5 minute read

Kwentong DUrMItoryo

LATHALAIN

Ronajean May J. Lavado

Ano nga ba ang mga istorya na kadalasang naririnig mo sa isang dormitoryo?

Kung ikaw ay isa sa mga namamalagi rito ano nga bang mga haka-haka ang ibinabato patungkol sa inyo?

Sa isang unibersidad, alam at batid naman nating lahat na ito ay may sariling dormitoryo sa loob ng kampus na nakalaan para sa mga estudyante nito. Ngunit ang katotohanan, ito ay limitado lamang sa kanilang mga papasuking dormers. Kadalasan ang binibigyan nila ng pagkakataon na manatili dito ay yaong mga estudyanteng hindi makayanan ang pagrenta ng isang boarding house dahil sa laki nga ng mga bayarin. Samantalang kung ikaw ay namamalagi sa isang dorm ay hindi ka makakagastos ng tataas sa mahigit isang libo kada buwan kasali na rito ang babayarin sa tubig at kuryente.

Kaya tunay ngang ang makakuha ng espasyo sa dorm ay isang malaking tulong upang mabawasan ang pabigat na mga gastusin sa isang estudyante dahil maliban sa makakatipid ang kanilang bulsa ay tiyak sigurado na rin ang kanilang seguridad at kaligtasan. Ngunit hindi maitatanggi ng lahat na kapag ikaw ay nakatira sa isang dorm ay hindi maiiwasan na may mga negatibong reaksiyon kang maririning mula sa iba’t-ibang indibidwal na makasisira sa imahe ng iyong tinutuluyan.

Ang Natatanging Reyalidad

Dito sa Pamantasang Mindanao ay mayroong dorm para sa mga iskolar nito. Magkahiwalay ang dorm para sa mga kalalakihan at para sa mga kababaihan. Mayroong Main Dorms at mayroon din itong kanya-kanyang mga Annex. Bawat dorm ay may namamahala upang pamunuan ang mga dormers sa mga nararapat nilang gawin habang sila ay namamalagi rito.

“Damak” (Burara)

Ito ang salitang naririnig ko sa iilang mga MSUan sa tuwing pinag-uusapan kung paano nila mailalarawan ang mga estudyanteng tumutuloy rito. Ang iba ay wala ng pag-aanlinlangan at ito talaga ang naging unang kasagutan nila. Kaya “damak” na rin ang naging tingin ng ibang mga estudyante sa mga dormers. Ito na ang nakasanayang naging pananaw at unang impresyon ng karamihan na tila hindi na maalis-alis sa kanilang isipan.

Ngunit paano nga ba mawawaksi ang ganitong uri ng stigma gayong ang iba ay naniniwala lamang sa mga naririnig nila?

Ayon sa aking nakapanayam na si G. John Albert H. Loyola, Gobernador ng Boys Dorm Annex, kanyang pinabulaanan na hindi naman daw “damak” ang mga dormers lalo na ang mga tumutuloy sa main dorm dahil siya mismo ay nakapunta roon at nasaksihan niya ang kalinisan ng paligid nito. Dagdag pa niya, ang kaibahan lamang ng Main sa Annex ay mas malaki ang populasyon kung kaya medyo kalat lamang tingnan ang kaligiran nito.

Sa katunayan, ayon pa sa kanya wala namang katuturan ang naging esteriotipo ng mga indibidwal na naglalarawang burara ang mga dormers dahil nga bilang isang gobernador daw hindi naman sila naging pabaya kung ang pag-uusapan ay tungkol sa kalinisan. Gayundin, kanyang ipinaliwanag na may responsibilidad silang ginagampanan tuwing katapusan ng linggo at ito ang tinatawag nilang “Do Day” kung saan ang lahat ng mga dormers ay nagbabayanihan at nagtutulungan sa paglilinis.

“Dapat ituring niyo ang dorm bilang bahay ninyo.”

Ito ang mga katagang palagi niyang ipinapaalala sa kanyang mga kasamahan upang ang lahat ay maging disiplinado. Itinatanim niya rin sa isipan ng mga dormers ang pagiging marespeto dahil hindi lamang iisang grupo ang naroroon kundi sila ay diverse at may iba’t ibang kultural na paniniwala at kinagawian. Kung kaya hindi lamang kalinisan ang napananatili nila kundi pati na rin ang katahimikan at kaayusan.

Pagpatigayon!

Sa ipinahayag naman ni Gng. Laureana Emnace, Dorm Manager I ng Ladies Dorm Annex, para raw mapanatili ang kalinisan at kaayusan ay mayroon silang talakdaan kung sino ang kanilang itatalaga na maglilinis sa iba’t ibang parte ng dorm kagaya na lamang ng kanilang palikuran kahit mayroon namang tagapaglinis dito. Ayon pa sa kanya, dalawang beses silang nagkakaroon ng bayanihan sa loob ng isang semestre dahil sa pamamagitan nito ay matututo ang mga dormers ng mabuting gawi at hindi sila maturingan bilang mga “damak” lalo pa’t sila ay mga kababaihan. Lagi niyang pinapayuhan ang mga dormers na maging maging malinis sa kanilang sarili at lalo na sa kanilang paligid dahil ito ang sumasalamin sa kanilang pagkatao.

OPENion Mo!

Ayon naman kay Marsida Alimuddin, isang dormer ng Ladies Dorm Annex, ay mayroon silang mga tuntunin na sinusunod upang mapanatili nga ang kalinisan at kaayusan sa bawat sulok ng dorm. Ilan lamang dito ay ang bawal na pagkain sa loob ng kanilang kuwarto gayundin ang paggamit ng mga appliances gaya na lamang ng rice cooker, paglilinis ng kusina matapos gamitin at ang bawal na pagpasok ng sapatos sa loob at panloob lamang na tsinelas ang pwedeng gamitin. Dagdag pa niya ay mayroon silang curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga at kung lalagpas namang makauwi bago ang alas-9 ay dapat makakuha raw sila ng passlip na siyang magsisilbing daan upang papasukin sila ng iba nilang kasamahan.

DorMEEToryo!

Walang naman palang katuturan na “damak” o burara ang namamalagi sa dorms. Ang istorya ng bawat personang aking nakapanayam ay ang patunay na ang mga dormers ay malinis, maayos at disiplinado. Sa kabila rin ng kanilang pagkakaiba sa kinagawian at kinalakhang nakasanayan sila ay nagkakapit-bisig upang kanilang ipakita sa lahat at mapatunayang sila ay tagapagsulong ng kalinisan. Landasin nilang mawaksihan at maitigil ang negatibong paningin sa kanila ng karamihan.

#Stopthestigma

This article is from: