TULANG FILIPINO
Galing sa “Mantalaan - Poetry Fridays” Entries
Ngayong Gabi
Ni A C
Ako'y nagpumigil sa aking mga hikbi
Na pilit tumatakas sa aking nanginginig na labi
Ngunit di rin makatingin sa iyong mga mata
Ika'y naghihingalo hanggang sa boses ay nawala
Dibdib ko'y lubhang kumukurot
Iyong sigla'y napalitan ng nakatabon na kumot
Sa malalim na gabi ako'y nakatulala
Isipa'y wala sa mundo sa halip ay napariwara
Alam kong buhay ay iyong nilaban
Kahit ang sakit ay umuugoy sa'yong duyan
Bagama't ang hatinggabi ay tila di dumadaan
Ramdam kitang tumatalon sa maliwanag na kalangitan
1 ▶ Tula
Maging Totoo Ka Na
Ni Blu
Ang tunay na pag-ibig ay ang pagiging totoo
Dapat lahat ng iyong gagawin ay mula sa puso
Pero napaisip mo ba na naibahagi mo ito sa taong mahal mo?
O di kaya’y natatakot ka lang, na baka malaman niya’ng siya talaga ang iyong gusto?
Huwag ka na mahiya O Pare ko, Isipin mo na ito na ang pag-asa mo.
Magpakilala ka na sa taong mahal mo
Baka mayroon ka pang pag-asa, Na marinig ang kaniyang matamis na oo.
Maging totoo ka nang tao
Ibuhos mo na lahat ng nararamdaman mo
Ipahiwatig mo sa kaniya na siya nga ang iniibig mo, Hindi natin alam, kayo pala ang itinadhana sa mundong ito.
2 ▶ Tula
O Aking Sinta
Ni Blu
Ang pag-ibig ko sayo’y totoo
Walang hadlang itong pagmamahal ko
Hindi kailanma’y ako’y nabigo
Na mahalin kang taos-puso
Oo na, mahal na mahal na kita
Walang balakid sa isipan ko sinta
Malinaw talaga sa aking mga mata
Na ikaw ang binabatid ng puso ko ganda
Puso kong dalisay na nagmamahal
Sa aking tinatanging minamahal
Kahit ikaw ay mas malayo pa sa mga bituin
Lubos padin kitang titignan at iisipin na sana ika’y makapiling
Tandaan mo na kahit hindi naman tayo
Isipin mo na nandito lang ako para sa’yo
Alam kong malayo tayo para sa isa’t-isa
Ngunit sa isipan ko’y mayroong lugar na magkasama tayo aking sinta
3 ▶ Tula
Isang Sulyap Mo
Ni Blu
Ako’y naglalakad lang sa paaralan
nag-iisip isip lang naman
At hindi ko lang naman namalayan
Na ikaw pala yung nasa aking harapan
Ako’y nabigla, ako’y napa-tulala
Isipan ko’y huminto na lang ng bigla
Tinitigan ko lang iyong mga mata
Namataan ko na ang aking sinta
Tumitingin lang ako sayo at napagtanto ko
Na para ba akong isang ice-cream na matutunaw kakatitig sa iyo
Ano na ba to ang nararamdaman ko
Ito na ba ang rason bakit ako mapapaibig sa iyo?
5 ▶ Tula
Wakas Ni nepenthe
Masakit? Oo.
Ako'y takot na magiging totoo
Mahirap tanggapin? Oo
Walang nagawa kundi ang yumuko.
Isang taon ang nagdaan
Boses mo ay di makalimutan
Larawan mo'y di kumukupas sa isipan
Di mapigil na ika'y mapanaginipan
Mga liham mo'y paulit kong binabasa
Iniisip na magiging magkasama
Hinihiling na ika'y mayakap sana
Mapagtanto sa sarili ang tunay mong halaga
Hindi inakalang na wala nang muli
Kung maibabalik ko lang, ito'y gagawin
Mga nakimkim na salita, iyong maririnig
Ngunit huli na ang lahat upang sambitin
Di naniniwala na ika'y darating at aalis
Inaakalang mananatili ka, oo, iyong nagawa
Mahal kita, ito'y tandaan mo
Na sa aking paglisan, ikaw ang nasa puso
6 ▶ Tula
Sawi Ni nepenthe
Nakapiit, humihikbi
Apat na sulok ng aking silid
Unan kong mapipiga
Bagabag sa aking pag-idlip
Ngiting panlabas, pighating panloob
Pagkubli ay natitiis ko
Nanlumo nang binangungot
Kapalaran ko'y bakit ganito?
Tigmak ng bahid ang pahina
Aklat ng kagaspangan aking buhay
Liwanag ng alitaptap ay nasilayan
Sa hulihan ay itong param
Ugat nito'y panglaw
Kalumbayan sa iyong lingap
Sa sarili ibinuntong ang sisi
Patawad noong ika'y layuan
Di magtatakang muling aagos
Sulirani'y tulad ng buntot
Yapak ay bakas ng nakaraan
Bitbit ko hangga't katapusan
7 ▶ Tula
Durungawan
Ni Anino
Ang mga mata'y nanlilisik na tila isang hayop na mabagsik
habang ang mga labi'y nakangiti aakalain mong inosente, maluwalhati
Ang mga mata ay nangungusap
Naglalahad ng katotohanan sa kinakausap
Kaya't bago mangutya at manlinlang laging takpan ang durungawan
9 ▶ Tula
Katapusan
Ni Anino
Marami ang nababahag
kapag ito na ang pinag-uusapan
Akala ng iba ito ay isang kalapastanganan
'Di niyo naman pinagdadaanan
Baka kapag inyong matikman
Kayo ay mag-agawan
Dahil ang sarap talagang humimlay
Kapag yakap-yakap ang sariling katapusan
10 ▶ Tula
Dear Puso
Ni clementine
ayan ka na naman. pag nakita mo kasi ngiting yan, kumikirot kahit di naman malungkot.
alam mo naman yan e di siya sayo ngumingiti. pero bakit nga ba lagi mong binabati?
o, tas bibigyan mo pa ng regalo? sabi, "ako nay aamin, sana oo" ayan tuloy nagkagulo dahil di pala siya interesado, sayo
sabi mo, "move on na ako" sana nga totoo.
pero may pa "sana sa ibang mundo, ako ang kanyang tahanan," ka pang nalalaman loko pala to!
di naman yan pagkain e, pero bat mo laging pinipili? di ka naman niya alipin, di ka nga niya pinapansin tsk, sarap mo talagang hampasin!
pag siya ay nasa malapit tiyan ay sumasakit "move on" nga raw awit.
pati ako apektado nawala na pagiging asintado
tol, pahinga ka muna kung pwede lang sana, ako na magmaneho.
dahil ang ating tahanan, labis nang nasasaktan. mata mo kasi, lagi mong tinatakpan.
11 ▶ Tula
Linaw Ni nepenthe
Naranasan mo na ba ang maging totoo?
Sa bawat kilos, salita at laman ng puso?
Sino nga ba talaga ang nilalaman nito?
Siya ba ang taong tunay na mahal mo?
Sigurado ka ba sa nararamdaman mo?
Baka nadala ka lang sa tensyon at panunukso?
Ano ba ang magiging patutunguhan nito?
Ikatutuwa ba kung malaman niya ito?
Tunay nga ba ang kilig at saya?
Sa tuwing tinitingnan mo siya?
Ikaw nga ba talaga ang nagbibigay ligaya?
Ang dahilan ng korteng ngiti sa mukha?
Handa na ba ang sarili sa sakit at pighati?
Sa aabuting pagsubok at pagkasawi?
Paano kung ika’y mapapaasa lamang?
Agad bang madudurog ang pusong lumalaban?
12 ▶ Tula
Lagusan
Ni panthalassa
Naaalala mo ba ang ating nakaraan?
Oras na inilaan, mabasa man ng ulan
Sabay ligo sa umaagos na lawa, bahay-bahayan sa damuhan
Papunta sa lagusan ng ating pagkakaibigan
Magkatabi sa silid aralan, ikaw ang naging sandigan
Sa buwan tinatanaw ang purong kagandahan
Walang pagkukunwari, sa puso’y may tinatago
Na sa isang pagkakataon, ako’y maglalaho
Kay raming alaala na nagsipagbalikan
Araw-araw na magkasama sa kinagisnang lagusan
Patungo sa dalisay na pagkakaibigan
Kasiyahan ay di na mapaparam
Saranggola’y pinapalipad sa kalangitan
Minsan nga ay muntikang nahulog sa putikan
Buti ay nasalo ng iyong mga bisig
At nasaksihan ang makislap mong titig
Hindi maintindihan ang nararamdaman
Nais kong iparating ang natatanging pag-ibig
Sampung taon ang hinintay upang masambit
Di naisip ang kathang nais na makamit
Bawat pahina ikaw ang aking paksa
Mula simula, gitna, hulihan at magpakailanman
Dalangin ko ang pagtanda kasama ka
Sapagkat ako’y sayo at ikaw ay akin.
Ang kwentong ikaw ay hindi na magiging akin
Nagmistulang alpas ng emosyon
Sa kung saan ikaw na nakaupo
Minamasdan ang huling pahimakas ko
Mawala man sa mundong ito ang presensya
Tumahan na, wag sayangin ang mga luha
Lagi mong tatandaan ang mga salita
Iniirog kita, o aking Clara.
13 ▶ Tula
Aklat Ni panthalassa
Elementarya ako nang ninais maging manunulat
Kaya’t nagsikap at natutong kumatha sa hinaharap
Balot sa kagalakan ang paglikha ng kwentong nakagagaan
Sa pusong tanging sigaw ay iyong pangalan
Hayskul noong una kitang nasilayan
Tila sa mga blangkong pahina ikaw ang unang paksa, Na isusulat sa bawat letrang iisipin Sa bawat kulay na aking hahaluin
Upang magtugma sa buhay kong walang diin
At nagbigyang kulay ang maputlang dikta ng aking buhay.
Tahimik at tila nababalisa kung paano sisimulan
Ang kwento nating dalawa, Kwentong pinangarap kung isulat sa pahinang inilaan
At paggugol ng oras sa pagyakis ng mga titik,
Titik na magsisilbing kumpas, Gabay sa di maarok na paroroonan
Susulat ako hanggang ika’y mapahanga
Kahit ang wika’y di magkatugma, maubos man ang aking salita
Pipilitin kong ituloy hanggang sa huling tinta Ng aking pluma alay sa'yo sinta.
Ginugol ang oras para sa isang libro, Na tayong dalawa ang may-akda nito Ingat kong inilimbag bawat tayutay Sa mga alaalang baon sa aking isipan.
Dugo’t pawis ang inialay para sa matimyas na pag-iibigan
Mga salitang nag-uunahan para ika’y mailarawan.
Hanggang sa tayo’y napunta sa huling yugto ng ating kwento
Bawat pahina at kabanata nitong libro
Inihanda sa isang pahinang pangwakas.
Ngunit sa isang tuldok lang nagtapos ang lahat
Nagwakas ang pinakamagandang likhang
ating ginawa, Sadyang hindi na kayang sumulat ng aking
kamay
Pilit kang inaakay ngunit pinili mong huminto
Ang hindi makatotohanang kwento na aking sinimulan
Ay sadyang bunga ng kathang-isip lamang
Itong pinaglumaang papel na sa pusong umaasa ay nag-iwan ng bakas
Na tanging inialay sa iyo bawat kumpas gamit ang aking kamay.
At alam kong tapos na, Mga naglahong pag-asang upang ibalik ang nakaraan
Nawa’y maging masaya ka sa bagong libro na iyong sisimulan
Kahit hindi ako kabilang
Kaya’t ibabalik na lamang kita
Sa aking istante
Na madaling hanapin
Kapag nais kong muling basahin
Ang nakaraan nating dalawa.
14 ▶ Tula