![](https://assets.isu.pub/document-structure/210517120922-f3c5d50fd25367f23d8ff13d1baeadbb/v1/0a0726413d37ce4bc60b2f5102f07d9f.jpg?width=720&quality=85%2C50)
4 minute read
Panata
Mga kababayan, di ko nais na kayo ay maging kalaban! Tayo ay sumumpa sa Panatang Makabayan! Ngunit paano ba ito simulan kung buong Pilipinas ay hubog sa maling katotohanan. Lahat ng tao ay may karapatan – karapatan mabuhay, makapag-aral, makakain atbp. Pero sa panahon ngayon, mayroong isang karapatan na pilit tayo ay hinahamon, ang karapatang makapamahayag at sa katotohanan. Ika-4 ng Mayo taong ito, nawalan na ng bias ang prangkisa ng pinakamalaking kompanya ng medya at telekomunikasyon sa Pilipinas, ang ABS-CBN. Taong 2014 at 2015 pa lang ay nagsumite na sa Kongreso ang nasabing kompanya upang talakayin ang pagpapanibago ng prangkisa ng ABS-CBN ngunit ito ay napabayaan sapagkat napapanahon ang mga malalaking problema ng administrasyong Aquino ng mga taong iyon. Nagsumite muli ng kahilingan ang ABS-CBN sa Kongreso sa sumunod na taon ngunit ito ay naudlot ng hindi payagan ng House of the Representatives dahil umano sa “di magandang ugnayan” ng kompanya sa isang kandidato sa pagka-Pangulo na si Mayor Rodrigo Duterte. Dahil na din sa nagaganap na eleksyon sa taong iyon ay muling naisantabi ang talakaying prangkisa ng ABS-CBN. 7:52 ng gabi, ika-5 ng Mayo, marami ang nabulabog ng sa kalagitnaan ng isang pandemya ay biglaang ipasara ang malaki at mayamang korporasyon. Nagsumite ng ceast and desist order ang NTC o ang National Telecommunications Center, ang ahensyang nangangasiwa at gumagabay sa lahat ng kompanyang pang-telekomunikasyon at medya sa bansa. Ang naturang ceast and desist order ay umuutos na ipatigil sa ere ang ABS-CBN kabilang na ang 42 pa nitong networks gaya ng Teleradyo at MOR. Ngunit pinayagan ang Star Music at Star Cinema na makabalik sa ere noong Hunyo 13 dahil hindi sakop ng lehislatibong prangkisa ang mga operasyon nito. Tinatayang nasa 11-libong empleyado ang mawawalan trabaho kapag tuluyan ng di makabalik sa ere ang network. Hindi lubos maisip ng karamihang Pilipino kung bakit ito nagagawa ng gobyerno. Marami ang nagalit, nagprotesta, at nagpetisyon dahil umano sa pagtingin ng masa dito bilang hamon sa malayang pamamahayag o “threat to press freedom”. Marami ang nagalit sa Pangulo sa kadahilanang mas inuna ang personal na interes kaysa bayang Pilipinas. Subalit bakit nadamay ang Pangulo sa isyung ito? Taong 2016 noong eleksyon, kapansin-pansin na may mga patalastas ang Pangulong Duterte na hindi inilabas ng ABS-CBN. Mas lumala ang tensiyon sa pagitan ng kampo ni Duterte at ng network ng ipalabas ang patalastas ni Antonio Trillanes na kumokontra sa nasabing Pangulo. Ngunit sa araw na tinalakay ang usapin sa Kongreso, humingi ng tawad ang CEO na si Carlo Katigbak ng paumanhin at tawad sa Pangulo at ito naman ay tinaggap ng Pangulo kaya naman ay naalis na ang isyu tungkol doon. Subalit muling kinasuhan ang ABS-CBN ng Solicitor General ng Pilipanas dahil sa mga iba pa nitong nalabag sa batas. Ang mga isyu ay ang usapin tungkol sa buwis o tax evasion, labor violations o ang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa o empleyado, ang operasyong ng TV Plus Box o ang Kapamilya Box Office ng walang pahintulot at gabay mula sa NTC, ang biased na pagbabalita at pangingi-alam sa usaping pulitika, at panghuli ang pagkukuwestiyon sa pagka-Pilipino ng may-ari ng korporasyon na si Lopez. Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang aking lupang sinilangan. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan upang maging malakas, maligaya, at kapakipakinabang. Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang. Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan. Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan. Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Advertisement
Tayo ay nanumpa mula pa sa pagkabata. Siguro nga ay naging marahas ang administrasyong kasalukuyan. Pero tanong ko lang mga kababayan? Natanong mo na ba ang sarili mo hanggang kailan ka maniniwala sa walang kasiguraduhan? Bilang isang Pilipino, ako ay para sa pangkalahatan. Ang Pilipinas ay hindi ang ABS-CBN. Gising! Napakaraming liblib na lugar sa Pilipinas at ABS-CBN lang ang naging daan upang sila ay mahatiran ng mga impormasyon at balita. Ibig-sabihin, kung ano man ang nakikita at naririnig mula sa ABS-CBN ay yun lang ang tama at wala nang iba. Naalala mo ba si ka-Mel Tiangco? Dati siyang mamamahayag ng ABS-CBN ngunit tinanggal siya ng walang kamalay-malay. Minsan na nga ding di binayadan ng 7 taong suweldo ang isang mamamahayag ng istasyon. Napakarami ang di natin alam. Masaya isipin na lahat ng tao ay nagkakaisa sa isang pangarap ngunit isipin rin natin na minsan, nagiging toxic na ang ating ipinaglalaban. Hindi lahat ng insidenteng nakikita ay kailangan ng protesta. Dahil sa huli, ang gobyerno ang mangangasiwa at tayo ay pawang mga kapwa. Makasalanan ang kompanya at iyan ay hindi maipagkakaila. Pero sa kabila ng lahat, naniniwala pa din ako sa pangalawang pagkakataon. Totoong lubos na nakakalungkot ang magiging kapalaran ng11-libong manggagawa sa istasyon. Kaya sa ngalan ng ating Panata bilang isang Pilipino para sa masang Pilipinas, nararapat lamang na mabigyan ng isa pang pagkakataon upang ituwid ng ABS-CBN ang mga maling gawain o nagawa nito. ABS-CBN at buong Pilipinas, tayo ay muling mamanata.
In the Service of the Filipino Worlwide.
PANATA | Jainu Jamail