6 minute read

Anomalya sa ‘admission process’, ikinadismaya ng mga mag-aaral sa ‘waitlisted’, CBP

NEWS

LYNXTER GYBRIEL LEAÑO, MARK NEGRO, MARIA NICOLE SILVA

Umugong mula sa iba’t ibang Facebook post ang mga reklamo at pagkadismaya sa MSU-Gensan ng mga aplikanteng mag-aaral at kanilang magulang dahil sa anunsyong wala ng “slot” sa mga kurso para sa “waitlisted” at mga College Bound Program (CBP) na estudyante na nakakuha ng kursong hindi nila gusto.

Dagdagan pa riyan ang mga problemang bigla-bigla na lamang nawawala ang pangalan sa listahan o kaya may “backer” na tinatawag na kung saan nakakapasok ang isang mag-aaral kahit mababa ang iskor nito sa System Admission and Scholarship Examination (SASE) o sa CBP na grado.

Dahil diyan, umalingawngaw ang mga hinaing ng mga aplikante sa pamantasan kung gayon ay dinumog nila ang iba’t ibang tanggapan ng unibersidad upang dinggin at bigyang solusyon na sila ay dapat makapasok sa MSU-Gensan.

Damdamin ng mga Estudyante

Karamihan sa mga nagpaenrol na CBP na nakunan ng interbyu, dismayado ang kanilang nararamdaman dahil hindi patas sa kanilang pananaw ang proseso upang makapasok sa unibersidad.

Isa si Steel Bustria sa nakaranas ng anomalya sa pag-eenrol dahil ang nakuha niyang kurso ay Bachelor of Arts in Islamic Studies major in Shariah na kung saan hindi niya gusto.

Aminado naman si Bustria bilang

CBP na hindi talaga niya makukuha ang gustong kurso ngunit sana raw ay patas ang lahat sa pagpasok ng pamantasan dahil sa naririnig niyang mayroong “backer” ang iba.

Parehong sentimyento rin ang inilahad ni Dan Meñoz Jr. na kung saan hindi niya rin nakuha ang gustong kurso sapagkat CBP din siya.

“Take the risk nalang jud gani daw kung magsulod sa CBP. Dili na lang daw mag-assume na at the end makuha nimo imong desired na course,” giit pa ni Meñoz.

Kaya ngayon tinanggap na lang niya ang kanyang kurso dahil kahit papaano makakapasok siya sa pamantasan at may tsansang makuha ang inaasam-asam na kurso sa pamamagitan ng pag-shift.

Sentimyento ng isang Magulang

Hindi napigilan ang pagkadismaya ng isang magulang para sa kanyang anak na gustong makapag-aral sa MSU-Gensan matapos magbigay komento sa post ng MSU Gensan Admission na binigyan ng maling pag-asa ang mga kagaya nilang naghihirap sa buhay para makapasok sa naturang pamantansan dahil nakapasa naman daw ang anak niya sa SASE.

“Sana hindi nalang gi declared na SASE passer kung dili kaya ni MSU na mapapasok nila ang student. Iyon lang sana ang sentiment ko para hindi talaga umasa ang student and parents,” tugon ni Gng. Marcel Ortillano sa naging panayam ng

Bagwis. Dagdag pa niyang alam na ng opisyales sa MSU na maraming nakapasa kaya tinaasan na lang dapat ang cut-off score.

Kukunin sana ng kanyang anak ang kursong Bachelor of Arts in Political Science o ang Bachelor of Arts in English Language Studies subalit Bachelor of Arts in Sociology ang kanyang napasukan.

“At first, sad kaayo kay naabutan ng 0 slot akong anak sa online reservation sa batch niya. But thankful kay akong anak naningkamot og stay sa ilang araw sa labas ng admission office. May nagback-out na student kaya isa siya sa naka-avail sa vacant slots,”

paliwanag pa niya.

Nagpapasalamat naman si Gng. Ortillano na kahit papaano ay opisyal nang nakapasok ang kanyang anak sa naturang pamantasan sa kursong AB Sociology.

Tugon ng Kinauukulan

Hiningan naman agad ng pahayag ang panig ng Admission Office dahil sa mga sunod-sunod na mga anomalyang nagaganap sa proseso ng enrolment.

