1 minute read
Hiraya Manawari
Hiraya Manawari Ni Esther Joyce M. Limbaña
Handa, hindi pa handa. Daan-daang palakpakan at hiyawan ang salubong, kasabay ang sapantahang hindi mabubuksan ang telon. Kakampi ang munting saglit na maglalantad sa bagong akda.
Advertisement
Bubungad, hindi bubungad. Bawat patak ng oras, ako’y nananalangin— sinasambit ang mga nanlalamig na pagsamong sana’y dinggin. May pag-aalinlangan man o wala—sansinukob—ika’y magsalita.
Hihintay, hindi hihintay. Kabisado ko na ang bawat salita ng aking mga hiraya. Binubulong sa hangin na ako’y piliin at tugunan. Hindi sigurado, ngunit sana’y makamtan.
Titimpi, hindi titimpi. Kahapisan man ang nanaig sa puntong ito, batid kong may naghihintay na entablado— isang yugtong tatanggap sa ‘kin nang walang agam-agam.
Uumpisa, hindi uumpisa. Kahagkan ko ang buwan na naghihintay sa umaga, marahuyong nag-aabang sa maikling panahon upang gawaran ang mga nakatalaga kong teatrong likha.
Pagmamasdan, hindi pagmamasdan. Nagniningning ang aking mga mata sa mundong dinadalangin— nakatitig sa tagpuang handa kong palagian. Gayunman, maghihintay pa rin hanggang takipsilim.
Aarte, hindi aarte. Naririnig ko na ang daan-daang palakpakan at hiyawan, kasabay ang sapantahang magbubukas ang telon. Paanyayang tugma nga ba ang aking tanghal sa tamang panahon?
22