1 minute read

Mga residente ng NBP Reservation Area, nakahinga sa pagkaantala

Ng Demolisyon

|| Wella Mae Tolento

Advertisement

Naantala ang 30-day na abiso ng demolisyon sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation Area noong ika27 ng Oktubre 2022 nang hindi tuluyang gumawa ng aksiyon ang Bureau of Correction (BuCor) ayon sa itinakdang araw na nakasaad sa abiso. Nabigyan ng mas mahabang panahon ang mga residente ng NBP, sa pangunguna ng Kalipunan ng Pinagkaisang Mamamayan sa NBP Inc. (KAMPINA), upang iproseso ang mga dokumentong kailangan upang makuha ang tulong na nararapat sa kanila.

Matatandaang sunod-sunod na aktibidad ang inihanda nila upang mas maiparinig ang kanilang hinaing. Nagmartsa ang KAMPINA, mula sa Magdaong Drive Main Gate patungong Muntinlupa City Hall noong ika-10 Oktubre, sa pagnanais na makipagdayalogo ukol sa 30-day demolition notice na ibinaba ng BuCor noong ika-27 ng Setyembre 2022. Nakiisa rin sila sa paggunita sa Buwan ng mga Pesante, kasama ang grupo ng mga magsasaka at mga progresibong organisasyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa, noong ika-21 Oktubre sa kahabaan ng Mendiola. Layon nila ang muling manawagan para sa lupa, sahod, trabaho, at karapatan.

Gaya ng mga pesante, patuloy ring ipinaglalaban ng mga residente ng NBP Reservation Area hindi lang ang kanilang karapatan at lupa, ngunit maging ang mga trabahong naipundar na sa kinatitirikan ng kanilang lugar.Tapat pa rin silang nanindigan sa pangako nilang “hindi [sila] aalis [sa kanilang tirahan] hangga’t walang permanenteng tahanan.”

Pinaghihinalaang alinsunod ang pagkaantala ng demolisyon sa pagkakasuspende kay Chief Gerald Bantag, na pinalitan ni Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. Inaasahang mas tututukan nila ang pagbabago ng administrasyon sa ngayon at ang kasong may kinalaman sa pagkakapatay kay Percy Lapid.

Sa kabila nito, alam ng mga residente na hindi pa rin matatapos nang tuluyan ang banta ng demolisyon sa kanilang lugar. Kaya’t inilalakad din nila sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagpapalit ng pangalan ng Magdaong mula United Magdaong Homeowners Association sa United Magdaong Neighbourhood Association.

Sa ngayon ay idinudulog muna nila ang kagustuhang pagbabago sa tanggapan ng iba’t ibang opisina gaya ng Securities and Exchange Commission (SEC), baranggay, Urban Poor Affairs Office (UPAO), at DHSUD. <w>

This article is from: