5 minute read
Mga hotel at iba pa, balik-operasyon na
ni Fatima Marwa Fadzlulkarim
Mula sa pagtanggap ng mga bisita ay naging quarantine facilities ang ilang hotel sa Pilipinas sa kasagsagan ng COVID-19. Ngunit tatlong buwan bago matapos ang taon ay idineklara ng Kagawaran ng Turismo o Department of Tourism na pinahihintulutan na ang mga hotel na magbalik-operasyon at tumanggap ng mga panauhing nais mag-staycation sa mga lugar na kinasasakupan ng General Community Quarantine.
Advertisement
Ang nabanggit na establisyemento ay nangangailangan munang kumuha ng DOT Certificate to Operate for Staycations Under GCQ, ayon yan sa Kalihim ng Turismo na si Bernadette RomuloPuyat matapos lagdaan ang Administrative Order 2020-006A, o ang Amended Guidelines for Staycations Under GCQ.
Nakasaad din sa kautusang ito na ang mga hotel ay maaaring tumanggap ng mga panauhin ng lahat ng edad, maliban sa mga may kondisyong medikal o hindi kaya’y buntis.
Ang mga nagpaplanong mag-staycation naman ay kinakailangang magprisinta ng negatibong resulta mula sa rapid antigen test na isasagawa sa parehong araw ng kanilang check-in. Isa hanggang dalawang tao mula sa isang sambahayan ang maaring mag-check in sa commodity na may 20 sqm ang lawak; dalawang tao sa 21-29 sqm, tatlo para sa 30-39 sqm, apat na tao sa 40 to 49 sqm, at limang tao naman ang pinapayagan sa kwartong may 50 sqm pataas ang lawak.
Sinisigurado naman ng pamahalaan na inuuna pa rin ang kaligtasan ng mga tao sa kabila ng pagbubukas ng mga establisyementong ito. Ayon kay Puyat, kailangang magsumite ng record of occupancy tuwing ika-10 ng buwan sa mga lokal na pamahalaan na tanggapan ng turismo upang masubaybayan ang pagsunod nito sa batas.
Maaaring magmulta at mabawi ang kanilang akreditasyon o Certificate to Operate kung sila ay lalabag sa mga patakarang pangkaligtasan.
Maliban sa hotel ay pinapayagan na rin ng Administrative Order 2020-006-A ang pagbubukas muli ng mga pasilidad kagaya ng gym, swimming pool, at mga kainan sa kondisyon na susundin nila ang mga patakaran at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. Dahil turismo ang isa sa mga pinakaapektado ng pandemyang dulot ng COVID-19, ipinahayag ni Puyat na napakahalaga ng pagbubukas ng ekonomiyang ito sa pagbabalik ng trabaho na hindi nawawala sa isipan ng tao ang pagiingat sa kalusugan at kapakanan ng nakararami.
Pilipinas: Pasok sa 20 bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19
ni Fatima Riesa A. Karay
Pilipinas , ika-20 sa bilang ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo ayon sa Worldometer noong ika-2 ng Oktubre 2020.
Makalipas ang 22 araw mula ng inilabas ang impormasyon ay umabot na sa higit 367,819 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na may 47,773 aktibong kaso, 6,953 katao naman ang binawian ng buhay habang nasa 313,112 ang bilang ng mga gumaling.
Ngayong ika-24 ng Oktubre 2020 maitatalang nasa ika20 bilang pa rin ang Pilipinas. Nangunguna sa listahan ang Estados Unidos na naitalang mayroong higit 8 milyong kaso, pangalawa ang India na may mahigit 7 milyon na kaso at pangatlo ang Brazil na mayroong 5 milyong kaso ng nasabing sakit. Maaring makita ang kumpletong listahan sa lingguhang talaan ng World Health Organization o sa website ng Worldometer. Giit ng Kagawaran ng Kalusugan ay dapat mas pagtuunan ng pansin ang mga aktibong kaso kaysa sa buong bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa.
DENR, tinatanggi ang pagwashout ng white dolomite sand
ni Kiana Mae A. Morgia
Bilang tugon sa mga batikos ukol sa pag-washout ng white dolomite sand ng Manila Bay Rehabilitation Project, iginiit ng Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda na natabunan lamang ito ng itim na buhangin noong ika-14 ng Oktubre, 2020.
Sa pahayag kay Antiporda, inihayang nito na hindi totoo ang mga kumakalat na impormasyon matapos suriin ng DENR at ng Korte Sumprema ang proyekto.
“Puro kasinungalingan po yung lumabas na nag-washout po ‘yung white sand natin. Ang nangyari po talaga is wash in, pumasok po ‘yung itim na buhangin at pumatong doon sa white dolomite.” Paliwanag nito.
Mariin naman
INQUIRER Dolomite Beach, Manila Biyernes, Oktubre 9, 2020.
nitong dinepensahan ang presensya ng dalawa hanggang tatlong pulgada ng itim na buhangin at sinabing hindi pa itong regular na napapanatili sapagkat ito ay sakop pa ng hurisdiksyon ng kotraktor. “Eto po, kaya po hindi po to talaga minemaintain pa ngayon dahil this is still under the jurisdiction of the contractor,” diin nito sa pahayag. Binatikos rin nito ang mga pahayag ng mga eksperto mula sa Unibersidad ng Pilipinas na naglahad ng kanilang sari-sariling opinyon ukol sa problemang pangkalikasan na maaaring magaganap ng paglagay ng dolomite.
Matatandaang inulan ng samu’t saring reaksyon ang proyektong ito nitong nakaraang buwan sapagkat ipinagpatuloy ito sa gitna ng pandemya kung kaya’t naghahalo ng batikos at suporta ang paganod ng white dolomite sand sa Manila Bay.
CNS PHOTO Idineklara ni Pope Francis ang yumaong binatilyo na si Carlo Acutis bilang pinagpala at naitalang kauna-unahang Blessed Millennial.
Carlos Acutis, binansagang Patron of the Internet
ni Myron Larracochea
Ang talyanong social media influencer na si Carlo Acutis ay idineklara na ng Simbahang Katoliko bilang isang “Blessed”. Ginanap ang kaniyang beatification noong ika-10 ng Oktubre, 2020 sa Basilica of San Francesco, Assisi, Italy. Pinangunahan ni Cardinal Agostini Vallini ang beatification rites na dinaluhan ng mga magulang ni Acutis at ng humigitkumulang na 3,000 katao.
Si Acutis ay binansagang Patron of the Internet dahil sa kanyang paggamit umano ng internet upang i-dokumento ang mga Eucharistic miracles na nangyari sa iba’t ibang parte ng mundo. Ang mga Eucharistic miracles ay tumutukoy sa mga hindi maipaliwanag na kaganapan na nangyari sa banal na ostia. Dahil dito, tinawag din si Acutis na “Cyberapostle of the Eucharist”. Bukod sa kaniyang paggamit ng kakayahan sa kompyuter sa pagdokumento at pagpapalaganap ng mga Eucharistic miracles ay kilala rin si Acutis sa kaniyang matinding pananampalataya sa Diyos. Sa murang edad ay niyakap niya nang buo ang kaniyang pananampalataya bilang Kristiyano sa pamamagitan ng araw-araw na pagdalo sa misa, pagdalo sa Eucharistic Adoration, pagdasal ng rosaryo, at pangungumpisal.
Si Carlo Acutis ay namatay sa edad na 15 noong 2006 dahil sa sakit na leukemia. Itinalaga rin ni Pope Francis na Oktubre 12 ang taunang kapistahan ni Carlo Acutis bilang pag-alala sa anibersaryo ng kaniyang kamatayan.
Sa proseso ng beatification, nararapat na may mapatunayang milagro ang maiuugnay sa pagsasakatuparan ng isang panalangin dahil sa intercession ng yumaong banal na tao. Noong Pebrero 2020 ay inaprubahan ni Pope Francis ang cause for beatification ni Acutis dahil sa paggaling ng isang batang Brazilian na may rare congenital disease sa pancreas. Pinaniniwalaan ng simbahan na ang milagrong iyon ay nangyari dahil sa intercession ni Acutis.
Isang milagro pa ang kinakailangang maiugnay kay Acutis upang maideklara siya bilang isang ganap na santo. Kung maisasakatuparan ito, si Acutis ang magiging kauna-unahang santo na magmumula sa henerasyong ito.