4 minute read

Tapang ni Maria: Labanang Pluma at Papel ang Sandata

Noong panahong nagbukas ang kalangitan at nagpaulan ng katapangan at katalinuhan, may isang mapalad na Pinay ang hindi pinalampas ang bawat patak nito. Bawat butil ng mga nasabing katangian ay buong puso niyang inialay sa pakikipaglaban para sa bayan gamit ang natatanging larangan, ang pamamahayag.

Mga Salita ni Reynan Joel Ecamina Retrato ni Jo Straube

Advertisement

“Sa lipunang puno ng diskriminasyon laban sa mga kababaihan, isang Maria Ressa ang tumindig upang ipaglaban ang katotohanan at katarungan.”

Itinuturing na matapang ang isang tao kung ito ay nakikipaglaban gamit ang matalim na espada at mga armas. Imaheng noon pa man ay nakatatak sa isipan ng nakararami na marapat na sigurong buwagin at baguhin. Kung babalik-tanawin ang kasaysayan, may mga labanang hindi dugo't buhay ang nakasangla. Subalit sa kahit anong klase ng labanan, ang nag-aalab na katapangan ay hindi dapat mawala. Gayunpaman, ibang uri naman ng katapangan ang kinakailangan kung nakikipaglaban para sa kalayaan at karapatan ng mamamayan.

Pinatunayan ito ng isang babaeng lakas-loob na binangga ang mga nasa kapangyarihan, maisaliwalat lang ang katotohanang dapat mabatid ng mga mamamayan. Siya ay si Maria Angelita Ressa, isang Filipino-American multi-awarded journalist at ang kasalukuyang Chief Executive Officer (CEO) ng news website na Rappler. Sa loob ng 35 taon, nakilala si Ressa bilang mamamahayag, hindi lang sa Pilipinas at Asya, kundi maging sa buong mundo. Ginamit niya ang kanyang kaalaman at kakayahan upang patuloy na bunyagin ang mga impormasyon at gawaing maaaring makatulong o makasira sa bayan.

PAG-UUSIG SA PANININDIGAN "In a battle for facts, in a battle for truth, journalism is activism.”

Sa pamamagitan ng kanyang kabihasaan sa pagsusulat ay nahayag ang mga maling gawain ng mga indibidwal, organisasyon, at maging ng pamahalaan. Isa sa mga binigyang-diin ni Ressa ang tungkol sa 'Anti-Illegal drug campaign' ng kasalukuyang administrasyon. Buong tapang niyang inilahad ang lahat ng pinaniniwalaan niyang pang-aabuso sa karapatang pantao at sa hindi makatarungang paraang pagpaslang sa mga ito.

Gayunpaman, kaakibat ng pakikipaglaban ang pag-uusig. Ilang beses nang inakusahan, kinasuhan, at ikinulong si Ressa dahil sa iba't ibang kasong isinampa laban sa kanya tulad ng umano'y paglabag sa 'ban on foreign media ownership', 'fraud', 'tax evasion', at iba pa. Maraming pagbibintang at alegasyon ang ibinato sa kanya ngunit sa kabila ng lahat na ito, patuloy siyang nanindigan sa katotohanan at naniwala sa katarungan.

PAGSIWALAT NG SULIRANING PANLIPUNAN

Bawat salitang isinulat ni Ressa ay maaaring maging banta sa kanyang buhay sapagkat ang mga salitang makatotohanan ay makapangyaharihan at wala itong kinikilala kung anong uri ng tao ka sa lipunan. Sa napakahabang panahon, kaakibat na sa kanyang karera ang pagtuligsa sa terorismo. Bago pa man nakamit ang mataas na posisyon sa mga kilala at malalaking kumpanya sa larangan ng pamamahayag ay nakatuon na siya sa suliraning terorismo, partikular sa bahagi ng Southeast Asia. Nailimbag niya ang “Seeds of Terror: An Eyewitness Account of al-Qaeda’s Newest Center of Operations in Southeast Asia.” Sa kasalukuyan, inilalathala niya ang aklat tungkol sa kung paano manindigan laban sa diktador para sa isang pahayagan sa taong 2022.

KARANGALAN NG KATAPANGAN

Sa kaniyang dedikasyon upang labanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon, naging tampok siya sa Time Magazine’s 2018 Person of the Year, napabilang sa 100 Most Influential People of 2019, at kinilala bilang isa sa mga Time's Most Influential Women of the Century. Naging bahagi rin siya ng BBC's 100 Most Inspiring and Influential Women of 2019 at Prospect Magazine's World's Top 50 Thinkers. Noong 2020, ginawaran siya ng Journalist of the Year Award, The John Aubuchon Press Freedom Award, Most Resilient Journalist Award, Tucholsky Prize, Truth to Power Award, at Four Freedoms Award. Ilan lamang ito sa mga natatanging parangal na nahakot niya sa ilang taong serbisyo bilang isang batikang mamamahayag.

Ang pinakahuling natanggap na nagpa-ingay sa publiko ay ang pagkamit niya ng Nobel Peace Prize Award, isang pagkilala para sa mga indibidwal na may natatanging kontribusyon sa lipunan. Ito ang naging dahilan upang itanghal siya bilang kauna-unahang Pilipino na nagkamit ng nasabing parangal. Katapangan sa pagsisiwalat ng katotohanan gamit ang pamamahayag ang naging batayan upang masabing siya ay karapatdapat na gawaran ng prestihiyosong parangal. Dahil sa tapang na kanyang ipinamalas, muling nakilala at namayagpag ang Pilipinas at patuloy na kinilala si Ressa sa buong mundo.

“Ang malayang pamamahayag ang pundasyon ng lahat ng karapatan ng mga Pilipino upang matuklas ang katotohanan,” ito ang madamdaming wika ni Maria Ressa ukol sa kahalagahan ng malayang pamamahayag sa pagpapanatili sa ating karapatan bilang Pilipino at patuloy tayong mabuhay sa katotohanan.

Sa lipunang puno ng diskriminasyon laban sa mga kababaihan, isang Maria Ressa ang tumindig upang ipaglaban ang katotohanan at makatarungan. Ngayon ay kinikilala sa buong mundo bilang isang natatanging mamamahayag na nakahandang protektahan ang bansa gamit ang papel at pluma bilang pangmalakasang sandata. Patuloy na maglalayag ang pamamahayag at hindi titigil sa paghahayag ng katiwalian na nakasisira sa bayan. Ang mga tulad ni Maria Ressa ang magpapatunay na ang katapangan ay wala sa kasarian.

This article is from: