Aninag II: Kandili

Page 1

1


2


ANINAG LITERARY FOLIO 3 OKTUBRE 2020


4


TUNGKOL SA PABALAT Kandili− Kailangan mong humanap ng sarili mong liwanag kapag alam mong madilim na ang tinatahak mong daan. Iginuhit ni Milker Gutierrez

ANINAG LITERARY FOLIO Tomo II Bilang 1 Karapatang-ari Š 2020

Ang Aninag Literary Folio ang publikasyon ng sining at panitikan ng The Reflection, ang Opisiyal na Pahayagan ng School of Education ng Holy Angel University sa Angeles City. Nananatili sa indibidwal na lumikha ng mga panitikan at sining na napapaloob sa folio na ito ang karapatang-ari sa bawat piyesa. Hindi maaaring ipalathala muli o gamitin sa anumang paraan ang alin man sa mga nilalaman nang walang karapatang pahintulot ng manunulat, dibuhista o letratista. Ang tomong ito ay hindi ipinagbibili.

5


Kung pipiliin ko kung sino ang makakasama ko sa mapanganib na panahong ito, ikaw ang pipiliin kong makasama. Madalas man tayong maligaw at maiwanan ng iba, nawa’y magsilbing gabay itong Kandili upang muli mong balikan ang rason kung bakit hindi ka sinusukuan ng iyong mga kaibigan─ mga mahal mo sa buhay na patuloy kang hinahagilap. Ipahayag ang iyong mga saloobin. Kailangan mong umalpas mula sa tanikalang pilit kang ikinukulong sa iyong mga bangungot at pighati. Alalahanin mo ang iyong mga kaagapay sa buhay, hinihintay na lumapit ka nang ikaw ay kanilang matulungan. Tingnan ang aming mga saloobin habang binabasa mo ang mga tula, liham, dagli at habang ninanamnam ang mga dibuho at litrato. Basahin mo ang bawat pagitan ng mga linya nang sa gayon ay muli mong maalala ang mga bagay na gusto mong makita’t maramdaman. Sana masaya ka na makasama kami─ mag-isa na kasama ka.

Maligayang pagbabasa,

Eleila Gonzales Patnugot ng Panitikan

6


Ayoko sa dilim. Marami akong naiisip sa tuwing ganito ang paksa ng usapan. Agad bumubundol sa aking puso ang mga bagay na hindi ko dapat iniisip— mga malulungkot na alaala, maging ang aking mga takot at pangamba sa buhay. Nang dahil sa sitwasyong dala ng COVID-19, napagtanto ko na tunay nga na tayo ay nakatira sa isang mundo na walang kasiguraduhan. Maraming pwedeng mangyari sa loob ng ilang segundong pagpikit mo. Maaaring may magandang balita tayong marinig, o ‘di kaya’y masaksihan ang kahibangan ng ating mga opisiyales. Kakatwang isipin na hindi lahat ng bahay ay maituturing nating “tahanan.” Ngayon na ilang kilometro ang distansiya natin sa isa’t isa, aming mga kamay ay inilalahad sa inyo upang kayo ay aming damayan. Nawa’y sa inyong pagbabasa ay maramdaman at maalala ninyo ang buhay na naiwan ninyo sa labas. Tayo man ay nahiwalay ngayon sa pamilyang ating pinili, sa tahanan na punong puno ng pagmamahal, at mga ala-alang nagbibigay sa’yo ng ngiti, ngunit hindi dapat ito ang pumigil sa’tin upang iparamdama sa kapwa na hindi sila nag-iisa. Ayoko sa dilim ngunit hindi ko ito kinasusuklaman. Kung hindi dahil dito, wala tayong aabangan na liwanag kinabukasan. Hindi natin malalaman kung sino ang mga taong mananatili, aalis, at magpaparamdam sa’yo ng walang kapantay na kandili.

Maligayang pagbabasa,

Shaina Gil Sunga Punong Patnugot

7


11 | KALAMLAMAN

27 | PAGLAGABLAB

Isang maliit na posporo

Nanginginig ang aking mga kamay.

Ang siyang nagsisilbi ilaw at gabay ko.

Binabalot ng takot at pangamba ang aking puso’t isipan.

Munti nitong apoy ay kinakain ng kadiliman,

Ang apoy na ito ay unti-unting nawawala─

Isang hipan lamang at ito ay tuluyang mawawala.

Kaya ko pa ba?

8


45 | PAGKISLAP

63 | KALIWANAGAN

Kailangan kong gumawa ng paraan.

Hindi ako makagalaw sa aking pwesto.

Konting panahon nalang at maging ako ay lalamunin na ng dilim.

Narito ka ngayon sa aking harapan at nakalahad ang iyong mga kamay.

Mariin akong napapikit at sinisi ang sarili kung bakit hindi ako naging sapat.

Ikaw na ba ang magliligtas sa’kin? Kung oo ay liwanag mo ay aking tatanggapin.

Nanahimik ang lahat nang mayroong akong narinig na katok mula sa aking pintuan.

Mga Nilalaman 9

KUHA NI FILOMENA


10


Kalamlaman 11


TABY

Uy, ano na?”

Anong oras na? Mag-uumaga na ata. Kanina pa tayo sa kapehang ito. Ano bang gusto mong sabihin sa akin? Maglilimang oras na tayong nakaupo sa mga silya rito. Ang dami nang nag uwian, pero hanggang ngayon, tahimik ka pa rin. Tahimik pa rin tayo. Sa pagkainip, napansin mong gusto ko nang tumayo at lisanin ka. Sa akmang pagtayo ko, bigla mong sinambit, “Huwag kang aalis.” Oh, ano na? Hindi ako aalis pero, anong gagawin natin dito? Hindi ako nagbanggit ng anumang salita pero alam kong naiintindihan mo sa mukha ko na tinatanong kita. Dahil nakatitig ka sa akin. Ilang sandali lang ay napatitig na rin ako sa’yo. Napansin kong namumugto ang mga mata mo. Sinubukan kong basahin ang mensaheng ipinararating ng mga ito. At nang ginawa ko iyon, nadama ko ang bigat na pasan mo. Hindi ko alam kung ano ang dinadala mo ngayon, pero 'tol, dama kong mabigat ito. “Yosi, tol?” tanong ko. “Yosi.” “Tara, lakad.” Maraming puno sa tinungo nating lugar. Madilim. Tahimik. Tayong dalawa lang. Nang 'di na masinagan ng kahit anong ilaw 12


ang mukha mo, nasilip ko ang tahimik na pagtangis mo. Habang pinagmamasdan kita, napagtanto kong pwede pala tayong magkaintindihan sa kawalan. Narito ka, walang sinasambit na anumang salita. Narito ako, nakikinig nang walang naririnig. Naiintindihan kita sa katahimikan at sana, kahit papaano, ay napagagaan din ng katahimikan ko ang loob mo. Ilang minuto pa ang lumipas, nagiging sukdulan ang pagtangis mo. Hindi mo na kayang magpigil, kaya napahagulgol ka na. Doon, binasag mo ang katahimikan sa pagitan nating dalawa. “Tol, pwede bang tayo na lang ulit?” Hindi ko alam pero napatingala na lang ako sa kalangitan nang sabihin mo y'on. At nang akmang haharapin na kita, nakita kong nakatitig ka pa rin sa akin, umiiyak habang hinihintay mo ang aking tugon. Pumikit ako nang tatlong beses, at inilapit ko ang mukha ko sa'yo. Gusto kitang titigan para masagot ko sa pamamagitan din ng katahimikan ang tanong mo. Habang tumatagal, bumibigat ang bawat hininga ko. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. At nang akmang sasagutin na kita ng isang salita ay sinunggaban mo ako nang halik. Doon na tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Habang nakapikit. Dito sa ilalim ng mga puno. Madilim. Tahimik. Tayong dalawa lang. At dahil tayong dalawa lang, gumanti ako ng halik pabalik sa malalim mong mundo. Dinama ko ang kaluluwang kasama ko na kanina pa tahimik. Pinakinggan ko ang nakabibinging katahimikan mo habang nagiging “isa” tayong muli.

Isang mabigat na hininga ang pinakawalan mo, bago mo nasabing, “Mahal na mahal kita.” Sinabi ko ang totoo, “Tara, huling yosi? Hinihintay na niya ako sa kapehan.” “Sa kapehan? …Hindi kita maintindihan.” 13


INCOGNITO

Malabo talaga minsan ang tadhana. Mahal kita, pero parang hindi ito tama. Ibinigay ka Niya sa akin sa maling oras. Ipinakilala ka sa’kin at isinalang tayo sa isang laro na hindi patas. Bakit ang dapat na pagmamalasakit ay nauwi sa pag-ibig? Alam kong hindi ito tama, ngunit puso ko’y patuloy kang iniibig. Kaibigan kita, ngunit patawarin mo ako kung hindi ko sinasadyang mahalin ka. Bakit ngayon ko lang naramdaman kung kailan mayroon ka nang minamahal na iba? Nakakapagtaka. Bakit hindi ko maiwan ang taong sa iba nakasandal at umaasa? Kung ako ba ay mananatili, damdamin mo sa kanya ay mabubura? O ako ay iyong pipiliin dahil ikaw ay naaawa? Ito ang patunay na hindi laging tama ang tadhana. Tayo ang kanyang laruan sa mundong kailanma’y hindi naging tama. Kahibangan man ito ngunit ako’y patuloy na maghihintay Sa oras at araw na tayo mismo ang magtatakda at magbibigay kulay. Sa ngayon, kung ako man ay iyong pahihintulutan─ Kung ang puso ko ay iyong hahayaan, Sa harapan mo man ay mag mukhang sinungaling, Ngunit hayaan mo akong mahalin ka kahit iba ang binibigyan mo ng pansin.

14


HAESE 15


SYRY

16


LETHE

K

ing sakal na ning tali keng kayang gamat ampong bitis, eya makakimut, pero nanu wari ing kwenta na nita? Mebigu ya keng kailangan ng gawan kaya ayan, kingwa de ring kalaban. Ning kayi, bigla yang mebuklat ing pasbul yayta eneman lang pinansin ita. Uling ninu pa wari ita nung aliwa ing─ "Malwat ka pang magmulala kanyan?" 'Jang pamilyar ya ing bosis ning kaluguran na, sinimangut ya keng sinabi na, ali ya man magmulala. Sosopan ne pa ing sarili na kareng kayang isipan. Atin bang mali keta? Bayu ya makaisip a sabyan, leko na ne ning kaluguran na ing kayang tali kayi tinikdo ya, "Yari na."

17


HAESE

Hindi kita makakalimutan. Araw-araw kong hihilingin ang iyong kaligayahan, kahit na hindi na ako magiging parte ng buhay. Kokolektahin ko ang mga ala-ala natin at itatago sa lugar na ako lamang ang nakakaalam. Ang pangalan mo ay hindi ko buburahin sa likod ng aking mga kwaderno. Ang marka mo sa aking puso ay hindi kailanman mabubura ng kahit na sino. Magkaiba man ang landas na tinatahak natin ngayon, ngunit hindi ako magdadalawang-isip na tulungan ka sa tuwing kailangan mo ng kaagapay at karamay. Hindi kita pagdadamutan ng oras sa tuwing gusto mo ng kausap. Hindi kita itataboy sa tuwing nais mo ng kasama. Patuloy pa rin kitang maaalala sa tuwing makikita ko ang iyong paboritong kulay, paboritong hayop, paboritong ulam, paboritong libangan, maging ang mga ulap at takipsilim. Lumipas man ang pahanon, ngunit mananatiling sa’yo ang isang parte ng puso ko. Unang patak ng ulan ay lagi kong aabangan. Liwanag mo ay aking nang papakawalan at hindi na kailangang ipagkait sa iba.

Maraming salamat sa mga taon na nakausap kita. Maraming salamat sa halos tatlong oras na nakatabi kita. Maraming salamat sa ilang segundong kayakap ka. Pasensiya na kung hindi kita lubusang napasaya. Kung kaya ko lang sanang ibalik ang panahon, hindi ko na sana inangkin ang limang taon, mga dapit-hapon, at ang iyong maghapon. Hindi na sana kita hinayaang maghintay at maghabol sa isang tulad ko. Ang iyong unang buwan, haese

18


HAESE HIRAYA 19


LORY

"Mahal kita." Isang maikling pangungusap na may dalawang salita. "Mahal kita." Iyan ang nais isigaw ng aking puso ngunit paano nga ba? Ni hindi ko man lang mawari kung anong mayroon sa ating dalawa.

Tayo'y masaya. Masaya sa tuwing tayo'y magkausap at magkasama. Walang oras ang lumipas na hindi ka bumabati at nangungumusta. Paggising sa umaga, ikaw ang dahilan kung bakit ako may gana. Pagtulog sa gabi, ikaw ang dahilan kung bakit ako may baong tuwa.

Maayos naman ang lahat sa ating pagitan Ngunit bigla kang nanlamig at 'di ko ito inaasahan. Gusto kong magreklamo, magtampo, at magalit. Ngunit, sino ba naman ako para magtanong sa'yo kung bakit?

Mahal, ako'y nahihirapan. Ang ikaw at ako, 'di ko alam kung ano ang patutunguhan. Ngayon pa nga lang, tayo'y nagkakalabuan. Pero heto pa rin ako, naghihintay, umaasa, at patuloy na lumalaban Sa relasyong alam kong wala namang kasiguraduhan.

Mahal, ako'y nangangamba Na baka isang araw, ika'y may iba na. Iba na mas hihigit pa sa aking halaga, At habang kayo'y masaya sa isa't-isa, Narito pa rin ako, mag-isang umaasa. Umaasa na maaari pang maibalik ang dati nating pagsasama. Ang dati na ikaw lang at ako, at walang siya.

Mahal, maaari ba? Maaari bang pawiin mo ang aking paghihirap at pangangamba? Maaari bang sabihin mo sa akin kung gaano ako ka-espesiyal at kahalaga? Maaari bang ipagtapat mo nang lubusan ang iyong tunay na nadarama? Maaari bang ipangako mong ako lang at wala ng iba? Maaari ba? 20


Mahal, nais kong malaman mo ngayon Na ako'y walang tigil na nananalangin sa Panginoon. Nawa'y ikaw na nga ang aking hinihiling magmula pa man noon, Na aking makakasama at makakatuwang sa bawat pagkakataon, Hindi man ngayon, ngunit sa tamang panahon.

Sa ngayon, tayo'y tila lupain na wala pang titulo. Parehong nasa proseso ng paglilitis sa loob ng husgado. Patuloy na pinupunan ang mga tanong na sino, ano, saan, kailan, bakit, at paano, Para mahubog ng buo ang ating mga pagkatao.

Sana, sa panahon na tayo'y handa na, Kuntento na sa buhay at kaya nang tumayo sa sariling mga paa, Sabay tayong humarap sa ating pamilya at sa Diyos Ama. Sa pagpapalitan ng pangako sa isa't isa Na simula sa araw na yaon at darating pa, Pagyayamanin natin ang ating pagmamahalan at bubuo ng sariling pamilya.

Kaya mahal, kahit wala pang tayo, at ikaw at ako pa lamang ang mayroon sa atin, Sa isa't-isa'y mananatiling tapat habang inaabot pa ang ating mga mithiin. Sa Maykapal naman, ika'y akin ng inihahabilin. Kaya sa susunod nating pagtatagpo, inaasahan kong malaya na nating masasabi na ako'y sayo at ika'y akin.

21


KEY

22


PAPRIKA

“Hindi ko marinig... Marahil, isinarado ko na ang aking pandinig. Hindi ko madama... Marahil, ikinuyom ko na ang aking mga palad.

Hindi ko makita... Marahil, nasanay na lamang ako sa mundong marahas.” Nagbabadyang umiyak noon ang kalangitan sa Sitio Kalinga noong una tayong nagtagpo. Bagama’t nakasanayan mo nang malunod sa kawalan, nababakas pa rin sa iyong mukha ang isang ekpresiyong hindi ko mawari’t maintindihan. Nawalan na rin ako ng pandama sa aking mga paa at hindi maunawaan ang aking nararamdaman. Marahil ay hindi ko napansing sinasabayan na pala kita sa iyong pagkalunod at kalungkutan. Unang araw ko noon dito nang ipasok ako ni Aling Senta. Agad kong naramdaman ang maaliwas na kapaligiran. Lungkot sa iyong mukha at panandaliang nawala. Tama ang aking hinuha na malapit ang loob mo sa ibang mga kasamahan natin dito. Sa tuwing bumabalik ka sa realidad, wari’y binabalot ng iyong mga bangungot ng masalimuot mong kahapon. Wala kang pinagkaiba sa mga tauhan dito na tila naliligaw at ‘di alam kung anong landas ang tatahakin— nagbabakasakaling matagpuan ang pintuan ng pag-asa. Nang malaman kong mas maingay pa sa tilaok ng mga bibe ang bunganga ng kusinerang si Loreng, agad kong napagtanto na wala pala sa lugar na ito ang pangarap na pilit mong tinatamasa. Nang malaman ko ang hirap sa likod ng iyong mga pilit na ngiti, naintindihan ko na rin sa wakas ang iyong tunay na kalagayan. Natutunan ko ang dahilan sa napakaraming gasgas at sugat sa iyong katawan, maging sa iyong puso. Pinipilit pala itong itago at pagtakpan ng mga taong tunay na nakakakilala sa’yo. “Ay naku! Huwag kang maingay, ha! Iyang si ano, ginahasa iyan... Ang masaklap pa, alam ito ng kanyang ina subalit hindi man lang niya ipinagtanggol ang kanyang anak. Ayan! Inilagak na lamang dito! Mga walang kaluluwa talaga ang mga tao ngayon!” Dibdib ko ay unti-unting nanikip. Kinapa ko ito upang maramdaman ngunit namumutawi ang kirot ng pighating hindi mo alam na ipinadama mo sa’kin. Ang hapding ito at katumbas ng sakit na naramdaman ko noong mawalan ako ng isang anghel. Doon ko lamang napagtantong may karamay ako at tulad ko, ay pinipilit harapin nang buong tapang ang masalimuot na kapalarahang inihain sa atin ng tadhana. Ngayon ay kasalukuyan kang nakatayo sa may pintuan ng tindahan. Nauuto man ng iyong mga ngiti ang mga dumadaan na mamimili ngunit alam kong hindi ito umaabot sa iyong mga mata. Napupuno ka pa rin ng lumbay at takot. Nawa’y sa sulat na ito ay makahanap ka ng isang kaanib. Isang tao na sa tingin mo ay kaya mong malapitan sa oras na gusto mo nang umalpas mula sa iyong nakaraan. Iyong mga maaliwalas na ngiti ay sabay na ibabalik. Hanggat narito pa ako sa tindahan na ito, pilit kitang aabutin at sasagipin. Ang taong binigyan mo ng pag-asa, Paprika

23


IKATLONG GANTIMPALA Gawad Aninag

ASHLEY JANE NON

Paano nga ba mabuhay ng walang makita? Paano mahahawakan ang gustong madama Sa oras ng kadiliman kamay ang magsisilbing sandata Pag-abot ng mga bagay na hindi mo maaninag Pag-kuha ng mga gamit sa dilim na nakakapagpabagabag Wari'y lahat ng bagay para sa mata ay lihim Ang tanging kayang gawin ay ang pag-apuhap sa dilim Mga oras ng kalungkutan Ang nais ay makawala sa (karimlan) Naisin mang manalo sa sariling laban Ngunit ano ang laban kung walang makitang patutunguhan Laging nakamasid Laging nakalahad Ang kamay na walang bahid Bahid ng pag-aalinlangan sa mga bagay na hindi natin mismo mabatid.

24


HAESE

25


HAESE

6:14 ng umaga.

Sinasabi ko na nga ba’t maiiwanan ako. Tapos na sa gawain ang mga kaklase ko, samantalang nakatulala lamang ako sa harap ng iskrin. Hindi talaga madali ang tinatahak kong direksyon ngayon. Bukod sa kapos sa pera ang aming pamilya, dumadagdag pa sa iniisip ng aming mga magulang ang matrikula ng sutil nilang anak na nagpumilit mag-aral sa gitna ng pandemya. Ako ‘yung sutil nilang anak. Aminado ako na isa akong tamad na estudyante. Madalas kong madaliin ang mga gawain na pinapasa noon at aaralin lamang ang mga leksyon kapag malapit na ang pagsusulit. Hindi rin ako isang matalinong mag-aaral. Bubuksan ko pa lamang ang libro ay para bang labag na ito sa aking kalooban. Wala rin akong talento. Sadyang pinagbibigyan lamang ni tadhana sa tuwing bumubuo ng bagong pangkat upang gawin ang isang proyekto. Hindi ko maikakailang binubuhat lamang ako ng aking mga kaibigan at kaklase sa tuwing may mga takdang aralin o dulaan. Tamang luto lang ng pancit canton at suporta ay sapat na. Pero kagaya ng tanong ng iba, bakit nga ba ako nag-aaral ngayon? Bakit nga ba? Sagot ko sa tanong na ito ay laging nag-iiba. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Nilalamon na ako ng aking konsensiya sa tuwing nakikita ko ang aking mga magulang na namroroblema sa pera. Gusto ko man silang tulungan ngunit nahihirapan din ako sa sitwasyon ko sa online class. Grabe ang paninisi ko sa aking sarili. Hindi ko maatim na mayroon akong mga kakilala na mas higit pang matalino at talentado kaysa sa akin ngunit ‘di sila nag-aaral ngayon. Ilang beses ko na ring sinabi sa sarili ko na huhupa rin ang mga ganito kong pag-iisip. Ngunit sa tuwing pumipikit ako, hindi ko maiwasang hindi malungkot at magmukmok dahil sa pagpupumilit kong mag-aral. At ngayon, wala man lang akong natatapos sa aking mga takdang-aralin. Nakikipagtitigan lamang ako sa aking laptop habang ang utak ko ay lumilipad. Kinusot ko ang aking mga mata at tumingin sa labas. Naabutan na naman ako ng umaga at nakikita ko ngayon na nagwawalis sa aming bakuran si mama. Wala siyang trabaho ngayon kaya ang bahay namin ang pinagtutuunan niya ng pansin. Gayunpaman, alam kong hindi madadala ng pagwawalis ang mga pangamba’t takot niya. Wala ngayon si papa sa bahay at kasalukuyang naghahanap-buhay. Araw-araw ay nagpupuyat at kumakayod siya para lamang may makain kami sa isang araw. Madaling araw ay aalis na siya ng bahay at gabi na uuwi. Kaunting pahinga at kain lang, at makikipag-bakbakan na siyang muli sa labas. Face masks ang madalas nilang suot, pero alam kong sa likod nito ay ang pagsulpot ng kulubot na siyang senyales ng kanilang pagtanda. Samantala, ‘tong batugan nilang anak ay hindi pa rin tapos sa kanyang mga responsibilidad bilang estudyante. Wala nang kasiguraduhan, at ngayong pandemya ko lamang ito lubusang naintindihan. Maaaring mamaya ay mawalan kami ng kuryente, o ‘di kaya’y kumupad ang aming internet. Maaaring umubo ang isang miyembro ng aming pamilya at ‘di mapansing senyales na pala ito ng COVID. Maaaring may mamaalam na mahalagang tao sa’min at ‘di na namin siya makasama sa hinaharap. Maaaring… Agad akong tumayo at nagtungo sa banyo upang maghilamos. Dumaan na rin ako sa kusina at nagtimpla ng kape.

Kailangan ko nang tapusin itong takdang-aralin. 6:20 ng umaga.

26


Paglagablab 27


BASURA NI SUN RAE Laging may ilaw sa dulo ng lubid, Lakasan mo ang iyong loob at ito’y tawirin.

28


LAKAY

Kaliwa’t kanang pinapasok, Mga mata ko’y nasusulasok. Sobrang sikip. Hindi ako maka-pikit. Tingin doon, tingin dito. Hirap na hirap na ako. Iba’t ibang pananaw, Damdami’y umaapaw.

Sinusubukang makawala Ngunit, walang napapala. Mabibigat ang bawat hakbang, Sapagkat lagi siyang naka-abang. Subalit, Biglang may lumapit. Ha? Ano? Isang tali? Teka teka, sandali. "Dugdug, dugdug," Sabi ng puso. Ano kaya ito? "Dugdug, dugdug." Tali’y hinawakan, Sa aking palad ay pinaglaruan. Ako’y nakalipad nang malaya. Problema ko ay tuluyang mawawala. Ikaw! Tama, ikaw! Sa silid ko ang siyang tanging dilaw. Marahil ikaw ang sagot Sa nakakabagot kong bangungot. Kaya pala ika’y nakatingin, Upang ako’y palayain Sa sarili kong damdamin Na ako’y kinakain.

29


HAESE

Ikaw ay aking binabati sapagkat nariyan ka pa. Kay layo nang iyong narating, ano’t ngayon ikaw ay nagmumukmok d’yan sa sulok? Naaalala mo pa ba ang mga munting paalala sa’yo ng ating mga kaklase mula sa hayskul? “Ga-graduate ka nang buhay,” ‘yan ang nakasulat sa puting papel na nakapaskil sa pisara. Simpleng paalala man ito na nagmumukhang biro, ngunit alam kong ito ngayon ay iyong pinanghahawakan. Ilang beses ka nang nalunod sa rumaragasang dagat na ‘di mo mawari kung saan nagmula. Wala ka mang makapitan, ngunit sinubukan mong lumangoy kahit na napupuno na ng tubig ang iyong baga. Humapdi na rin ang iyong mga mata mula sa ilang litrong luhang binuhos mo hanggang daling araw. Nagawa mong ipikit ang iyong mga mata ngunit alam mong hindi ka naman talaga nagpapahinga. Almusal at hapunan ay iyong nilalagpasan at kumakalam ang iyong sikmura habang ikaw ay nasa kalagitnaan ng talakayan. Ilang trahedya ang sumubok sa’yo ngunit ikaw ay hindi nagpatinag at sumuko. Naaalala30mo pa ba ang mga ito?


Nanghihina kang napaupo sa bilis ng mga pangyayari at mga trahedya. Nahihirapan kang sikmurahin ang mga kaganapan sa mundo at pinilit intindihin ito. Nakakulong ka ngayon sa inyong bahay, ngunit alam mong sa puso mo ay hindi ito ang iyong tahanan. Ang dati mong silidaralan na nilalakbay ng ilang kilometro ay ilang hakbang na lamang mula sa iyo. Mga kaibigan mo na dati mong nayayakap, nasasapak, at nahahampas, ay iyo na lamang nasisilayan sa kabilang dako ng iyong iskrin arawaraw. Ngunit gayunpaman, narito ka pa rin at lumalaban. Walang kasiguraduhan kung ilang dasal pa ang kailangan upang ang lahat ay bumalik sa normal. Aminado kang hindi ka relihiyoso ngunit araw -araw kang nagsusumamo sa harapan Niya. Walang makapagsasabi kung ano ang dadatnan natin bukas ngunit patuloy mong inaabangan ang iyong mga kaklase at guro sa susunod na diskusyon. Mayroong banta sa buhay ng kahit na sino ngunit tumatawa ka kasama ang iyong mga matalik na kaibigan na tila ba’y walang dapat problemahin at isipin. Binulabog man ng pandemya ang matiwasay na ikot ng iyong mundo ngunit alam kong tama ang direksyon na iyong tinatahak. Iiyak ngayon, ngunit babangon ulit mamaya. Maaaring iniisip mong normal na bagay lamang itong ginagawa mo ngunit tandaan mo, ito ang iyong paraan para ikaw ay makapagpatuloy. Maraming tao na ang nawala sa kanilang mga sarili kung kaya’t wala akong ibang hiling kundi ang kaligtasan at katinuan mo.

Nawa’y kayanin mo ang lahat ng pagsubok na ito. Mahal kita at patuloy kitang ipagdarasal sa ating Poong Maykapal. Hihintayin kita hanggang sa dulo ng pagsubok na ito. Nagmamahal, haese

31


32

HAESE


KAMPEON Gawad Aninag

KHYLA NICHOLE CANLAS

Gabi-gabi’y nagsusumamong Ngitian ng langit ang mga dasal Hangarin ay patnubay Sa matalinhagang buhay Tila misteryong puno ng katanungan, Pikit matang hinahanapan ng kasagutan Palibhasa’y madalas magpatangay Sa daloy ng kapalaran Pag-asa’y inaasa sa mga pangako, Na kahit napapako Sinasamba na parang poon, Binubuhusan ng pang-unawang nakakalason Nakabibinging papuri sa kamay na bakal Tinatabunan ang pagtangis ng mga sinisiil Paglupig sa katotohana’y kinukubli Ng mga payasong abot tenga ang ngiti Kumawala sa yakap na mapanlinlang, Tatsulok na tumatarak, Sa kaibuturan ng nasyong nagdurugo Huwag maging disipulo ng huwad na pamumuno Damhin ang hinagpis sa hangin, At huwag ng pipikit Magkapit bisig para sa pagbangon Ng bayang nilapastangan ng opresyon Huwag ng tumingala para sa himala, Pagkat nasa mga kamay ang tunay na hiwaga

33


FILOMENA

S

a isang kanto malapit sa highway, sa kailaliman ng tirik na araw at naghalu-halong amoy ng usok, kalungkutan, ulam sa kantina ni Aling Pacing, takot, at chickenjoy ni Jollibee, napukaw ng isang matandang babaeng nakaupo sa semento na nakalahad ang palad at tila nanghihingi ng limos. Sa wari ko’y hindi siya nakakain ng tama o nakakauwi man lang dahil sa payat at dusing nito. Napabuntong-hinga na lamang ako habang suot ang aking face mask at face shield sapagkat kalunos-lunos ang kanyang sinapit. Sa kalagitnaan ng delikadong panahon na mayroon tayo ngayon, kawawa ang mga katulad niya. Hindi ako nag-atubili pa’t dumiretso ako sa kantina ni Aling Pacing upang bumili ng dalawang order ng kanin at dalawang klase ng ulam. Umorder na rin ako ng isang litro ng tubig, hindi para sa akin, kundi para kay lola.

Sa paghihintay kong matapos ang paglalagay sa supot ng pagkain, narinig ko mula sa telebisyon na malala na ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Nagbukas na rin ang mga klase sa pampublikong paaralan. Tanging naisip ko na lamang, paano ang mga pamilyang tinamaan ng COVID? Paano na ang mga frontliners na nasa ospital araw-araw at oras-oras na nagtatrabaho kahit na hindi man lang natutumbasan ng kanilang mga suweldo ang pagod na inilalaan sa pagseserbisyo? Paano na ang mga mag-aaral na wala man lang wifi o gadget na magagamit para sa online class? O ‘di kaya nama’y hindi man lang nakapag-enroll? Paano ang mga karaniwang taong patuloy na naghihirap sa kalagitnaan ng pandemyang ito? Ang aking pagmumuni-muni ay hindi sapat upang mahanap ang sagot sa mga 34 katanungang ito.


Nang matapos ilagay sa supot ang binili kong pagkain para kay lola, minabuti kong lapitan siyang muli at iabot ang pagkain. “Maraming salamat, iho. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko,” sambit ni lola. Tila nabasag ang puso ko nang marinig ko ang nanginginig at matamlay niyang boses. “Lola, saan po ba kayo umuuwi? Hatid ko na po kayo,” sabi ko sa kanya.

“Wala na akong uuwian, iho. Pinalayas na ako ng anak ko. Pabigat na raw ako sa kanila.” Hindi ko mawari kung ano ang aking mararamdaman. Nagagalit ako sapagkat bakit mayroong mga taong ganito? Mga taong napakahambog na hindi naman mapupunta sa maayos na kalagayan kundi dahil sa kanilang mga magulang. Tila walang pinagkaiba sa nakaluklok sa itaas na patuloy na pinapahirapan at binabalewala ang mga tunay na nangangailangan. Kaya’t napagdesisyunan kong dalhin si lola sa Bahay Pagibig nang sa gayon siya ay maalagaan at magkaroon ng panibagong tahanan. Kinailangan ko siyang iwan sapagkat ako’y lalaban pa. Sa ilalim ng nakapapasong init na nagmumula sa araw, aking ilalahad pataas ang aking mga kamay hawak ang mga karatula habang ako’y patuloy na titindig at magsasalita. Sa paraang ito, mailalabas ko ang aking mga nadarama. Magsisilbi akong boses ng masang api at patuloy na magsusumigaw maipaglaban lamang ang nararapat. Hindi para sa akin, kundi para sa buong sambayanan. Ang aking nakataas na kamao ay patuloy na maniniwala, maninindigan at kakapit sa maliit na pag-asang magiging maayos pa ang lahat.

35


KAMPEON Gawad Aninag

HUIE LANCE CASTRO

36


ELIMS

Epidemyang kumalat at nagdulot ng sakit, Takot at pangamba ang sa tao’y nagsimulang gumuhit. Sa halip pagnilayan, kapwa mata nila’y ‘di ipinikit, Ginampanan ang tungkulin, at takot ay iwinaglit. Sa alanganing sitwasyon, kayo'y nanatiling kalmado. Unang humahakbang, masagip lang ang nasa peligro. 'Di alintana ang sakit, kahit man ay mag-positibo, Matupad lang ang tungkulin at laban ay maipanalo. Sa kagipitang tagpo, kayo'y lubusang nagmalasakit, Tunay na pagmamahal, habang isang paa'y nasa bingit. Parangal man o pera, kailanma'y 'di hihigit Sa kabayanihang ipinakita, kayo'y kaloob ng langit.

