6 minute read

ILOILO MUSEUMS: Pagtanaw sa Pamana ng Nakalipas na Panahon

Ni: Mdpwn. Erica F. Opinion, Mdpn. RV John E. Fortaleza at Mdpn. Dave Tubio

Mga Kuhang Litrato ni: Mdpn. John Jerard D. Tejero

Advertisement

National Museum- Western Visayas: Ang Mayamang Kultura at Pamana ng Panay Island

Sa pag-angat ng modernisasyon sa halos lahat ng aspeto ng ating pamumuhay, may lugar pa ba para sa kultura at pamana ng ating nakaraan? Tahanan ng kahapon man silang maituturing ngunit isang katotohanan na hindi maitatanggi na sila ay isang kayamanan ng kasalukuyan at ng kinabukasan. Halina’t ating pasukin ang ilan sa mga museo sa lalawigan ng Iloilo kung saan ang ating kasaysayan ay nakakubli. Kasingtingkad at kinang ng ginto ang araw ng Enero 20, 2023 para sa mga mamamayan ng bayan ng Oton at buong lalawigan ng Iloilo. Matapos ang 56 na taon, muling nakauwi sa kanyang tunay na tahanan ang “Tamung nga bulawan” o ang “Oton Gold Death Mask”. Ang naturang relikya ay nahukay noong Hunyo 5, 1967 sa lupa ng pamilyang Mediavilla sa Brgy. San Antonio, Oton. Ito ay natagpuan na nakapatong sa mukha ng isang namayapa. Ang tamung nga bulawan ay gawa sa gintong palara na hinati sa tila dalawang hugis dahon at mayroon din para sa balingusan ng ilong. May palamuti o disenyo na nakalagay sa gilid nito na tinatawag na “repousse dots”. Pinaniniwalaan na ang mga makapangyarihan at mayaman na pamilya lamang ang nilalagyan ng naturang maskara. Ang mga naunang Bisaya ay naniniwala na kapag ang isang tao ay namatay, naghihiwalay ang kaluluwa sa katawan nito kaya maaaring pasukan ng masamang kaluluwa. Kaya bilang proteksyon, nilalagyan nila ang bangkay ng mamamahaling alahas at “tamung nga bulawan” naman sa mukha. Ang kinang na mula sa mga ginto ay siyang nagtataboy ng mga masasamang kaluluwa.

Isa lamang ang “Oton Gold Death Mask” sa maraming pang pwedeng makita sa Museo ng Iloilo. Ang National MuseumWestern Visayas ay dating bilangguan sa lalawigan ng Iloilo at ang paggamit nito bilang isang museo ay nagsimula noong taong 2014. Mayroong limang galerya na nakapaloob sa ang naturang museo ngayon at bawat bahagi nito ay naglalaman at nagpapakita ng makabuluhan at makasaysayang kwento at relika ng kahapon.

Gallery 1: “Bulwagan ng Heolohiya at Paleyontolohiya”

Sa unang galerya ng museo ay matutuklasan kung paano nahubog ng heolohiya ang mga kalupaan ng Kaunlarang Kabisayaan at ang pamumuhay ng mga taong naninirahan dito. Makikita din dito ang mga pinakamalumang bato sa rehiyon at mga fossils ng elepante at stegodont.

Gallery 2: “Mga Ginto sa Pre-kolonyal na Pilipinas”

Sa bulwagang namang ito ay matutunghayan ang samut-saring mga kagamitan at relikya na gawa sa ginto na ginagamit noong unang panahon. At ang pinakatampok ngayon sa galeryang ito ay ang “Oton Gold Death Mask.”

Gallery 4: Habol Panay: The Woven Artistry of Western Visayas

Matutuklasan naman ang mga makukulay na hablon ng Iloilo at Antique, ang panubok ng Panay Bukidnon, at ang detalyadong burda at bobbin laces ng Asilo de Molo at WUTHLE sa silid na ito. Makikita din dito ang produksyon ng pinya at sutla at paghabi ng Aklan at Negros Occidental.

Gallery 5: Bugasong to Barcelona (Life and Works of Felix Laureano, the First Filipino Photographer)

“Well, I think it’s really wonderful, especially since I don’t get to experience a whole lot of my culture back in the States. I don’t get a whole lot of that. So just being immersed in it and getting to see all of the history, which is part of my culture, is super cool,” pahayag ni Kristen Diaz, isang amerikanang turista.

Museum of Philippine Maritime History: Ang Paglalayag ng Pilipinas sa Kasaysayan

Mula sa pagdating ng mga Austronesian hanggang sa maagang inter-island migration, at mula sa pre-kolonyal na pangangalakal sa mga karatig na isla hanggang sa pakikipag-ugnayan sa Asian at Western worlds, lahat ay nagmarka bilang pagsisimula ng kasaysayan ng maritime ng Pilipinas, at siya pang higit na umunlad sa kasalukuyan. Kaya naman, nararapat na pagnilayan ang pagbabago ng bansa tungo sa pag-unlad bilang paalala ng ating mga tagumpay sa kasaysayan. Magsagawa tayo ng maikling paglalakbay sa kasaysayan. Sa tapat mismo ng Sunburst Park, isang makasaysayang lugar at testamento ng kagitingan ng mga Ilonggo noong WWII, makikita ang bagong-tatag na Museo ng Philippine MaritimeHistory ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Ang bagong-tatag na museo na ito ay matatagpuan sa inayos na lumang Iloilo Customs House, ang pangalawa sa pinakamalaki at pinakamatanda sa bansa na naglalaman ng modernong-panahong Bureau of Customs. Nagtatampok ang Museo ng dalawang bulwagan na nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng malawak na kasaysayan at kultura patungkol sa paglalayag ng bansa. Ang kanang bahagi ng Museo ay nagpapakita ng Philippine Maritime History hanggang sa katapusan ng panahon ng Kastila. Ito ay higit na nahahati sa tatlong mga seksyon, ito ay ang mga: “Ang Kapuluan ng Pilipinas at ang Sinaunang Panahon,” “Ang mga Dagat ng Pilipinas at ang mga Unang Paggalugad ng mga Europeo,” at “Ang mga Dagat ng Pilipinas sa Ika-18 Dantaon.” Ang pangalawang bulwagan naman ay nagtatampok sa panahon ng mga Amerikano hanggang sa modernisasyon ng paglalayag sa bansa. Napabilang dito ang “Ang Kapuluan ng Pilipinas: Mula sa Kalayaan Tungo sa mga Bagong Mananakop,” “Ang mga Dagat ng Pilipinas sa Panahong Kasalukuyan,” at “Ang Industriya ng Pangingisda sa Pilipinas.” Kabilang sa mga kilalang piraso sa naunang bulwagan ay ang Mapa ng mga Ilog ng Pilipinas, mga modelo ng Balangay, Karakoa, Lantaka, Katig at Layag, Kudyap, Manunggul Jar, at marami pang iba. Sa kabilang panig ay higit na nakatuon sa mga makasaysayang pangyayari tulad ng “Pagbukas ng

Pilipinas sa Internasyonal na Kalakalan,” “Mga Donor sa Navy,” “Ang Pagsakop ng Estados Unidos ng Amerika,” “International Service of Steamships,” “The Filipino Seafarer,” at maging ang mga trahedyang tulad ng “Sea Mishaps in Recent Philippine History.”

Habang ang pagtatatag ng museo na ito ay maaaring potensyal na palakasin ang turismo ng lungsod sa isang banda, mahalagang kilalanin na ito ay higit pa sa pang-akit. Ito ay isang preserbasyon ng ating mahabang kasaysayan ng transportasyon sa dagat at isang salaysay ng mga kaganapan at trahedya na humubog sa industriya ng maritime at pagkakakilanlan ng bansa. Ang Museum of Philippine Maritime History ay saksi sa transisyon ng bansa bilang pangunahing hub para sa internasyonal na kalakalan at globalisasyon.

PHILIPPINE MUSEUM OF ECONOMIC HISTORY: Pagbabalik Tanaw sa Pag-usbong ng

Ekonomiya sa Bansa

Maliban sa unang dalawang museong nabangggit, may isa pang museo ang maaaring mapuntahan sa Iloilo. Ang Philippine Museum of Economic History ay matatagpuan sa Ortiz Street, Iloilo City at ito ay dating silid ng Commission on Audit. Maganda at matibay ang pagkakagawa ng naturang gusali, kung saan sa estruktura pa lamang nito ay sadyang pamana na ng nagdaang panahon. Sa museo namang ito ay ating matutuklasan kung paano nagsimula at umunlad ang ekonomiya ng bansang Pilipinas sa pagdaan ng panahon. Sa lalawigan ng Iloilo, ang paghahabi ng tela ang siyang bumuhay sa karamihan ng nakatira sa lalawigan ng Iloilo. Ito ang pangunahing produkto na iniluluwas ng bandang maagang ika-19 dantaon. Ang “hablon” o ang makulay na tela ang hinahabi ng sinaunang Panayanon upang ikalakal. Dahil dito, naging maunlad at mayaman ang ekonomiya ng Iloilo kung saan noong 1856 nakapagtala ng 60, 000 na teral or habihan sa buong lalawigan si Nicholas Loney, isang Vice Consul sa England. Sa kabilang dako, naging malaki rin ang naging ambag ng pagtatanim ng tubo sa ekonomiya ng bansa. Ang tubo ay isa sa mga tradisyunal na pananim ng mga Pilipino. Sa panahon ng kolonisasyon ng mga Espanyol, ang tubo ang naging pangunahing pananim sa mga itinatag na hacienda lalo na sa Gitnang Luzon (Pampanga at Tarlac), Timog Katagalugan (Batangas at Laguna), at Kanlurang Kabisayaan (Iloilo at Negros). Ang asukal bilang pangunahing produkto, ang siyang naging dahilan sa mabilisang pag-unlad ng mga nasabing rehiyon. Dagdag pa dito, kabilang din ang produktong niyog, pagsasaka at pangingisda na hanapbuhay sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa Philippine Museum of Economic History ay makikita ang mga hablon na mula sa Dueñas at Miag-ao, Piloncito, at ang bangang Martaban na mula sa bansang Burma. Matutunghayan din ang mga sinaunang salapi, porselana at mga kasuotan ng mga katutubo, kasama na ang mga palamuti at lumang kagamitan nila. Nakakatuwa lamang pagmasdan ng mga kagamitan sa loob ng museo lalo na’t sa libro lang dati ito makikita, katulad ng iba’t-ibang sandata na ginamit sa digmaan tulad ng “Kampilan”. Sa kabilang dako naman, higit ding nakatuon ang naturang museo sa mga makasaysayang pangyayari tulad ng Overseas Trade, mga sinaunang salapi sa panahon ng Digmaang Hapon-Amerikano at ang pag-usbong ng paggamit ng bagong teknolohiya sa pagsasaka at agrikultura.

Bilang isang Pilipino, mahalaga na tuklasin natin ang ating pinagmulan upang tayo ay makatawid mahusay at may saysay sa ating kasalukuyan at kinabukasan. Ang mga museo ang ating nagsisilbing tulay sa mayamang nakaraan. Kaya nararapat lamang na atin itong pahalagahan dahil dito nakakubli ang ating kultura at pamana ng kahapon na siyang tunay na kayamanan ng kasalukuyan at kinabukasan.

This article is from: