My first document

Page 1

TULANG FILIPINO

Galing sa “Mantalaan - Poetry Fridays” Entries

Ngayong Gabi

Ni A C

Ako'y nagpumigil sa aking mga hikbi

Na pilit tumatakas sa aking nanginginig na labi

Ngunit di rin makatingin sa iyong mga mata

Ika'y naghihingalo hanggang sa boses ay nawala

Dibdib ko'y lubhang kumukurot

Iyong sigla'y napalitan ng nakatabon na kumot

Sa malalim na gabi ako'y nakatulala

Isipa'y wala sa mundo sa halip ay napariwara

Alam kong buhay ay iyong nilaban

Kahit ang sakit ay umuugoy sa'yong duyan

Bagama't ang hatinggabi ay tila di dumadaan

Ramdam kitang tumatalon sa maliwanag na kalangitan

1 ▶ Tula

Maging Totoo Ka Na

Ni Blu

Ang tunay na pag-ibig ay ang pagiging totoo

Dapat lahat ng iyong gagawin ay mula sa puso

Pero napaisip mo ba na naibahagi mo ito sa taong mahal mo?

O di kaya’y natatakot ka lang, na baka malaman niya’ng siya talaga ang iyong gusto?

Huwag ka na mahiya O Pare ko, Isipin mo na ito na ang pag-asa mo.

Magpakilala ka na sa taong mahal mo

Baka mayroon ka pang pag-asa, Na marinig ang kaniyang matamis na oo.

Maging totoo ka nang tao

Ibuhos mo na lahat ng nararamdaman mo

Ipahiwatig mo sa kaniya na siya nga ang iniibig mo, Hindi natin alam, kayo pala ang itinadhana sa mundong ito.

2 ▶ Tula

O Aking Sinta

Ni Blu

Ang pag-ibig ko sayo’y totoo

Walang hadlang itong pagmamahal ko

Hindi kailanma’y ako’y nabigo

Na mahalin kang taos-puso

Oo na, mahal na mahal na kita

Walang balakid sa isipan ko sinta

Malinaw talaga sa aking mga mata

Na ikaw ang binabatid ng puso ko ganda

Puso kong dalisay na nagmamahal

Sa aking tinatanging minamahal

Kahit ikaw ay mas malayo pa sa mga bituin

Lubos padin kitang titignan at iisipin na sana ika’y makapiling

Tandaan mo na kahit hindi naman tayo

Isipin mo na nandito lang ako para sa’yo

Alam kong malayo tayo para sa isa’t-isa

Ngunit sa isipan ko’y mayroong lugar na magkasama tayo aking sinta

3 ▶ Tula

Ang Daluyog Ng Pandemya

Ni mxgsgv

Ikaw at ako'y nasa iisang bangka, Tumatawid sa tubig na maalat at 'sing lalim ng mga saloobin ng pilosopo

Ngunit ramdam mo ang bawat malalakas na hampas ng alon

At sa bawat galit na palo nito ay, Unti-unting nawawala 'yong balanse

Samahan pa ng pangamba at ligalig,

Na siyang dagdag sa iba pang mga suliranin.

Bagamat gabay ni Bathala, agham

At katatagan ng mga Pilipino

Ay siya palang nawawalang piraso sa para bang hindi malulutas na mga problema

Ikaw at ako'y patuloy na naglayag, Tinatanggap, at hinaharap ang daluyog, Na siyang humihikayat at humobog, Sa atin na maging bukas ang isipan

4 ▶ Tula

Isang Sulyap Mo

Ni Blu

Ako’y naglalakad lang sa paaralan

nag-iisip isip lang naman

At hindi ko lang naman namalayan

Na ikaw pala yung nasa aking harapan

Ako’y nabigla, ako’y napa-tulala

Isipan ko’y huminto na lang ng bigla

Tinitigan ko lang iyong mga mata

Namataan ko na ang aking sinta

Tumitingin lang ako sayo at napagtanto ko

Na para ba akong isang ice-cream na matutunaw kakatitig sa iyo

Ano na ba to ang nararamdaman ko

Ito na ba ang rason bakit ako mapapaibig sa iyo?

5 ▶ Tula

Wakas Ni nepenthe

Masakit? Oo.

Ako'y takot na magiging totoo

Mahirap tanggapin? Oo

Walang nagawa kundi ang yumuko.

Isang taon ang nagdaan

Boses mo ay di makalimutan

Larawan mo'y di kumukupas sa isipan

Di mapigil na ika'y mapanaginipan

Mga liham mo'y paulit kong binabasa

Iniisip na magiging magkasama

Hinihiling na ika'y mayakap sana

Mapagtanto sa sarili ang tunay mong halaga

Hindi inakalang na wala nang muli

Kung maibabalik ko lang, ito'y gagawin

Mga nakimkim na salita, iyong maririnig

Ngunit huli na ang lahat upang sambitin

Di naniniwala na ika'y darating at aalis

Inaakalang mananatili ka, oo, iyong nagawa

Mahal kita, ito'y tandaan mo

Na sa aking paglisan, ikaw ang nasa puso

6 ▶ Tula

Sawi Ni nepenthe

Nakapiit, humihikbi

Apat na sulok ng aking silid

Unan kong mapipiga

Bagabag sa aking pag-idlip

Ngiting panlabas, pighating panloob

Pagkubli ay natitiis ko

Nanlumo nang binangungot

Kapalaran ko'y bakit ganito?

Tigmak ng bahid ang pahina

Aklat ng kagaspangan aking buhay

Liwanag ng alitaptap ay nasilayan

Sa hulihan ay itong param

Ugat nito'y panglaw

Kalumbayan sa iyong lingap

Sa sarili ibinuntong ang sisi

Patawad noong ika'y layuan

Di magtatakang muling aagos

Sulirani'y tulad ng buntot

Yapak ay bakas ng nakaraan

Bitbit ko hangga't katapusan

7 ▶ Tula

Ang Kapangyarihan at Susi

Ni mxgsgv

Matuto sa nakaraan.

Para baguhin ang kasalukuyan

Bawat isa sa atin ay may kakayahan

At dala-dalang paninindigan.

Upang maiahon at matulungan ang sarili at bayan

Sa kabila ng dinanas, dinadanas, at dadanasin na kahirapan.

Edukasyon, siyang tunay na susi

Ng sa gayon kahirapan ay hindi na isinisisi.

Aking kaibigan, imulat ang iyong mga mata at ilawak ang isipan

Nang pagdating ng panahon ang taglay na kapangyarihan.

At kaalaman, ay gamitin sa pagharap ng mga pagsubok sa sarili at bayan

Sinasabi ko sa iyo aking kaibigan, ito'y hindi mo pagsisisihan

8 ▶ Tula

Durungawan

Ang mga mata'y nanlilisik na tila isang hayop na mabagsik

habang ang mga labi'y nakangiti aakalain mong inosente, maluwalhati

Ang mga mata ay nangungusap

Naglalahad ng katotohanan sa kinakausap

Kaya't bago mangutya at manlinlang laging takpan ang durungawan

9 ▶ Tula

Katapusan

Ni Anino

Marami ang nababahag

kapag ito na ang pinag-uusapan

Akala ng iba ito ay isang kalapastanganan

'Di niyo naman pinagdadaanan

Baka kapag inyong matikman

Kayo ay mag-agawan

Dahil ang sarap talagang humimlay

Kapag yakap-yakap ang sariling katapusan

10 ▶ Tula

Dear Puso

Ni clementine

ayan ka na naman. pag nakita mo kasi ngiting yan, kumikirot kahit di naman malungkot.

alam mo naman yan e di siya sayo ngumingiti. pero bakit nga ba lagi mong binabati?

o, tas bibigyan mo pa ng regalo? sabi, "ako nay aamin, sana oo" ayan tuloy nagkagulo dahil di pala siya interesado, sayo

sabi mo, "move on na ako" sana nga totoo.

pero may pa "sana sa ibang mundo, ako ang kanyang tahanan," ka pang nalalaman loko pala to!

di naman yan pagkain e, pero bat mo laging pinipili? di ka naman niya alipin, di ka nga niya pinapansin tsk, sarap mo talagang hampasin!

pag siya ay nasa malapit tiyan ay sumasakit "move on" nga raw awit.

pati ako apektado nawala na pagiging asintado

tol, pahinga ka muna kung pwede lang sana, ako na magmaneho.

dahil ang ating tahanan, labis nang nasasaktan. mata mo kasi, lagi mong tinatakpan.

11 ▶ Tula

Linaw Ni nepenthe

Naranasan mo na ba ang maging totoo?

Sa bawat kilos, salita at laman ng puso?

Sino nga ba talaga ang nilalaman nito?

Siya ba ang taong tunay na mahal mo?

Sigurado ka ba sa nararamdaman mo?

Baka nadala ka lang sa tensyon at panunukso?

Ano ba ang magiging patutunguhan nito?

Ikatutuwa ba kung malaman niya ito?

Tunay nga ba ang kilig at saya?

Sa tuwing tinitingnan mo siya?

Ikaw nga ba talaga ang nagbibigay ligaya?

Ang dahilan ng korteng ngiti sa mukha?

Handa na ba ang sarili sa sakit at pighati?

Sa aabuting pagsubok at pagkasawi?

Paano kung ika’y mapapaasa lamang?

Agad bang madudurog ang pusong lumalaban?

12 ▶ Tula

Lagusan

Ni panthalassa

Naaalala mo ba ang ating nakaraan?

Oras na inilaan, mabasa man ng ulan

Sabay ligo sa umaagos na lawa, bahay-bahayan sa damuhan

Papunta sa lagusan ng ating pagkakaibigan

Magkatabi sa silid aralan, ikaw ang naging sandigan

Sa buwan tinatanaw ang purong kagandahan

Walang pagkukunwari, sa puso’y may tinatago

Na sa isang pagkakataon, ako’y maglalaho

Kay raming alaala na nagsipagbalikan

Araw-araw na magkasama sa kinagisnang lagusan

Patungo sa dalisay na pagkakaibigan

Kasiyahan ay di na mapaparam

Saranggola’y pinapalipad sa kalangitan

Minsan nga ay muntikang nahulog sa putikan

Buti ay nasalo ng iyong mga bisig

At nasaksihan ang makislap mong titig

Hindi maintindihan ang nararamdaman

Nais kong iparating ang natatanging pag-ibig

Sampung taon ang hinintay upang masambit

Di naisip ang kathang nais na makamit

Bawat pahina ikaw ang aking paksa

Mula simula, gitna, hulihan at magpakailanman

Dalangin ko ang pagtanda kasama ka

Sapagkat ako’y sayo at ikaw ay akin.

Ang kwentong ikaw ay hindi na magiging akin

Nagmistulang alpas ng emosyon

Sa kung saan ikaw na nakaupo

Minamasdan ang huling pahimakas ko

Mawala man sa mundong ito ang presensya

Tumahan na, wag sayangin ang mga luha

Lagi mong tatandaan ang mga salita

Iniirog kita, o aking Clara.

13 ▶ Tula

Aklat Ni panthalassa

Elementarya ako nang ninais maging manunulat

Kaya’t nagsikap at natutong kumatha sa hinaharap

Balot sa kagalakan ang paglikha ng kwentong nakagagaan

Sa pusong tanging sigaw ay iyong pangalan

Hayskul noong una kitang nasilayan

Tila sa mga blangkong pahina ikaw ang unang paksa, Na isusulat sa bawat letrang iisipin Sa bawat kulay na aking hahaluin

Upang magtugma sa buhay kong walang diin

At nagbigyang kulay ang maputlang dikta ng aking buhay.

Tahimik at tila nababalisa kung paano sisimulan

Ang kwento nating dalawa, Kwentong pinangarap kung isulat sa pahinang inilaan

At paggugol ng oras sa pagyakis ng mga titik,

Titik na magsisilbing kumpas, Gabay sa di maarok na paroroonan

Susulat ako hanggang ika’y mapahanga

Kahit ang wika’y di magkatugma, maubos man ang aking salita

Pipilitin kong ituloy hanggang sa huling tinta Ng aking pluma alay sa'yo sinta.

Ginugol ang oras para sa isang libro, Na tayong dalawa ang may-akda nito Ingat kong inilimbag bawat tayutay Sa mga alaalang baon sa aking isipan.

Dugo’t pawis ang inialay para sa matimyas na pag-iibigan

Mga salitang nag-uunahan para ika’y mailarawan.

Hanggang sa tayo’y napunta sa huling yugto ng ating kwento

Bawat pahina at kabanata nitong libro

Inihanda sa isang pahinang pangwakas.

Ngunit sa isang tuldok lang nagtapos ang lahat

Nagwakas ang pinakamagandang likhang

ating ginawa, Sadyang hindi na kayang sumulat ng aking

kamay

Pilit kang inaakay ngunit pinili mong huminto

Ang hindi makatotohanang kwento na aking sinimulan

Ay sadyang bunga ng kathang-isip lamang

Itong pinaglumaang papel na sa pusong umaasa ay nag-iwan ng bakas

Na tanging inialay sa iyo bawat kumpas gamit ang aking kamay.

At alam kong tapos na, Mga naglahong pag-asang upang ibalik ang nakaraan

Nawa’y maging masaya ka sa bagong libro na iyong sisimulan

Kahit hindi ako kabilang

Kaya’t ibabalik na lamang kita

Sa aking istante

Na madaling hanapin

Kapag nais kong muling basahin

Ang nakaraan nating dalawa.

14 ▶ Tula

Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook

Articles inside

Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.