37


HAESE

Unang araw. Sinasabi ko na nga ba At muli akong magkakaroon ng isang makabuluhang oras. Sa harap ng aking mumunting iskrin, Mga kaklase ko ngayon ay aking kaharapan. Ikatlong araw. Isa na namang bagong gawain? Walang problema! Nasa bahay lang naman ako, 'di ba? Wala dapat akong ikabahala. Ikalabing-isang araw. Mayroong pinapabasa sa amin... Tatlumpung pahina ang haba niya. Ayos lang ‘yan dahil ako ay nag-aaral. Tatlong asignatura pa lang naman ang nagpapagawa. Ikalabing-walong araw. Nasa kalagitnaan ako ng paglilinis Nang may biglang pinapagawa sa’min. Mamaya ko na lang siguro tatapusin ang pagwawalis. Panunumbat ni Inay ay akin na lamang titiisin. Ikadalawangpu’t pitong araw. Nagkaroon kami ng bagong pangkat Dahil mayroon bagong proyekto na naman. Sandali lang naman at hindi pa po38ako tapos. Hindi ko na kayang pagsabayin ang lahat ng ito.


Ikatatlongpu’t apat na araw. Sa harapan ng kompyuter, Ngayon ako ay nakatunganga. Guro ko man ngayon ay masigasig na nagtuturo, Ngunit, ang ulo ko ay tila sasabog na. Ikalimangpu’t dalawang araw. Tapos na ang klase At nakalikom ako ng apat na panibagong gagawin. Akala ko magiging magaan lamang ito, Ngunit hindi ko inakalang nakakapagod din pala ang ganito. Ikalimangpu’t siyam na araw. Hawak ang aking modyul, Ako ngayon ay nakatulala. Hindi ko na maintindihan ang aking mga binabasa. Mga letra'y gumegewang-gewang na tila para bang sila’y sumasayaw.

Isang pamilyar na tunog ang aking narinig. Aking mga kaibigan pala ay nag-iwan ng mensahe “Halika’t usap tayo mamaya,” yaya nila. Ngiti sa aking mukha ay agad lumitaw. Tamang tama.

39


40

SYRY


IKATLONG GANTIMPALA Gawad Aninag

JAPPRIL MOSENDE 41


FILOMENA

Hindi ka ba talaga nauupos? Kahit gaano man kainit ang apoy, o lawak ng paligid na dapat mong pailawin, bakit nananatili kang ganyan? Bakit pinipili mong magpatuloy sa pagbibigay-liwanag sa iba, kung ikaw ay basta-basta lang namang hinahayaan? Bakit imbes na unahin mo ang iyong sarili, mas pinipili mong ilaan ang iyong oras at panahon para sa iba? Hindi ka ba talaga nauupos? Marahil ay pagod ka na. Pagod ka na sapagkat puro na lang ang iba ang iniisip mo. Pagod ka na dahil pinipili mong manatiling nakatayo kahit gusto mo na lamang na lumuhod na. Pagod ka na dahil pinipili mong maging malakas para sa mga nangangailangan at tunay na nahihirapan. Pagod ka na dahil tila ba kasalanan ang tumigil upang magpahinga saglit, lalo na kung ang paligid mo’y tuluyang babalutin ng dilim kapag pinatay mo ang iyong apoy.

Ang isang kandilang hinulma para manatiling nakasindi nang matagal ay hindi kailanman mamamatay. Kahit gaano kahirap, ikaw ang tipo ng kandilang hindi susukuan ang iba. Ikaw ang tipo ng kandilang patuloy na magliliyab at magbibigay-liwanag. Ang init at liwanag na nagmumula sa iyo ay hindi na bunsod ng iyong tungkulin bilang isang kandila. Datapwa’t ito ay bunsod na ng iyong pagmamahal para sa mga taong nakapaligid sa iyo. Hinihiling kong makintal sa iyong mainit na pag-aaruga’t pagmamahal ang puso’t damdamin ng bawat isa. Isa kang kandilang hindi nauupos kahit ikaw ay nauubos na.

42


KEY

43


HAESE 44


Pagkislap 45


HIRAYA

Kumusta? Nawa’y nasa maayos kang kalagayan. Batid kong kabi-kabila na ang mga pagsubok sa inyong buhay. Marahil ikaw ngayon ay nahihirapan sapagkat patuloy na dumarating ang mga bagay na kailanma’y hindi natin hiniling. Hindi na nga mabilang ang mga luhang tumulo sa inyong mga mata. May mga gabi rin na hindi ka dinadalaw ng antok dahil sa dami ng iyong mga iniisip. Ilang beses mo na ring naisip ang mga katagang, “Ayoko na, suko na ako.” Ngunit sa kabila ng mga ito, narito ka at nananatiling nakatayo sa mundong ito. Patuloy na tinatahak ang daang hindi naman natin alam kung saan patungo. Patuloy pa rin kayong lumalaban sa kabila ng mga pagsubok. Kaya naman, tunay ang paghanga ko sa iyo! Ramdam ko ang malasakit ninyo sa inyong mga sarili. Hinayaan niyo lang na pasukin kayo ng mga paghihirap, pagtangis, o pagdurusa, at ito ang inyong naging sandata upang maghilom at mabuhay. Patuloy lang sa paglaban! Nais ko ring sabihin sa inyo na hindi kayo nag-iisa dahil kasama niyo na kami sa pagtahak ng inyong lalakbayin sa buhay. Halika na, kasama! 46


FILOMENA

47


SYRY

48


LETHE

Alam kong matagal na rin mula noong huli tayong nagkita. Nagsusulat ako upang ipaalala sa iyo ang mga mahahalagang bagay na dapat nating ginagawa ngayong tayo ay malayo sa isa’t isa. Kilala kita gaya ng likod ng aking kamay. Marahil ay marami ka ring mga bagay na ginagawa, ngunit nais kong sabihin sa iyo na kapag nabibigatan ka na sa puwersa ng mundo, sana ay ngumiti ka, itaas ang iyong mga kamao, dahan dahang tumayo, at ipagsigawang “kaya ko ‘to!”

Kapag ikaw ay masiyadong nakatuon sa pagtupad ng isang gawain, sana'y 'wag mong kalilimutan na maglaan ng ilang sandali─ upang magpahinga, kumain ng meryenda, uminom ng tubig, at ang pinakamahalaga sa lahat, pumikit ka. Ipikit mo ang iyong mga mata at huminga nang malalim. Sa labas ng ating pang-araw-araw na pakikibaka at pakikipagsapalaran, isaisip mong mayroon pang labis na kasiyahan sa mundo. Pahalagahan mo at huwag papalampasin ang iyong mga sobrang oras. Imbes na magpalamon ka sa kadiliman, huminga ka at panandaliang itigil ang iyong mga ginagawa. Sa mga oras na nagbabadyang pumatak ang iyong mga luha, ako ay iyong kausapin at ipapaalala ko sa iyo na ‘wag kang mawawalan ng pag-asa. Hindi ko tanggap kung patuloy mong papagurin ang iyong sarili hanggang sa ikaw ay bumigay. Darating ka rin naman sa iyong patutunguhan, kung kaya’t bakit hindi natin ito gawin nang masaya? Dapat mong tandaan na palagi akong nandito para sa iyo at hindi ka nag-iisa sa laban na ito. Ikaw ang nagsisilbing liwanag sa silid kong madilim kung kaya’t ipangako mo sa akin na kailan ma’y hindi mo papabayaan ang iyong sarili.

Aking mahal, ikaw lamang ang aking tinatangi. Lubos na nagmamahal, Lethe

49


HAESE

Sa bawat sandaling Ako ay nakararanas ng lumbay, Kayo ang una kong naiisip. Hindi ko kakayanin ang mga pagsubok na ito Kung hindi tayo pinagtagpo ng kapalaran.

Sa bawat sandaling Ako ay nilalamon ng aking mga kalaban, Kayo ang unang lumalapit sa’kin. Gagawin ninyo ang lahat Maibalik lamang ang ngiti sa aking mga labi. Sa bawat sandaling Ako ay nakararanas ng matinding takot, Kayo ay gumagawa ng paraan Upang aking damdamin ay mapalagay. Kay suwerte ko at naririto kayo ngayon. Sa bawat sandaling Ako at nakakaramdam ng labis na pagkalito, Kayo ay tatawag at ako’y kakausapin hanggang madaling araw. Pagod at antok ay unti-unting nawawala Sapagkat kayo ang aking pahinga dito sa magulo nating mundo. Sa inyo na aking mga kasama, Kapatid, Katawanan, Kaiyakan, Kalaro, At kainisan, Ilang sandali na lamang at tayo rin ay muling magkikita.

50


BASURA NI SUN RAE Iba’t ibang mga sapatos na nagkasundo, At sabay-sabay na aakyat sa entablado

51


HAESE 52


ALITAPTAP

R

amdam na ramdam ko ang paghampas ng hangin sa bawat pagpagaspas ng aking mga pakpak. Itinaas ko pa ito lalo at sinusubukang hanapin ang dulo ng langit.Napatingin ako sa ilalim, at napansin kong may isang paru-parong nag-iisa na tila ba malalim ang kanyang mga iniisip. Ako'y bumaba at lumapit sa kanya. "Anong nangyari sa'yo?" Tanong ko, saka ko siya tinabihang umupo. Ito'y umiling at tumungo. Napangiti ako, "Takot ka bang lumipad? Bago ka lang ba rito?" Ito'y tumango at yumuko. Hinaplos ko ang kanyang pakpak, "Anong pangalan mo?" "Mariposa po." Inilahad ko ang aking kamay, "Halika, Mariposa. Sasamahan kita. Sabay nating liparin ang mundo." Ini-akay ko ang aking kamay sa kanyang pakpak. “Huwag kang matakot, Mariposa. Hindi kita bibitawan,” ani ko nang mapansin kong nanginginig siya.

Huminga siya nang malalim, sabay labas ng kanyang makulay na pakpak. Ako’y napangiti. Ito na. Unti-unti ko siyang dinala sa itaas, at tanging pagpagaspas lang ng aming mga pakpak ang aming naririnig. Malapit na naming matanaw ang mataas na bahagi ng langit nang may marinig akong boses. "Hoy! Lumilipad na naman ang isip mo! Saan ka na naman ba napadpad?! At bakit mo ba pinaka-titigan ‘yang mga paru-paro?! Mahuhuli na tayo, iiwan na kita!” Napabalikwas ako at nagmamadaling hinabol ang kaklase kong naglalakad na papalayo. Lumilipad na naman pala ang isip ko. Hay. 53


BASURA NI SUN RAE 54


HAESE

Hindi ako isang mabuting tao Kung kaya’t laking gulat ko Nang ipagkaloob kayo Ng Panginoon sa’kin.

55


FILOMENA

Naririto na naman ako, sumusulat ng isang liham para sa iyo. Kumusta ka? Sana ay nasa mabuting kalagayan ka. Hindi ko man alam kung ano ang kasalukuyang tumatakbo sa iyong isipan, o kung ano man ang nararamdaman mo habang binabasa mo ito. Nais ko lamang magpasalamat sa iyo. Gasgas man ngunit kulang ang mga alam kong salita upang maihayag ko sa’yo kung gaano kita pinahahalagahan at pinasasalamatan. Korni man kung sabihin ng iba pero hindi ko rin alam ang gagawin kung wala ka. OA ba? Pasensiya na.

Naaalala mo ba nung mga panahon na kung saan wala akong malapitan? Ang mga araw na hindi ko maintindihan ang bigat na aking nararamdaman? Gulung-gulo ang isip at damdamin ko, pero isang sabi ko lang, nariyan ka agad. Handang makinig at umagapay sa akin. Bagamat hindi mo lubusang maintindihan o mawari ang sitwasyong kinalalagyan ko, nariyan ka. Nariyan ka upang makinig sa bawat salitang binibitawan ng aking bibig, at sa bawat hikbing sinasabayan ng mga nagdarausang luhang nagmumula sa aking mga mata. Noong panahong iyon, kailangan ko lang talaga ng makakausap, isang taong pinagkakatiwalaan ko, isang taong alam kong mauunawaan ako, at isang tao na kaya kong ipakita ang tunay na ako. Sa mga panahong unti-unti akong nilalamon ng kalungkutan, nariyan ka. Nariyan ka sa mga panahong ako’y napapagod na. Bukod sa Kanya, ikaw ang naging pahinga ko mula sa magulong mundong ito. Salamat at nariyan ka. Sa paglalahad mo ng iyong mga kamay, ako’y nakatagpo ng isang kaagapay. Isang kaagapay na kahit ‘di ko man sabihin, parati kang nakahanda at nagbabadyang tumulong pag ako’y nahihirapan. Malayo man tayo sa isa’t isa, ngunit ramdam kong may kamay na sa akin ay parating nakaalalay- na kung madapa man ako, siguradong may tutulong sa akin upang tumayo.

Sa paglalahad mo ng iyong mga kamay, hindi lang ako ang nakahanap ng karamay, kundi maging ikaw. Asahan mong naririto ako parati para sa iyo. Asahan mong parati kitang susuportahan. Asahan mong naririto lang ako upang palakasin ang iyong loob sa tuwing ika’y nanghihina. Pangako, sa mga pagkakataong hindi mo man masabi ang iyong mga nadarama, dadamhin at dadamayan kita. Mananatiling bukas ang aking palad para sa taong parating nakala56 had ang palad para sa akin.


57

SYRY


HAESE

Wala kang ibang makikita rito kundi pasasalamat. Totoo ang sinabi ko sa’yo na ikaw ang isa sa mga taong nagligtas sa’kin. Hindi ka nag-atubiling samahan ako sa tuwing ako’y nalulugmok at nawawala sa tamang tuliro. Kinukulayan mo ang bawat gabi na dapat ay napupuno ng pighati at kalungkutan. Ikaw ang nagsisilbing lampara na nagbibigay-liwanag sa madilim kong mundo. Literal na nag-iingay ka tuwing madaling araw para lang sapawan ang sigaw ng aking mga kalaban at maitim kong kaibigan. Ikaw ang isa sa mga taong inaabangan kong makausap, makatawanan, at maka-iyakan sa araw-araw. Kung pinagbigyan lamang ako ng panahon, siguro ay matagal na kitang kinaibigan. Kung naging posible man iyon, mas marami siguro akong matatagong mga kwento't karanasan natin. Hindi ko man naibigay sa’yo ang gusto mo sa hardin na isinulat ko, ngunit susubukan kong pawiin ang lungkot at lumbay na nadarama mo. Susubukan kong pasayahin ka sa abot ng aking makakaya, at sasabayan ka sa mga bagay na gusto mo. Susubukan ko na ang mga pagbati ko ang una mong makikita sa tanghalian at huling makikita sa unang pagsilip ng araw. Kailan man ay hindi magiging sapat ang mga salitang ito upang mailarawan kung gaano ako natutuwang makilala ka. Hindi mo alam kung gaano kalaki ng epekto mo sa buhay ko. Seryoso ako sa tuwing sinasabi kong masaya ako sa munti nating mundo. Wala akong pinaghihinayangan sa mga oras na ginugugol ko sa pakikipag-usap sa iyo. Ang pusta natin na bente minutong yakap ay aking hihintayin sa oras na tayo’y muling magkita. ‘Wag mo rin sanang kalilimutan na nakareserba dapat sa’kin ang isa sa mga araw mo. Sabay pa tayong iinom ng malamig na tsaa habang pinapanood ang paglalakbay ng mga ulap at pamamahinga ng araw. Hihintayin ko lagi ang iyong mga mensahe. Puting buhok, haese 58


KEY

59


SYRY

60


ALITAPTAP

S

uot ko ang isang malawak na ngiti nang aking harapin ang aking matalik na kaibigang si Mariposa, isang bukod tanging paru-paro. Sa kabila ng kanyang maganda at makulay na pakpak, tanging irap ang ibinigay niyo sa akin, at diniinan ang paglilinis sa aking mga sugat.

Ako'y napasigaw sa sakit, "Dahan-dahan naman!" Siya'y nagpakawala ng buntong-hininga at tumingin sa akin. "Bakit ka ba kasi bumalik doon?" inis na tanong nito, ngunit bakas sa kanyang boses ang pag-aalala. Tipid na ngiti lang ang ibinigay ko. Napalinga ako sa aking paligid. Ito nga pala ang mundo ko, ang mundong ako lang ang may alam. Ang mundo kung saan nararanasan ko ang iba’t ibang magandang emosyon na dito ko lang nararamdaman. Ang mundo na kung saan ikaw ay aalagaan, iingatan, pangingitiin, at mamahalin. Ito'y totoo sa mundo ko. Walang problema at walang masasamang tao. Walang mayaman, walang naghihirap; tanging pagmamahalan at pagtutulungan lang ang mayroon. Hindi kapani-paniwala, ano? Ngunit totoo iyan. Inilahad ni Mariposa ang kanyang kamay, "Halika. Samahan ka namin sa iyong paglipad. ‘Di ka nag-iisa, diba?" Napangiti ako at hinawakan siya... Ngunit sa pag-abot ng kanyang mga kamay, may narinig akong nabasag. Napa-iling ako at napatingin sa aking paanan. May hawak pala akong baso.

"Bakit kasi nananaginip ka na naman na mulat ang iyong mga mata?!" Ito nga pala ang aking mundo.

61


BASURA NI SUN RAE

62


Kaliwanagan 63


SOL

Sa unang pagmulat pa lamang ng mga mata, Pag-agos ng iyong mga luha ang siyang unang nakita. Hindi mo kasi inakalang ako'y darating pa. Turing mo sa aki'y pinakamagandang biyaya. Bugbog man sa trabaho, maging hanggang sa pag-uwi, Isang hagikgik ko lamang, ang pagod mo'y napapawi. Mga ngiti sa iyong labi'y namumutawi, Mamasdan lang ang aking mukha, kahit pa nakangiwi.

Madalas man tayong hindi magkaunawaan, Kailanma'y hindi mo naisip na ako'y sukuan. Lahat ng bigat na aking nararamdaman, Iyong mapagkandiling haplos ang siyang nagpapagaan. Mahirap man akong buhayin mag-isa, Pero wala kang naging reklamo, ni isa. Hindi ka man perpekto sa mga mata ng iba, Sa aking paningin nama’y ikaw’y nag-iisa. Kaya habang ika'y nabubuhay— Walang hanggang pagmamahal ang patuloy na iaalay, Dahil tunay, walang makapapantay Sa aruga ng aking natatanging "Inay."

64


IKALAWANG GANTIMPALA Gawad Aninag

ANGEL RUSELLE PERIA 65


FILOMENA

66


PARALUMAN

Itong tulang ito ay para sayo. Ikaw , oo, ikaw na nagbigay ng pag-asa Sa puso kong minsang puno ng pangangamba. Pinawi mo lahat ng lungkot at pinalitan ito ng saya.

Tila ba ikaw ay parang isang panaginip. Makilala ka ay hindi ko man lang naisip. Masaya na akong nakikita kita sa malayo, Pero ang tadhana ay sadyang mapaglaro.

Salamat sa taong nagligtas sa akin mula sa kadiliman, Inalagaan at inalis ang kalungkutan. Mga luha ay pinalitan ng ngiti, At ginawang bulaklak na katangi-tangi.

Akala ko nga ganito na lamang ako. Minsan nang nawalan ng buhay ang puso kong ito. Hindi ko alam kung kailan, at kung papaano, Ngunit ngayo'y alam kong masaya ako sayo.

'Yan ang nararamdaman ko, Mga salitang hindi galing sa bibig, kundi sa aking puso. Pangako, palaging bukas ang mga palad ko Sa mga panahon na kakailanganin mo ito.

Espesiyal ka dahil ikaw ang siyang nagpalaya sa akin. Nagpalaya sa sakit at lungkot ng kahapon. Ang iyong mga kamay ay ang nagsisilbing lakas ko, Dahil alam kong dalawa na tayo sa labang ito.

Salamat sa unang beses na inilahad mo ang iyong mga kamay, Dahil hindi mo na ito binitawan, at ikaw ang naging gabay. Sa pagbibigay ko ng aking puso sa'yo, Sana'y ingatan mo ito dahil sa bawat pagtibok nito, maririnig mo ang pangalan mo.

67


BASURA NI SUN RAE 68


PULSO NG MGA PATNUGOT

Gawad Aninag

CATHERINE RECORTE

69


FILOMENA

Sa isang lugar na ikaw ay mag-isa, Sa isang lugar na mapusiyaw ang pag-asa, Saan ka kumakapit? Kanino ka ba lumalapit? Sa mga panahong ikaw ay nahihirapan At naghahanap ng masasandalan, Ikaw ay kanyang pinagmamasdan. Sino nga ba ang nandiyan? Sa mga panahong patuloy kang nagliliwaliw Sa social media at naghahanap ng pampa-aliw, Sa pamamayani ng nakabibinging ingay mula sa mundo, Siya’y nariyan at bumubulong sa’yo. “Anak, narito Ako,” iyan ang sambit Niya. Nakikita Niya lahat ng mga taksil na luha Mula sa iyong mga mata, maging ang mga hikbi, Na kumakawala mula sa iyong mga labi. Sa mga panahong hindi ka maintindihan Maging ng iyong mga kaibigan, Ang presensiya Niya ay iyong asahan, Pagkat Siya’y nariyan at masasandalan. Sa lugar na akala mong ika’y mag-isa, Sa mundong tila’y pagmamahal at pag-asa Ay nawawala, sa Kanya tayo kumapit. Sa Kanya tayo dapat lumapit.

70


71

BASURA NI SUN RAE


FILOMENA

Kahapon. Kahapon nang ikaw ay aking nakatagpo. Isang kahapon na kung saan nagsimula ang lahat. Isang kahapon na hindi ko alam na masusundan pa pala ng napakaraming araw, kahit na minsan ko ring inakala na agad ding mauudlot ang lahat. Hindi ko man lang namalayan na sa dami ng araw na nagdaan, ikaw ay naging parte ng mga ito. Sa araw-araw na ikaw ang aking kasama, mas lalo kitang nakilala at ginustong makasama. Ang lahat ng mga nangyari kahapon ay patuloy kong babaunin sapagkat ang mga ala-alang ito’y nakabaon na sa aking puso’t isipan. Kasalukuyan. Kung dati, ikaw ay parte lang ng aking tipikal na araw, ikaw na ngayon ang nagsisilbing araw sa aking buhay. Nariyan ka’t nagsisilbing tagapagbigay ng nagliliwanag na mga sinag ng araw upang ipakita sa akin ang daan. Isang daan patungo sa katuwiran, isang daan na patuloy na hahamakin sa kasalukuyan patungo sa kinabukasan. Ikaw ang araw na siyang nagbibigay-ngiti sa akin kapag ako’y pagod nang umiyak at sumimangot. Ikaw ang araw na nagpapahupa sa lahat ng malulupit na hagupit ng alon at baha ng kalungkutang lumulunod sa akin. Ikaw ang araw na nagbib72 igay-init sa puso kong minsan ay nanlalamig at namamanhid dahil


sa sakit. Ikaw ang araw na nagbibigay kapayapaan sa akin mula sa magulong kapaligiran na aking kinagisnan. Ikaw ang araw na naging parte na ng aking araw-araw. Kinabukasan. Bagama’t malayo pa at hindi natin hawak ang mga bagay na maaaring mangyari sa hinaharap, parati kong hinihiling na sana, sana sa bawat bukas na aking tatahakin ay nariyan ka’t kasama kita. Sa nagbabadyang pagdating ng bukas, hindi ako matatakot o magkakaroon ng kahit anong pag-aalinlangan dahil alam kong masisilayan ko pa rin naman ang araw. Hindi natin alam kung ano ang mga maaari pang dumating o mawala, pero kung mayroong isang bagay ang aking ninanais, iyon ay ang hindi ka na umalis. Kung maaari lang‌ Gayunpaman, alin man sa mga ito ay hindi ko pipiliting mangyari. Walang sinuman sa atin ang makapagsasabi kung ano ang mangyayari. Basta ang alam ko lang, kapag maayos na ang lahat, kapag tayo ay handa na, baka maaari na. Hindi ko man hawak ang bukas, hawak ko naman ang ngayon na kung saan dapat lamang tayong mamuhay nang matiwasay sa kanya-kanya nating mga buhay. Hindi ko man hawak ang bukas, ngaunit patuloy ko namang panghahawakan ang ating nakaraan, maging ang mga bagay na ating pinagdaanan at pagdadaanan pa nang magkahawak ang mga kamay. Hindi ko pipilitin, bagkus patuloy akong mananalangin hanggang sa ito ay dinggin. Ikaw, ikaw ang araw na naging parte ng aking araw-araw na gusto kong makapiling at maging parte ng aking kinabukasan.

73


PULSO NG MGA PATNUGOT

Gawad Aninag

CAMILLE SURLA

74


HAESE

P

areho tayong nakadungaw sa ating bintana. Nag-iwan ka ng mensahe sa’kin at inutusan akong sumilip sa labas. Totoo nga ang sinabi mo sa’kin, kay ganda nga ng buwan.

“Anong nasa isip mo?” tanong ko mula sa kaliwang linya. Narinig ko ang pagsinghap mo ng huninga bago ka nagsalita. “Naghahanap lang ng bulalakaw.” “Bata ka ba?” “Wala namang masama kung susubukan,” natatawa mong sagot.

“Sa bagay,” wika ko at saka tinitigan ang mga butuin sa kalangitan. Naaalala ko sa mga ito ang mga bilog mong mata. Ilang buwan na nga ba noong huli kitang nakita? Sa isang iglap, mayroong akong nakita na isang tala na tila nahuhulog mula sa langit. Kay haba ng kanyang maliwanag na buntot at mabilis itong nawala sa mga ulap. Napakurap lamang ako noon ‘di ko na ito nakita. “May nakita ako.”

“Saan banda? May hiniling ka ba?” “Hinihiling ko na sana─” “‘Wag mong sasabihin! Hindi matutupad ‘yan,” awat niya sa’kin.

Mayroong namuong ngisi sa aking labi. Kung ganoon, mukhang kami lamang ni bulalakaw ang nakakaalam ng aking hiling. Hoy bulalakaw, gawin mo nang maayos trabaho mo. Gusto ko na ulit siyang makasama.

75


BB. LILA

Isang kahibangan ba ang tumingala sa itaas At doon hanapin ang taong makatutulong sa’tin? Totoo ba na ang tulong ay abot-kamay lamang patungong kalangitan? "Abutin mo lamang Siya, 'di ka nag-iisa." Kaibigan, maaari bang sabihin mo sa akin, Ilang kilometro ba ang kailangan kong tahakin, Ilang trahedya pa nga ba ang dapat kong danasin, Upang aking pagsusumamo’t paghingi ko ng tulong ay dinggin? Sa tanang buhay ko, akala ko ay kaya ko nang mag-isa. Mag-isang magpahinga, mag-isang umiyak at mag-isang lumaban. Hindi ko na nakita ang kahalagahan ng paghingi ng tulong, Para sa kanila, tila ba ang sigaw ng boses ko'y isang munting bulong lamang. Humiga, huminga, natulala, at nag-isip. Ako lang ba ang ganito bago tuluyang pumikit? Isa... Dalawa... Tatlo... Pikit. Walang ibang makita kundi ang dilim. Kaibigan, wala na akong makita. Ilalahad ko na ba ang aking kamay? Saang direksyon ba ako dapat na tumungo? ‘Di ko na mawari ang aking ginagawa. Kaibigan, ikaw din ba? Ilang ilog na rin ba ang umapaw dahil sa mga luhang iyong iniyak? Ilang beses na rin ba ng puso mo’y unti-unting binibiyak? Tara, sumabay ka sa akin. Sumabay, ngunit hindi patungo sa walang katapusang lungkot at galit. Kundi sa pagdama ng ulan, sa pagpikit ng mga mata at pag-ngiti. Nandito lang ako, hindi ka nag-iisa. Magdamayan tayo hanggang ang sakit ay humupa na. Aking kaibigan, tumingala ka lamang. Tingnan mo ang liwanag ng kalangitan. Tandaan mo na maraming katulad natin. Abot-kamay lang natin ang mga bituin sa langit.

Siya ay nasa itaas at hindi lamang langit ang naroroon, Hindi makikita kahit ikaw ay magpumilit. Subukan mong hawakan ang aking kamay, kaibigan. Higpitan ang hawak sa aking kamay. Hindi kailangan maglakbay ng ilang kilometro patungong langit, Upang ating mga dasal ay pagbigyan. Sa paghawak lamang ng ating kamay, Damang-dama na ang kalangitan sa pagitan natin. 76


HAESE

77


FILOMENA

78


FLUFFY

Hindi maihahambing sa isang magandang surpresa, Ang kalbaryong hinaharap natin ngayong pandemya. Pandemyang unti-unting kumikitil sa liwanag ng pag-asang Maibabailk pa ang kahapong kay saya. Wari mo, ang mundo’y binalot ng kadiliman. Gaserang dala’y 'di sapat upang daan ay mailawan. Ngunit huwag mabahala, aking kaibigan, ilaw na aking dala’y ating pagsaluhan. Ilaw na patuloy na magniningning kahit sa kasarinlan.. Patuloy tayong manalangin sa muling pagsikat ng araw. Abangan natin ang muling pagsindi ng ilaw. Maniwala lamang tayo na may bagong pag-asa, Dahil abot-tanaw ang liwanag, kung sa Diyos tayo'y aasa. Sabay-sabay nating pagmasdan ang bukang-liwayway— Ang hudyat ng panibagong yugto sa ating buhay. Manunumbalik muli ang buhay na kay saya’t matiwasay Dahil sa pag-asang nagligtas sa atin nang tunay.

79


BASURA NI SUN RAE Ngiting mula sa pisngi hanggang mata; Tuwang katuwang ng simplisidad at panata, Tahanan ng walang muwang na bata.

80


81

BASURA NI SUN RAE


SYRY

Siguru isipan yu ninu kaya reng susulatan ku. Unahan da na kayu ah, marakal ku kaluguran. Pero rening taung areni, e ke agyu ing kolehiyo nung ala la. Maralas kami mang mipamolang, siguradu kung manyampukaki ing lugud mi para king metung a metung. Nung lalawen mu, simpli kami mu naman. Awyan y Jun na e sawang magpakayli at sasaup lalu na king pamagaral. Y Macs na balu ming dakal a dadalan pero magpatuluy mu king bieng alang angga. Syempre, e naman mawala ing malati pero palaban na Shaina. O tapus, bala yu alang mitawu kekami? E malyari ita kase pane mi araramdaman ing kalantungan at aliwang lugud da di Daphne at Dan. Yaku ne eyu na ku kukutnangan, paburen yu na la mu magsalita nung nanung akakit da kanaku. Balu yo, badudelz‌ Uwa, iyan ing lagyu ming mikakaluguran, e na ku siguradu pero atin yang koneksyon yan keng pagiging bakla. Oy! Alang bakla kekami ne, sadyang aliwa kami mu pamanyalita, galo, ampong pagkamakule isip. Osiya, balik ku ne. Badudelz, sobra keng pasalamatan ing Guinu na akilala da kayu. Pane yu ku mang bubusitan, ayus mu nung ken kayu masaya. Pane yu ku mang pagtripan na minabut na king puntung ginawa na kayung samahan, ayus mu nung ken kayu mawawala pagal kareng gagawan king eskwela ampong pagsubuk ning bie. Basta, ing balu ku mu, masakit at madalumdum ya ing yatu nung ala kayu. Sana abe-abe tamung mabut kareng pangarap tamu. Sana abe-abe tamung turu kareng kayanakan. Sana angga-angga ikatamu pa rin a? O saguli, aliwa ku sabat, nanu gagaga ka? Bolang. Emu bage, asna kang katsura. Pulisan mu na la reng luwa mu kayi minum kang danum. Papaynawa kayu kasi ala ku ken para agkat da kayung mangan o kaya matudtud. Sobra ku nang amimiss detang “we stop at ministopâ€? para mangan ice cream, o kaya mangan andyang nanu mu. E ku miras nung nokarin ku ngeni nung ekayu makaantabe, lalu na asnang karakal ing apagdaanan at apagtagumpayan tamu. E da kayu lakwan ampong paburen mawala. Angga king tumwa tamu, mikakaluguran pa rin ne? Nung e kayu sagut "Wa," panumbukan da kayu sige. Kaluguran da kayung babatak! Ing kekayung, Syry

82


KEY

83


84

Ikaw ang una kong naaalala Sa tuwing nakakakita ako ng Dilaw na bagay.

HAESE


SYRY Hanggang kailan ka nakaupo? Hanggang kailan ka maghihintay? Hanggang kailan ka mananatili riyan? Hanggang kailan ka nakatitig sa kawalan? Baka hindi mo namamalayan, umabot ka na sa iyong hangganan.

85


Ilaw mo ang siyang aking hahanapin. Init mo ay siyang aking yayakapin Dito sa madilim kong mundo, ‘Di ko inakalang muli akong mabubuo. 86

Hanggang sa muli nating pagkikita.


Contributors ABELARDO JR. CORTEZ

ANGEL RUSELLE PERIA ASHLYN JANE NON CAMILLE JOYCE CABRERA CAMILLE SURLA CARL DANRYLLE DEL FIN CATHERINE RECORTE CHESA FILOSOFO DAPHNE NICOLE MEDINA ELEILA GONZALES GWYNETH LEE MANGALIMAN HERMAN SAMSON HUIE LANCE CASTRO JAPPRIL MOSENDE JILLIAN MAY AYUYAO JUSTHINE KAYLO LAO KHYLA NICHOLE CANLAS LORAINE CLAVO LYKA MARIMLA MA. ANGELA CORDOVA MICHAELA NOREEN ELIZALDE MILKER GUTIERREZ NICOLE DIANE LIWANAG SHAINA GIL SUNGA SOPHIA MARIE VALENCIA TRISHA DENISE DIMABUYU

87


ANINAG LITERARY FOLIO 88 2020 OKTUBRE


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.