Tatlo: Mga Kwento ng ‘di Santo

Page 1

mG

Halika Na Hasa Dose


Halika Na Hasa Dose


Para sa ating apat Eden Krizza George

2020


HALIKA NA Umakyat ako sa jeep nang may ngiting ipininta sa mga labi. Isang oras at kalahati lang ang tatakbuhin ay mararating ko na ang unibersidad na pinagaaralan ko. Maya-maya lang ay ibababa ko na ang malaking bag na bitbit ko na naglalaman ng pang isang linggo kong damit at bihisan. Nasa loob ang mga uniporme maging ang isang supot na bigas kasama ang ilang pakete ng energy drink na siya kong tinitimpla tuwing umaga. Toka-toka ang pagsasaing sa boarding house. Tuwing gabi ako nakatoka dahil ako ang pinakaunang nakakauwi tuwing hapon. Kanya-kanya naman kaming bili ng ulam sa canteen ng may-ari ng aming inuupahan. Pakikisama na rin sa kanila. Dagdag kita nila, pagrarason ko sa sarili. Naupo ako sa pinakadulong upuan malapit sa driver. Sa isip-isip ko, OJT na naman ‘tol. Rakenrol. Pero sa isip ko lang yun. Hindi ko naman inabot ang mga binayad ng ibang mga pasahero dahil dumukdok ako sa malambot na parte sa likod ng upuan ng nagmamaneho at umidlip hanggang sa makarating sa unang babaan. Alam ko rin namang hindi lang ako ang bababa kaya nang naramdaman kong may pumara pagkalipas ng isang oras, palatandaan na ‘yun na bababa na ako ng sasakyan. Tumawid ako sa kabilang linya at naghantay ng dadating na masasakyan. Nakatakip naman ang aking panyo sa ilong dahil sa itim ng usok na ibinubuga ng samutsaring sasakyang pribado at pampubliko. Maghihilamos nalang ako pagdating. Nang nakasakay na, tsinek ko ang aking cellphone kung may mensahe. Napangiti ako. Tinatanong ng ka-room ko kung nasaan na ako. Bilisan ko raw. Nangiti ako at may naalala. Noong nakaraang Sabado kasi bago ako umuwi ay mayroon siyang ipinatikim sa akin. Perstaym ko. Masakit sa lalamunan sa una, pero masarap na ‘pag nasanay na. Medyo nakakaluha rin. “Tol, gusto mo makatikim?” Nakangisi siya habang mata sa mata akong tinititigan. “Ng alain?” Tanong ko na biglang bumawi ng tingin at ipinagpatuloy ang dampot ng mga nakasuksok na medyas sa ilalim ng bed.


Halos magkatabi kami ng higaan. Double-deck parehas, at apat na dangkal lang na espasyo ang pagitan. Sa babang parte kami parehas nakahiga. Kami nalang ang naiwan dahil nauna nang umuwi ang mga kasama namin sa bahay dahil higher years na. Kami lang dalawa ang may NSTP subject tuwing Sabado. “Nito oh.” Sabay nguso sa gitnang bahagi ng kanyang pantalon. “Huh?” Napatigil ako at napalunok ng laway. Nakahubad kasi siya at nakahulma ang mga laman-laman sa kanyang mga braso na pinaghirapan niyang i-achieve kahit sa boarding house lang nagpu-pull ups at push ups. Tumayo siya at nagtaka ako kung bakit ikinawit niya ang lock ng pintuan at isinara ang mga bintana. Lumapit siya sa akin. Naamoy ko ang pawis sa kanyang katawan. Amoy na parang katatapos maglaro ng basketball. Hindi ako makagalaw. Parang nakuryente sa pagkabigla. Aware kaya siya na tuwing nakatapis siya pagkatapos maligo ay parang may X-ray ang mata kong sinisiyasat siya nang palihim? Ano ito, sinusubukan kaya niya ako? Ano yung inginuso niya? Yun bang ga-santol na bukol niya? Dumukot siyang bigla sa bulsikot ng kanyang pantalon. Inilabas din niya ang kanyang wallet. May parang ihinanda sa itaas na bahagi ng double deck na bed kung saan ako nakahiga. Nakaharap pa rin sa akin ang hubad niyang katawan at halos dangkal lang ang layo sa aking mukha. Kinilabutan ako at naramdamang may mainit na dugong bumababa, parang bumabaha. Napalunok akong muli ng laway. “Anong bang ginagawa mo, tol?” Usisa ko na tumayo na para tignan kung ano bang ginagawa niya. Napasandal ako sa pader sa kanan niya. Nagsuksok siya ng ilang tuyong dahon sa improvised na pipa. Maliit lang at kasya maski sa bulsikot ng pantalon, na siya niyang itinuro kanina. Nakalagay naman sa basyong lalagyan ng Vicks ang papausuking dahon. Bumaba ako sa main gate. Tumawid sa overpass at bumili ng chips sa tinderang matanda na nakapwesto sa waiting shed sa gate ng university. Napangiti na naman ako at gumapang ang excitement sa kalamnan. Barbeque flavour ang dinampot ko at agad na iniabot ang bayad. Naglakad ako. Pumasok sa gate at


isinuot ang ID dahil polisiya iyon sa university. Tsinek ko muli ang cellphone. May isang mensahe. Bilisan ko raw. “Ako muna. I-demo ko sa’yo ‘tol kung paano tas’ gayahin mo nalang.” ‘Di ako kumibo. Nag-isip ako ng malalim pero parang baliw na tumango ang aking id. Minsan lang naman. Sinabi rin naman niya na inuman lang ng sterilized milk ay mawawala rin ang epekto. Natagpuan ko nalang ang aking sarili na sinisinghot ang usok na ibinubuga niya sa akin. Pulgada lang ang pagitan ng aming mga mukha. Sinabi niya sa akin na ako naman daw ang sumubok at gawin ko rin ang ginawa niya sa akin. Humitit ako at dahan-dahang ibinuga ang usok sa kanya. Tumitirik ang kanyang mga mata. Sarap na sarap habang sumisinghot. “Maghubad ka rin ng damit, tol.” Utos niya sa akin na sinunod ko naman. Kumatok ako sa pintuan. Mula sa labas ay mapagkakamalang wala pang tao sa loob ng kwarto. Saradong-sarado kasi ang mga bintana. Wala pa ring mga tao ang mga kapitbahay na kwarto. Binuksan niya ang kwarto at nakangisi habang ako ay pumapasok. “Maghubad ka na ng damit, tol” bungad niya. Ibinaba ko naman ang aking mga dala-dala at sinunod ang gusto niya. Bago siya hinarap ay nagsalin ako ng tubig sa baso at mabilis na nilagok, uhaw na uhaw. Paulit-ulit ang hitit-buga naming ginawa. Masaya sa pakiramdam. Parang alang problema at parang kami lang dalawa sa mundo. Kinuha ko ang chips at binuksan. Parang pulutan. Inilagay ko sa aking mga labi ang isang piraso at sinabi niyang ‘wag ko raw nguyain. Nagulat ako sa ginawa niya. Inilapit niya ang mukha niya at kinuha ng kanyang mga labi ang chips. Humitit ulit siya at ibinuga sa akin ang usok. Ganun din ang ginawa ko. Dahan-dahan naman niya akong ihiniga at dumampot pa ng ilang pirasong chips. Inilagay niya sa aking dibdib at pagkatapos ay kinuha uli ng kanyang mga labi. Gumagapang ang kiliti. Nakakapang-init ng kalamnan.


Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking tenga. Nararamdaman kong mainit ang kanyang hininga. Muli akong kinilabutan at naramdaman ko na naman an bugso ng mainit na dugo pababa. Napangiti ako nang ibulong niyang: “Sabay tayong maligo. Halika na.�


HASA Kanina pa nalilingiran ng ulap ang mukha ng buwan. Mukhang nahihiya at ayaw mamasdan ang hubad na katawan ng babaeng kuba, uugod-ugod, naglilingid, at nasa gitna ng may bunga nang maisan — tumataas sa lupa ang mais bago mamunga. Alam iyan ng lahat ng magsasaka. Sa kasalukuyan, nasa ikawalong buwan na ang tiyan ni Carla. Bilog na bilog na at maski pusod niya ay bumural na dahil sa kalakihan. Ikatlong pagbubuntis na niya at malaki ang pag-asa niya na ang sa kasalukuyan ay magtutuloy sapagkat nalampasan na ‘nila’ ang kritikal na panahon, ang ika-apat na buwan. Linggo nalang ang bibilangin at isisilang na niya ang isang sanggol na lalaki. Salamat sa pag-isponsor ng kanyang biyanang babae na mas sabik pa sa kanya na makita ang apo at siya ring nagbenta ng alagang bulugang kambing makapagpa-ultrasound lang siya. Kuntodo alaga siya ng biyanan maski ng kanyang asawa. Alaga sa bitaminang pambuntis at halos ayaw nang pahawakin ng gawaing bahay. Nang minsang naglaba siya ng mga ibinigay na lampin ng kapitbahay ay hindi siya kinausap ng nauna buong maghapon. Nagtampo sa takot na baka mapano ang magiging apo. Ang asawa naman niyang kapangalan ng kanilang patron na si San Jose ay kung ano-anong pamahiin ang sinusunod para raw maging magaan ang kanyang pagbubuntis. Hindi ito nagsasabit ng twalya sa balikat at baka raw pumulupot ang pusod ng bata sa leeg na maaaring maging sanhi ng kamatayan nito. Ugali rin Jose na magpalayas ng mga batang nakaharang sa kanilang pintuan habang nakikinuod sa telebisyon. Hindi pinatatawad maski mga pamangkin. “Mahihirapan ang tiyahin ninyong manganak!” lagi niyang bulyaw. Idagdag pa na sa tuwing alas sais ng hapon ay nagbibisibis siya ng asin sa paligid, kakatwang tila kinakausap ang mga hindi nakikita. Iniikot niya ang paligid ng bahay habang bulong nang bulong. Naubos na rin kakakitil at kakatalbos niya ang halamang panay ang tinik, halamang may dilaw na bulaklak at kung mamunga at matuyo ay parang sa munggo. Nakatindig na rin ang krus sa likod at harap ng kanilang bahay. “Hindi na kailangan ng mga iyan,” katwiran ni Carla isang gabi habang naguusap silang mag-asawa. Sa isip-isip niya, laging may sinasabi ang matatanda.


“Mainam na ang sigurado,” bulong ni Jose at siniil ng halik sa pisngi ang asawa. Pagkatapos ay itinutok niya ang tainga sa tiyan ni Carla at saka tumawa ng malakas na may kasama pang suntok sa hangin nang maramdamang pumadyak ang sanggol mula sa sinapupunan nito. Nagkatitigan silang mag-asawa. Nagkangitian. At bahagyang hinimas ni Jose ang balikat ng asawa. “Pwede pa di ba? Narinig kong sinabi kanina ng bodegero sa bayan kailangan daw tinutulungan ang asawa. Mas madali daw manganak kapag...” hindi niya tinapos ang pagsasalita bagkus ay kumindat sa asawa at sinagot naman siya nito ng pigil na ngiti. “Wala naman sigurong masama,” si Jose habang nakangising hinuhubad ang Tshirt. Subalit, tinapik siya ng kanyang asawa. Nakatitig ito sa kanilang bubungan, nanlalaki ang mga mata at nanginginig ang mga panga. May tila parang mahabang itim na karayom ang unti-unting bumabagsak doon. Gumagalaw at banayad ang pagbagsak na parang tubig sa talon. Dahan-dahan at nananantiya. Natulala si Jose at hindi alam ang gagawin. Samantalang ang kanyang asawa ay tinukop ang bibig at alumpihit na muntikang masigaw. Dinampot naman ni Jose ang gulok nang matauhan. Kinuha niya ang rosaryo at pagdakay kinuyom sa palad at idinaklot sa itim na karayom. Umusok at nagpapalag ang nasa itaas. Akmang tatabas si Jose nang biglang sumigaw si Carla. “Jose ang tiyan ko!” Duguan ang kanyang asawa at natanaw niyang mayroong isa pang dilang karayom na papaakyat sa bubungan. “Carla!” Daklot ng babae ang luray na mga laman. Nanginginig at umiiyak. Puno ng dugo ang higaan na gawa sa kawayan. Hihinga-hinga ito na tila mawawalan ng malay, tila papamatay na kandila. Agad namang dumaklot ng asin si Jose. Humiyaw siya ng ubod lakas na nagpakahol sa mga aso sa kapitbahay. Sa isip-isip niya, ‘putangina papatayin ko


kayo.’ Alam niyang magmamadali ang kanyang biyanan papunta sa kanilang bahay dahil sa kanyang sigaw. Ilang saglit pa ay nagtatanglaw na siya sa maisan. Otomatikong dinala siya ng kanyang mga paa sa namumunga nang mga pananim. Bitbit pa rin ang gulok, apoy na apoy na ang kanyang galit. At kanina pa nga nalilingiran ng ulap ang mukha ng buwan. Mukhang nahihiya at ayaw mamasdan ang hubad na katawan ng babaeng kuba, uugod-ugod, naglilingid, at nasa gitna ng may bunga nang maisan. Kabababa niya. Kapapalit ng anyo. Nagtagumpay siya. Madadagdagan na naman ang kanyang buhay sa isip-isip niya. Subalit iginupo siya ng isang tabas. Ng isa pa. At isa pa. At huli pa. “Putang ina mo ka!” sigaw ni Jose habang hinuhubad naman ang kanyang pantalon, ang kanyang pang-ibaba. Baliw na ngiti ng lalaki ang matatanaw pagkaraang mapalis ang ulap na tumakip sa buwan. “Putang ina mo ka!”


DOSE Dumadaan ang mga salita, ang magagandang bagay, ang mga tao, at ang mga karanasan tulad ng hangin. Dadaan at mabilis na makakalimutan. Nature kasi ng tao ang makalimot ‘pag hindi na sya interesado sa mga bagay na nakikita nya. Kaya nga, susulatin ko na ito kasi nga dumadaan ang ideya sa aking isip ‘di tulad ng hangin. Yung mas mabilis, at natatakot ako na baka makalimutan ko. Malayo ang tinitirhan naming apartment sa binibilhan namin ng pagkain. Oo, bumibili kami sapagkat naubos na yung laman ng tangke ng aming LPG. Isa pa, tamad kaming magluto. Ibabasa nalang namin at ire-review kesa magluto. Umaga, tanghali, at gabi ang pagbili namin ng pagkain sa De Guzman Building – ‘yun ang pangalan ng gusali kung saan nakapuwesto yung karinderya. Tatawid ka ng kalsada at makikipagpatintero sa mga truck, jeep, at kotse bago ka makabili ng makakain. Oh diba, effort kung effort! Makakain lang, sugal buhay. Syempre, hindi lang kanin at ulam ang pakay naming (madalas “ko”) sa De Guzman. Sa karinderyang yun din kasi kumakain ang mga mag-aaral ng kalapit nitong unibersidad. Maraming milat at merlat. Of course, ombre ang habol natin. Ang pinakapaborito kong oras nang pagbili ng pagkain ay gabi. Alas otso. Yun kasi ang oras na kumakain ang mga crush ko. Take note ang “mga”. Si kuyang fisheries, si kuyang BA, si kuyang engineering, at si kuyang VETMed. Ang pinagwapo at cute sa kanila ay si kuyang BA. Kani-kanina lang, bumili kami ng kanin at ulam. Malayo palang ay natanaw ko na si kuyang BA. Malinaw ang mata ko kahit gabi basta makita lang ang mga candies for the eye ko. Nakaasul siyang T-shirt. Ubo-ubo, pa-demure ng kaunti. Palalaki. Pa-men. Nainis pa nga ako kasi sobrang daming sasakyan kanina, baka umalis at magbayad na sya. Baka hindi ko maabutan. Fortunately naabutan ko naman sya. Giggle… Saktong magbabayad sya sa tindera nung kinain nya nung nagtingin-tingin na ako ng ulam. Apat na warmer ang pagitan namin. Tatlo. Dalawa. Hanggang sa isa nalang ang pagitan naming dalawa. Sinadya ko talagang lumapit para mapagmasdan sya. Maputi sya. Matangos ang ilong. Ah basta. Amoy baby.


Inaabot nya ang bente pesos sa tindera. Nagtaka ako sapagkat sa palagi kong pagbili-bili at pang-stalk sa kanya sa De Guzman eh nalaman kong malakas syang kumain. Dalawang cups ng rice ang kaya nyang tibagin. “Pwede ko po bang ibalik nalang yung dose pesos? Nalalaglag po kasi yung pitaka ko. Iwan ko nalang po ID ko.” “Chimay! Pagkakataon ko na ito para magpaimpress at magpapansin”, sa isip-isip ko habang kinikilig. Nag-isip ako ng plano: Plan A – Bubuksan ko ang pitaka ko at sisilipin ang laman. Kasya pa naman kung babayaran ko yung kulang sa bayad nya. Sasabihin ko sa tindera, “Ate, dito na sa akin yung kulang nya.” Palagi akong bumibili ng pagkain dun, at sya rin. Kung gagawin ko ‘to at makikita nya ako sa De Guzman, ngingitian nya ako palagi kasi nakilala na nya ako; at Plan B – Hihintain ko syang makaalis at sasabihin ko sa tindera. “Ako na po magbayad nung kulang ni kuya.” Tapos di ako magpapakilala. Basta ang alam ng tindera eh lalaki yung nagbayad. Ito namang si kuya eh hahanapin ako para mag thank you. Pa-mysterious ang peg ko. Tapos magkikita kami isang gabi sa karinderya, sabay kaming magbabayad, tas maaalala ni ateng nagtitinda tas sasabihin nya, “Ay kuya, sya yung nagbayad dati nung kulang mo sa bayad ng kinain mo.” Magkakakilala kami ‘tas ngingitian na nya ako palagi pag magkakasalubong kami. Pero, sa sobrang pag-iimagine ko at pagpapantasya, walang nangyari sa pinlano. Inunahan ako ng kaba sapagkat may mga nakakakilala sa akin na kumakain rin kanina. Nabigo ang pangarap. Kaloka. Nauna syang tumawid at sumunod kami. Dose pesos. Sayang. Kinuwento ko sa mga kasama ko yung saya at kilig – yung plano- pagkatapos naming kumain. “Baliw may jowa yun. Magpatulog ka nga, alas dose na,” putol nila sa aking pagpapantasya nang ayaw ko pa rin huminto kakakwento.


“Ang tao ay sisidlan ng tubig; ang tubig ay libido. Dapat pinupurga nang mawala sa tao.�


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.