2 minute read

Gantimpala sa Nananampalataya

Nakatitig siya sa kanyang reviewer habang inihahanda ang sarili para sa gaganaping pagsusulit. Isang mataimtim na panalangin ang kanyang binulong habang papasok ang gurong magsisilbing proctor sa araw na iyon. Hawak-hawak ang bolpen, nakangiti niyang sinagot ang mga tanong na pinaghandaan niyang sagutin ilang araw na ang nakalipas. “Magiging RMT rin ako,” bulong niya sa sarili. Lingid sa kanyang kaalaman na may dalawang malalaking gantimpala palang nag-aabang para sa kanya.

Isang bagong tala sa makulay na kasaysayan ng Central Philippine University ang pagkakaroon ng College of Medical Laboratory Sciences ng kanilang kauna-unahang Summa Cum Laude at, kasama nito, ang pagsungkit ng pang-apat na pwesto sa Medical Technologist Board Examination noong Marso. Lahat ng ito ay naisakatuparan ni Daryl Jasyl Lim Cañon.

Si Daryl ay 21 taong gulang na residente ng Oton, Iloilo. Siya ay nagtapos sa kursong BS-MLS bilang Summa Cum Laude noong Hunyo 24, 2018 at nakakuha rin ng 1.23 na General Weighted Average (GWA) at markang 90.40% sa board exam.

Daryl Jasyl Lim Cañon, RMT

Panganay sa dalawang anak ng isang nars at isang taxi driver, hindi naging madali ang kanilang pamumuhay. Ayon kay Daryl, ang lahat ng sakripisyo ng kanyang mga magulang ang nag-udyok sa kanya upang lalong maganyak sa pagsulong. Ang suporta ng kanyang pamilya at ng kanyang mga kaibigan ang naging inspirasyon niya para bumangon tuwing siya ay pinanghihinaan ng loob.

Wala daw mapagsidlan ang tuwa at saya ni Daryl noong inihayag ng kanilang dean ang mga pangalan ng mga mag-aaral na mabibigyan ng parangal. Halos hindi raw siya makapagsalita o ni makagalaw man lang sa mga sandaling iyon. Tuwing babalik ang alaala niya ng araw na iyon ay napapangiti na raw lamang siya at muling nabubuhayan ng loob.

Habang hinihintay ang paglabas ng resulta ng board exam, ang paglalaro ng Mobile Legends ay naging isang paraan upang mawala ang kanyang kaba. Paglabas mismo ng resulta't natagpuan ang pangalang niyang napabilang sa mga nangunguna sa listahan, halos hindi siya makahinga ng maayos sa sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso at hindi napigilang mapahiyaw sa kagalakan.

Ayon sa kanya, wala siyang maibibigay na tips o life hacks o maibubunyag na sikreto kung paano niya naabot ang mga karangalang natanggap kundi pawang pananalig sa Maykapal ang kanyang baon. Itinuturing niya ang lahat ng mga pangyayaring ito bilang biyaya, walang hanggang biyaya mula sa Panginoon. Narating niya ang narating niya, hindi dahil sa kanyang kakayahan sa halip ay pagpapahintulot lamang ng Maykapal.

“There are so many references with tons of possible questions among many others. How do you stay sane amidst these? Prayers plus faith,” ika nga niya.

Isa sa mga nais bigyang-diin ni Daryl upang laging mapanatiling may maliwanag na isip lalo na sa pagkuha ng mga pagsusulit katulad ng naibanggit ay ang pananalangin at pananampalataya sapagkat walang nakakaalam kung anong mga tanong ang lalabas. Dagdag pa nga niya, ‘Study hard, pray harder’.

“Nakakabagot man ang paghihintay sa itinakdang panahon ng Panginoon, nais kong paalalahan ang bawat isa na ang Kanyang awa’t biyaya ang nagdala sa atin kung saan man tayo ngayon at sa tulong Niya, malayo ang ating mararating,” sabi niya.

Nakangiti siyang umakyat sa entablado isang taon ang lumipas matapos niyang kunin ang kanyang diploma. Isang masigabong palakpakan ang bumati sa kanya habang tinatanggap ang bunga ng paghihirap ng kanyang mga magulang at ng masigasig niyang pag-aaral. Maligayang nakipagkamay ang bawat opisyal ng paaralan sa kanya. Isa na siyang Registered Medical Technologist at isa pa sa mga mapalad na topnotcher.

Sa ngayon, balak ni Daryl na ibalik ang karangalan sa kolehiyong kanyang pinagmulan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanyang departamento habang hinihintay ang tawag sa kanya ukol sa plano niyang pagpasok sa medical school.

Naniniwala siyang makakatulong ito sa pagpapabuti ng edukasyon, lalo na sa mga magiging Registered Medical Technologist sa hinaharap. Ayaw daw niyang madaliin ang mga bagay-bagay dahil siya ay lubos na naniniwala sa mga salitang “God's perfect timing” /CE

This article is from: