4 minute read
Ang Intermisyon ng Mandudula
Ang Intermisyon ng Mandudula Ni Mari
EKSENA 1: INT. KAPEHAN - UMAGA
Advertisement
Lumutang ang halimuyak ng kape sa hangin habang pabalik-balik ang mga taong may tig-iisang hawak na paper cup sa kapehan. Sa gitna ng matrabahong araw, makikita sa isang sulok ang isang estudyanteng naghahandang simulan ang kanyang sanaysay. Binuksan nito ang kanyang laptop at mariing napatitig dito.
MITHI Ayoko na.
“Ayoko na,” bulong ni Mithi sa kanyang sarili habang binubura ang mga walang kabuluhang salita sa kanyang laptop. Kung bakit napagpasyahan niyang tumambay sa kapehan ay dahil usap-usapang mabisa itong pampagana ng utak upang mas matulin ang pagsusulat. Ngunit anong tangka niya mang makapag-isip ng ideya, ilang oras na ang nakalipas ay blangko pa rin ang mga pahinang hawak-hawak ng dalaga. Wala siyang ibang natamo kundi ang paglagok ng tatlong tasa ng kape at isang dokumento sa Microsoft Word na walang laman.
“Hindi na lang ako mag-reretiro,” reklamo nito sabay buntong-hininga.
Ilang araw na ang nakalipas at magulo pa rin ang kanyang isipan. Naghahanda na ito para sa kanyang panghuling yuko pagkatapos ang matagumpay na 25-taong karerang puno ng mga parangal sa larangan ng pagdudula.
EKSENA 2: EXT. BAYBAYIN - PAGLUBOG NG ARAW
Sa ilalim ng gabing kalangitan, masusulyapan ang isang mag-amang tahimik na nakahiga sa buhangin. Sa kabila ng gulong dala ng mga taong naghahabulan at nagtatampisaw sa tabing dagat,ito ang bagay na pinakamalapit sa langit para sa kanilang dalawa.
Palipat-lipat ang tingin ni Mithi sa pagitan ng kanyang kompyuter at sa mag-amang nakahiga malapit sa kanya. Makalipas ang ilang araw, natagpuan na naman nito ang kanyang sarili sa tabing baybayin ng kanyang tirahan.
14
Ito ang kanyang proseso ng pagsusulat: ginagalugad nito ang kanyang probinsya—nagbabakasakaling makahanap ng inspirasyon para sa kanyang susunod na obra maestra.
Hindi siya kailanman nawawalan ng ideya hangga’t nasa labas siya ng bahay. Nasasaksihan niya ang lahat ng mga pangyayari sa kanyang arawaraw na pakikipagsapalaran: mga kabataang naglalaro ng Chinese garter, mga nagngingitiang taga-tinda ng taho, at maging ang away ng mga basagulero sa kalye—patunay na ang mga pangyayari sa kanyang bayan ang mga pangunahing paksa ng kanyang matagumpay na karera.
Hindi pa lubos na kuntento sa kanyang naisulat, nagpasya na si Mithi na umuwi na lamang upang pakalmahin ang kanyang isipan bagama’t labis itong nangangamba na hindi niya matatapos ang dula sa oras.
EKSENA 3: EXT. PARKE - DAPIT-UMAGA
MITHI (habang nakatutok sa isinusulat) Kumakaluskos ang mga dahon. Malamig ang hangin. Ayaw kong tumakbo at nagugutom ako…
Nakasimangot niyang ibinalik ang telepono sa kanyang bulsa nang mapagtantong mga muni-muni niya na ang kanyang naisusulat. Tila siya’y mababaliw na. Maya’t maya’y tumunog ulit ito at isang text mula sa kanyang ahente ang kanyang natanggap. Nagpapaalala itong ilang oras na lang ang natitira upang tapusin ang kanyang sulatin. Halos sinubukan na niya ang lahat ng ideya para ipagpatuloy ang kanyang pagsulat, ngunit hindi pa rin ito umuusad.
Dismayang napauwi si Mithi at ibinagsak ang sarili sa kanyang kama. Ang tahimik na bahay ang pinakahuling lugar na gusto niyang mapag-iwanan dahil dito dumadalaw ang pinakanatatakutan nito: ang rumaragasang mga kaisipan.
Walang anu-anong napuno ng takot, gunita, at mga palaisipan si Mithi. Muli siyang hinabol ng mga guniguni ng nakalipas: ang unang napanood na dula na isang lokal na produksyon ng Hamlet kasama ang kanyang ina, ang pagtanggap ng kanyang unang typewriter, ang unang panalo ng parangal para sa kanyang debut play, ang paghihiwalay ng kanyang mga magulang, at ang kanyang unang pagkakataong magmahal. Ang lahat ng ito ay patuloy na bumabagabag sa kanya.
15
Dulot ng bugso ng damdamin, hindi na namalayan ni Mithi na napaupo na ito sa harap ng kanyang kompyuter habang sunod-sunod ang taas-baba ng mga daliri sa teklada.
EKSENA 4: INT. KWARTO - HAPON
“Kakaiba ito ah,” ani Mithi sa kanyang sarili. Kailanma’y hindi niya naranasang maudyukan ng mga ideya sa loob ng isang masikip at ordinaryong kwarto— taliwas sa kanyang karaniwang proseso ng pagsusulat. Marahil, baka oras na ito para sa pagbabago.
INA Bilisan mo! Mahuhuli na tayo.
Sa tunog ng boses ng kanyang ina, naalimpungatan ang batang babae mula sa pagpapasariwa ng kanyang sarili at pag-aayos ng kanyang mabulaklak na damit. Nasasabik itong mapanood ang Hamlet ni William Shakespeare sa malapit na teatro kasama ang kanyang ina. Labas sa kaalaman nito na dito rin mismo magsisimula ang kanyang mga pangarap.
BATA Papunta na ako!
Patuloy ang pagdagsa ng mga salita habang tinitipa ni Mithi ang kwento ng kanyang buhay. Ito na ‘yon. Ang kanyang.retirement piece: isang coming-of-age na salaysay tungkol sa isang makikipagsapalarang bata na mahilig gumawa ng mga kwentong hango sa kanyang paglalakbay—tulad ng kanyang sarili. Sa tagal ng panahong paghahanap ni Mithi ng inspirasyon mula sa ibang mga bagay, kanyang napagtanto na ang pinakadakilang inspirasyon ay ang mismong sarili.
Patapos na ang intermisyon ni Mithi, subalit dito pa lamang magsisimula ang kanyang paglaki higit pa sa pagiging isang mandudula. Ngayon, oras na para sa kanyang huling yuko.
16
Art by Josh Aldrich B. Diola 17