zine sa panitikan at sining ng FLESH AND BLOOD ARTIST COLLECTIVE
Lamang Lupa
Isang zine sa panitikan at sining na inihahandog ng Flesh & Blood Artist Collective, komunidad ng mga manunulat at artista sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Reserbado ang lahat ng karapatan Š 2020 Walang bahagi ng publikasyong ito ang maaaring gamitin o sipiin sa anumang anyo at pamamaraan nang walang nakasulat na pahintulot mula sa mga may-akda maliban sa ilang siping gagamitin sa pagrerebyu.
FLESH & BLOOD
Sa mata ng iba, silang bumabalikwas sa mga itinalagang kasarian ang mga lamang lupa; mga hayop, halimaw, mga salot na sumasalungat sa dikta ng lipunan. Marahil ay tama nga sila. Totoo ang mga lamang lupa. Ngunit nagbago na ang mga anyo nito. Naglalagablab ang mga dila nila sa matiim na udyok ng panghuhusga.
mga nilalaman Apocalipsis sa panulat ni Kim Aquino dibuho ni Anna Remoroza
Fasting tula ni Kim Argosino dibuho ni Adrian Carlo Villanera
Dalampasigan tula ni Sheena Alejandre dibuho ni Saiah Miquela
Sa Mundo ng Retla
Gapos-Tanikala: Ang Diyablo sa Bahagharing Paraiso sa panulat ni Pen Holder dibuho ni Ryan Nudo
Mali ang Magdasal sa Harap ng Salamin tula ni Kyle Umipig dibuho ni Mark Carlo Potal
Salot sa Lipunan
dagli ni Mike Angelo ObinĚƒa dibuho ni Rustie Espiritu
tula ni Jam Torio dibuho ni Romeo Songco
Cupboard Cell
Skeletal Lives
poem by Angel Mae Villarino artwork by Megel
poem by Xavier Tomas artwork by Kyle Cadavez
Tayong mga Hindi Pangkaraniwan tula ni Fritzjay Labiano dibuho ni Tricia Grace Javier
Statecide poem by Kim Argosino artwork by Kyle Adriann Santos
Lessons from the Dark poem by Mary Lorelee artwork by Maria Paderon
Ang Maligno sa Ilalim ng Sirang Poste ng Ilaw sa panulat ni Jam Torio dibuho ni Megel
Sa Alternate Universe ni Jennifer tula ni Paul Joshua Morante dibuho ni KC
Mga Multo sa Silid tula ni Kyle Cadavez dibuho ni Mims
Darnang Mariposa tula ni Mark Norman Boquiren dibuho ni Maria Paderon
Metamorphosis sa panulat ni Iana Galang dibuho ni Lla Cyvil
Pagtataboy sa Halimaw maikling kwento ni Kim Argosino artwork by Romeo Songco
Viewless Dark poem by Joseph Jumao-as artwork by Ian Ramil
War Dance tula ni Ray Mark Espiritu dibuho ni Samuel Mondragon
Witches Don’t Burn on this One poem by Angel Mae Villarino artwork by Mark Carlo Potal
Kislap: Sa Mga Mata ni Baklita sa panulat ni Dionel Esteban dibuho ni Saiah Miquela
Apocalipsis KIM AQUINO
Sa kaibuturan ng mga panahon ng pagkawala at pag-iral, nagsimulang likhain ng Wakas ang tao sa kaniyang luklukang maringal. Iniunat Niya ang kaniyang kamay sa ikapitong araw, bagamat iyon ang umpisa ng kaniyang paghimlay at humugis para sa kaniyang hardin ng isang lalaki. Naigawad ang kapangyarihan ng sansinukob na pinasapit sa loob ng anim na yugto, sa isang kaluluwang inihabi. At nakita ng Wakas na ito ay mabuti. Humipig ang anak sa kaniyang bagong tuklas na tahanan. Gumising sa halimuyak at salat ng kahduwang inihanda gamit ang kaniyang sariling buto at laman. Sabay nilang inilibot ang kanilang tingin sa kagandahan ng santinakpan. Sa huli ay tinawag niya itong babae at itinanghal na magluwal ng kaniyang mga supling ayon sa itinakdang utos - humayo kayo at magpakarami. At nakita ng Wakas na ito ay mabuti.
Inggit ang tumubo sa puso ng sakdal na Simula; palibhasa ay nais pamunuan ang ‘titi’t tadyang’ ng mga mortal. Nilinlang niya ang lalaki sa pagsiping sa kaniyang haraya ng pagkakakilanlan ng mabuti at masama, at pagkatapos ay isinaad na sila’y hubad - ipinaisip na hindi man lamang nag-atubiling sila’y bihisan at dam’tang maigi. Hinayaang tiwangwang ang kanilang mga hantad na ari. “At nakita ng Wakas na ito ay mabuti.” Sumiklab ang kapangahasan ng dalawang kapupunan ng pagtatapos. Sila’y nakipagtalik sa sari-saring uhaw na hayop na napasailalim din sa kapangyarihan ng umpisa. Naipanganak ang mga halimaw at naghari-harian sa sanlibutan, katuwang ang kanilang narumihang panimula. Dahil dito ay poot ang namutawi sa bibig ng maylikha, isinambit sa kanila ang kagimbal-gimbal na pagkalipol ng kaniyang huling mga pagbati. At nakita ng Wakas na ito ay mabuti.
Bagaman hinayaan Niyang mamalagi ang Simula upang makilala ang mga tunay na nagsisisi, nagsimulang uriin ng Wakas ang mga punla sa kaniyang mga daliri. Isinuko niya ang Lunas sa bunsod ng unang araw sa silangan at humubog ng tupang kakainin ng kaniyang mga inapong nanggagalaiti. Tumangis sa anim na kapanahunan ang Wakas; siya ay humikbi’t umumi. Sa himakas maipapahayag ang pagkitil sa Nanatili. At nakita ng Wakas na ito ay mabuti. Nagpahinga siya nang bandang huli.
ANNA REMOROZA
ADRIAN CARLO VILLANERA
Fasting KIM ARGOSINO
Sa sidhi ng makamundong gutom huhubdin ang hiram na balat at isisiping sa kaluluwa ng iniirog at sa pag-iisa mamumuo ang apoy na hinugot mula sa sulok at guwang ng sabik na sikmura ngunit sa pagbaon ng pangil at hiyaw ng malaswang sakit gugunawin ang gabi sa alaala na ang umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakikipagbuno sa sarili niyang halimaw at kung makaraos man ililihim pa rin dahil walang lagim ang hihigit pa sa talim ng dila ng tao ang kalam ng tiyan ay isasantabi matutulog lang tayo ngayong gabi
Dalampasigan SHEENA ALEJANDRE
Sinasabing ang mata’y tila mahikang lagusan na kung tititigan ay may ‘di tiyak na kalaliman iilan lamang ang kayang lumusong sa mga bukod-tanging dagat nito kulay ng dagat ko ay asul samantalang sa kanya ay kalimbahin at ‘di mawawala ang lila habang ang sa iyo’y itim– at tila kawangis ng sa madla parehong maaaring languyin ‘di intensyong kayo ay lunurin subalit kayo ay lumalayo at tila ang alon nami’y lason at asido tunay ngang ‘di mapipilit sina Eba at Adan at tanging sa itim na dagat ang siyang pinapanigan lantaran man na may nalulunod dito ngunit binalewala, dahil ba ito ay karaniwang dagat sa madla?
SAIAH MIQUELA
hanggang sa napaisip ako, sino nga ba ang tunay na katakot-takot, ang madlang puno ng panghuhusga o ang dagat na kung ituring ay lason at naiiba? ang sigaw ng hustisya, sana’y pumalahaw nang kami’y ‘di akusahan na tila mga halimaw hanggang kailan kami maghihintay— at hanggang kailan kami lalayuan? kailan? at ngayo’y ginising ka na ng istorya sa likod ng aming mata tititigan mo pa rin ba o iiwas na rin katulad nila? lalangoy ka ba nang may pangamba o sisisid nang walang pagdududa? o baka naman hanggang sa dalampasigan ka lamang talaga?
Sa Mundo ng Retla MIKE ANGELO OBINĚƒA
Maagang ipinamulat ng daigdig na ginagalawan ni Alton ang kaibahan niya sa lipunan. Daig pa ng binata ang may nakakahawang sakit para pandirihan at iwasan ng mga tao. Sa mapaniil na salita ng mga nakapaligid sa kanya, nahirapan siyang hubarin ang maskarang kublian mula sa mga mapanlait na mata. Kaya naman sa edad na beinte ay napagpasyahan niyang mangibang-mundo. Wala mang katiyakan sa pupuntahan ay buo ang loob nitong makipagsapalaran at hanapin ang sarili. Nang marating ang mundo ng RETLA ay agad niyang naramdaman ang mainit nitong pagtanggap. Dito ay nakilala niya si Terrence na mula rin sa daigdig ng mga mapanghusga. Nagkakatulad ang dalawa ng pinagdaanan sa buhay kaya naman madali silang nagkapalagayan ng loob. Muling naramdaman ni Alton ang kalinga at pagmamahal na tanging sa yumaong ina lamang naranasan. Sa boses na mala-adonis ng lalaki ay tumibok sa
unang pagkakataon ang inaakalang patay nang puso ni Alton. Kaya naman hindi na nagdalawang isip ang binata na sagutin ito nang manligaw sa kaniya. Naging madalas ang kwentuhan nila sa telepono na kung minsan ay inaabot pa ng madaling araw. Wala iyon sa kaniya lalo’t kailangan niya ng makakanlungan mula sa mapapait na karanasan. Lumipas pa ang mga araw at tuluyan siyang nakalimot, nawala ang bigat na kaniyang dinadala. Nagkaroon siya ng kalayaan sa Retla at sa piling ni Terrence ngunit ‘di pa rin maitatago na sa kabila ng pagpuno ng mga ito sa kaniya ay di pa rin buo ang binata. Hinahanap niya pa rin ang kinamulatan na mundo. Nais niya itong balikan lalo’t batid ng binata na may lugar ang mga tulad nila sa mundong nilisan. Kaya naman pinilit niya ang karelasyon na iwanan ang mundo ng Retla upang bumalik sa daigdig na pinanggalingan. Sa una ay ayaw nitong pumayag lalo’t alam nito na maramot pa rin ang dating mundo sa mga maituturing na lamang-lupa gaya nila. “Ter, nasa modernong panahon na ang dati nating daigdig. 2020 na! Hindi na natin kailangan magsuot
ng maskara roon. Ito na marahil ang tamang panahon para bumalik.” Ang pangungumbinsi pa ni Alton sa kasintahan. Ilang minuto ring pumagitna ang katahimikan bago siya gantihan ng pagsang-ayon nito. Bakas sa mukha ng kasintahan ang pangangamba. Kinabukasan ay binulabog ng sunud-sunod na missed call si Alton mula sa kasintahan. Agad niyang binuksan ang FB at bumungad sa kanya ang kanilang larawan na may caption na “Happy 5th Anniversary Alt, From Ter.” Nais niyang tumalon sa tuwa pero tila naparalisado siya sa pagbuhos ng mararahas na komento mula sa netizens. Maluha-luhang dumungaw siya sa may bintana. Pinagmasdan ang paglitaw ng makulay na bahaghari. Doo’y napagtanto niya na gaano man ito kakulay at kaganda ay madalang pa rin itong naaaninag ng karamihan.
RUSTIE ESPIRITU
Cupboard Cell ANGEL MAE VILLARINO
We are ceramic plates Dressed in blue willow prints, Hidden inside cupboards, By our mothers and grandmothers, Who are the safe keepers. Frightened were they once, For barbaric savagery Once we were out in the open, breaking into pieces; and our every shard drowned by the sea of boot soles, stared at once, neither twice nor thrice. But we have been closeted enough To fear our breaking; And instead, our fright has been of darkness, And it is what is eating us alive. We have been closeted enough in the cupboard cell
Where our doubts tell That our edges fall In the dining hall stared at once, neither twice nor thrice. Nevertheless, we showed ourselves: The odd and misfit, As majority considers. The ceramic plates, Dressed in willow prints. Some may break us into shards For envy and ignorance, Our edges will cut their marred heart, And they will stare at us for once, Twice, thrice, And for so many times.
MEGEL
Gapos-Tanikala:
Ang Diyablo sa Bahagharing Paraiso PEN HOLDER
Tumindig ang balahibong naglanggas sa sinag ng araw. Naglalaban ang dilim at liwanag. Alinmang singhal, nakabibinging yabag ng mga paa ang sumusunod sa anino sa likuran. Isang ugong na lalagot ng hininga kasama ang pamang aklat ng mga propeta. Paalam sa lansangang siniil ng kadiliman - ang magandang balita mula sa pulpito ng bersikulo uno. Sa patuloy kong paglalakad, isang pares ng pulang mga mata ang nagmamasid. Namulat tayo sa kasinungalingang banal ang mga propeta - silang ‘di tanggap ang ibang kasarian. Tagaktak ng pawis at hingal sa paghinga. Balikwas na sa ating paniniwala na silang tinaguriang diyablo - LGBTQ Community sinusunog sa impyerno ng kabihasnan ay patuloy na sinisilaban ng mapangmatang lipunan. Marahil tama nga sila. Sa balintataw ng mga nakapinid nilang mga mata, nakatakip nilang tainga at manhid na kalapastanganan, nagliliwaliw ang diyablo sa kanilang paraiso. Nagbago nga lang ang anyo nito sa katawang hindi kapareho sa katauhan ng inaasahan
ng mundo. Nagtambulan ang pintig ng puso sa kagyat na paghakbang at pagpukaw sa aking hiraya ng mga kuwento ng matatanda. Mayroon daw gumagalang masamang elemento sa karimlang daan patungo sa katakot-takot na ‘di pagtanggap at panghuhusga. Nagulat. Nahintakutan. Naparam sa kinatatayuan. Sa pamamagitan ng matutulis na kuko, isinulat nito ang karapatan ng mga api - SOGIE BILL na pinangunahan ng transgender woman Bataan Representative Geraldine Roman. Pinaugong ang dumadagundong na hinagpis ng pangungutya at panghuhusga. Isa si Gretchen Custodio Diez na nakaranas nito matapos ipagdamot na makagamit ng palikuran ng babae. Iginuhit gamit ang karit ang mga kasinungalingang nais pagtakpan ng lipunan ukol sa paniniwalang matagal nang binaon sa isipan - ang pagkamatay ni Jennifer Laude, isang transgender woman na brutal na pinaslang ng Amerikanong nobyo.
Malapit na ako sa tahanang dapat kong puntahan. Subalit patuloy pa rin akong dinadalaw ng mga alaala ng mga taong nagdusa at patuloy na nagdurusa sa kamay ng diskriminasyon at mga taong halang ang kaluluwa. Kaakibat nito, nakakikilabot na halakhak mula sa kawalang nagdiriwang sila sa panloloko at pang-aabuso sa kapwa taong nais lamang ng pagtanggap, respeto at patas na karapatan - mga tunay na salot at diyablo ng lipunan sa paraiso. Lubos ang takot ko sa mga lamang lupa, ligaw na kaluluwa at diyablo. Subalit mas lubos akong takot na matakot sa demonyong pilit inaapakan, sinusugatan at pinagmamalupitan silang nais lamang ay patas na karapatan. Paalam sa lansangan ng kadiliman na tuluyang masisinagan na ng araw. Dito magsisimula ang pagpinta ng bahaghari. Isang ugong kasama ng mabuting balita mula sa mga biktima. Ito ang bersikulo uno - Pambihira! Hindi kalaban ang diyablo kung hindi silang anino na nag-aangkin ng paraiso.
RYAN NUDO
Salot sa Lipunan JAM TORIO
Ang pagtilaok ng manok ay hudyat upang lumaban Tatayo at maghahain sa hapag-kainang hindi nalalagian Bubuksan ang bintanang ayaw ipasilip ang araw Maghihilamos at maghuhugas ng kamay upang maibsan ang init na aking nararamdaman sanhi ng kahapong karanasan Paglabas ng tahanan, kailangan muling lumaban Ang bawat hakbang ay nagmistulang nag-aalab na daan Sanhi ng mga matang sumisigaw ng salot sa lipunan Dahil ang‘yong kaanyuan ay hindi akma sa ‘yong katauhan At ang ‘yong balat ay taliwas sa gusto nilang kalalagyan Na ang asul ay para sa lalaki at ang rosas ay sa babae Iyon marahil ang dahilan kung bakit ako’y naging pigura para sa karamihan Dahil dalawa ang pinili kong isuot na kulay Kaya sa bawat tilaok ng manok ay parang isang bangungot Na ang bukas ay parehas sa mga kahapong naranasan Na kahit balutin ng dilim ang kapaligiran, mananatili kang mali sa daan Dahil hindi tanggap ang ‘yong kasarian
ROMEO SONGCO
KYLE CADAVEZ
Skeletal Lives XAVIER TOMAS
i have, for years, been married to the skeleton in my grandma’s vintage closet. the acrid smell of driftwood and bigoted atmosphere were to regret their potence, as i sit in the dark eagerly so. waiting‌ just waiting for the pile of bones to take its man form over and out, as i am also a pile of bones in a man form ready and (almost) out, waiting‌ they had me cleansed with eerie whispers and religious antics that stink to the core. still, together ignite the dead cracks that malign this insipid gore. so, harken this plea of ghosts divine--of colour, of truth. be once and for all merry, for fervor, for youth.
Tayong mga Hindi Pangkaraniwan FRITZJAY LABIANO
Sa kasukalan daw ng kabundukan Sa karimlan ng kanayunan Naninirahan ang mga ‘di pangkaraniwan— maligno’t lamang lupa—naghahasik ng lagim magdamagang digmaang Kari’ t maso ang tangan nanginginain ng tao rito sa kalunsuran. Namintig ang dibdib ko Sa salaysay sa mito. Nangatog akong tinanong ang sarili ko “Ako ba ay maligno?” Dahil daw hindi ako pangkaraniwan Pangungutya sa akin ng mga tao ‘Di raw ako normal, nababagay sa impyerno Kinagabihan, ako’y naalimpungatan Mga yabag na panakanaka Papalapit sa aking dampa Mga galit na nagbabadya Kinuyog nila ako’t inalipusta Tinaboy sa dagmang ng kagubatan Kung saan lagusan sa sukal ng kabundukan Sa karimlan ng kanayunan
Hindi ko pa rin mahinuha Ang kanilang pangungutya Ano bang ikinasama Kung suotin ko ang puting saya Sa aking pagbibinata? At nang narating ko Ang kasukalan ng kabundukan Karimlan ng kanayunan— Naabutan ko ang isang matandang huklaban Walang indang pinapatag aniya ang kabundukan Kasama ang mga kasamang Magkakaiba ang wangis at pinanggalingan Silang mga ‘di pangkaraniwan Ngunit pinag-iisa ng kanilang tangan Sa kari’t masong pumapanday Sa pagpapatag ng kabundukan Walang pag-aatubili Sa akin siya’y kumaway at ngumiti Matapos nang kagyat na huntahan Kaniyang gamit sa akin pinatangan
Ngunit ako’y nag-alinlangan: Hindi ba makakasagabal Ang baro kong puting saya Baka ani ko’ y madungisan, Maggutay-gutay sa pagbubungkal Tugon niya: Mas mainam nang madungisan Ng putik ang iyong kasuotan Kaysa naman paulit-ulit punasan Ang dugo ng mga walang malay Na walang habas na pinaslang Sa haba nitong ating digmaan Sapagkat tayo’y nasa digmaan Ngunit hindi tayo ang aswang Na namamaslang ng buhay Hindi tayo ang malignong Nangangakam ng pananim at sakahan Tulad mong hindi pangkaraniwan Naroon ka sa bawat kwento ng karamihan Dinanas ang alipusta’t pananamantala Mula sa mga panginoong nagbalat-kayo na siyang tunay na aswang at maligno Sa huwad nilang naratibo. Tayong mga hindi pang-karaniwan Patuloy na magbubungkal! Patuloy na magpapanday! Hanggang sa mapatag natin ang kabundukan Papantay sa kapatagan
TRICIA GRACE JAVIER
KYLE ADRIANN SANTOS
Statecide KIM ARGOSINO
What does it take to murder a nation? One, the insensate cruelty of a serpent that preys upon the tiniest mice and corrupts unpolluted souls to ravish the glistening red of the forbidden apple Two, the wit of a shameless demagogue, with the mouth of a spineless idiot whose words are enough only to console a weeping infant Three, the morals of an insipid old man who had to palm in between legs to tell people apart When a false king has what it takes, he’ll hear the morbid death of one who perished at the hands of a foreign man and homophobia.
But his lips will find the tongue of flames and absolve the murderer from the ghastly torments of the caves of hell.
To murder a nation is pardon a crime yet still sleep soundly over the lonely overtures of the dead
mali ang magdasal sa harap ng salamin KYLE UMIPIG
ang imahen ng anumang panginoo’y hindi naman nagpapakuha ng larawan, ipapaskil sa Facebook¹ kasama ang berso ng librong gabi-gabing pinagpupuyatan. antagonistiko ba ang panginoon gayong kahit ang pinakanagkasala’y patawad ang nakukuhang tugon? mapanghati ba ang sinasambang ama gayong ang natatanggap ng kanyang mga supling na nais lumaya, makamit ang hustisyang gagap, kailanma’y hindi pagtanggi, kundi maalab na pagtanggap mali ang magdasal sa harap ng salamin ‘pagkat pilit binabago ang wangis ng poon ni hindi na makabisado ang kanyang mga lisyon. pilit na binibihisan kanilang bagong panginoon kaya’t nakaliligtaan ang bagong turo ng panahon na ang tanging kaibahan ng libingan at hardin² ay kung ano’ng napili nating isilid sa pinakailalim. _________________________ ¹ ang salitang Facebook lamang ang nagsisimula sa malaking titik upang ipakitang ang pagkamuhi, pagtanggi, at pagkasuklam ay humihigit pa sa mga aral ng pag-ibig, respeto, at pagtanggap. ² hango sa tulang “Rifle II” ni Rudy Francisco
MARK CARLO POTAL
MARIA PADERON
Lessons from the Dark MARY LORELEE
Kids were taught, as early as one, To fear what they have yet to see, To depend on lullabies of dreadful lies. Inside the closet, the story dictates, Were hideous creatures-Waiting for the right time to descend. Kids were taught, as early as one, To fear what they cannot understand, To believe in stories, so malign. But inside the closet, Monsters will not be found For the real monsters do not hide They are in every disapproving mouth; Inflicting fear, whispering deceit-Forcing kids to fall asleep. Still, there’s truth To what has been said. Inside the closet, creatures reside; And they are the most beautiful kind.
Ang Maligno sa Ilalim ng Sirang Poste ng Ilaw JAM TORIO
Habang naghahapunan kami sa aming munting tahanan ay panay ang kwento ng aking itay tungkol sa isang maligno sa ilalim ng poste sa kalsada. Dahil buwan ng Nobyembre, laganap ang kwentong katatakutan sa amin. Bentang-benta ang mga kwento ni itay tungkol sa isang maligno na nasa ilalim ng sirang poste ng ilaw. Sa kung paanong isang simpleng kaway nito ay nagsisipagtakbuhan ang mga tao. Walang mukha at anino lang daw ang nakikita ng mga tao sa tuwing napapadaan sila roon. “Kaya ikaw, Aira ha! ‘Wag kang dadaan o maglalaro doon,� bilin ni itay.
MEGEL
Hindi ko planong suwayin ang bilin ni itay at wala akong katiting na plano upang dumaan sa nasabing daanan. Kinabukasan, alas sais ng hapon, ay nagpasya ako upang makipaglaro sa aking mga kaibigan. Nagdesisyon kaming magtagu-taguan malapit sa nasabing sirang poste ng ilaw. Dahil sa kagustuhan kong maglaro, hindi ko sinunod ang bilin ni itay at dahil ayaw kong matalo at maging taya sa pagtataguan, dali-dali akong tumakbo patungo sa sirang poste ng ilaw. Nang ako’y nakarating ay may kung anong lamig akong naramdaman ngunit binalewala ko ito at sumandal sa poste. Mula rito ay dinig ang lakas ng pagbibilang ng aking kaibigan. Kailangan ko lang magtago hanggang sa wala pa itong nahahanap upang hindi ako mataya. Iyon ang pilit kong inisip, ngunit habang lumilipas ang oras ay patuloy na binabalot ng kadiliman ang kapaligiran. Unti-unting namumutawi ang kaba sa aking dibdib, nangingilid ang aking luha nang mahagip ko ang pigura ng nasabing maligno sa ilalim ng poste. Para akong na-estatwa sa aking kinatatayuan at hindi malaman ang gagawin nang ako ay kinawayan nito, at dahil doon ay tuluyan nang bumuhos ang aking luha. Mas lalong bumilis ang pagpatak ng aking luha nang ito’y lumapit sa aking gawi. Takot at panginginig ng aking mga kamay ang bumalot sa aking sistema. Sa hindi malaman na dahilan, napatigil ako sa pag-iyak at ang aking paghikbi ay siyang namayani sa kapaligiran nang lumiwanag ang katabing poste ng ilaw malapit sa aking kinaroroonan, tila ba nawala lahat ng aking pagaalinlangan. Dahil taliwas sa kwento ng karamihan na sa ilalim ng sirang poste ng ilaw ay ang kinaroroonan ng maligno, isang bata na aking ka-edad at dating kalaro ang nakita ko. Taliwas ang suot nito sa kasarian nito. At doon ko napagtanto na hindi ang bata ang maligno, kundi ang mga tao.
KC
Sa Alternate Universe ni Jennifer PAUL JOSHUA MORANTE
Sa panaginip, pinahiram kita ng lighter. Sinindihan mo ang Marlboro lights na nakaipit sa pulang-pula mong labi. Sa panaginip, nilalakaran natin itong lansangan nang walang takot o pangamba na mabastos o mabugbog. Sa panaginip, sinusuklay ko ang mahaba mong buhok Kinukulot, inuunat. O minemeykapan ang mukha sa harap ng salamin. Sa panaginip, may taginting ang tawa, may kinang ang mga mata, Walang kaba ang dibdib. Sa panaginip, sumasayaw tayo. Nakatingkayad ang mga paa, nakataas ang mga kamay, Nakatingala, nananaginip habang pumapaimbulog ang ibinuga mong usok.
ROMEO SONGCO
Pagtataboy sa Halimaw KIM ARGOSINO
Karaniwang panlaban sa busaw ang apoy, metal, malalakas na ingay, at maaanghang na pagkain. Ito ang dahilan kaya madalas na may tanim na sili sa bakuran ang mga sinaunang Filipino, nagsisiga ng apoy sa burol, o kaya’y nag iingay. Pinapaliguan din noon sa suka ang bangkay, o naglalagay ng mga itak sa dingding ng bahay upang maitaboy ang mga busaw - Mga Nilalang na Kagila-gilalas. Sinalubong agad ako ng usok. Masarap ang samyo ng barbeque sa ilong, pero hindi gaano kapag sinabayan ng bunganga ni Papa. Galit na galit siya. Halos mabiyak ang butas ng ilong sa lakas ng buntong hininga. “Jun, sinasabi ko sayong bata ka, babasagin ko na ang bungo pag lumagpas pa ng alas tres ang gising mo!”
Hindi na ako sumagot. Nakaramdam ako ng hagod sa aking likod. Paglingon ko, binati ako ng pamilyar na mukha - si Tito Rey. “Kain na, Jun” Minsan hindi ko maiwasang mamangha tuwing makikita ko si Tito. Nakatutuwa ang mahaba at kulot kulot niyang piluka, at laging bagay sa kanya ang mga sinusuot na bestida. Pero minsan, natatakot din ako. Ayaw kasi ni papa na lumalapit ako sa kanya. Baka raw mahawa ako ng kabadi-“Jun! Anak ng! Pumarito ka na sa baba, at nandito na ang mga pinsan mo!”
Ay! Muntik ko nang malimutan. Papunta nga pala si Krisha at Lucas, mga pinsan kong ang babango ng pangalan pero ang babaho ng ugali. At dahil lumaki sa poder ng aming lola, paatras mag isip. Lukong loko sa pamahiin, at tindig ang balahibo sa takot sa halimaw. Pagbaba ko, bumungad agad sa akin ang mukha ng dalawa. Halos magkakasing tanda lang ata kaming tatlo. Ang alam ko, sumapit na ang ika-sampung kaarawan ng kambal noong isang linggo. At ang akin naman, ay ngayong araw. “Hapi bertdey, Apolonio junior!” bulalas ni Krisha sabay akap sa akin ng mahigpit. Agad naman akong inabutan ni Lucas ng isang paper bag. “Oh, Jun. Buksan mo dali!” Nakangisi ako nang buksan ang paper bag, pero nawala ito nang makita ang nasa loob. Sandamakmak na sili ang laman. Hinalukay ko ito para makita kung may nakatago pang laman pero wala na. “Ba’t naman sili? Sana bubble gum na lang” takang tanong ko. “Mas okay yan, Jun” patawa-tawang sagot ni Lucas. “Panlaban sa busaw”, sabay nguso sa isang direksyon. Nang lingunin ko, naroong tahimik na nagluluto si Tito Rey. “Bakla siya, hindi siya busaw” mariing bulong ko. “Iisa lang ‘yon” kagat-labi kong pinagmasdan si Tito. Ayoko pag sinasabihan siya ni Lucas na isang busaw. pero kung titignan kasi, mahahaba at matutulis ang kaniyang kuko, paminsan minsan ay hindi rin kaayaaya ang amoy niya, at higit sa lahat, napakaselan niya sa apoy at ang pagkaing maanghang. Hinanap ko pa sa google, at doon ko nalaman na panlaban pala iyon sa mga busaw.
Totoo nga kaya? --Dumagundong na ang karaoke sa aming bakuran. As usual, mas marami pang bisita si Papa kaysa sa akin. Kinakabahan ako.Kapag kasi nakikipag-inuman si Papa sa mga kumpare niya, parang nalilimutan niya na anak niya ako, at ganun ganun na lang kung paulanan ng mura at sabunot. “Jun, ilabas mo pa yung ibang alak, at kulang pa ito sa Ninong Alex mo” Baka sa’yo pa kulang. Bulong ko sa sarili bago pumihit papasok ng bahay. Pero bago pa ako makahakbang, dalawang pares ng matatabang braso ang humila sa akin padapa sa maruming lupa. “Anong sinabi mo ha! Aba putang ina ka! Tama bang bumulongbulong ka riyan ‘pag inuutusan ka? Ano ka ba rito ha? Ano ka ba rito!” “Papa, masakit po!”, hiyaw ko habang pilit na inaalis ang kamay nya sa magkabilang balikat ko. Ramdam ko ang pagbaon ng kanyang kuko. Gusto kong umiyak. “Taratando!” malakas na sapak sa may bandang noo ang natanggap ko. “Subukan mo pang sumagot sa’kin at talagang makakatikim ka!”
Hindi ko alam kung maiiyak ako sa sakit o sa hiya. Nakatingin lang sa aming dalawa ang mga tao, bago ako marahas na hinigit ni Papa papasok ng bahay. Walang imik na sinundan kami ng tingin ni Lucas at Krisha na nakaupo sa loob ng sala. Gusto kong humingi ng saklolo pero ano bang magagawa nila. Sa laking tao ng tatay ko, baka tumumba na sila sa isang ihip.
“Hoy, makinig ka sa’kin. ‘Wag na wag mo akong ipapahiya ng ganyan sa mga kumpare ko. Anong sasabihin ng mga yon? Na hindi kita pinalaki ng maayos? Eh puta, yang kawalang hiyaang mong yan nakuha mo dyan sa Tito mo eh.” pabulong na sigaw ni Papa sa mukha ko. “Oh, at talagang dinamay mo pa ako riyan?” mabilis na sagot ni Tito Rey habang may hawak pang sandok sa kamay. Itinutok nya ito kay Papa at muling nagsalita, “At hindi ba ikaw ang dapat mahiya? Ang laki laki mong tao pinapatulan mo ‘yan anak mo. At tama ba yang pananakit mo sa pamangkin ko ha? Ang bigat ng kamay mo kay Jun, ah? Maawa ka naman sa anak mo!” Binitawan na ako ni Papa at agad akong tumakbo sa tabi nina Lucas at Krisha. “Nagsalita ang bakla.” Hindi pasigaw ang sinabi ni tatay, pero parang mas pumintig pa ang tenga ko roon. “Anong alam mo sa pagpapalaki ng anak?” “Anong alam ko? Sino bang nagpaaral sa panganay mo, hindi ba’t ako?” “Hindi lang sa pagpapaaral ang pagiging magulang!” “Alam mo naman pala eh! Bakit hindi ka magpaka-tatay!” Akala ko matatauhan si Papa sa sinabi ni Tito, pero napatili na lang si Krisha sa tabi ko nang undayan niya ng malakas na suntok sa pisngi si Tito Rey. At isa pa. At isa pa. Tumilapon ang mahaba at tsokolateng piluka ni Tito. Huli na ng mapansin kong mainit ang tingin sa’kin ni Papa, at tiim-bagang na palapit sa akin.
“Ikaw na bata ka, ikaw ang salot sa buhay ko!” Pumorma siya na animo’y sasampalin ako. “Saktan mo ang pamangkin ko, Kuya” tigalgal na sambit ni Tito. “Saktan mo at kakalimutan kong magkapatid tayo”. Hindi ko na napigilan. Tuloy-tuloy nang bumagsak ang mga luha ko. Sa wakas ay sumugod din sa loob ng bahay ang mga kumpare ni Papa at kinaladkad siya palabas ng bahay. Magkahalong pag-alo, at pangaral ang narinig ko sa kanila bago tuluyang mailayo si Papa. Hinimas ko na lang ang aking mga balikat bago maramdamang nasa harap ko na si Tito. “Teka, Jun. Lagyan natin ng yelo bago pumasa.” sambit niya bago pumunta sa ref at kumuha ng ice cubes, at isang bimpo. Pinagmasdan ko siya. Mali ang nabasa ko sa google. Hindi busaw o anumang masamang lamang lupa si Tito. Alam ko na iyon ngayon. Dahil kanina lang ay nakita ko ang totoong mukha ng halimaw. Nang ilapat ni Tito ang bimpo sa aking balikat, sabay hagikgik naman ni Lucas. Idinampi nito, kahit nanginginig, ang munting palad sa pisngi ni Tito. “Oh, Lucas. Bakit mo naman ako tinatawanan ha?” nakangiting tanong niya. Sa ilalim ng matinding sikat ng araw, mas nakita ko ang mukha niya. Sa kabila ng tanggal na piluka, putok na labi, at namamagang pisnginakita ko ang pinakamagandang nilalang ng Diyos. “Ang ganda mo kasi, Tito Rey.” sagot ko. Bago pa man siya makaimik, natanaw ko sa gilid ng aking mata, ang pagtatapon ng kambal ng isang paper bag sa loob ng basurahan.
Viewless Dark JOSEPH JUMAO-AS
There is a dead body in my closet. I will let you in this little secret. I dare you to never tell a soul, to save myself from the disgrace. For grave mistakes have blossomed from my sojourns of misplaced faith. Do you see the remains of a smile? I remember that my father asked for a grandchild, and I lifted the corners of my mouth, like my last weapon in war. Do you smell the foul stench of fear? Do you see a thin sheet of face powder and cream blush, on the first grandson to both side of the family, run down with cathedrals of patriarchy? I feel suppressed and skeptic of my own kin. We are forced into a culture of tolerance, as long as we keep our matters to ourselves, as long as we do not demand the same rights as everyone else, For as long as we know our place— Only then must we meet your level gaze. The viewless dark of the abyss beholds me. There is a dead body in my closet. Will I ever escape this misery?
IAN RAMIL
War Dance RAY MARK ESPIRITU
sumayaw nang sumayaw hanggang mapagod halos maligo ng pawis, matingkad pa rin ang ngiti kasabay nito ay ang pagpatak ng mga luha pinamunas ang pulang palda na kay ikli kita sa mga mata ang pagod na kaluluwa ‘sing pula ng mga nagmamakaawang mga labi suot man ang kulay ng tapang ay walang magawa sa harap ng sistema at batas na mapang-api kaya kahit tuluyang mamukadkad ang bulaklak napipilitang manatili at magtago—ikinubli ang tunay na mukha, itsura, at ganda— nagkulong na lang sa sariling mundo ng pighati
SAMUEL MONDRAGON
As punishment for violating the curfew imposed upon the area,3 LGBTQ+ people in Pandacaqui, Mexico, Pampanga were ordered to kiss each other and do a sexy dance in front of a minor on Palm Sunday — Rappler, ika-7 ng Abril 2020
MIMS
Mga Multo sa Silid KYLE CADAVEZ
kinaibigan ko ang mga kinikimkim na maligno, ang espasyong lakip ang lungkot sa ilalim ng kama, ang itinatagong sikreto sa likod ng mga damit sa aparador. minsan, kinukumusta nila ako bago bisitahin ng antok-nagtatanong kung nabusog ba ako sa pantasya at mga asa, kung ano ba ang ginawa ko magdamag bukod sa pagnanais na matanggap at tanggapin, saka nila ilalapag sa hangin ang mga maaari kung inipon lang ang tapang at patuloy na lumaban sa kabila ng lipunang pati pag-ibig ay idinidikta.
Darnang Mariposa MARK NORMAN BOQUIREN
Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa Sa t’wing pupunta ka sa gitna’t tatayo, Kung puwede ka namang tawaging Darna? Isa kang ada, makulay at totoo, Laging may sayang dulot ang pagparito. Bakit tingin sa iyo’y mariposa? Di ba nila makita taglay mong ganda? Kaya’t tinatawag ka ng ano-ano, Kung puwede ka namang tawaging Darna. Hindi ba’t mayroon ka namang talino, Galing na susukat sa pagkatao mo. Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa? Tingin sa iyo’y hayop, ‘yon ba’y totoo? Bansag sa iyo’y salot, malas sa mundo, Kung puwede ka namang tawaging Darna. Bakit hindi ka lumipad at humayo? Sige, hanapin na ang kaligtasan mo. Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa, Kung puwede ka namang tawaging Darna?
MARIA PADERON
LLA CYVILL
Metamorphosis IANA GALANG
Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa Sa t’wing pupunta ka sa gitna’t tatayo, Kung puwede ka namang tawaging Darna? Isa kang ada, makulay at totoo, Laging may sayang dulot ang pagparito. Bakit tingin sa iyo’y mariposa? Di ba nila makita taglay mong ganda? Kaya’t tinatawag ka ng ano-ano, Kung puwede ka namang tawaging Darna. Hindi ba’t mayroon ka namang talino, Galing na susukat sa pagkatao mo. Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa? Tingin sa iyo’y hayop, ‘yon ba’y totoo? Bansag sa iyo’y salot, malas sa mundo, Kung puwede ka namang tawaging Darna. Bakit hindi ka lumipad at humayo? Sige, hanapin na ang kaligtasan mo. Bakit ba tingin sa iyo’y mariposa, Kung puwede ka namang tawaging Darna?
Witches Don’t Burn on this One ANGEL MAE VILLARINO
Witches exist up until today, And past just repeats itself--worse. For they still live in songful curses; In hatred eulogies growing death flowers; And warmth from abhor fires, From loathing villagers, wanting them to die. But witches today shall neither fade nor die, They will not cower in houses with boarded windows, They will not hide inside cobwebbed closets, And no matter how grotesques are those Songful curses, and hatred eulogies, They shall not die. They will live with history covering for their very existence, And how hate created a monster out of man, Against the monster they claimed witches to be.
MARK CARLO POTAL
Kislap: Sa mga Mata ni Baklita DIONEL ESTEBAN
Bilang isang batang manunulat, tungkulin kong gamitin ang aking pinakamamahal na pluma upang magbigay-paalala at gamitin ang bawat mga patak nito sa mahahalaga at tunay na mga kwentong dapat mailathala at matunghayan ng taumbayan. Kritikal ang responsibilidad na naiatang sa bawat isang manunulat sapagkat kaakibat nito ang nakapatong na tungkulin hindi lamang upang pasiyahin at imulat ang bawat isa kundi pati na rin upang haplusin, galitin, at pag-alabin ang puso’t diwa ng sinumang makakabasa ng akda. Sa oras na na kailanganin kong ialay ang huling mga patak ng aking pluma sa isang bagay o tao ay hindi ako magdadalawang-isip na ikumpas ang aking panulat upang iulat ang kalagayan ng isang komunidad na malapit sa aking puso at upang tuluyan na ring maging malinaw ang mga mata at isipan ni Baklita— ang batang bakla na biktima ng isang mapanghusgang lipunan. Katarata: Lunasan ang Matang Mapanghusga Sa mahabang panahon ay itinanim ang ideolohiyang mas mababang uri ng tao ang mga bakla kumpara sa mga straight na lalaki at babae at ang pagiging bakla o homosekswal ay kasalanan sa Diyos at minsan na ring itinuring na sakit at salot naman para sa lipunan—ang kaparehong lipunan na naging panatiko ng #’DiAkoBaklaChallenge at
#BarbieChallenge, mga kilalang pakulo sa social media kung saan ginagaya ng mga straight na lalaki ang mga kilalang kilos at pananamit ng sangkabaklaan dahil umano sa katuwaang dala nito. Bukod sa mga ideolohiyang ito, patuloy pa ring nararanasan ng LGBTQIA+ Community ang napakalalang diskriminasyon at pandarahas ng lipunan sa komunidad ng sangkabaklaan. Nariyan ang insulto, pamamahiya, pangmamata, pagmamalabis ng ibang tao at marami pang uri ng diskriminasyon na humahantong din sa pananakit at ang masaklap at nakakagalit na pangyayari—ang kamatayan ng isang kapatid sa komunidad at ng isang inosenteng tao. Habang ginagawang katatawanan ng mga lalaking naglalagay ng kolorete sa mukha at nagsusuot ng wig at saya, ay mayroong isang kaawa-awang bakla na patuloy pa ring nagkukubli sa likod ng mga pekeng ngiti dahil sa latay na dulot ng karahasan. At habang rumarampa ang mga lalaki sa social media gamit ang nagtataasang takong ay mayroon namang isang bakla na ang nais lang naman ay makapaglakad sa lansangan nang walang natatanggap na diskriminasyon mula sa taumbayan— ngunit pati ito’y ipinagkait pa sa kaniya. Dilat: Ang Nakapikit na mga Mata ay Tuluyan nang Imulat Kung natutuwa ang mga straight na lalaki at ang lipunan sa natatanggap nitong pansamantalang kasikatan dala ng paggamit sa imahen ng sangkabaklaan bilang katatawanan ay kailangan din nilang malaman na para sa isang katulad ni Baklita, ang nais lamang niya ay ang makapasok sa eskwela nang walang natatanggap na pangmamata at pambubulas mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Kailangang mabasa at marinig ng lipunan ang mga kwentong katulad kay Baklita—ang batang bakla na nagtataka kung bakit nakakatanggap ng panglalait at panghuhusga ang mga kapatid nito sa komunidad samantalang pinupuri at
pinagpipiyestahan naman ng mga straight ang kaparehong galaw, kilos, at ekspresyon na normal naman sana talaga para sa isang makabago at modernong mundo. Kung inonormalisa ng lipunan ang mga straight na gumagaya sa sangkabaklaan ay kailangang “ma-normalize” din ang mga baklang nagsusuot ng saya; naglalagay ng palamuti at kolorete sa mukha; at ang mga baklang naglalakad lang naman sa kalsada upang ipakita ang tunay at makulay na loob nila. Dalikmata: Linawin Nawa ang Labo ng Mata Mahalaga at makulay ang kwentong inihahayag at patuloy na ginagampanan ng sangkabaklaan sa lipunan. Taliwas sa kaisipan na idinikta ng lipunan, ang mga bakla ay hindi na lamang makikita sa loob ng parlor at comedy bars na nagpapaganda at nagpapasaya ng libu-libong tao kundi pati na rin sa iba’t ibang sektor ng lipunan--mula sa mga baklang doktor, pintor, abugado, at maging ang mga baklang tsuper na kumakayod sa kahabaan ng nakakasulasok at maingay na kalsada. Ginampanan din ng sangkabaklaan ang pagtuturo at pagmamalasakit sa mga mag-aaral na ang hangad ay matuto sa tulong at gabay ng mga guro. Hindi kailangang maging bakla ng isang tao upang malaman na malala ang opresyon, diskriminasyon, at karahasang nararanasan ng makulay at masalimuot na komunidad ng sangkabaklaan sa kamay ng isang malupit at mapanghusgang lipunan—maging maka-tao ka lang, sapat na. Kasabay ng hangarin ng isang batang manunulat na maimulat at maliwanagan ang mga mata ni Baklita na malaya siyang maging siya; lakip ang pagnanais kong maipaintindi at maikintal sa puso ng sambayanan na maging bukas upang hayaan ang isang katulad na Baklita na makarampa nang malaya upang makamtan ang pantay na pagtrato at pagkilala ng lipunan sa isang baklang may pangarap, nangangarap, at magbibigay-pangarap hindi lamang sa kapwa nito bakla, kundi pati na rin sa kahit sinumang nagnanais na mabuksan at malinawan ang kanilang puso’t mga mata hinggil sa tunay na kwento ng isang makulay na komunidad.
SAIAH MIQUELA
Walang anumang nilalang sa mundo, ang mas hihigit pa sa lupit at bagsik ng mga tao.
Pasasalamat
Ang zine na ito ay testamento ng patuloy na pakikipagbuno ng Flesh & Blood Artist Collective, at iba pang mga organisasyon at mga indibidwal sa Pilipinas, laban sa mahabang kasaysayan ng diskriminasyon, paghamak, at pagpaslang sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Mag-umpisa man sa pighati ng api, walang kuwentong dapat magwakas sa halakhak ng mga totoong halimaw. Sa iyo na pinakamagandang nilalang sa ibabaw ng lupa, maraming salamat.
Punong Patnugot KIM ARGOSINO Kapatnugot sa Literatura XAVIER TOMAS
MARY LORELEE Kapatnugot sa Sining IAN RAMIL
SAMUEL MONDRAGON Tagapag-anyo ng Pahina ERIKA MARCA
ZANTI GAYARES Disenyo ng Pabalat IAN RAMIL Ukol sa Pabalat KIM ARGOSINO