![](https://assets.isu.pub/document-structure/230404013407-ed8047d2b85059eef63ac73d0cf5b8fb/v1/f4d6b78a9a7b9f8ac8d277a249294acf.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
2 minute read
Literary
Nang minsang sumabit ang kapa ni Superman
ni Venus Jacinto
Advertisement
Kalahating araw para sa isang ikot ng orasan. Dalawang ikot naman para sa buong araw Binilang ko hanggang sa umabot na sa higit walong libong ikot. Wala pa rin ang hinihintay. Ni anino, ‘di na mamamasdan.
Umalis ka. Ginampanan ang tungkuling piniling tahakin. Animo’y balot ng kalasag, tangan lamang ay panulat at pag-asang lumaban. Saka tinahak ang daan patungo sa tiyak na kamatayan.
Hanggang ngayon, lagpas walong libong ikot na ng orasan, ngunit puro pa rin ako katanungan. Paano kung..? Bakit..? Ngunit ang pinaka gusto kong malaman ay kung kailan..?
Kailan nga ba sumabit ang iyong kapa?
Nung sumakay sa convoy? Nung magpasyang pumanig kay Esmael at labanan si Andal? Nung tinanggihan ng pwersang sandatahan? Nung sinama ang kamera’t pluma, at dangal bilang isang tagapagbalita doon sa Ampatuan?
O nung namasdan ang katotohanang hirap talikuran, oras na ika’y maging superman.
Ngayong minamasdan ang bukas na pinto ng Korte Suprema, walong libong ikot na ng orasan ang lumipas. Mapakulong man sila, ika’y wala na. May saysay pa ba ang pinakahihintay sa loob ng isang dekada?
Kay bigat ang bawat yabag ng paa. Matutuwa ba o maduduwal? Kay pangit ng lasa ng panis na pag-asa. Kung sana ay naging ordinaryo ka na lang. Sana, ako ang iyong kasama, hindi ang limampu’t pito pang iba.
Bakit ba ang tagal ng ikot ng oras? O baka dito lang sa Pilipinas? O baka ako lang ang hindi pa rin makasabay sa ikot?
Nasulsihan na ang kapa. Naipasa na sa iba kaya’t naibaba na ang hatol ng kamara. Sa wakas.
Sa tingin ko, hindi sumabit ang kapa mo, Superman. Ito ay hinawakang mahigpit, saka ginupit. Kaya ang baho’y hindi pa rin lubos na maamoy Sana’y mabagal man ay unti unting umalingasaw.
Nabubulok ang hustisya. May tabing na salapi at may huwad na kapangyarihan ang hari.
pagmakapatay ay utos mula sa may mataas na katungkulan. Hindi na nakakagulat. Parang isa na lamang itong sikretong alam ng lahat ngunit natatabunan ng banta sa paligid.
Madali sa ganoong klaseng mga tao ang magpatahimik, maitago lamang ang dungis sa kanilang imahe. Sila rin ang mga taong kayang gumamit ng iba bilang pananggala upang hindi mataya o mahuli. Parang laro lang na kaya nilang simulan, manipulahin, baguhin, o tapusin anumang oras nila naisin. Hindi na lang midya o mga mamamahayag ang nanganganib sa larong inimbento ng mga taong dapat sana ay nagtatanggol sa kanila. Maging ang mga simpleng naghahayag lamang ng kanilang adbokasiya gaya ni Kahil ay isinali na rin.
Hindi sapat ang suporta, kung walang malinaw na aksiyon. Hindi sapat ang salita lang upang mabago ang madugong tagpo. Kailangan ng tunay na pakikinig at pagdinig sa ilang dekada nang hinaing ng masa. Ilang buhay pa ba ang kailangang mawala at madamay sa taguan ng kasalanan at habulan sa tumutuligsa?
Kung nagawang makipagkasundo ng gobyerno sa mga kinikilalang grupo ng terorista sa bansa, nararapat lang na magawa rin nilang pakinggan ang sinisigaw ng mga artikulo at guhit na inilathala ng mga mamamahayag, brodkaster, o tagapagtaguyod.
![](https://assets.isu.pub/document-structure/230404013407-ed8047d2b85059eef63ac73d0cf5b8fb/v1/43a22753503f64d951d6f679735304d5.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
Hindi sila sumusulat, nag-uulat, o gumuguhit upang siraan ang gobyerno. Ipinahahayag lamang nila na mayroong problema ang lipunan at kailangan ng mga tao ang ama ng kanilang bayan. Hindi kalaro sa taguan ang kailangan ng mamamayan, kundi tagapakinig na kayang magsimula ng pagbabago na kasama sila. <w>
Ukol Sa Pabalat
Nagbago lang ang administrasyon, ngunit patuloy pa ring nanganganib ang buhay ng mga mamamahayag at kartunista. Ipinaaalala nito sa lahat ang walang awang pagpaslang sa mga mamamahayag, labintatlong taon na ang nakararaan sa Maguindanao.
Ipinapakita ng pabalat na ito na hindi pa rin natatapos ang banta sa buhay ng mga mamamahayag, maging ng mga tagapagtaguyod ng adbokasiya. Patuloy na nagtatanim ng takot sa kanila ang hindi matukoy na mga salarin.
Nakikiisa ang publikasyong The Warden sa panawagan ng midya at mga mamamahayag na bigyan sila ng laya sa pamamahayag nang walang banta ng kamatayan at maibigay na ang hustisya para sa mga yumao.<w>