

Ngingiti lamang si kuya. Ang kaninang kulay puti niyang damit ay naging kulay buhangin na dahil sa maghapong paggawa.

“Mas matutuwa si ining kapag may dala akong laruan para sa kanya mamaya.”

Laruan. Mistulang tropeyo mula sa pakikipaglaban sa mga halimaw at kriminal. Ngunit sa halip, ang kalaban ay buhay. Ang masaklap na realidad.

“Pasensya na ho, wala kaming ibang maitulong. Eto ho, Paborita.”

Kape at Paborita. Swak na swak para maibsan kahit papaano ang gutom nila. Hinati ni kuya ang tinapay sa ilan pa niyang mga kasamahan habang umiinom ng kape.

Tumigil muna kami ng ilang sandali upang makipaghuntahan sa kanila. Hindi alintana sa may-ari kung makikipagusap sa amin sila kuya. Kanina pang alas kwatro natapos ang trabaho nila.

Nang unti-unting magdilim, isa-isang naguwian ang mga construction workers. Sinabayan kaming maglakad ng ilan sa kanila. Ilang minuto lamang ang layo ng bahay namin sa isa’t-isa.

“Sa susunod na taon, magkokolehiyo ka na hindi ba? Anong kukunin mong kurso?”

Napahinto ako sa paglalakad. “Titigil po muna sana ako. Para po makatulong sa bahay.”

Wala siyang naging tugon sa aking mga sinabi. Miski tikhim o tango. Marahil napaisip siya. Ako na may kakayanang makapag-aral ay sasayangin ang oras at pagkakataon.

Kung ganoon lang kaperpekto ang buhay.

Kinabukasan, habang naglalakad kami papalabas ng eskenita. Nadaanan namin muli ang ginagawang malaking bahay. Maraming mga tao ang nakapalibot sa labas. Tila may kaguluhang nangyari.

Natigilan ako sa aking kinatatayuan. Nakahandusay sa sahig at duguan, yung lalaking kasabay kong maglakad kahapon. Walang malay. Ang sabi ng iba nahulog daw, yung iba ang sabi, nagpatiwakal.

Nagtirik ng kandila ang pinunong barangay para sa pagkawala ng isang matalik na kaibigan. Hindi naging malinaw ang kanyang pagkawala. Ngunit ang kanyang buhay, bagaman naging mapait na kape, ay tinuring niyang may tamis at kasiyahan gaya ng Paborita.

poem

This article is from: