K U N G LIBINGAN NA ANG NIYUGAN Isang zine sa panitikan at sining na inihahandog ng Flesh & Blood Artist Collective - Quezon, komunidad ng mga manunulat at artista mula sa probinsya ng Quezon. Reserbado ang lahat ng karapatan © 2021 Walang bahagi ng publikasyong ito ang maaaring gamitin o sipiin sa anumang anyo at pamamaraan nang walang nakasulat na pahintulot mula sa mga may-akda maliban sa ilang siping gagamitin sa pagrerebyu.
Flesh & Blood Artist Collective - Quezon Kimberly Mae Z. Argosino manunulat Kyle Joshua A. Cadavez manunulat at dibuhista Zedric R. Dalde maniniyot Fritzjay S. Labiano manunulat at taga-disenyo ng pahina Amira dibuhista
Mayroong dalawang panginoon: ang Diyos na may langit at diyos na may lupa. Sa magniniyog, bibliya ang bunganga ng mga burgesya komprador na may iisang kondisyon—sumunod o mamatay. Sa loob ng mahabang kasaysayan ng panggigipit at pagpaslang sa mga magniniyog ng Quezon, hindi na maling isipin na ang nagpapataba sa lupa nito ay mga bangkay at upos na pangarap. Hindi na rin dapat ipagtaka kung bakit kahugis ng bunot ang bungo ng tao. Maging tamis ng sabaw ng buko ay pinatabang na ng pawis at dugo. Kaya sa bawat pagbiyak, maririnig sa lagitik ng itak ang bulong ng uring magniniyog: “Kami ang taga-tanim ng puno ng buhay, ngunit bakit kami ang pinapatay?”
Puno ng Buhay: Isang Anatomiya
Coconut Tree Cocos nucifera
Coco lumber
Palapa
Tinaguriang “puno ng buhay” dahil sa dami ng naibibigay nito sa tao, ang coconut tree o puno ng niyog ang isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng ikabubuhay ng mga taga-Quezon. Tanyag ang probinsya ng Quezon sa tawag na "Coconut Capital of the Philippines" dahil pinaliligiran ito ng mga niyugan o sakahan ng niyog.
Mas kilala sa Pilipinas ang coconut timber sa tawag na coco lumber. Ito ang troso mula sa puno ng niyog na kalimitang pamalit sa ibang uri ng kahoy. Ginagamit ito sa konstruksyon ng iba’t ibang struktura gaya ng poste, sahig, at mga parte ng bahay.
Ang dahon ng puno ng niyog ay pwedeng umabot ng pitong metro ang haba, na mayroon 200-250 na mga mas maliliit pang dahon sa loob nito. Ito ay ginagamit na bubong ng bahay, pambalot ng kakanin tulad ng suman, pangdekorasyon, at marami pang iba.
Buko
Niyog
Magniniyog
Ang buko ay ang bata at sariwang prutas ng puno ng niyog. Berde ang makinis na balat nito. Madalas itong pantanggal-uhaw at panawid-gutom. Sikat ito bilang pangunahing sangkap ng mga produktong buko juice, buko pie, buko shake, at iba pa.
Kapag kumunat at tumagal ang buko, niyog na ang kasunod nito. Kulay tsokolate ito at mayroong magaspang at mahahabang balahibo kapag tinapasan o tinanggalan ito ng bunot. Pwede itong gamiting langis panluto at ang gata nito bilang pampalasa sa pagkain. Sa katunayan, isa ang Quezon sa mga pangunahing prodyuser ng niyog sa bansa.
Noong ika-14 ng Nobyembre 2020, pinagkaitan ng buhay si Armando Buisan matapos paslangin ng mga hindi pa nakikilalang lalaki sa Catanauan, Quezon. Si Armando ay isang lider-magsasaka at tagapangulo ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM). Isa lang siya sa mahabang listahan ng mga pinatay na magniniyog at magsasaka sa Quezon na patuloy na lumalaban para sa kanilang karapatan sa tunay na reporma sa lupa.
SA PANULAT AT DIBUHO NI
KYLE CADAVEZ
TRIGGER WARNING: BLOOD, DEATH
Walang ataul na gawa sa coco lumber SA PANULAT NI
KIM ARGOSINO
S
agisag ang puno ng niyog ng mabiyayang gantimpala ng lupa sa lalawigan ng Quezon. Ito raw ang puno ng Diyos – pinatayog sa ibabaw ng kanyang palad, na kung hampasin ng bagyo ay yuyukod lamang na animo’y nananalangin. Taong 1971 hanggang 1983, sa ilalim ng diktadurya ni Marcos, mahigit 3.5 milyong magniniyog ang nilinlang ng tinaguriang Coco Levy Fund Scam. Ang pangako ay gagantimpalaan ang mga magniniyog ng malaking salapi kapalit ng mga buwis mula sa napagbentahang mga kopra. Inabutan na ng kamatayan ang ilang magsasaka sa halos limang dekadang paghihintay sa wala. Sa kasalukuyan, tatlong bagay na lamang ang papatay sa mga magniniyog: sakit, matinding kahirapan, at ang administrasyong Duterte. Maraming banta sa kalusugan ang pagniniyog maging sa pagsasaka. Ayon sa Philippine Rice Research Institute, ilan sa mga tipikal na sakit na nararanasan nila ay heat stroke, pananakit ng likod, at allergy sa balat. Kung hindi malunasan agad, maaari itong ikamatay. Buhay na lang ng mga Pilipino ang mura ngayon. Ngunit kung ihahanay ang halaga ng buhay, tiyak na nasa laylayan ang sa mga magniniyog. Taong 2018, bumagsak ang presyo ng niyog mula P12.50 sa P4.50. Sagad na sa P7,200.00 ang kita ng isang magniniyog sa loob ng isang taon sa ganitong bentaha. Hindi pa rin sapat para mabuhay at bumuhay. Nariyan ang mga ulat ng iligal na pag-aresto sa mga magniniyog sa Quezon kabilang sina Ruel Custodio at Ruben Estocado noong Disymebre 6, 2020 sa Atimonan. Miyembro sila ng Coco Levy Funds Ibalik Sa Amin (CLAIM).
Manhid na marahil ang marami sa sunod-sunod na ulat ng pananamantala, pandaraya, at pagpatay sa mga pesante at magsasaka ng bansa. Kung hindi tataluhin ng sakit, babarilin sa loob ng kanilang sariling tahanan, sa harap ng pamilya’t mga anak, sa harap ng Panginoong nag-utos na huwag kang papatay. Unang-una na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga pagpaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Itinala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang ilan sa mga karumaldumal na masaker nito: Fort Magsaysay, Milagro, Similao, Kawayan, at ilan pang mga hindi pa naitatala ng mga publikasyon. Kabilang dito ang Guinayangan Massacre noong 1981 na ikinamatay ng dalawang magsasaka habang libo ang sugatan, matapos magpaulan ng bala ang mga sundalo sa noon ay malayang protesta ng mga magsasaka para sa reporma sa lupa, at laban sa talamak na militarisasyon sa probinsya. Sa mahabang kasaysayan ng korapsyon, pangaabuso, at pagpatay sa mga magniniyog ‘di lamang sa Quezon kundi sa buong bansa, marahil patas lang na iwaksi ang bansag sa puno ng niyog na ‘Puno ng Buhay’. Kailangang pakinggan ng estado ang matagal nang panawagan ng mga magniniyog at iba pang mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Pamahagian sila ng sariling lupang sakahan mula sa mga lupang ninakaw ng mga gahamang malalaking burgesya komprador at mga panginoong maylupa. Bumalikwas sa kultura ng pang-aapi at panlalamang. Hindi dapat dalhin ng mga magniniyog ang masalimuot na kapalaran hanggang sa hukay.
DIBUHO NI
AMIRA
KUHA NI
ZEDRIC DALDE
DISENYO NI
FRITZJAY LABIANO
TANAW.
MGA KUHA NI
ZEDRIC DALDE
Walang tamad dine sa Quezon
“Dinidiligan ng pawis ang binhi ng pagkamulat sa umaga”
HIMAY.
TUBOG.
PISI.
PUTIK.
Agosto. Abala ang mga kasaping bayan at munisipalidad. Buwan muli ng pagarbuhan at pasiklaban ng mga booth. Hindi magkandaugaga ang mga bisita kung anong bayan ang uunahin: (Kung magpipictyur ba o bibili.) Manghang-mangha sa mga palamuti. Dekorayong pang-okasyon, isama na rin ang mga produktong niyog na agaw-pansin. Dalang pasalubong ay pagkaing gawa sa niyog gaya ng bukayo, jam, at puto bao Itaas ang kamay at pumalakpak sa selebrasyon! Masaya sa Niyogyugan. Tara na, tara na sa Niyogyugan!
?¿ SA PANULAT AT DIBUHO NI
KYLE CADAVEZ
Hindi na masaya ang mga magniniyog. Tama na. Tama na raw ang Niyogyugan! Dalang pasanin ay kakulangan sa sapat na suporta, pera, at reporma sa lupa. Itaas ang presyo ng lukad at buong niyog. Pagod na pagod na sila para lang ipalamuti. Palamuting pambungad lang sa okasyon, isama na rin na hindi man lang sila mabigyan ng pansin. Hindi na magkaugaga ang mga magniniyog kung ano’ng uunahing trabaho: (Kung magniniyog ba o magpapahinga.) Agosto. Abala ang mga magniniyog upang mapunan ang mga kakailanganin para sa ganap sa kabisera.
TRIGGER WARNING: BLOOD, DEATH
Matagal nang inuulan at binabaha ang mga sakahan SA PANULAT NI
FRITZJAY LABIANO
isyembre 2019 nang manalasa ang Bagyong Tisoy sa kapuluan ng Luzon at Visayas. Matindi D ang dulot na pagkasira nito sa agrikultura ng bansa na nag-iwan ng P1.93 bilyong halaga ng pinsala. Bahagi nito, nagsitumbahan ang mga puno ng niyog at saging sa ektaryang sakahan sa probinsya ng Quezon. Lubog din sa baha ang ilang pananim sa probinsya na hindi na muling napakinabangan pa ng mga magsasaka. Tatlong buwan pa ang nakalipas, ni hindi pa nga nakababangon ang mga magbubukid mula sa salanta ni Tisoy, idineklara ng pamahalaan ang community lockdown dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. Hindi lang doble ngunit higit pa ang kalbaryong ininda ng mga magsasaka sa Quezon. “Kami po’y ginugutom na rin,” maluha-luhang pagbabahagi ni Lita Enverga, manggagawang-bukid mula Catanauan, Quezon sa bidyong ipinaskil ng PIGLAS-Quezon noong March 25, 2020. “Tulad niyan, ang bagyong Tisoy ay kadadaan laang sa’tin. Wala na tayong saging, wala nang bibili. Wala na ring bunga ang niyog. Kaya kami’y humihingi ng tulong,” dagdag niya. Habang nagugutom ang mga magsasaka sa gitna ng pandemya, muli na namang pinadapa ng malalakas at sunod-sunod na bagyo ang buhay at sakahan ng mga taga-Quezon. Nagsilaglagan ang mga niyog na dapat ay gagawing kopra sa San Francisco noong humagupit ang bagyong Ambo noong Mayo. Sinundan pa ito ng malalakas na bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, at Ulysses na sumira sa mahigit 275,000 ektaryang sakahan at mahigit 150,000 magsasakang apektado sa buong bansa. Subalit imbis na ayuda ang itugon ng administrasyon, tila isang mapaminsalang bagyo ang pinaulang bala at pinabahang dugo ng pasistang estado. Sa kabila ng krisis pangkalusugan, lantaran ang pamamaslang ng rehimeng Duterte kasapakat ang pinagsanib pwersang PNP-AFP at National Task Force to End Local Communist Armed Conflicts (NTF-ELCAC) upang patahimikin
ang mga magsasakang ipinaglalaban ang kanilang karapatan. Sa ulat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong Setyembre 2020, nasa 274 na ang naitalang pagpaslang sa mga pesante, manggagawang-bukid at mangingisda mula nang maupo si Duterte noong 2016. Samantala, 87 rito ang pinatay sa kalagitnaan ng pandemya. Hindi pa rito kasama si Armando Buisan, isang magbubukid na tubong General Luna at tagapangulo ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) na pinaslang noong Nobyembre 2020. Kung susuriin, wala pa man ang pandemya at mga kalamidad, matagal nang pinadadapa ng mga hindi patas na presyuhan at polisiyang pang-ekonomiko ang buhay ng mga magniniyog. Dekada na silang nilulubog sa baha ng kahirapan, kagutuman, at pananamantala ng militarisasyon sa kanayunan at ganid na mga panginoong maylupa. Kung sa kalamidad, puno ng niyog ang pinatutumba; sa kultura naman ng impyunidad na ipinapamandila ng militaristikong estado, pinahahandusay ang mga bangkay ng mga magsasaka sa putik ng lupang sakahan. Bagaman nariyan ang banta ng kalamidad at impyunidad, tulad ng tayog ng puno ng niyog, pirming titindig ang mga magniniyog kasama ang mamamayang Quezonian upang igiit ang karapatan para sa kanilang buhay at lupang sakahan.
KOMIKS NI
KYLE CADAVEZ
DIBUHO NI
AMIRA
Himagsik ng uring magsasaka SA PANULAT NI
KYLE CADAVEZ
Nasa kanayunan ang laban ng mga naghihimagsik na pinagkaitan ng pagbabago. Silang kinakalyo sa maghapong pangongopra’t pag-aararo. Silang uhaw sa tunay na reporma para sa lupang dapat na sa kanila. Silang sinasabihang tamad ngunit pinupunan ang sikmura ng masa. Silang ginigipit, sinisikil, at kinikitil ng mga panginoong maylupa. Lakas nila’y nasa karit at maso. Pawis at dugo nila’y armas sa berdugo. Masang api’y siyang lalagot sa estado. Pwersa ng magsasaka, magniniyog, pesante, mangongopra, manggagawang-bukid Kayo ang pangunahing lakas ng bayan. Magsimula. Maghanda. Magsanib-pwersa. Rebolusyon ay nalalapit na.