KAPARES
KAPARES
Dulang May Isang Yugto
ni Benedict Megriño Cauilan
Agosto 2024
Tauhan:
Wan, 24 taong gulang, katamtaman ang katawan, nakasalamin at bagong gupit.
Issa, 25 taong gulang, balingkinitan, laging nakatali ang buhok.
Loob ng apartment. Sa kaliwa, may sofa at isang coffee table. Sa ibabaw ng coffee table ay mga magazine. Sa likod ng sofa ay ang pinto papalabas ng apartment.
Sa kanan ay lamesa na nagsisilbing hapag-kainan. Sa likod nito ay ang lababo kung saan nakapwesto ang basurahan.
Pagbukas ng ilaw ay makikitang may hinahanap si Wan sa bandang pinto habang nakaupo naman si Issa sa pinakadulong upuan sa hapag-kainin
WAN
Mahal, nakita mo ba yung pares nitong tsinelas ko? (Sisilip sa ilalim ng sofa.) Lalabas lang ako.
ISSA
(Humihigop ng kape.) 'Yan kasing sinasabi ko sa `yo, sabing ilagay sa lagayan yung mga sapatos at tsinelas e (Naiinis).
WAN
Mahal pwede bang mamaya mo na ‘ko bungangaan, bibili lang ako ng pagkain ni Orange.
ISSA
Wan, hindi kita binubungangaan.
WAN
Kung hindi mo alam kung nasaan, sabihin mo na lang.
ISSA
Ang hirap kasi sa `yo hindi ka marunong makinig e.
WAN
‘Pag nahanap ko, ilalagay ko na sa sapatusan.
ISSA
Wag na. (Pabalang)
O, akala ko ba
ISSA
Wag na, Wan. Gawin mo nang gusto mong gawin. Ayoko na.
WAN
Mahal? (Nagtataka) Ayos ka lang ba? Kapag nahanap ko, wag ka mag-alala, ilalagay ko na sa sapatusan.
ISSA
Kita mo 'yan, hindi ka talaga nakikinig (Maiinis). Wan, ayoko na.
WAN
Mahal ano bang problema?
ISSA
(Mapapahawak sa ulo). Hindi ka nga marunong makinig!
WAN
(Susubukang huminahon) Mahal, kapag nahanap ko, promise ilalagay ko na, promise (Itataas ang kanang kamay). Ano pang gusto mo?
ISSA
Ayoko na. Hindi ka marunong makinig
WAN
Mahal, mahanap ko lang 'to, okay na tayo. Tsaka pagtapos kong bumili ng ulam ni Orange, itatapon ko na yung basura
ISSA
(Manlulumo) Ano? Hindi mo pa tinapon yung basura?
WAN
Itatapon ko na ngayon na. (Tatakbo pupunta sa ilalim ng lababo) Sakto mahal o, ngayon lang napuno. Hehe. (Kukunin ang trash bag mula sa trash can sabay itatali ang dulo nito.) Hintayin
mo 'ko ha, hahanapin ko lang tsinelas ko, ta's itatapon ko na 'to, ta's bibilhan ko na rin ng pagkain si Orange. Dito ka lang, wag kang aalis. Lalabas tayo pagbalik ko.
ISSA
Kita mo, pati pag-alis ko, o pananatili (mababakas na naluluha sa pananalita), ikaw ang nagdedesisyon. Hindi ka marunong makinig. Wala kang pinapakinggan. Akala mo ikaw lagi ang tama. (Sisigaw) Pinaglihi ka ba sa customer?
WAN
(Magtataka) A..ako? Paano ako pinaglihi sa customer?
ISSA
Kasi pakiramdam mo lagi kang tama!
WAN
(Susubukang umupo sa upuan na nasa kabilang dulo ng mesa). Mahal, hindi kita maintindihan.
ISSA
(Tatayo mula sa kinauupuan at pupunta sa kaliwang bahagi ng entablado) Dahil ayaw mo!
WAN
Naiwala ko lang naman yung pares ng tsinelas ko, mahahanap ko rin naman 'yun. Itong basura, itatapon ko na kahit nakapaa. Yung pagkain ng pusa, bibili ako ng pagkain ng pusa kahit nakapaa, tutal sa baba lang din naman yun. O tapos okay na. Okay na tayo. Maligo ka na ta's lalabas tayo. Kailangan mo ng hangin. Kailangan mong maglakad.
ISSA
(Naiinis na maiiyak) Punyeta naman Wan! Pati kailangan ko, ikaw nakakaalam.
WAN
(Tatayo) E ano ba kasing kailangan mo?
ISSA
(Tatayo at lalapit kay Wan. Isasara niya ang kaniyang palad na tila nakikiusap). Wan, alam mo anong kailangan ko? Kailangan kong makinig ka. Kahit ngayon lang. Para mo nang awa. Kahit ngayon lang. (Hahawakan nito ang mga balikat ni Wan.) Wan, nakikinig ka na ba?
WAN
(Tatango)
ISSA
Game na?
WAN
(Tatango ulit)
ISSA
Wan, ayoko na.
WAN
(Bubuksan ang bibig at akmang magsasalita.)
ISSA
At hep-hep, Wan, hindi lang naman 'to ukol sa basura, o sa tsinelas, o sa cat food. (Susubukang huminahon.)
Wan:
Anong ibig mong sabihin?
ISSA
Wan (lalakad papunta sa gitna ng entablado), Wan, kung sa mga bagay na tinuturing mong
maliit, gaya ng basura, tsinelas, o cat food, e nahihirapan ka nang makinig, paano pa kaya sa malalaking bagay? Akala mo ikaw lagi ang tama.
Wan:
Mahal—
ISSA
(Tatakpan ang bibig ni Wan gamit ang kaniyang hintuturo.) Gets! Shhhh! Shhhh! Gets ko
namang matalino ka. Sobra. Kaya nga kita nagustuhan 'di ba. Sobrang talino mo e. Laglag nga ang panti ko sa 'yo tuwing nagrerecite ka nung college tayo. (Matatawa) Kaya nga heto, heto
tayo at anim na taon na. Wan, sa anim na taon na 'yon, wala pa atang limang beses na nakinig ka sa mga suhestiyon ko. Sa mga sinasabi ko. Kasi ikaw lagi ang tama. Kahit hindi, ikaw pa rin.
Kapag ako ang mali, ikaw ang tama. Kapag ako ang tama, tama ka rin, pero mas tama ka. Hindi na nga ata karelasyon ang tingin mo sa'kin e. Parang ano, parang empleyado. Ganun, ta's ikaw
yung boss. O kaya parang aso, ta's ikaw yung amo ko. Ganun? Kuha mo ba, Wan? Kuha mo 'yan
matalino ka naman e.
WAN
Mahal, bakit hindi mo sinabi sa akin agad?
ISSA
Wan, huwag mo na ‘kong tawaging mahal. Tsaka Wan (mauupo sa sofa) ang tagal ko nang sinasabi ‘to sa ‘yo. Sa araw-araw na ginawa ng diyos, nagsasabi ako. Pero hindi mo napapansin.
Hindi mo ko pinapansin, Wan. Hindi. Napapansin mo pala ako. Napapansin mo ‘ko kapag nagkakamali ako. Napakabilis mong punahin ‘yon. Kapag may ginawa akong hindi ayon sa sinabi mo, naiinis ka, nagagalit ka. Pupunahin mo ‘ko, sabay kapag ayos na, hindi mo na ko papansinin.
Para bang nabuhay lang ako para magsumite sa mga kagustuhan mo. (Tatayo) Para bang wala na kong sarili. Parang lahat ng ukol sa akin, e ukol sa ‘yo.
WAN
(Mapapayuko at manghihina ang boses) Ganoon ba?
ISSA
Oo, Wan, ganoon. Kumbaga kung titignan ang buhay ko sa internet, lahat ng cited work e papunta sa buhay mo. Mini me mo ‘ko. Papet. Kontrolado mo ‘ko, Wan. Kontrolado mo na ‘ko.
Mahal mo pa ba ‘ko?
WAN
Mahal naman, syempre, oo.
ISSA
Pero batid mong hindi maaaring magsama ang pag-ibig at kontrol sa iisang pangungusap?
WAN
Oo.
ISSA
Oo. Kaya may isang dapat mawala.
WAN
Ang hangad na kontrolin ang taong gustong ibigin, o iniibig.
ISSA:
Dahil ang pag-ibig ay mapagpahintulot ngunit makatwiran. Mahal mo ako, pero ang daming
bagay ukol sa akin na ayaw mo?
WAN
O…o. Oo?
ISSA:
O gago, hindi mo ‘ko mahal. (Pipingutin si Wan)
WAN:
A…ar..aray! Aray, Issa. Sorry na. Okay, ulit, ulit.
ISSA:
Mahal mo ‘ko? Edi dapat tanggap mo kung sino ako. Kung ano ako Hindi yung may nabuo ka nang imahe diyan sa isip mo, at pinagsusumite mo na lamang ako para sumakto sa imahe na yon. Dapat batid mong may buhay ako. Tao ako. Indibidwal. Umiiral. Hindi karakter sa isa sa mga akda mo. Hindi papet. Hindi aso. Tao ako. Indibidwal. Umiiral. Kapares mo. Kapantayan.
WAN:
Mahal, patawarin mo ako. Akala ko kasi, akala ko ayos tayo. Kasi sinusubukan ko namang
ayusin.
ISSA:
Nauunawaan ko naman. Naa-appreciate ko yung effort mo. Pero Wan, wala ako sa “tayo” mo e.
Pakinggan mo naman ako. (Hahawakan sa mukha si Wan.) Buksan mo naman yung puso mo sa ‘kin, buksan mo yung tenga mo. Dalawa tayo rito o. Isa ka, isa ako.
WAN:
Mali, Wan ako, Issa ka.
ISSA:
(Matatawa nang bahagya) Nakakainis ka. Ang corny mo. Hahahaha.
WAN
(Matatawa rin ngunit agad na magseseryoso). Tama ka.
ISSA
Wow, edi plus one-point agad ako sa scoreboard? Makakahabol na ba ko sa ‘yo?
WAN
(Mapapatakip ng mukha sa hiya). Tama ka. Isa ka, isa ako. May buhay ka. Ibang tao ka, kaya
maling lahat ng ginagawa mo, o lahat ng ukol sa ‘yo e ayon sa akin.
ISSA:
Kung gusto mo lang din namang ayon sa kagustuhan mo, at halos kagaya mo ang kasintahan mo, aba hahaha, mag-jowa ka ng salamin! (Pupunta sa kabinet at kukuha ng tuwalya). Maliligo
na ‘ko. Ipasok mo na rin yung mga sampayin pagbalik mo ha. At teka, bago ko malimutan.
(Pupunta sa hapag-kainan at may kukunin sa ilalim) O itong tsinelas mo, pakalat-kalat kasi!
(Nang-aasar)
WAN
(Magugulat at matatawa) Nasa ‘yo?
ISSA:
Feelingero! Iniwan mo yan d’yan kanina pagtapos mong kumain.
WAN
Pati ‘yon, tanda mo! Hahaha!
ISSA
Oo, kasi mahal kita. Lahat ng ukol sa ‘yo, mahal ko. Kahit ‘yang pagiging malilimutin mo.
WAN
(Isusuot ang tsinelas.) Maligo ka na, lalabas tayo pagbalik mo. Kakain tayo ng kung anong gusto mo.
(Magdidilim ang entablado)