4 minute read
Titik
Nakatatak sa ating pagka-Pilipino ang ating natatanging kultura at kasaysayang inukit na sa matagal na panahon. Naging tanyag sa atin ang Baybayin na siyang ating tinuturing na ina ng ating sistema sa pagsusulat. Sa tulong nito, mas nagkaroon tayo ng pagkakakilanlan, kaya hindi maikakaila kung bakit ganoon na lamang ang kagustuhan ng House Committee on Basic Education and Culture upang ituring na pambansang sistema ng pagsusulat ang Baybayin. Kapag naaprubahan, ang House Bill 1022 o “National Writing System Act,” ay naglalayong gamitin ang Baybayin sa mga etiketa ng mga produkto at ang mga LGU’s naman ay dapat isakatuparan ang naturang batas sa pamamagitan ng paggamit ng Baybayin sa mga karatula sa kalsada at sa mga gusali katulad ng mga ospital, istasyon ng bumbero at pulis, at sa mga plaza at city hall.
Hindi maikakaila na ang pinakasikat na sistema ng pagususulat ay ang Baybayin. Kadalasan na nga itong ginagamit sa sining, sa mga tattoo kahit sa makabagong disenyo ng ating pera ay matatagpuan din ito. Ngunit mas kilala ito sa tawag na ‘alibata’ na kung ating babalikan sa ating kultura, ay sadyang mali. Ayon sa UP Diksiyunaryo Filipino, ang alibata ay ang siyang unang dalawang titik ng arabikong alpabeto alif(a) at bata (b) at ang Baybayin ang tawag sa sinaunang alpabeto ng mga Pilipino. Ang Baybayin ay isang sistema na bunga ng impluwensya ng mga taga-India sa mga bansang Indonesia at Malaysia ay siyang nakarating sa ating bansa. Ito ay karaniwang ginagamit ng mga taga-Luzon at ng mga taga-Visayas. Ito ay nagmula sa salitang “baybay” na ibig sabihin ay “to spell.” May mga paniniwala rin na ito ay nagmula sa salitang “baybay” na nangangahulugang dalampasigan.
Ang Baybayin ay binubuo ng tatlong patinig at 14 na mga katinig. Ang mga katinig ay nagtatapos sa patinig na ‘a’ at ginagamitan ng kudlit upang palitan sa ibang patinig.
Ngunit hindi lamang baybayin ang siyang natatanging sistema ng pagsusulat na nabuo sa arkipelago ng Pilipinas. Sa pagsasaliksik ng mga eksperto, tinatayang 16 na iba't-ibang sistema ng pagsusulat (na pangkalahatang tinatawag na “suyat”) ang siyang nabuo bago paman dumating ang mga dayuhan sa bansa. Natatanging dalawang pook na lamang sa bansa ang nakapagpanatili ng kanilang sistema ng sulat. Ito ay ang ‘Surat Mangyan,’ na siyang ginagamit ng mga Hanunó'o- Mangyan at Buhid-Mangyan sa Mindoro, at ang ‘Surat’ ng mga Tagbanua at Pala’wan sa Palawan, na nangangahulugang pagsulat.
Mga natitirang suyat
Ang salitang ‘Mangyan’ ay tumutukoy sa isang pangkat-etniko na naninirahan sa isla ng Mindoro. Ang iba sa kanila ay matatagpuan sa iba pang mga lugar sa ating arkipelago tulad sa isla ng Tablas at Sibuyan sa probinsya ng Romblon , Albay, Negros at sa Palawan. Kinapapalooban ito ng iba’t ibang mga tribu kagaya ng Iraya, Alangan at Tadyawan na siyang bumubuo sa mga tribu sa Hilaga. At ang mga tribu namang matatagpuan sa Timog ay ang tribu ng Buhid, Bangon Batangon, at ang Hanunó'o-Mangyan. Dalawang tribu lamang ng mga Mangyan ang nakapagpanatili ng kanilang sistema ng pagsulat.
HANUNÓ'O • Pinaniniwalaang nagmula ang Hanunó'o sa sistema ng mga taga Java, Bali at Sumatra na kung tawagin ay Kawi, na nagmula din sa Pallava script na nagmula sa Timog India na nagmula sa Brahmi. Kadalasang inuukit sa mga kawayan gamit ang maliliit na kutsilyo sa pagsusulat ng mga tula na kung tawagin nila ay ambahan o mga musika na may kinalaman sa pag-ibig. Mahigit 70% ng mga Hanunó'o-Mangyan ang marunong magbasa at magsulat gamit nito. Sinusulat ito mula ibaba paitaas at mula kaliwa pakanan at binabasa mula sa kaliwa papuntang kanan nang pahalang.
Dahil sa makabagong sistema ng edukasyon, ganoon na lamang ang pangamba na baka mabura sa ating kasaysayan ang ganitong sistemang pinangalagaan sa loob ng matagal na panahon. Kung kaya’t minabuti ng mga namumuno sa ng Hanunó'o-Mangyan na idagdag ang pagtuturo ng Surat Mangyan sa mga silid aralan.
BUHID • Ang sistema ng pagsulat ng mga Buhid ay may magkaparehong kasaysayan ng mga Hanunó'o-Mangyan. Ito ay nag-ugat din sa Brahmi ng mga taga-India, na kung saan nagmula ang Pallava script na siyang pinanggalingan ng Kawi. Ito rin ay sinusulat kasama ng alpabetong Latin.
Ang sulat ng mga taga-Mindoro ay mahahalintulad sa sulat ng mga taga-Palawan. May nagkaparehong bilang ng patinig, ngunit ito lamang ay kinapapalooban ng 13 na mga katinig na siya ring nilalagyang ng patinig na ‘a’ sa dulo. Gumagamit din ito ng kudlit na inilalagay sa itaas o sa ibaba upang magsilbing gabay sa pagbabago ng patinig. Magkaparehas din ang direksyon ng pagsulat nito sa Mangyan at siya ring sinusulat sa mga kawayan gamit ang matalas na panulat na kung tawagin nila ay ‘pisaw.’
Ang pagkawala ng Baybayin
Sa pagdating ng mga dayuhang Kastila sa bansa, ang paggamit ng sistemang baybayin ay unti-unting nawala at napalitan. Kinalaunan, nagkaroon ng 32 na mga letra ang alpabetong ginagamit sa pagsusulat bunga na rin ng impluwensya ng mga dayuhan. Ito ay tinawag na abecedario.
Ang mga letrang matatagpuan sa abecedario tulad ng CH, LL, RR ay karaniwang ginagamit ng mga nagsasalita ng Chavacano na matatagpuan sa Zamboanga at mga iilang lugar sa Cavite.
Sa taong 1939, binuo ni Lope K. Santos ang bagong alpabeto ng bansa. Ang abakada ay ang alpabetong binubuo ng mga tunog sa Tagalog. Ito ay binubuo ng 20 na mga titik, lima rito ay patinig.
A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y
Ito ay binago ng Department of Education, Culture and Sports at dinagdag ang mga letrang: C, CH, F, J, LL, Ñ, Q, RR, V, X, Z, dahil na rin sa mga salitang bunga ng impluwensya ng mga dayuhan.
Ang Pangwakas na Tuldok
Sa kasalukuyan, ang ‘Makabagong Alpabetong Filipino’ ay binubuo ng 28 na mga titik, ang 20 ay nagmula sa abakada at ang natitirang walo ay nagmula sa alpabeto ng mga Espanyol. Ang paraan ng pagsusulat ay napakahalaga sapagkat ito ang nagiging paraan upang tayo ay makilala at mapanatili natin ang atin pagkakakilanlan. Sa mga titik na ito inukit ang mga kasaysayan ng kahapon na siyang salamin ng ating kasalukuyan. /CE