5 minute read

Mga Guhit sa Bahaghari

Likas sa ating mga Pinoy ang magkaroon ng kayumangging balat. Kadalasang maituturing na naiipit tayo sa kalagitnaan ng pagiging maputi at pagiging maitim. Itinuturing pa nga ito ng iba na pagiging moreno o morena. Ngunit, ganoon na lang siguro tayo ka malikhain na nagkaroon ng iba’t ibang kulay ang pagiging kayumanggi. Naranasan mo na rin sigurong makumparahan ng kulay ng balat. May magsasabing ‘Uy mas maputi ako’ o di kaya ‘Ay parang umitim ka.’ Dahil likas sayo ang pagiging palaban, bigla mo na lang hahanapin ang pinakamaputing parte ng iyong balat. Iaangat ng bahagya ang damit, ipapakita ang hindi nasisikatan ng araw na balat na malapit sa braso at muli na namang ikukumpara upang malaman kung sino ang tunay na maputi. Nakakatawa dahil nagpapakita ito kung gaano tayo ka mabusisi upang matukoy ang iba’t-ibang kulay ng kayumanggi. Ngunit sa kasamaang palad, tayo-tayo ding mga Pilipino ang naghahanapan ng mga bagay na ikakasama ng ating loob at ng ating kapwa.

Ang mga Ulap sa Bahaghari

“Colorism”- isang uri ng diskriminasyon na pawang sa kulay ng balat, hindi kabilang kung saan at anong lahi siya nagmula. Kadalasan, makakarinig tayo ng mga salitang ‘nognog’, ‘kasing-itim ng uling’ ‘negro’ o ‘negra’ o di kaya’y ‘taga-bundok,’ iilan lamang sa mga ginagamit na pangungutya na maririnig natin sa ating kapwa. Hindi rin ligtas ang mga mapuputi, minsan ay nasasabihan din sila na parang sobrang putla, parang mayroong sakit at ang pinaka-karaniwang sinasambit ay ‘Hindi naman maganda, sadyang maputi lang, kung iitim ‘yan, mas maganda pa ako diyan.’

Ngunit ang kadalasang biktima ay ang may mga maiitim na balat. Mabilis matukoy ng iyong kapwa Pinoy ang pagababago ng kulay ng iyong balat. Tulad na lamang kung ikaw ay madalas nabibilad sa araw, tulad ng mga atleta o mga manggagawa, malamang ay narinig mo na ang mga karaniwang salita ng madla. May magsasabi na ‘Uy, parang umitim ka ata,’ o ‘Nagswimming ka?’ Pero may mga pagkakataon na nagiging personal na ang bagay na ito na nalilimitahan ang iyong mga kilos at ang mga taong gusto makihalubilo sa iyo.

Hindi rin natatapos ang ganitong mga biro, dahil kahit sa ating mga tahanan ay nagaganap ito. Baka isa ka rin sa mga biktima na nasabihan na ampon ng iyong mga nakatatandang kapatid dahil naiiba ang iyong kulay. Madalas kang sinasabihan na kamag-anak ng mga ‘Ati’ o ‘Badjao.’ Kahit sabihin pa natin na biro lang ito. Panigurado hanggang ngayon ay tumatatak ito sa iyong isipan.

Ang Litaw ng Bahaghari

Ang usapin na ito ay laganap hindi lamang sa ating bansa na kung saan may samu’t-saring pagkakaiba sa balat. Sa bansa tulad ng USA, ang mga Latino, mga taga-Africa at mga taga-Asya na may lahing Amerikano ay tampulan ng mga tukso dahil sa kanilang kulay. Kung babalikan, ang ‘colorism’ ay nag-ugat sa Europa na kung saan mas tinatanaw na mas nakakataas ang mga mapuputi, ito ay dahil itinuturing na ang may maiitim na balat ay mga alipin, mababa ang estado at hindi kagandahan. Ang pagkakaroon naman ng mapuputing balat ay simbolo ng kagandahan, katalinuhan, at nakaka-angat sa buhay. Ang ganitong mentalidad ay umusbong pa dahil sa mga pananakop ng iba’t ibang bansa.

Sa Pilipinas, base sa pananaliksik ang ganitong mentalidad ay impluwensya ng mga Amerikanong dayuhan halos anim na dekada na ang nakalipas. Itinanim ng mga Amerikano na ang pagkakaroon ng makinang na balat ay manipestasyon ng pagkakaroon ng positibong ugali at ang pagkakaroon naman ng maitim na kutis ay isang repleksyon ng hindi maayos na pag-uugali. Ang kagustuhang pumuti ay bunga din ng kagustuhang lumayo o iwanan ang mga nakaraang estado ng buhay o mga pagpapakita ng pagbabago sa sarili. May mga nagsasabi rin na ito ay dala ng mga Kastila dahil inuugnay nila ang pagkakaroon ng mas maputing balat sa estado ng buhay ng mga tao noon. Ang mga alipin ay karaniwag maiitim at ang mga mas nakakaangat sa buhay ay ang mga ‘mestizo’ o ‘mestiza.’

Isa din sa mga ebidensya kung gaano kabanidoso ang mga Pilipino pagdating sa usapin ng balat ay ang pagdagsa ng mga tao sa mga beauty o skin care shops. Mapalalake man o babae walang kawala sa kagustuhang pumuti, kuminis o marating ang pinakaaasam-asam na kulay ng balat. Dati nga ay may naririnig pa akong nag-uusap sa loob ng dyip tungkol sa kung ano yung mga ginagamit mong produkto o di kaya’y nasubukan mo na ba raw yung ganito o ganyan. Sambit pa nga ng isa ay hiyang daw ang kutis niya sa ganoong produkto at napaka-epektibo pa nga raw. At ang nakatutuwang parte pa nito ay puro lalake ang nasa usapan. Sadyang walang ligtas ang kahit na sinuman.

Ayon nga sa isang pag-aaral sa Africa, may apat na bagay kung bakit may kagustuhan ang mga tao na pumuti. Una ay upang magmukhang importante, pangawala ay mas maging kaakit-akit, idagdag pa rito ang kanilang pagkatuwa sa pagkakaroon ng maputing balat. At ang huli sa lahat ay itinuturing na isang uri ng ‘fashion’ ang pagpapaputi. Maliwanag din na hindi nila ginusto pumuti upang magtaliwas sa kanilang kultura ngunit ang pagkakaroon ng maputing balat ay magbibigay sa kanila ng mas magandang trabaho.

Ang mga Bituin sa Bahaghari

Sa mga nakaraang taon, nagsulputan ang mga produktong galing sa Korea dito sa ating bansa. Ganoon na lang siguro ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga taga-Korea na hindi naman talaga maikakaila na may magagandang kutis. Kung kaya’t hindi rin nagpahuli ang mga Pinoy at sinubukan ang mga produkto tulad ng mga aloe vera gel, facial mud, peel-off mask at mga day and night creams na baka sakali pa lang ay magbigay sa kanila ng pinakakaaasam-asam na kutis.

Ngunit ang ganitong usapin ay hindi na bago sa ating mga Pilipino. Kung ating babalikan, hindi hihigit sa limang taon na ang nakararaan ay nauso ang mga camera apps na kaya tayong paputiin. Gamit ang ganitong application sa ating mga mobile phones, kayang pakinisin, gawing kaaya-aya at itama ang kung ano man sa tingin pa natin ang mali sa ating balat (na kung tutuusin ay wala namang mali). Ilan sa pinakauso dati na mga applications ay ang “retrica” at “camera 360” na sa sobrang hilig ng masa sa pagpapakinis ng mukha ay nabubura na pati ang ating mga ilong. Matagal na rin nang nagsitayuan ang mga derma clinic sa bansa na magpahanggang sa ngayon ay buhay.

Matatandaan ang mga patalastas sa telebisyon ng iba’t -ibang uri ng sabon, lotion, beauty products, o tabletang maiinom na inaakit ang madla sa mga kutis ng kanilang modelo na bunga raw ng paggamit ng kanilang produkto na sa totoo lang ay maganda na talaga ang balat. Nahumaling ang lahat, bata man o matanda. May isa pang patalastas na naglalarawan sa isang babaeng ginustong pumuti. Nagpahid siya ng mga beauty products, nagpaturok, uminom ng mga tableta, at kung anu-ano pa. Sa huli, natagpuan na lamang siya na nakahiga sa isang kabaong dahil sa maabusong paggamit ng mga produkto.

Sa Dulo ng Bahaghari

Marahil ay hindi matatanggal sa ating isipan ang ganitong kagustuhan. Ang nakakapangambang sitwasyon ay kung paano lamunin ng hiya at takot ang mga biktima. Nawawalan sila ng tiwala sa sarili at ang iba ay nagkakaroon ng galit sa kung sino at kung ano ang mayroon sila. Ganito katalim ang mga salita na kung minsan para sa atin ay pawang biro lamang. Sana’y isipin natin ang bawat salitang ating sinasambit dahil baka may mga tao ka na palang ninanakawan ng buhay.

Hindi masama ang mag-asam ng magandang kutis, maging maputi, o maging kakulay ang iyong idolo ngunit tandaan hindi rin kasalanan kung ika’y maitim o maging kayumanggi. Kaya ang mali ay kung itinuturing mong isang basehan ang kulay para kung sino ang mas nakakaangat at kung ang kagustuhan mo ay magdadala sa iyo sa kapahamakan.

Sa kalagitnaan ng itim at puti, tayong mga Pilipino ay nakahanap ng kayumanggi. Kulay na siyang simbolo ng pagiging Pilipino. Ngunit tila sa pagdaan ng panahon ang kulay na nagbubuklod sa ating pagka-Pilipino ay naging isang bahaghari na ang bawat isa’y maaari nang ikumpara at makita ang pagkakaiba. Sana ang mga guhit ay muli maging isa, upang wala ng itim, puti, kayumanggi, ngunit pawang Pilipino at kinikilala tayo sa kung ano tayo bilang tao at hindi sa saplot na nakabalot dito. /CE

This article is from: