2 minute read
May pakialam ang nangingialam
Panahon na naman kung saan ating masasaksihan ang sari-saring paandar ng mga kandidato nang sa gayon ay kanilang makuha ang pulso ng mga kababayan. Magdidikta ang darating na Oktubre 30, 2023 sa tatlong taong kapalaran ng 42,029 na mga pinakamaliit na pamahalaang lokal na yunit sa Pilipinas. Tila ito ay magiging balik-tanaw sa nagdaang 2022 National Elections na siyang hindi nakitaan ng makabuluhang pagbabago sa bansa pagkatapos ang isang taong pamumuno ng mga bagong lideres. Datapwat, bahagyang nasa mga botante ang sisi kung bakit nahalal ang mga inkompetente.
Nakasaad sa The Local Government Code Of The Philippines, Book III Comm ang mga gampanin ng isang barangay bilang parte ng administrasyon. Ang Punong
Advertisement
Barangay, kasama ang pitong miyembro ng Sangguniang
Barangay, Sangguniang Kabataan
(SK) Chairman, kalihim, at tagaingat-yaman ay responsable sa pagpaplano, pagpapatupad ng mga batas, paggawa ng iba’t ibang programa, pagsisiguro sa kaligtasan ng mga kababayan, at marami pang iba. Dagdag pa, mayroon ding SK na binubuo rin ng mga parehong tagapagpaganap. Sila ang mangunguna upang maisagawa ang layunin ng kabataang barangay ayon sa parehong kodigo. Samakatuwid, ang mga lideres na ito ang magsasaayos sa komunidad kung saan ang pangunahing prayoridad ay ang kapakanan ng nasasakupan.
Subalit, baluktot din ang sistema ng ibang barangay sa Pilipinas. Hindi na ito nakapagtataka sapagkat nang ipagliban ng senado ang eleksyon ng Barangay at SK mula sa orihinal na iskedyul na Disyembre 5, 2022 ay idineklara itong labag sa konstitusyon ng Korte Suprema. Daan-daang opisyales naman ang naharap sa kasong kriminal dahil sa kanilang katiwalian. Halimbawa na lamang noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic, 183 na opisyales ang ipinakulong dahil sa korapsyon ng emergency cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP). Higit na biyaya naman ang natatanggap ng mga may kapit sa itaas dahil sila ang unang nagkakaroon ng trabaho, benipisyo, at pribilehiyong sana ay mas naipamamahagi nang pantay sa lahat. Hindi rin nawawala ang political dynasty lalo na sa mga maliliit na barangay kahit pa ipinagbawal na ito ng Artikulo II, Seksyon 26 ng 1987 Konstitusyon.
Malakas naman ang daing ng mga kabataan sa social media dahil tila ang ibang SK ay hindi nararamdaman maliban na lamang sa mga paliga ng basketbol. Kakaunti lang nakikilahok sa mga kilusan ng kabataang barangay dahil limitado ang pamamahagi ng impormasyon. Biro ng ilan, ang unang proyekto ng mga ito ay motor o hindi kaya ay ang pinakabagong modelo ng cellphone.
Nakakubli sa mga ‘birong’ ito ang isang repleksyon ng pamumuno ng SK. Nakakalungkot mang sabihin, ito ay nagmistulang pugad ng mga batang buwaya na siyang hinahanda para sa mas mataas na posisyon sa hinaharap.
Sa darating na lokal na halalan ay nawa mamulat ang sambayanang Pilipino sa sitwasyon ng bansa na siyang bunga ng pagpapadala sa mga mabubulaklak na salitang pawang isinulat sa tubig ng mga nahalal at ng kanilang bulok na pamamahala. Ang paghahanap ng isang matinong lider sa kasalukuyan ay parang paghahanap ng karayom sa isang dayami. Kung kaya, bilang mga responsableng botante, maging kritikal sa pagpili ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagsusuri ng kanilang track record, paggawa ng sariling pag-aaral, at hindi pagpapadala sa pera o pabor. Ating ihalal ang barangay opisyal na may konkretong plano at may napatunayan na dahil hindi sapat ang plataporma at pangako. Ating iluklok ang SK na may matapang na boses at kayang ipaglaban ang mga kabataang pag-asa ng bayan. Tayo ay BOBOTO sapagkat hindi BOBO ‘TO . Nasa ating mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng barangay.
Sa kabila ng pagkabigo mula sa pamahalaang nasyonal, may pag-asa pa kaya ang inang bayan sa kamay ng mga mahahalal na lokal na pinuno? O hindi kaya’y tuluyan nang mahuhulas ang kinang ng perlas ng silangan? Ang sagot ay nasa kamay ng mga nangingialam at may pakialam.