![](https://stories.isu.pub/80730827/images/21_original_file_I6.png?width=720&quality=85%2C50)
3 minute read
Siyensiya Sa Sariling Salita
PAANO GAMITIN ANG WIKANG FILIPINO SA AGHAM
written by Sam Peniano
Advertisement
graphics by Hanz Salvacion
NAHIRAPAN KA BA SA MGA ASIGNATURANG agham at matematika noong bata ka pa?
Hindi ka nag-iisa. Napakarami nga naman talagang mga terminolohiyang kakaiba at prosesong komplikado na kailangang alalahanin, kaya mas mahirap itong intindihin.
Ngunit marami ring estudyante ang mas nakakaintindi ng mga paksa sa paaralan kung ginagamit ang wikang Filipino o ang wikang nakalakihan nila sa kanilang bayan. Dahil dito, marahil ay kailangang mas lalo pang gamitin ang wikang Filipino sa agham, matematika, at teknolohiya.
Ngunit, paano?
Tingnan natin at gawing basehan ang mga iminumungkahing paraan ng pagsasalin ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF): ang pagtutumbas, paghihiram, at paglikha ng mga salita.
1. Pagtutumbas
Ang pagtutumbas ay ang paghahanap ng direktang salin ng isang dayuhang salita. Oo, may hamon itong dala dahil “walang dalawang wika sa mundo ang may magkatulad na bokabularyo”. Subalit mainam kung gagamitin ito sapagkat kilala na ang salita, kaya posibleng mas madaling maipalaganap. May dalawa itong yugto:
a. Paghahanap ng pantumbas sa kasalukuyang koleksyon ng Filipino. Kung mayroon naman, bakit hindi gamitin, diba? Halimbawa: • patunay = proof • singaw = vapor
b. Pagtuklas ng pantumbas sa ibang wikang katutubo ng Pilipinas. Sumasang-ayon ito sa layon ng KWF na isangkot ang mga wikang katutubo sa pagpapayaman ng Wikang Pambansa. Hindi totoo ang kuro-kurong walang ideyang siyentipiko ang mga wikang katutubo! Kung tutuusin, ang “parisukat” na nangangahulugang “square” sa Ingles ay isang sinaunang konsepto.
Halimbawa:
• dagsin (Ilokano, “bigat”) = gravity
• sikway (Hiligaynon, “itakwil”) = repel, repulsion
• tiláw (Hiligaynon, “subukin”) = trial, experiment
2. Panghihiram
Ang panghihiram ay ang pagsasaayon sa Filipino ng terminong Espanyol o Ingles. Sa Ingles, pwede itong gamitin “as is” o baybayin gamit ang tuntuning Filipino. Maingat dapat itong gamitin upang hindi dumami ang mga baryasyon ng salita at maging nakalilito. Gaya ng nabanggit, may tatlong paraan ng paghihiram na maaaring gawin:
a. Mula sa Espanyol at isinusunod ang baybay sa tuntuning Filipino. Dahil sa malaking impluwensya nito sa wika dala ng ilang taong ko lonisasyon, isinasaalang-alang din ang paghihiram mula sa Espanyol.
Halimbawa: • Kimika (química) = Chemistry • enerhiya (energía) = energy
b. Mula sa Ingles na pinananatili ang orihinal na ispeling. Hindi ginagalaw ang dayuhang salita at ginagamit ito “as is.” Sumasang-ayon ito sa iminumungkahing paraan ng pagtuturo ng agham ng tagapangulo ng KWF na si Virgilio Almario. Sa paraang ito, mas nabibigyang-pansin kung paano ipapaintindi sa mga mag-aaral ang paksa kaysa tahasang paghahanap ng mga katutubong termino.
Halimbawa: • Chemistry • gravity • cell
c. Mula sa Ingles na isinusunod ang baybay sa tuntuning Filipino. Sa paraang ito, ang Ingles na salita ang basehan at binabaybay lang ito sa Filipino, kadalasang “kung anong bigkas, siyang baybay.”
Halimbawa:
• Kemistri = Chemistry
• nitrohen = nitrogen
3. Paglikha.
Bukod sa pagtutumbas at paghihiram, maaari ring subuking lumikha ng mga bagong salita para sa mga terminong siyentipiko. Ayon sa KWF, “makabuluhang paraan ito ng pagpapayaman sa bokabularyo ng wikang pinagsasalinan.” May tatlo itong paraan:
a. Neolohismo, kung saan gumagawa ng isang bagong salita mula sa inasimilang mga salita.
Halimbawa:
• Kapnayan (sangkap + hanay+ -an) = Chemistry
• banyuhay (bagong anyo ng buhay) = metamorphosis
• sihay (silid ng buhay) = cell
b. Hiram-salin (Loan translation), kung saan literal at “word for word” ang pagsasalin.
Halimbawa:
• subukangtúbo = test tube
• halamang gat = root crop
c. Bagonghulog, kung saan binibigyan ng bagong buhay ang isang lumang salita sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong kahulug ang teknikal.
Halimbawa:
• agham = science (dati: pagkilala sa tunay na pagkatao ng isang tao)
Kita naman natin, maraming paraan para magamit ang mga termino sa agham, matematika, at teknolohiya sa wikang Filipino. Nasa atin na lang kung paano ito gagamitin upang mas mapakinabangan ng batang at masang Pilipino.
Dahil kung naiintindihan ng Pilipino nang tunay at buo ang agham, siguro ay mas pahahalagahan ito at bibigyang-pansin sa bansa. At marahil ay magsisimula iyon sa isang estudyanteng mas naintindihan ang kanilang aralin sa agham sa tulong ng kanyang sariling wika.
Mga Sanggunian:
Almario, V. S. (2016). Batayang pagsasalin: Ilang patnubay at babasahín para sa baguhan. Manila, Philippines: Komisyon sa Wikang Filipino.
Rada, E. T. (2017). Estilo ng pagsasalin sa wikang Filipino ng mga teksbuk sa araling makabayan. Scientia: The International Journal on the Liberal Arts, 2, 85-97.