3 minute read
DOM: Anak, Kapatid, at Ama
Ang recipe ng buhay ng isang Divinistang “Most Innovative Chef”
Advertisement
Dom-asipag! Dom-ahusay! Dom-apagmahal!
Sa angkin niyang galing sa larangan ng pagluluto at maaliwalas na awra bitbit ang matipuno niyang pangangatawan, hindi mababakas sa isang Dominique Dustin Despuez ang mga mabibigat na pagsubok na kanyang binuhat, nilabanan, at nilampasan para makarating sa tamis ng tagumpay. Hinirang si Despuez at Andreus Kobi L. Pita bilang kampeyon sa Food Innovation Festival. Kapwa silang ginawaran bilang Most Innovative Chefs noong ika-10 ng Nobyembre 2022 na bahagi ng ika-72 anibersaryo ng pagkakatatag ng Oriental Mindoro, Fiesta MahalTaNa! na may paksang: “Matatag na Lalawigan, Sandigan ng Mamamayan”.
Dala-dala ang mga aral at parangal na kanyang nakamit sa kanyang kurso na Bachelor of Science in Hospitality Management bilang senyales ng kanyang pagpupursigi at pagtitiyaga, taglay niya ang isang pangkaraniwan ngunit kahanga-hangang karanasan. Si Dominique na maihahalintulad sa isang 3 in 1 plus 1 coffee: isang batang ama, masipag na mag aaral, malambing at independent na anak, at one call away na kapatid.
Simulan bilang isang anak at kapatid
Para sa kaniya, ang matibay na pundasyon ng isang tao ay ang pagmamahal sa pamilya.
Bagama’t ang kanyang mga magulang ay parehong nagtatrabaho sa ibang bansa, hindi niya naisipang umasa sa kanyang ama at ina. Sa loob ng limang taong pag-aaral, siya ay namasukan sa Café Meow bilang Kitchen Manager –isang pinto na nagbukas ng napakaraming biyaya sa kanyang buhay. Nakatulong ang kanyang trabaho sa pang araw-araw niyang pangangailangan, hindi lamang para sa kanyang sarili kundi pati sa kanyang anak at mga kapatid.
Patunay diyan ang naging madamdamin niyang pahayag ukol sa kanyang pamilya. Ika niya, “Tatalikuran ka ng lahat pero ang pamilya, sila yung mananatili sa tabi mo kahit na gaano kahirap ang kinakaharap mo. Sila yung magpaparamdam ng pagmamahal na walang hinihintay na kapalit.”
Ayon pa kay Dom, ang pamilya ang nagsilbi niyang kanlungan sa lahat ng pagkakataon, sa kalungkutan at kasiyahan man. Malalim ang pagmamahal niya para sa mga ito. Gagawin niya ang lahat ng makakaya para sa mga ito, kagaya ng pagtulong ng kanyang pamilya noong siya ay dumanas ng matinding hamon sa kanyang kabataan. Naging malaking inspirasyon niya ang kanyang tatay na magpatuloy sa pangarap, sa kabila ng maagap na pagkakaroon ng anak. Kasama rin rito ang kanyang lolo at lola na naging malawak ang bahagi sa kanyang pagkatao.
Mula sa pagiging batang ama, hindi natapos ang malalaking dagok na kanyang naranasan nang madiagnose ang kaniyang ina ng mental illness. Ngunit dahil sa kanyang labis na pag-ibig sa kanyang pamilya, hindi siya sumuko bagkus ipinakita niya na ang tunay na pamilya ay nagdadamayan lalong higit sa madilim na yugto ng buhay.
Sundan bilang isang mag aaral at kaibigan
Matatag man sa lahat ng mga pinagdaanan, hindi rin nakatakas si Dom sa mga problema at pagtitiis habang tinatahak ang napili niyang kurso. Nakaranas siya ng pagmamaliit at pangungutya sa tinahak niyang academic program kaya’t inigihan niyang manalo sa patimpalak. Naghangad siya na mabago ang tingin ng mga kapwa niyang HM students. Siguro ika’y nagtataka kung paano nga ba napagsabay ni Despuez ang kanyang buhayeskuwela, paghahanapbuhay at pagiging ama? Walang sinayang na panahon ang tinaguriang Most Innovative Chef 2022. Tuwing mayroon siyang vacant classes mula sa kanyang schedule ng araw na iyon, siya ay pumapasok sa kanyang trabaho. Pagkatapos ng maghapon, mula alas singko hanggang alas onse ng gabi naman ay dumidiretso siya sa Cafe Meow. Kasunod nito ay ang paggawa niya ng mga proyekto, o anumang takdang aralin at aktibidades na kinakailangang matapos bago ang deadline. Limang taon na ganito ang kanyang routine. Hindi alintana ang pagod at puyat mai-pagsabay lamang kung paano kikita at makapagtapos sa pagaaral.
Sinisikap niya rin maging kuya sa lahat ng nagiging mga kaklase. Bukod sa pagbabahagi niya ng kanyang cooking skills at recipes, pinahahalagahan niya rin ang paggalang at pakikisama tulad ng pagpapahalaga niya sa kanyang partner sa kusina na si Andreus–isa sa dahilan kung bakit hindi niya malilimutan ang mga alaala sa DWCC.
Samahan bilang isang ama
“Bilang tatay, walang hindi kakayanin para sa anak. Lahat [ay aking] ibibigay kahit walang matira para sa sarili ko.” Ito ang nakakaantig na mensahe ni Dominique Despuez para sa kanyang anak.
Nabanggit niya na inalis niya ang lahat ng kanyang luho at bisyo sa kanyang buhay para sa minamahal na anak. Masasalamin sa buhay ni Dom na iba talaga ang nagagawa ng tunay na pag-ibig— kaya nito baguhin ang isang tao gaano man kapangit ang nakaraan nito, at ang lahat ay kaya mong isakripisyo at bitawan para sa mahal sa buhay.
Sabi nga sa kasabihan, “pagkain mo nalang, isusubo mo pa sa anak mo.” Patunay riyan ang kwento ni Dom na pinagsabay ang pagtatrabaho, pag-aaral, pagtindig para sa pamilya, at pag-aalaga sa anak.
Sa kasalukuyan, si Despuez ay nakuha ng isang tanyag na hotel sa Makati at ngayo’y chef sa Dusit kung saan siya nag-OJT. Siya ay nakapagtapos ng BSHM noong ika-2 ng Hunyo at magpasa-hanggang ngayon, siya ay solo parenting.
Tulad ng pagluluto na nangangailangan ng iba’t-ibang sangkap para mabuhay, hawak ni Kuya Dom ang paninindigan, pananampalataya, at pagpupursige sa kwento ng buhay niya. Isa siyang Divinista na nagpapatunay na sa anumang pagsubok sa bawat sulok na tayo’y mapapadpad, taglay natin sa sarili natin ang husay at pag-ibig para magpatuloy.