“It’s so happened this year na mayroong pinakamaraming nagprefer sa gensan, marami ang nakaabot sa cut-off. We decided the cut-off with the higher officials tapos by trend, hindi naman lahat nagpapareserve or hindi tumutuloy,”

giit pa ni Prop. Jerry Dela Cruz, Admission Director.

Gugustuhin man niyang papasukin lahat ngunit limitado ang slots na nakalaan na kung saan prayoridad din nila ang mga CBP na mga estudyante.

“Napasok lahat ng CBP students. Yung CBP natin is na block na lahat ang slots. Hindi ko kontrolado lahat ng nangyari sa ground. I communicated to VCAA, who is in-charge of enrolment na hindi dapat pakialaman or else maubos yun. We are frequently monitoring sa mga slots. Gina try namin na hindi malagay sa alanganin ang CBP students,”

paliwanag pa ni Prop. Dela Cruz.

Malaking tsansang makapasok ang mga CBP ngunit hindi niya rin masisigurado na makukuha nila ang gustong kurso.

“Gina-emphasize ko sa kanila during orientation na your choices are limited. Let’s accept the fact, kasi basis sa ating course selection ay yung SASE. We cannot please everybody, and we cannot give everybody what they want as well,” aniya pa.

Samantala, naitanong rin sa kanya na kung posible bang maibabalik sa tradisyonal na pila ang sistema ng pag-eenrol.

“Yung traditional na dating, okay yun pero kong for pro tayo, internet na lang dahil maliit lang ang gastos sa pamasahe. We even do mapping, alam na ng estudyante kung saan ang place na malakas ang internet connection. This is just a minute transaction. Sa akin lang to ah, I would be bias sa stand kasi nasa admission kami. Sa palagay ninyo, wala silang initiative na maghanap ng internet connection knowing na trained tayo for the last two years by utilizing technologies,”

ani pa niya. Para sa kanya, kung papipilahin pa ang mga estudyante, maaaring malagay sila sa alanganin sapagkat mula sila sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas at hindi naman natatapos sa isang araw ang pag-eenrol.

“There is always room for improvement, anyway hindi pa natin machange ang system kung hindi pa nasubukan yung mas magandang alternative solution. Wala namang perfect na system, it is always a work of progress. I think everything can be given attention and further evaluation maybe assessment for the betterment of the system,”

pagdiin pa ng direktor.

Payo ng Kinauukulan

Inihayag naman ng Office of Student Affairs Director, Rhumer S. Lañojan na hindi rin niya inasahan na maraming estudyante ang pipili sa MSU-Gensan bilang kampus na papasukan kaya agad naubos ang slot ng mga kurso.

“We only have limited slots. That’s the reality. We are only accommodating 2500 students. That’s one consideration we should look onto next time,”

giit pa niya. Inamin naman niya na mayroong pagkakataon na may hindipagkauunawaang nagaganap na nagresulta sa mga hindi malinaw na instruksyon o direksyon hinggil sa proseso ng admission.

Ngunit, hinikayat pa rin ni Lañojan sa mga mag-aaral na naghihintay ng pag-asang makakuha ng isang slot na huwag nang tanggihan ang kahit anong kursong maibibigay sa kanila dahil iyan ang paraan upang makapasok sa pamantasan.

“Do not lose the opportunity. Dili sa mamili ug kurso, importante nakapasok ka,”

diin ng Director.

Subalit, aniya pa na hindi rin niya mapipilit ang kanilang sarili na kunin ang kursong hindi nila gusto kaya naging payo niya lang sa mga papasok ng kolehiyo sa ibang paaralan na dapat maging mapagkumbaba, may tamang asal, at masunurin sa lahat ng pagkakataon.

Pahirapan man ang pagpasok sa pamantasan dahil sa libo-libong estudyante na nag-aagawan sa limitadong puwesto ng kurso, datapwat pinatunayan lamang nito ng mga iilang estudyante ang pagpupursigedo sa gitna ng mga anomalya sa hindi pagsuko sa kahit anomang hamon ng buhay para lang maipagpatuloy ang kani-kanilang mga pangarap para sa sarili.

This article is from: