1 minute read
Hoy, Biboy
Hoy, Biboy!!
Ni Drexel John N. Amit
Advertisement
Oh, Biboy! Ang aga mo naman atang gumising? Ay, oo nga pala! Ikaw pa ay magsasaing. Pagkatapos magsalang ay gagayak sa panaderya, bibili ng pandesal at kapeng panimpla.
Oh, Biboy! Nagmamadali ka atang lumabas ng kubeta? Mahuhuli ka na ba sa pagpasok sa eskwela? O sadyang ikaw lamang ay nagpapa-aga, upang may oras pang maigugugul sa librerya?
Oh, Biboy! Ampogi natin sa bagong plantsang uniporme ah! Ipares pa ang matingkad na ngiti at mga matang puno ng sigla. Nagbunga ata ang iyong agarang paghahanda! Nakikini-kinita ko ang hinaharap mong kasiya-siya!
Kaya alam mo, Biboy? Ako’y hanga sa’yo: sa sipag, tiyaga, at katatagan mo. Nawa’y patuloy kang maging huwaran, at lahat ng minimithi ay iyong makamtan.
Pero teka, Biboy, anong nangyari? Tila yata naiwakli mo ang iyong sarili. Saan napunta ang iyong pagpupunyagi? Maibabalik pa kaya ang dati?
Hoy, Biboy! Bilis na’t ika’y gumising! Hoy, Biboy! Ikaw pa ay magsasaing! Hoy, Biboy! Pumunta ka na ng panaderya! Hoy, Biboy! Bumili ka na ng kape’t magtimpla!
Hoy, Biboy! Bumalik ka na!
5