5 minute read

Lakambini ng Kagitingan Lingkod ng Bayan

Kagitingan, katapangan, at paninindigan ang sandata laban sa iba’tibang uri ng pang-aapi. Kasamaang susupilin ng pagtindig at pagkilala sa karapatan. Karapatang ipinaglalaban dahil iyon ang nararapat na makamtan ng kaniyang nasasakupan. May puso ng katapangan at pagkakapantay-pantay na isinulong ng walang halong panghuhusga habang niyayakap ang lantad na katotohanan na hindi batayan ang kasarian sapaglilingkod sa bayan.

“Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay nangangahulugan na ang mga kalalakihan at kababaihan ay may pantay na karapatan at responsibilidad sa lipunang kinabibilangan.”

Advertisement

PAGSIBOL NG BAGONG UMAGA

Tagapagtaguyod ng kaligtasan at katahimikan, kilala ang mga pulisya bilang magigiting na alagad ng bayan. Sa kanilang awtoridad nagsisimula ang pag-asa at seguridad na pinanghahawakan ng taumbayan. Ang kanilang opisina ang matatakbuhan sa oras na ang karapatang-pantao ay inalisputa at tinapakan.

Walang kasarian sa pagpili ng tama at pagiging tagapagtanggol ng kaniyang Inang bayan. Ang pagsisilbi sa iba ang nag-uudyok na ipagpatuloy ang laban na sinimulan.

Kilalanin si PEMS Donna B. Asmod, mula sa hanay ng mga magigiting na pulis at isa sa apat na magkakapatid na parehong tinahak ang naturang propesyon. Masigasig sa kaniyang panunungkulan bilang Public Information Officer ng Capiz Police Provincial Office. Nagtapos si PEMS Asmod ng kursong AB Sociology at BS Criminology. Kalaunay, nagtapos din siya ng Master’s Degree of Criminal Justice Education taong 2017. Isa siyang lisensyadong kriminologist at kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP). Kasama ang kaniyang kapatid na si PEMS Rowena Cantemayor, pareho silang nagbibigay-kaalaman at proteksyon para sa mga Capizeño.

“I decided to become a police officer because I wanted to challenge myself if I could survive the training of a male-dominated organization,” pahayag ni PEMS Asmod na walang takot na hinarap ang hamon ng pagiging pulis.

HAMON, KARANGALAN, AT LAYUNIN

Bilang tulay ng karunungan sa mga mamamayan sa pakikipaglaban sa kakulangan ng impormasyon at mga haka-hakang walang basehan, naglingkod si PEMS Asmod bilang presidente ng Philippine Information Agency-led Capiz Association of Government Public Information Officers (CAGPIO) taong 2013-2014, bilang bise-presidente ng 2018, at mula 2019 hanggang sa ngayon muling itinalaga bilang Presidente.

Sa mahigit 23 na taon nang pagbibigay-serbisyo, naging malaking hamon para sa kanya na balansehin ang kaniyang tungkulin bilang asawa, ina sa apat niyang mga anak, at pagiging alagad ng batas. Subalit, hindi naging hadlang ito para sa kanya at nakamit ang ilan sa mga parangal katulad na lamang ang presidential medal sa pagiging Hall of Fame awardee in the search for Best Public Information Officer sa Western Visayas ng Philippine Information Agency 6 noong 2013. Tinanghal din siya bilang Most Outstanding Capizeña taong 2015 ng Borres Youth Leadership Inc.

“Both offer lots of responsibilities and for me to handle I have to always ask for God’s grace to give me wisdom, strength, and the right attitude to endure it all,” malumanay at may integridad na saad ni PEMS Asmod.

Hinulma man ng ideolohiya na ang mga kababaihan ay nararapat na sa loob ng bahay lamang: tagalinis, tagaluto, at nag-aalaga ng kaniyang asawa at mga anak. Limitado ang edukasyong kanilang nakukuha sapagkat minulat sila ng lipunan na tanging kalalakihan lang ang may karapatan na mamahala sa bayan. Subalit sa pagdaan ng panahon, nabigyan ng kalayaan at halaga ang karapatang pantao ng mga kababaihan na nagbukas ng maraming pinto upang mas lumawak ang maaaring lakbayin ng kanilang mga paa gamit ang kanilang layunin.

Sa pamamagitan ng mga programa na nilikha ni PEMS Asmod katulad ng ppocapiz.multiply.com taong

2017 kung saan nabago ito upang maging Capiz PPO Pcads Facebook account, Capiz Police Provincial Office-CPPO Facebook page, at ang Talakayan sa Isyung Pulis (T.S.I.P.) Capiz PNP Version sa pakikipagugnayan sa mga lokal na medya katulad ng Bombo Radyo, DYVR RMN Roxas, Baskog Radyo, Radyo Bandera, Radyo Todo, at DYJJ Budyong, mas lalong nailapit ang mga proyekto ng Capiz PNP para sa mga Capizeños.

PUSO PARA SA PANTAY NA KARAPATAN

Bukas sa usapin ng gender equality o ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian sa anumang oportunidad sa edukasyon, trabaho, at pook gawaan si PEMS Asmod. Binigyang-diin rin niya ang usaping diskriminasyon sa kanilang propesyon at mariin niyang isinaad na sa pulisya ay walang pamamaliit sa kasarian dahil sa paglipas ng panahon, ang PNP ay matagal nang gender responsive. Ang mga patakaran at polisiya ng kanilang departamento ay naaayon sa pagkakaroon ng gender development at sensitivity.

Dagdag pa rito, sinisikap ng PNP na mapalawak ang pang-unawa ng pulisya sa mga isyu ng sekswalidad at gender mainstreaming, upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng komunidad na kanilang nasasakupan. Kung kaya ang pagiging maalam sa ganitong topiko ay mahalaga sa pagkakaroon ng community engagement at pang-unawa sa mga isyung may kinalaman sa sekswalidad.

Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay nangangahulugan na ang mga kalalakihan at kababaihan ay may pantay na karapatan at responsibilidad sa lipunang kinabibilangan. Ito rin ay nauukol sa pakikibahagi ng tungkulin para sa ikauunlad ng lahat ng lipunan at komunidad na kinabibilangan. "I don’t have a bias opinion on who can lead well, is it a man or a woman, both are capable to lead if he or she qualifies for the position and when both are given the chance to lead," paglalahad ni PEMS Asmod ukol sa paniniwala ng ilan na ang mga kababaihan ay walang kakayahang mamuno.

Nag-iwan rin ng mensahe si PEMS Asmod sa mga kabataan at kababaihang nais na tahakin ang katulad ng kanyang propesyon na kinakailangan bigyan ng pagkakataong ipakita ng mga kababaihan ang kanilang potensyal na makakatulong para sa katahimikan, kapayapaan, at pag-angat ng ating bansa.

“So women, empower yourself through education. Because it's all through education that you could step up and become empowered and you can be able to [inspire] other women also and you can make a lot of positive changes in your life and to the lives of other women,” makabuluhang mensahe ni PEMS Asmod.

Gamit ang mga pakpak at paa na minsan nang iginapos lulan ng paniniwalang kinagisnan, magpatuloy tayong lumipad at maglakbay sa landas na hinihiling ng ating puso. Ang malaya ay nakikipagdiskurso at ang malaya ay may pantay na karapatan at kakayahang mag-isip para sa sarili. Tandaan natin, ‘babae KA,’ hindi babae lang.

This article is from: