7 minute read
FILIPINO
© Merliez Mandap
Panaginip
Isinulat ni: Merliez Mandap
Taong nagmula sa aking panaginip O, parang anghel na nagmula sa langit Kay gusto kitang makita’t makilala Ilusyon ka lang ba talaga?
Gabi gabi, ako’y naghihintay Sa aking higaan ako ay nakaratay, Isipan ko’y parang walang tigil na orasan Kailan mo ba ako lalapitan?
Lumipas ang ilang buwan, Nalaman ko narin ang iyong pangalan Tayo’y naging matalik na magkaibigan Aking hiling na huwag mo akong iwanan
Nais ko lang na ipaalam sa iyo Na pinuno mo ng liwanag ang aking mundo Noong ako’y nag-iisa’t nababalot ng kalungkutan Habang ako’y nasa bungad ng kamatayan
Ilang araw, taon na ang nakalipas Kay tagal na ng huli kitang namasdan Hanggang ngayon hindi parin kita nalilimutan Nasaan ka, panaginip ka nga lang ba talaga?
Kandila ng Buhay
Isinulat ni: Merliez Mandap
Sa isang silid,isang kandila ang nakatindig Regalo ng maykapal at tagabigay liwanag Nagmimistulang pundasyon upang tumatag Sa pagsibol ng buhay sa mundo Para tayo'y sa sariling paa makatayo
Ang apoy na kumikislap at nagaalab Sadyang mayayapos sa hinaharap Habang nagpapatuloy ang buhay, umiikli ito, Ngunit andyan pa rin ang nagliliyab na pagmamahalan Na mananatili kailanman
Ngunit buhay ay hindi lamang tungkol sa paghihirap Nabubuhay tayo para magpaliwanag ng mundo ng ibang tao Kaya, kapag ang apoy ay humihina na, Ipaalam mo sa taong iyon na mahal mo sila, Upang madama ang liwanag at init ng buhay
Habang lumilipas ang panahon, unti unting nawawala ang apoy At gayon din ang buhay ng tao Ngunit hindi dito nagtatapos ang yugto Isang bagong henerasyon ang isisilang At isang bagong apoy ang magpapatingkad sa kadiliman
© Merliez Mandap
© Merliez Mandap
Edukasyon sa Makabagong Panahon
Isinulat ni: Jerald Pagnanawon
Bahay na nagsisilbing silid aralan Sa apat na sulok aking pinapamalas ang katyagaan Ngunit minsa'y walang maintindihan, at inatake pa ng kabagutan. Kailan ba tayo magbabalik sa normal na nakasanayan?
Mabilis na pagtakbo ng oras Bukang liwayway na pala ang nakalipas "O, aking mga gawain kailan mo ako lulubayan?" Wika ng mga guro at estudyante na lamog ang katawan.
Huwag natin sukuan ang ating pangarap Matutumbasan din ang lahat ng mga paghihirap Gamit ang tulong ng bagong kaalaman Kabataan maging pag-asa ng bayan
Karamihan na ang nahihirapan Ngunit patuloy parin na lumalaban Kahit ganoon man tayo ay magsisikap na tunay Makamit lamang ang inaabot ng kamay
Para sa kinabukasan Ninanais kahatnan Patungo sa ating tagumpay Na magiging susi sa pinto ng buhay.
Ang pandemya ay hindi dapat maging hadlang sa ating kaalaman at edukasyon. Tayo ay nararapat na may matutunan, Kahit ito'y mapa online man at hindi naayon sa nakagawian noon.
Pangarap
Isinulat ni: Jerald Pagnanawon
Sa palibot ng bukirin masisilayan ang napakagandang bata na si Elaine. Nagmula siya sa isang pamilyang sapat lang ang ikinabubuhay.Si Elaine ang panganay sa tatlong magkapatid, at ang kanyang mga magulang ay isang magsasaka.Dahil sa dinaranas nilang kahirapan, nagsumikap mag-aral si Elaine, upang makamit ang nais na maiahon ang pamilya sa kanilang sitwasyon.Pangarap ni Elaine na makapagpatayo ng isang restawrant,katwiran niya'y sa bawat takam na nadarama ng mga panauhin, ay matutulungan hindi lang ang kanyang pamilya pati na rin ang mga taong nakapaligid sa kanya.
Ilang taon na ang nakalipas nasa wastong gulang na si Elaine, tapos na rin siya ng kolehiyo.Umusbong ang bagong kaalaman at nadagdagan ang mga hirap na nararanasan sa simula ng pagtatrabaho. Sa bawat araw dala pa rin niya ang pangarap na inimbak sa opisinang ginagalawan.Dasal sa panginoo'y sana matupad ito dala na rin ng araw-araw na kasikapan.
Hindi kalaunan siya ang naging tagapamahala ng kanilang opisina. Sa pagtaas ng ranggo may kaakibat na pagtaas ng sweldong angkop sa restwarang nais ipatayo.
Sinong mag-aakalang ang musmos na bata noo'y nagtitiis lang sa pagdildil ng asin ay nagmamay-ari na ng isang restawran. Sumikat ang restawrant na pinatayo niya kaya, pinalawig niya pa ito sa iba't ibang pamayanan para magsilbing tulong sa mga kabataang tulad niya noon. Ipinagpatuloy niya ang nasimulang paglalakbay at nagawaran ng maraming sertipiko ng pagkilala.Ngayon ang diwa ni Elaine ay dumadaloy sa pamana niyang dala. Ayon sa kanyang huling panayam, inihayag na , " Magbago man ang perspektibo sa buhay, umahon man o madapa basta paninindigan ng may takot sa Diyos tiyak na hindi pagsisihan, ito ay ang pangarap" © Lian Gabriel Niedo
Yakap
By: Jieane Gale Delos Santos
© Jieane Gale Delos Santos Buong buhay ko, Lamig ang aking nadarama. Nakakapagod, Nakakapanghina ng loob. Para saan o para kanino ba itong ginagawa ko? Simula pagkabata,hindi ko madama ang init ng yakap kahit kanino. Walang sinuman ang nagpa-dama sa akin ng tunay na pagmamahal. Namatay ang aking mga magulang noong ako'y limang taong-gulang pa lamang. Naiinggit nga ako sa iba, kahit wala silang natatanggap na parangal sa paaralan ay masaya parin sila dahil may taong tatanggap at magmamahal sa kanilang presensya ano man ang mangyari. Pero pano naman ako? Nakukuha ang matatas na award, at wala pa ring nasa tabi ko't pumapalakpak para dito...
May mga sandaling umiiyak ako ng tahimik sa aking silid, umaasa at nagdarasal sa diyos na gabayan niya ako, at nawa'y bigyan na rin ako ng isang taong makakasama sa bawat sandali ng aking buhay. 'Yun talaga gusto ko. Hindi ko inakalang dumating na pala ang taong iyon. Mayroon akong nakilalang kaklase, si Arya, siya'y nagmula sa bansang Russia. Noong una, hindi ko siya kinakausap, kahit gustuhin ko man ay hindi ko alam kung paano, dahil nga hindi pa ako nakikipagkaibigan sa kahit sino. Hanggang dumating na sa puntong siya na ang nakipag-usap sa akin. Nang matapos ang seremonya na ginanap sa Zoom, tinawagan niya ako at kinamusta.
"Kamusta ka Mary? Binabati kita sa mga nakuha mong award kanina! Ang galing mo talaga!" sabi niya, hindi pa ganun ka-hasa ang pagsasalita niya sa tagalog kaya't natuwa ako ng binati niya ako, siya pa lamang ang bumati sa akin sa araw na iyon, maliban sa aking mga guro. Sinagot ko si Arya, "Maraming Salamat, Arya! Nakakatuwa naman na gumagamit ka ng tagalog, kahit hindi ka pa ganun kasanay" ani ko. "Salamat din, gusto ko rin talaga mas matuto pa, dahil gustong gusto ko na kapag nagkita kita na tayo ng personal sa klase ay hindi ko na kakailanganin ng translator" sagot niya.
"Kung gusto mo, tutulungan kita…" dagdag ko, umaasang mas maging malapit at makilala siya. sumagot siya, "Really? Thank- ay! Ibig kong sabihin ay, maraming salamat! Nawa'y maging mabuting magkaibigan din tayo!" Nang marinig ko ang sinabi niyang iyon, nabuhayan ako, hindi ko pa ito naramdaman noon, magkakaroon na ako ng kaibigan, sa wakas! Kahit walang klase, nag-uusap kami ni Arya sa online call, tinuturuan ko siya para mahasa sa tagalog, at pagkatapos ay manonood ng mga pelikula o 'di naman kaya maglalaro ng magkasama. Buong bakasyon namin ay napakasaya, magkasama.
Makalipas ang ilang buwan, Nagsimula na ang bagong taon ng online class namin. Mas gumaling na si Arya sa pag-tatagalog, alam din ng magulang niya na tinuturuan ko siya at magkaibigan na kami. Nagtutulungan din kami ni Arya sa mga leksyon at gawain sa klase, tulad na lamang kapag may mga hindi siya maunawaang salita sa tagalog.
Lumipas muli ang ilang buwan, malapit na sumapit ang kapaskuhan. Natapos naman namin ni Arya ang unang kwarter na matataas ang grado. Maliban roon ay inaya ako ng mga magulang ni Arya na pumunta sa bahay nila sa kaarawan ni Arya, dahil malapit na ito at dahil nabakunahan na kami laban sa Covid-19. Ilang araw na ang lumipas at sumapit na rin ang kaarawan ni Arya, ginawan ko na rin siya ng regalo. Ako'y labis na nagagalak sapagkat makikita ko na rin siya sa wakas. Nang makita ko siya, dali-dali siyang tumakbo papunta sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Sa kalooblooban ko ay labis akong nasisiyahan, dahil pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan ko sa buhay, sa wakas ay may makakasama na akong kaibigan.
Hindi naging hadlang ang mga pagkakaiba namin, dahil hindi naman talaga dapat maging hadlang ang pagkakaiba sa ating lahat. Anumang katayuan at nationalidad basta parehas ng gustong abutin at kaalamang palalaguin, magpatuloy lang at may maganda itong kalalabasan.