1 minute read
Buwan ng Wika 2022, Birtuwal na Ipinagdiwang
By Mishael Defeo
Ipinagdiwang ng dibisyon ng Senior High School (SHS) ng José Rizal University (JRU) ang taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa pamamaraang birtuwal na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha,” sa opisyal na Facebook Page ng JRU noong ika-30 ng Agosto.
Alinsunod sa tema, naglunsad ng isang video vlog ang dibisyon na pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa ika-12 baitang na sina John Vincent Borbon, E12P; Haynes Florhen Keith Famador, M12P at mga kawani ng MAPANSIN Club, na layong maipakita ang husay ng mga Rizaliano pagdating sa usapin ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pamamagitan ng isang interbyu.
Sa interbyu, itinanong ang mga impormasyon na may kinalaman sa wikang Filipino. Pagdating naman sa mga katutubong wika, itinanong ang mga katumbas na salita ng iilang katutubong salita sa Filipino. Ang interbyu ay nilahukan ng mga piling Rizaliano mula sa mga estudyante sa iba’t ibang baitang at dibisyon, mga guro at maging ang mga non-teaching personnel ay nakilahok din.
Bukod pa rito, naipakita rin sa vlog ang isang patimpalak na isinagawa ng dibisyon, “Buwan ng Wika Korner: Ipagmalaki Na
‘Yan!” na may layong maipakita ang mayamang kultura at wika ng iba’t ibang probinsya sa Pilipinas na nilahukan ng ibang dibisyon at maging ang iilang tanggapan ng paaralan, katulad na lamang ng Elementary School Division, Guidance and Testing Office, Student Development Office, at College of Education, Arts and Sciences.
Sa patimpalak na ito, nakamit ng College of Education, Arts and Sciences ang ikatlong gantimpala; ikalawang gantimpala naman ang naiuwi ng Elementary School Division, at Student Development Office naman ang nakapag-uwi ng unang gantimpala.
Gayundin, pinasalamatan ni Gng. Carissa Enteria, Punong
Kagawaran ng Wika at Agham Panlipunan ang mga tao sa likod ng matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nagpahayag din siya ng kaniyang pasasalamat sa mga nakilahok sa mga patimpalak at ang mga mahuhusay na Rizaliano na sumagot sa panayam.
“...Kahit na dalawang taon tayong na-lockdown dahil sa pandemya, nagkaroon tayo ng oportunidad para makagawa ng isang natatanging programa na kakaiba [kumpara] sa mga Buwan ng Wika na ipinagdiriwang natin taon-taon.” ani G. Romel C. Navarro, punongguro ng dibisyon ng SHS, sa kanyang pambungad na pananalita.